Linggo, Marso 25, 2012

Ang Dalaga sa Bilibid Viejo - ni G. Bituin Jr.

Ang Dalaga sa Bilibid Viejo
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Halos mabasag ang panga ni Brando, ang siga sa lugar na iyon sa Quiapo, nang masuntok ng isang magandang babaeng hinoldap niya. Sa kapapanood niya ng pelikula nina Jet Lee, tila maalam sa kung fu ang babae. Umaringking siya sa sakit, ngunit di nagpahalata. Tumalikod siya’t mabilis na tumalilis upang di mamukhaan ng babae.

Siya, si Brando, ang siga sa lugar na iyon sa Quiapo, sa lugar na pinangalanang Bilibid Viejo St. Ayon sa kasaysayan, sa kinatatayuan ng lugar nila mismo binitay ng mga Amerikano ang rebolusyonaryong bayaning si Macario Sakay, pati na ang kanyang kasamang si Lucio De Vega.

Malapit lang ang Bilibid Viejo sa iba’t ibang unibersidad na sakop ng University Belt area. Dito nakatira at laging nakatambay si Brando. Patulong-tulong siya sa kanyang ina sa maliit nitong karinderya. Ngunit nababagot siya sa gawaing iyon, kaya naghahanap siya ng ibang mapapagkakitaan. At dahil wala namang natapos at pulos pakikipagbarkada lang ang alam, pinasok niya pati pagdudroga at panghoholdap. At iyon nga, nakatapat niya ang matapang na babaeng nanapak sa kanya.

Dalawang araw ang nagdaan, napansin ni Brando na parang ang babaeng hinoldap niya ay naroon sa Bilibid Viejo at isa sa bagong border ng kanilang kapitbahay. Kanina lang ay bumili ito sa kanyang inang maysakit na nagtitinda-tinda ng kung anu-ano sa may kanto. Nais niyang makilala ang babae, ang magandang babaeng kayganda ng mga ngiti, ang babaeng di niya naisahan at unang nakaalpas sa kanya, ang tanging babaeng nakagulpi sa kanya.

Kinaumagahan, papungas-pungas pa siyang ginising ng kanyang ina. “Hoy, Brando, gumising ka nga diyan at pagbilhan mo muna yung babae at masakit ang balakang ko.” Laking gulat niya nang makitang ang babaeng nanapak sa kanya ang bumibili. Nagulat din ang babae nang makita siya. “Ikaw ang nangholdap sa akin nung isang araw, ah! Buti na lang nakawala ako sa iyong hayup ka!” Ito ang pabulyaw na sabi ng babae, sa harap pa naman ng maraming kumakain doon.

“Brando! Nakilala ka ng biktima mo, ah!” sabi ni Berto, isang barangay tanod.

Nagpanting sa galit si Aling Ema, ang nanay ni Brando. Nasapok niya si Brando sa harap ng marami. Nanliit sa hiya ni Brando. Di niya maitanggi ang kanyang ginawa, at bigla niyang nahawakan ang panga niyang inabutan ng sapak ng babae.

Kinahapunan, umalis siya ng kanilang bahay. Di na siya nakapagpaalam sa kanyang ina, nais niyang mabura sa isipan ang kahihiyang sinapit. Gusto niyang maglayas. Ngunit laking gulat niya ng makita niya muli ang babae. Tila, inaabangan siya. Si Ara. May kasama ito. “Brando, maari ba kitang makausap?” ani Ara. “Magmeryenda muna tayo.”

Nahalina si Brando sa magandang ngiti ng babae at magiliw na pakikitungo nito sa kanya na parang di niya ito hinoldap nung isang araw. Kaya sumama siyang kumain ng hamburger sa kanto ng Bilibid Viejo at Matapang St. “Nakausap namin ang nanay mo. Nagtataka raw siya kung bakit mo ginawa iyon, gayong kahit maysakit siya'y nakakaraos naman daw kayo. At naabutan ka naman daw niya ng kahit kaunting barya. Alam mo, sayang ka, guwapo ka pa naman! Kung ginagamit mo sa kabutihan ang tapang mo, mapapakinabangan ka pa ng bayan. Ilang beses mo na bang ginagawa iyon?” Tanong ni Ara.

“Pangatlo ko lang iyon, Bos. Nagbabaka-sakali lang, para pandagdag sa pambili ng gamot ni ermat. Lagi kasing inuubo, eh. Sa hirap kasi ng buhay, di ako makadiskarte ng matino, Bos."

“Ara na lang itawag mo sa akin. Sabi ng nanay mo, pinapag-aral ka raw, ayaw mo namang mag-aral.”

“Paano pa ako mag-aaral, mga kaklase ko, mga bata. Grade 5 nga lang naabot ko.”

“Wala ka bang pangarap? Ano plano mo sa buhay? Halimbawang trenta anyos ka na, o kaya singkwenta anyos ka na, anong gusto mong maging?” Tanong muli ni Ara.

Napatungo na lang si Brando. “Di ko alam kung paano na mangarap. Mahirap naman kung pangarapin kong maging presidente ng Pilipinas, o kaya piloto ng eroplano, di nga ako nakapag-aral. Tiyak, labas ko nito, tagawalis ng kalsada.”

“Pwede ka pang mangarap, Brando,” sabi ni Ara. “Tulad namin, kailangan mong pag-aralan ang lipunang ito. Alam mo ba kung bakit may dukha, kung bakit laksa-laksa ang naghihirap at may iilang yumayaman, kung bakit naghihirap ang mga masisipag na manggagawa, habang lumulobo sa yaman ang iilang may-ari ng kumpanya? Bakit pag nang-umit ng isang plastik na tinapay ang maralitang nagugutom, kulong agad, pero ang malakihang pagnanakaw ng mga pulitiko sa pondo ng bayan, hanggang sa ospital lang, tulad ni Gloria.”

“Di ko alam iyan, at wala akong panahon diyan. Ang kailangan ko’y pera para mabili ko dapat bilhin,” tumayo na siya’t akmang aalis.

“Hintay muna, Brando. Eto nga pala ang sandaang piso, makakatulong ito sa iyo kahit konti. Nag-ambagan kami ng kaibigan ko para ibigay iyan sa iyo. Huwag ka sana muling manghoholdap, baka makulong ka na sa susunod. At saka bago ka umalis, samahan mo muna kami. Diyan lang sa Mendiola, mga dalawang oras lang, tapos pamimiryendahin ka muli namin.” Sabi naman ng kasama ni Ara, si Mina.

Naisip ni Brando na umalis na dahil nahihiya siyang makaharap ang dalawang ito. Hinoldap na nga niya si Ara, pero nakawala ito nang masapak siya nito. Tapos sasama pa siya sa mga ito. Ngunit di siya nakawala sa dalawa. Para itong mga amasona na inakbayan siya. Buti na lang magaganda ang dalawang ito at kaysarap amuyin ng kanilang pabango. Naglakad sila hanggang Mendiola. Marami nang tao doon. Ibinigay ni Mina kay Brando ang isang plakard. “Nababasa mo ba ito?”

“Marunong naman akong magbasa, Grade 5 nga inabot ko, eh.” Binasa niya ang nakasulat: “Presyo ng Langis at LPG, Ibaba! - Sanlakas - BMP - KPML - PLM”.

Sa isip ni Brando, alam na nina Ara at Mina kung saan siya pupuntahan. Makakapangholdap pa ba siya? Pero naisip niya, buti na lang di siya ipinapulis ng mga ito’t baka ngayon, nasa bilibid na siya. Hawak ang plakard ay nakinig na lang siya sa mga nagsasalita sa trak. Maya-maya, tinawag si Ara para magsalita.

Hawak ni Ara ang megaphone at sinabi nito: “Naririto tayo ngayon upang ipaglaban ang ating mga karapatan! Tinanggalan ng bahay ang ating mga kasamang maralita sa Mariana, Tatalon, at R10. Biktima ng kontraktwalisasyon ang marami nating manggagawa. At ngayon, patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis at LPG! Apektado ang iba pang bilihin! Walang magawa ang gubyerno kundi sundin ang atas ng mga kauri nilang kapitalista! Walang mapala ang mamamayan sa kanila, kundi pawang kahirapan! Nasaan na tayo, kabataan? Kailangan ba nating mangholdap na lang para maibsan ang ating kahirapan, para may pandagdag gastos para makabili ng gamot ng ating ina, gayong pinahihirapan natin ang ating kapwa? O ang tama ay makibaka tayo para baguhin ang ating kalagayan sa ilalim ng kapitalistang sistemang ito na yumurak sa dangal ng ating pagkatao at dahilan ng pagkawasak ng buhay ng marami? Halina, mga kapwa ko kabataan! Pag-aralan natin ang lipunan at makibaka tayo para sa isang makatarungang lipunan para sa lahat. Rebolusyon! Halina’t ipaglaban natin ang sosyalismo hanggang sa tagumpay!”

Nakatitig si Brando kay Ara. Ang ganda-ganda ni Ara. At pagkaganda-ganda ng kanyang sinabi, nanunuot sa kaibuturan ng kanyang diwa. Tama si Ara, sa isip-isip niya. Bakit nga ba siya manghoholdap kung kapwa niya mahihirap ang binibiktima niya? Mayaman na lang kaya ang kanyang biktimahin? O ang mas mabuti, makiisa siya kina Ara para ipaglaban ang isang magandang bukas?

Natapos nang magsalita ni Ara, at iniabot na sa iba ang megaphone. Ngunit si Brando, nakatulala kay Ara. Parang umaalingawngaw pa rin sa kanyang pandinig ang mga salitang pinagdiinan ni Ara kanina sa megaphone: Rebolusyon. Sosyalismo. Ano ang mga ito? “Maraming salamat, Ara. Nabuksan ang isip ko ng sinabi mo. Ayaw ko nang mangholdap, pero di ko alam ang gagawin ko.”

"Totoo ba iyan, wala nang holdap-holdap, ha? Pangako?"

"Pangako," nagugulumihanang sagot ni Brando.

“Mabuti pa, sumama ka na lang sa sunod na rali namin. Pero bago iyon, may pag-aaral mamaya sa tinutuluyan ko. Ang paksa “Aralin sa Kahirapan”, dalo ka doon, ha? At saka usap pa tayo. Marami pa tayong pag-uusapan. Papunta na nga pala kami roon.” Tumango siya. Mula Mendiola, sabay silang bumalik ng Bilibid Viejo.

Bagong buhay, bagong pangarap, bagong pag-asa. Ito ang naramdaman ni Brando sa mga bago niyang kaibigan. Ang nais niyang takasang Bilibid Viejo noon ay binago ng dalagang nakilala niya't nanirahan na sa kanilang lugar sa Bilibid Viejo.

Sabado, Marso 3, 2012

Ang Mundo ay Triyanggulo - ni Ohyie Purificacion

ANG MUNDO AY TRIYANGGULO
ni Ohyie Purificacion

Kung sino ang kakaunti ang nasa tuktok…ang mas nakakarami ang nasa ibaba..

Ang marami na may sakit, nagsisiksikan sa charity ward..iisa pa ang doctor..

Habang ang isang mayaman, na kahit hindi pa malala ang sakit, ang kuwarto'y nakakalula sa laki, may medical team pa..
Pag namatay sa gutom ang marami, itinatago ang balita, pero pag isang mayaman ang nadedo
Nagkakagulo ang midya, nag-aagawan pa sa live coverage..

Ang maraming anak..nag-aagawan sa kakarampot na pagkain, wala pang kumportableng tulugan..
Pero ang nakatira sa mansion, ang daming pagkaing natatapon lamang sa basurahan..
Ang kuwartong tulugan, puwede nang tirahan ng isang pamilya..
Pag meron pa nagpakita ng titulo na sa kanya ang lupa..tirahan ng marami'y demolisyon agad..
Pero pag sa Forbes Park, Ayala Alabang, guwardyado na, may cctv camera pa..

Ang maraming estudyante sa public school, nagtitiis sa masikip na silid-aralan, sira-sirang upuan, punit-punit na libro
Pag minalas pa, sa ilalim na lang ng puno magleleksyon
Pero ang mga burgis sa Ateneo at La Salle, kakaunti na, naka-aircon pa, hatid-sunod ng yaya, naka-tsekot pa

Hay, ang mundo ay triyanggulo, kung sino ang kakaunti ang nasa tuktok, ang mas nakararami ang nasa ibaba..
Panahon na! Baligtarin ang triyanggulo! Gamitin na ang kapangyarihan ng masa, para sa uri, para sa tunay na pagbabago

Si Violy - ni Ohyie Purificacion

Si Violy
ni Ohyie Purificacion

Maraming bumibili sa malaking tindahan, lahat ay nagmamadali kaya sumisingit ang ilan para maunang magsabi sa tindera ng kanilang bibilhin. Si Violy at ang isang anak na kanyang bitbit ay nasa isang sulok at tila naalangang magsabi sa mga tindera.

"Ate, ano ba bibilhin mo?" Nagulat pa si Violy sa pagtatanong ng tindera.

"Ah e.. mamaya na lang. Unahin mo muna sila." Napanatag ang loob ni Violy, mukhang mabait ang tinderang nakapansin sa kanya.

"O sige ate mag-isip ka na muna kung anong bibilhin mo, sagot ng tindera na ngumiti pa sa kanya. Maya-maya, si Violy na lang at ang kanyang anak na karga ang natira sa harap ng tindahan.

"O ano ate, ano bang bibilhin mo?" ang tindera uli na nagtanong sa kanya kanina.

Nahihiya si Violy na magsalita, ngayon lang siya nakalabas ng bahay para bumili sa tindahan. Nasanay si Violy na ang asawa niyang si Efren ang nag-uuwi sa bahay ng lahat ng kanilang pangangailangan. At kahit ang simpleng pakikipagkwentuhan sa kapitbahay ay hindi niya nagagawa. Bukod sa pinagbabawalan siya ni Efren, marami siyang ginagawa sa bahay. Kulang pa ang bente kuatro oras kung tutuusin sa dami ng gawaing bahay at pag-aalaga sa kanilang anim na anak. Drayber ng jeep ang trabaho ni Efren. Madalas gabi na ito umuuwi. Gusto ni Efren na gising pa si Violy pag dumarating siya ng bahay. Obligasyon niyang asikasuhin ang asawa, ito ang sabi ni efren sa kanya simula pa nang sila ay magsama bilang mag-asawa.

"Ako ang nakapantalon dito sa bahay, kaya lahat ng gusto ko masusunod, ako ang nagpapakain sa inyo!" Natatandaan nya, ito ang malimit sabihin sa kanya ni Efren. At kahit minsan hindi siya naabutan ng pera nito, pati mga baon sa eskwela ng mga bata ay si Efren ang nagbibigay. Minsan, sinubukan niyang humingi ng pera kay Efren.

"Aanuhin mo naman ang pera hindi ka naman marunong humawak nito!" bulyaw sa kanya ni Efren.

Nakaramdam si Violy ng pagkapahiya sa sarili, pero iwinaglit na lang kaagad ni Violy ang saloobin. Tutal si Efren naman ang nagtatrabaho. At siya, tanggap niya na ang trabaho niya ay asikasuhin ang buo niyang mag-anak. Hindi na mahalaga kay Violy kung ano ang gusto niya.

"Inay, sabi ng titser ko, may miting sa iskul ang mga nanay," si Kyla ang panganay na anak ni Violy. "Hayaan mo, sasabihin ko sa tatay mo. Si tatay naman gabi na umuuwi. Minsan madaling araw pa”, pagpapatuloy ni Kyla.

"Saka bakit ba lagi si tatay, hindi ka ba marunong umatend ng miting? saka sabi ng titser ko ang kailangan dun nanay."

Nataranta si Violy hindi alam ang isasagot sa anak. "Wala kasi akong maayos na damit anak, saka tingnan mo nga hitsura ng nanay mo bungi na payatot pa,” naisip na idahilan ni Violy kay Kyla.

"E ano naman ’nay, ang iba nga mga nanay ng mga klasmeyt ko ganyan din.. baka ayaw lang ni tatay na lumabas ka kasi siya may ayaw na makita ka ng mga tropa nya sa kanto na ang asaw niya ganyan ang hitsura. Mag-ayos ka kasi ng sarili mo, ’nay", sagot ni Kyla.

Matalino si Kyla, katunayan ito ang nangunguna sa kanilang klase.

"Paano ba ako makakalabas ng bahay, sa pag-aalaga ko na lang sa inyo kulang pa oras ko. Araw-araw, dami kong labahin. Sa kapatid mo ngang bunso, minsan ayaw pa magpababa laging umiiyak." Hindi pinansin ni Violy ang sinabi ni Kyla. Hindi na kumibo si Kyla, pero pakiramdam ni Violy, totoo ang sinasabi ng anak, pero paano ba niya mababago ang kanyang sitwasyon, sa umpisa pa lang naitali na siya ni Efren sa bahay.

Hatinggab,i nagulantang si Violy sa pagkakaidlip niya sa sopa sa loob ng kanilang bahay. Nagkakahulan ang mga aso. Bigla ang bukas ng pinto, si Efren na tila takot na takot. Kasunod ni Efren ang apat na armadong mga pulis. Sa loob ng kanilang bahay hinampas sa ulo ng puluhan ng baril si Efren, sabay posas sa mga kamay nito. Hindi makahuma si Violy, nahimasmasan lang siya ng umiyak na ang kanyang mga anak na nagising din at natakot sa nakitang pagdakip ng mga pulis kay Efren.

Si Kyla ”saan nyo dadalhin tatay ko?"

"Matagal nang wanted itong tatay nyo, holdaper ito. At marami na rin itong nabiktimang mga pasahero niya." Walang kagatol-gatol na sagot ng mga pulis.

"Kayo ba ang misis?" Sabay baling kay Violy ng isang pulis. "Sumunod kayo sa presinto."

"Sandali po mamang pulis, sasama ako baka kung saan nyo dalhin ang asawa ko." Nagmamadali si Violy sumunod sa mga pulis binilinan si Kyla na alagaan muna ang mga kapatid.

Nakulong si Efren. Walang sapat na halaga si Violy para sa piyensa nito. Wala siyang malalapitan para hingan ng tulong. Nakatulala si Violy sa loob ng kanilang bahay, wala pang pagkain ang kanyang mga anak, kung anu-anong naiisip ni Violy. Alam niya, mahina ang kanyang ulo na mag-isip, lagi nga siyang sinasabihan ni Efren ng "Tanga! Bobo!"

Pero kailangan niyang kumilos. Kailangan niyang buhayin ang kanyang mga anak. Nanay siya, ito ang pinapatatag ni Violy sa isip niya.

Si Kyla, "Nay, kaya natin ito, hindi ka mahina, malakas ka nga e.. kailangan mo lang magtiwala ka sa sarili mo, lumabas ka sa comfort zone mo." Hindi maintindihan ni Violy ang sinasabi ng anak na comfort zone, pero alam ni Violy sa isip niya ang gustong ipaunawa ni Kyla.

"Alam mo, ’nay, sabi ng titser ko, ako daw po ang balediktoryan, at ikaw ang magsasabit sa akin. O, di ba, masaya ’nay", pag-aalo ni Kyla sa ina. Naramdaman ni Violy na hindi pala siya nag-iisa, makakasama niya ang kanyang anak sa pagkilos para mabago ang kanyang buhay.

Tuwang-tuwa si Violy nang iabot sa kanya ang sobreng naglalaman ng kanyang sahod. Tinulungan siya ng titser ni Kyla na matanggap sa canteen ng eskwelahan. Masarap sa pakiramdam ni Violy na hawak niya ang bayad sa kanyang pinagpaguran. At mabuti na lamang mababait ang kanyang mga anak, nagtulong-tulong sila sa gawaing bahay, hati-hati sa trabaho. Nakatulong na rin si Kyla sa kanya, natuto si Kyla gumawa ng mga kendi na dinadala niya sa iskul.

Hawak ni Violy ang perang ipambibili niya ng pagkain, at ngayon pakiramdam niya, malaya na siya, buo na ang tiwala niya sa kanyang sarili. At mahigpit din ang hawak niya sa kanyang anak, ang nagpapatatag sa kanya bilang ina, bilang babae. Ngumiti siya sa tindera, Ang hiya niya kanina ay napalitan na ng lakas ng loob. At ito ang bago niyang hamon.