Lunes, Disyembre 1, 2008

Kawatan, Pork Barrel at Tinik ng Isda

KAWATAN, PORK BARREL AT TINIK NG ISDA
ni Orly Bundalian
NBP Compound, Disyembre 13, 2008

Kanina, maaga akong nagising, around 7:00 a.m., kasi nga pasko na sa kampo, eh, kailangan maaga maligo, kaya lang dahil nga maaga pa, tantiya ko naman 10:00 a.m. pa darating ang mga bisita. Nagkape muna ako, then, nakaugalian ko na rin mag-jogging sa pasilyo, mga 30 min. kasi ayaw ko sa labas, madami kasabay. Mga 30 min. din ako paikot-ikot sa pasilyo. Masakit din sa paa, ha!

Maya-maya, pumasok si Ka Duroy, kasalo namin ito at isa ring political prisoner. Nakita niya, puro tinik na lang ng isda ang natira na ulam namin kagabi. Galit na galit siya. Gigilitan daw niya sa leeg yung pusa.

Sabi ko sa kanya, naturalesa ng pusa ang magbungkal at magnakaw sa pamingganan, kaya dapat pag-ingatan yung itatabi sa gabi, lalo na yung ulam... Or else, talagang nanakawin ito ng pusa.

Masuwerte at kakaiba yung istilo ng pusa kasi nag-iwan siya ng tinik at ulo ng isda.

Kagabi pa ng 11:30 p.m., alam ko na ninakaw ng pusa yung isda namin, ginawa ko, nilagay ko sa gitna yung tinik at ulo para mapansin agad, he! he! he!

Asar na asar si Ka Duroy sa pusa. Nasabi ko tuloy bigla, buti nga, isda lang kinuha sa atin, "Tol, at nagtira pa ng tinik, pero tuloy-tuloy lang ako sa pagjo-jogging ko sa pasilyo.

Naisip ko lang habang nagjo-jogging ako, buti pa ang pusa, ang alam lang nakawin eh yung isda, at kung minsan pa nga eh tumutulong sila para manghuli ng mga pesteng daga.

Pero iyong mga may wastong isip at sobra sa isip, he! he! eh milyon-milyon ang ninanakaw, gaya ng mga animal na senador at kongresista.

Sa bawat daang milyong pork barrel, 20 milyones ang direkta o ligal nilang nakukuha, ligal yun ah! Sus mio! Maraming isda na yun na pwedeng bumusog sa kumakalam na sikmura ng maraming mamamayang maralita, di ba? Ligal pa yun ah, na napapasakamay nila, according kay Hon. Miriam Defensor Santiago... Sus, ligal pa yun ah, eh papaano yung iligal, yung hindi naka-record at nakikita sa kamera? he! he! he! ho! ho! ho!

Partida, senador at kongresista pa lang yan! he! he!

Nakalimot ako, may magnanakaw din pala na naka-Amerikana at may nakalagay pang cabinet sevretary, may nakauniporme pa, sus, andami-dami! he! he! he!

Anak ng tatay, ano pa kaya ang matitira sa sikmura ni Juan Dela Cruz. Yun ang dahilan kung bakit makakapal ang sikmura ng mga ito...

Isip ko uli eh mas pipiliin ko pa siguro yung 1,000 pusa na magnanakaw, kasi isda lang ang kaya nilang nakawin na ganun karami din. Okey na yun. May matitira pa para sa mamamayan, tiyak tayo dun.

Eh, kapag ang isa lang na senador at kongresista ang magnakaw, pati tinik wala nang matitira sa mamamayan.

Kinabukasan natin ang kanilang mananakaw, walang matitira sa taong bayan! hek! hek! hek!

Talaga, nakakabaliw, di ba? Akalain mo, bigla tuloy nainggit sa pusa, di ba? di ba?

Di mo nasasagi sa isipan mo na... "CAT IS BETTER THAN HUMAN."

Pasensya na kung nakasagasa ako.