Sabado, Hulyo 5, 2025

Walang pagod sa pagkilos

WALANG PAGOD SA PAGKILOS

walang pagod pa rin sa pagkilos
ang tulad kong makatang hikahos
nakikibaka pa rin ng taos
kikilos kahit walang panggastos

basta lang tula pa rin ng tula
ang prinsipyado't abang makatâ
paksa'y dukha't problema ng bansa
at kasanggang uring manggagawa

tuloy ang pagkilos sa kalsada
patuloy pa ring nakikibaka
asam ay makamtan ang hustisya
para sa obrero't aping masa

puso'y maalab, kapara'y apoy
nadarama ma'y hirap at kapoy
pasan man ay mabigat na kahoy
pagkilos dapat ay tuloy-tuloy 

- gregoriovbituinjr.
07.05.2025

Biyernes, Hulyo 4, 2025

Ulat ng grupo hinggil sa torture

CAT - Convention Against Torture
ULAT NG GRUPO HINGGIL SA TORTURE
(binigkas para sa isa sa walong thematic groupings sa workshop sa CHR)

Anti-Torture Act na'y naisabatas
nagdaan na'y labing-anim na taon
nakasuhan ay iisa pa lamang
nag-tortyur kay Jeremy Corre iyon

niratipika ng bansa ang OPCAT
to prevent torture, at may NPM pa
ang National Preventive Mechanism
na CHR daw ay maitalaga

may panukalang batas sa NPM
sa Kongreso't Senado'y naitanim
na dapat maging ganap na batas na
upang kulungan ay nabibisita

upang walang torture na magaganap
at walang nakabilanggong maharap
sa tortyur na talaga ngang pahirap
sana nga ang bayan ito'y magagap

jail decongestion ay dapat i-address 
anti-terror act ay dapat maalis
bilanggo'y huwag ituring na ipis
sila'y tao ring di dapat matiris

- gregoriovbituinjr.
07.04.2025

Huwebes, Hulyo 3, 2025

Pahimakas kay kasamang Rod

PAHIMAKAS KAY KASAMANG ROD
(binigkas ng makatang gala sa pugay-parangal)

sa iyo, kasama, pagpupugay
sa pagpapatibay mo ng hanay
sa adhikaing lipunang pantay
para sa masa, misyon mo'y lantay

ating kasamang Rod Guarino
mahusay makitungo sa tao
kasama ng guro, prinsipyado
organisador siyang totoo

naging secgen namin sa BMP
naging pangulo namin sa XD
organisador pa ng TDC
at sa Ating Guro pa'y nagsilbi

salamat sa lahat ng nagawa
pinaglaban ang isyu ng madla
kasangga ng uring manggagawa
kaisa ng guro't maralita 

pakikibaka ang ibinunsod
ng pagkilos mo at paglilingkod
ginhawa ng masa'y tinaguyod
taasnoong pagpupugay, Ka Rod

- gregoriovbituinjr.
07.03.2025

* BMP - Bukluran ng Manggagawang Pilipino
* XDI - Ex-Political Detainees Initiative
* TDC - Teachers Dignity Coalition 
* Ating Guro party list

Martes, Hulyo 1, 2025

Nilay sa Fiesta Carnival

NILAY SA FIESTA CARNIVAL

kinakaya ko ang lahat
ang totoo'y di pa kaya
kunwari, kaya ko lahat
bagamat naluluha pa

kaya sa tambayan namin
ni misis ng isang beses
ay doon nagmuni-muni
ng salu-salong kaytamis

kanina, mga papeles
ay di ko maunawaan
bagamat naintindihan
ang sinabi ng kausap

di madali ang ganito
kunwari'y kinakaya ko
sa nakasamang totoo
pagpasensyahan po ako

di ko pa kaya? kaya pa?
kakayanin ko talaga
kahit na wala na siya
sana nga'y kayanin ko pa

- gregoriovbituinjr.
07.01.2025

P50 dagdag sahod sa Hulyo 18

P50 DAGDAG SAHOD SA HULYO 18

imbes na dalawang daang piso
dagdag sahod ay limampung piso
pabor ba ito sa mga grupo
ng manggagawa o ng obrero

mabuti nang may dagdag, sabi nga
ng kapitalista, kaysa wala
pabor ba ang uring manggagawa
na limos lang ang bigay na sadya

aba, ito'y sa NCR pa lang
paano ang nasa lalawigan
kaawa-awa ang kalagayan
ng mga lumikha ng lipunan

anong liit ng kanilang sahod
sa ekonomya, sila'y gulugod
likha ng likha, kayod ng kayod
kaysisipag sapatos ma'y pudpod

- gregoriovbituinjr.
07.01.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Hulyo 1, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Lunes, Hunyo 30, 2025

Sa huling araw ng Hunyo

SA HULING ARAW NG HUNYO

pulos sulat
di maawat
pulos tulâ
ang mahabâ

ang pasensya
habang masa
ninanasa
ay hustisya

iyan pa rin
ang gagawin
tatapusin
ang labahin

magsasampay
magninilay
kahit panay 
luha't lumbay

diwa'y tuon
sa nilayon
inspirasyon
yaong misyon

basahin mo
ang akdâ ko
kahit ako
ay ganito

pag nahagip
ang nalirip
naiisip
ang nasagip

tapusin na
ang giyera
mundo nawa'y
pumayapa

- gregoriovbituinjr.
06.30.2025

Keychain

KEYCHAIN

tila isa na niyang pamana
ang keychain na may aming larawan
ito'y isang remembrance talaga
na aking dapat pakaingatan

gagamitin ko na rin ang susi
sino pa nga bang gagamit nito?
mga Mulawin ba't mga Sangre?
gayong sila'y nasa ibang mundo

ang keychain ay naroon sa kitchen
kung pakikinggan mo'y magkatugma
keychain, nasa kitchen, walang chicken
sa pagtutugma'y nakatutuwa

buti't itong aking diwa'y gising
sa panahong kaysarap magsulat
mamaya'y tiyak nang mahihimbing
upang bukas muli ay magmulat

- gregoriovbituinjr.
06.30.2025

Linggo, Hunyo 29, 2025

Bagong gupit, bagong pagharap sa buhay

BAGONG GUPIT, BAGONG PAGHARAP SA BUHAY

pagdating sa lungsod, plano kong magpagupit
tanda iyon ng bagong pagharap sa buhay
semikalbo ang sa barbero ay sinambit 
at ako nama'y ginupitan niyang tunay

haharapin ang buhay nang wala si misis
haharap sa buhay nang wala ang kabiyak
hindi araw-gabing laging paghihinagpis
dapat patuloy ang buhay sa tinatahak

bagamat may lumbay sa kanyang pagkawala
subalit minsan nga'y aking naitatanong
ilang taon kaya bago muling sumigla?
tulad ng puno bang taon din kung yumabong?

magpapatuloy ang buhay, titindig ako
haharapin anumang sigwa ang dumatal
ayaw ni misis na napapabayaan ko
ang sarili, salamat sa payo ni mahal

- gregoriovbituinjr.
06.29.2025

Subic, sakop pa ba ng U.S.?

SUBIC, SAKOP PA BA NG U.S.?

natanggal higit tatlong dekada na
ang base militar ng Amerika
may panukala mga solon nila:
Subic ay gawing imbakan ng bala

Pilipinas ba'y kanila pang sakop?
ang ating bansa ba'y bahag ang buntot?
ay, tayo pa ba'y kanila pang sakop?
balita itong nakabuburaot

di ba't iyang base na'y pinatalsik
kasama na pati ang Clark at Subic
bantang digmaan ay kanilang hibik
habang tayo rito'y nananahimik

panukala nila'y ating tutulan
halina't kumilos na, kababayan
baka madamay pa ang mamamayan
sa gerang di naman natin digmaan

- gregoriovbituinjr.
06.29.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante, Hunyo 29, 2025, pahina 3

Pagkatha

PAGKATHA

ang pagkatha'y kawili-wili
ngunit pagbabakasakali
sapagkat madalas madugo
ang pinagdaanang proseso

dugo't pawis ang kumakatas
animo'y ritwal ng pag-utas
mainit ay nangangaligkig
pinagpawisan sa malamig

itim na tinta'y pumupula
at sa kwaderno'y nagmamantsa
kayraming dukhang humihibik
na parang kandilang tumirik

sinulat ang dama ng api 
siniwalat ang namumuni

- gregoriovbituinjr.
06.29.2025

Martes, Hunyo 24, 2025

Imortal

IMORTAL

sa akin, ikaw na'y imortal
ganyan kita ituring, mahal
sa puso ko, ika'y espesyal
na nilagay ko sa pedestal

nasa dampi ka nitong hangin
nasa ulap sa papawirin
akin kitang titingalain
bituin sa gabing madilim

di mauubos ang salita
kahit maupos ang kandila
imortal ka sa puso't diwa
at buhay ka sa aking tula

ang buti mong taglay palagi
ang kaysarap hagkan mong labi
ang kaygandang mukha mo't ngiti
sa puso ko'y mananatili

- gregoriovbituinjr.
06.24.2025

* larawan mula sa google

Lunes, Hunyo 23, 2025

Nakakapanibago ang lahat

NAKAKAPANIBAGO ANG LAHAT

nakakapanibago ang lahat
ay, di na pangkaraniwang araw
ang araw-araw na di ko sukat
akalaing lalaging mapanglaw

binubuhay na lang ang makatâ
ng kanyang kasipagang tumulâ
na samutsari ang pinapaksa
para kay misis, para sa madla

kaylambing niyang ngiti'y wala na
di na marinig ang kanyang tawa
kayakap matulog ay wala na
nilalambing-lambing ko'y wala na

buti't may Taliba pa ring dyaryo
na daluyan nitong tula't kwento
para sa dukha't uring obrero
na asahan pong itutuloy ko

sa uri't bayan pa'y maglilingkod
sariling wika'y itataguyod
ikampanyang itaas ang sahod
kahit ang sapatos ko na'y pudpod

- gregoriovbituinjr
06.23.2025

Pagkakape ng sinangrag

PAGKAKAPE NG SINANGRAG

kung tapuy ay rice wine, ang sinangrag
ay rice coffee, bigas na sinangag
hanggang masunog, pinakuluan
sa tubig nang maging kape naman

tatak sa tasa, may sinasabi
naroon ay "This is you. This is me."
nagsinangrag umaga at gabi
sa sarap nito'y di magsisisi

isa lamang sa natutunan ko
kaysarap, nalasahang totoo
panlinis pa raw ng tiyan ito
pampatatag ng katawa't buto

noong araw, walang gatas kundi am
mula sa bagong aning palay man
nabuhay rito ang kabataan
kaya malalakas ang katawan

maganda ang epekto sa ating
kalusugan, kaygandang inumin
natutunang ito'y gagamitin
upang ang iba'y makainom din

- gregoriovbituinjr.
06.23.2025

Sabado, Hunyo 21, 2025

Dalawang tulos ng kandila

DALAWANG TULOS NG KANDILA

may dalawang tulos ng kandila
sa tabi ng kanyang hinimlayan
habang naritong sinasariwa
ang aming mga pinagdaanan

tila nakatindig lang ang apoy
di makasayaw dito sa silid
habang dama ko'y kapoy na kapoy
at luha sa pisngi'y nangingilid

tila kami ni misis ang tulos
ng kandila, magkasama lagi,
na balang araw ay mauupos
ngunit pagsinta'y mananatili

sing-init ng apoy ang pag-ibig
di magmamaliw kahit maglaon
na mananaig kahit malamig
ay, kahit malamig ang panahon

- gregoriovbituinjr.
06.21.2025

Miyerkules, Hunyo 18, 2025

Nilay

NILAY

di lang ilang araw pagod
di lang ilang araw puyat 
kundi ilang araw tulala

ay, baka di lang ilang araw
baka ilang linggong tulala
baka ilang buwang tulala

subalit dapat magpalakas
at makapag-isip ng tama
dapat huwag magpagutom

huwag laging matutulala
dinggin ang bawat paalala
ni misis, sarili'y ingatan

ay, di ko sukat akalaing
kay-aga niyang mawawala
sa edad apatnapu't isa

ay kay-aga niyang nawala
dalawang beses naospital 
nang tumama sa kanya'y blood clot
kung saan namuo ang dugo

ang una'y sa kanyang bituka
na nilunasan ng blood thinner
ikalawa'y doon sa utak
pagitan ng vein at artery

pagsasama nami'y napugto
nang kanyang buhay ay naglaho

ay, di ko sukat akalaing
kay-aga niyang mawawala 
sa edad na kwarenta'y uno
buhay niya'y agad naglaho

- gregoriovbituinjr.

06.18.2025 

Martes, Hunyo 17, 2025

Payo sa tulad kong Libra

PAYO SA TULAD KONG LIBRA

tinapik ako ng malamig na hangin
tulad ng pagtapik ni misis sa akin
habang may musika sa silid ng lumbay
may naggigitara habang naglalamay

di ako naniniwala sa horoscope
subalit payo nito ay tila angkop
gamot daw sa lungkot ang ihip ng hangin
tulad ng tumapik na hangin sa akin

nakahiligan kong bumili ng dyaryo
nagsasagot ng palaisipan dito
sa Bulgar, may horoscope itong katabi
na minsan, mababasa ko ang sinabi

oo, isa akong Libra, Oktubre Dos
kaya horoscope ko'y binasa kong lubos
salamat po sa payo nitong kaysidhi
sa panahon ngayong nagdadalamhati

- gregoriovbituinjr.
06.19.2025

* mula sa horoscope sa pahayagang Bulgar, June 17, 2025, p.9

Gawaing pagsasalin

GAWAING PAGSASALIN

nang maiburol si ama 
noong nakaraang taon
may gawaing pagsasalin
ako noong tinatapos

nang ibinurol si misis
na namatay din sa sakit
may gawaing pagsasalin
ako ngayong tinatapos

nitong Marso'y inilunsad
ang aklat kong isinalin
ilang taong nakaraan
ay tatlong aklat pambata

magmula sa wikang Ingles
ay isasa-Filipino
maging tapat sa pagsalin
at maunawaan ito

pagsasalin ay trabaho
kong pinagkakakitaan
trabaho'y tuloy, panahon
man ng pagdadalamhati

may deadline, nais tapusin
kahit nasa burol man din
isang gawaing niyakap
ng buong puso't layunin

- gregoriovbituinjr.
06.17.2025

Lunes, Hunyo 16, 2025

Kay Libay, mula sa Kamalaysayan

KAY LIBAY, MULA SA KAMALAYSAYAN

naging bahagi rin si Libay ng Kamalaysayan
Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
bilang treasurer habang ako'y sekretaryo naman
noon pa, bago pa kami ikasal nang tuluyan

ang namayapang ama'y historyador kaya siya
ay nag-training sa NCCA para sa historya
o kasaysayan ng sariling pamayanan nila
sa Mountain Province, isulat ang kanilang kultura

habang sa akin ay Katipunan at Bonifacio
ang mga sulating makasaysayan ng Supremo
mga akda ni Gat Andres at Emilio Jacinto
pati Kartilya ng Katipunan ay sinaulo

pinapangarap naming ang bayan ay may liberty
mula sa mga pagsasamantala't pang-aapi
ngunit wala na, wala na ang aming si Liberty
alay ay dasal "From Your Kamalaysayan Family"

- gregoriovbituinjr.
06.16.2025

* ang litrato ay kuha mula sa ibinigay ni kasamang Dado Sta. Ana kay Greg sa panahon ng pagdadalamhati
* NCCA - National Commission on Culture and the Arts

Linggo, Hunyo 15, 2025

Unang gabi ng lamay

 

UNANG GABI NG LAMAY

hapon nang tumawag sa akin ang punerarya
ready for viewing na raw, pwede na raw pumunta
nakahiga na si misis sa kanyang himlayan
habang ako'y nangangatal sa aking nagisnan

di ako makapaniwala sa nangyayari
loob ko'y lumuluha, di ako mapakali
tulala pa rin, nagdatingan man ang marami
sa labi ko'y walang lumabas, walang masabi

nagdatingan ang mga Climate Walker sa lamay
at pinadama ang kanilang pakikiramay
noon nga si misis ay kanilang nasilayan
nang maglakad kaming Maynila hanggang Tacloban

ika nga namin, kami nga'y magkakaPAAtid
adbokasya'y paglalakad, isyu'y hinahatid
sa napupuntahan ay ipinauunawa
tulad na lang ng isyung climate justice sa madla

pasasalamat ko'y sa tula na lang dinaan
nanginginig pa rin at nagugulumihanan
nakakatula man, ako'y natulala pa rin
wala na si misis ay di sukat akalain

- gregoriovbituinjr.
06.15.2025

Dad, Happy Father's Day po in Heaven

DAD, HAPPY FATHER'S DAY PO IN HEAVEN

Dad, Happy Father's Day po in Heaven
Thanks po sa ginawa n'yo sa amin
noong kayo pa po'y nabubuhay
upang kami'y lumaking matibay

aming edukasyon ay tiniyak
at pinalaki kaming marangal
natuto sa mga pangaral mo
na tindigan ang aming prinsipyo

sa gulang mong walumpu't dalawa
nang sa ospital ay pumanaw ka
mahigit isang taon na ngayon
nang sa piling, mawala ka noon

maraming maraming salamat, Dad
at kami'y pinalaking matatag
ngayon, ginugunita ka namin
Dad, Happy Father's Day po in Heaven

- gregoriovbituinjr.
06.15.2025

* litrato mula sa google

Biyernes, Hunyo 13, 2025

Panimdim

PANIMDIM

kaysakit sa dibdib, di siya maiburol
pagkat di pa buo ang bayad sa ospital
sa ganito nilang sistema, ako'y tutol
dalawang araw sa morgue, ganyan katagal

sana ospital aming mapakiusapan
kamag-anak, kaibigan na'y nagpaikot
upang makaambag sa pagkakagastusan
habang nahaharap sa panibagong gusot

ang mga nangyayari'y talagang kaysaklap
ay, maninikluhod na ako sa kanila!
promissory note ay ginawa naming ganap
dalawampu't anim na doktor mapapirma

tila nakabitin pa rin kami sa ere
sana may paraang agad magawa kami

- gregoriovbituinjr.
06.13.2025 ng madaling araw

Martes, Hunyo 10, 2025

CLAYGO - Clean As You Go

CLAYGO - Clean As You Go

magandang panuntuan ang CLAYGO
na kahulugan ay Clean As You Go

una kong nakita sa kantina
ng ospital at nang mabisita
ang napuntahan kong opisina

ganito'y una kong naranasan
bilang obrero sa pagawaan
ilang dekada nang nakaraan

di man nasulat noon ang CLAYGO
disiplina namin ay ganito
waiter kasi noon ay di uso
at di dapat astang senyorito
mag-aayos ng pinagkainan
ay yaong kumain, ikaw mismo

hanggang ngayon, ito'y aking dala
kahit pa saan ako magpunta
di sa restoran, kundi sa erya
ng manggagawa't maralita pa

sa panuntunang ito'y salamat
na sana'y magamit din ng bawat
opisina upang walang kalat
ginamit mo, hugasan mo dapat

- gregoriovbituinjr.
06.10.2025

* litratong kuha ng makatang gala sa kantina ng St. Luke's Medical Center, QC, at sa opisina ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)

Ang payo ni Mang Nilo

ANG PAYO NI MANG NILO

minsan, sa komiks nagmumungkahi
ng ideyang iyong mapupuri
tulad kay Mang Nilo pag sinuri
ang komiks na Bugoy ng may ngiti
nang makabawas sa mga hikbi

pinaksa niya'y riding-in-tandem
na ginamit madalas sa krimen
dalawang tao, pawang salarin
isa, motor ay patatakbuhin
isa pa, target ay babarilin

payo ni Mang Nilo ay pakinggan
ibahin daw ang disenyo naman
ng motor, upuan ay iksian
malaki ang gulong sa hulihan
wala ring kaangkas sa likuran

disenyong pang-isahan talaga
na dinadaan lang sa patawa
subalit nagmumungkahi siya
sino ang makikinig sa kanya?
nang riding-in-tandem, mawala na

- gregoriovbituinjr.
06.10.2025

* komiks mula sa pahayagang Pang-Masa, Hunyo 10, 2025, p.7

Payò ng mga ninunò

PAYÒ NG MGA NINUNÒ

aral ng mga ninunò
sana'y atin pang mahangò
huwag hayaang maglahò
ang kanilang mga payò

- gregoriovbituinjr.
06.10.2025

* lahok sa isang patimpalak sa dalit

Sabado, Hunyo 7, 2025

Usapang keso

Usapang keso

Makasarap ba ang keso?
Sino kanyang binebeso?
Makamasa bang totoo?
O masa'y nagoyo nito?

O baka sara-sarado?
Kasintunog ng Senado?
Sinara ng hepe nito
Ang pinagbilhan ng keso?

O BugBog Man ay Sarado?
Pagkat natunaw ang keso?
Gayong may heart naman ito
Walang puso ba, ikamo?

Paumanhin sa tanong ko
Pagkat bansa'y nagugulo
Makasara daw sa pwesto
Makasarap na raw dito

Marahil duwag ang ulo
Pinuno pa naman ito
Urong bayag, O, bayan ko
Anong gagawin ng tao?

Ah, pababain sa pwesto
Ang di na lingkod ng tao
Na naging ganid sa keso
Este, suwapang sa pwesto

- gbj
06.07.2025

Libreng libing, sana libreng pagpapaospital din

LIBRENG LIBING, SANA LIBRENG PAGPAPAOSPITAL DIN

parang pampalubag loob na lang sa masa
sa ilalim ng kapitalistang sistema
iyang libreng libing para sa mahihirap
na aprub na raw sa Senado, anang ulat

kung kaya naman pala ang libreng libing
para sa mahihirap ay baka kaya rin
nilang magpasa ng batas na para naman
sa libreng paospital ng dukhang maysakit

kung dukha'y may libreng libing kapag namatay
sana dukhang maysakit ay libreng mabuhay
subalit sa ilalim ng lipunang ito
lahat pinagkakakitaan ng negosyo

pati na ang karapatan sa kalusugan
ay di na karapatan, dapat mong bayaran
at dapat pa'y kwalipikado kang mahirap
para sa Indigent Funeral Package nila

sino kayang mahirap ang kwalipikado?
yaong buto't balat na't payat na totoo?
yaon bang walang kayod, walang sinusweldo?
na sa barungbarong lang nakatira ito?

bagamat may batas na Cheaper Medicine Act
murang gamot imbes libreng gamot sa dukha
may Free Indigent Hospitalization Act ba?
libreng pagpapaospital na gagaling sila?

walang libre sa kapitalistang sistema
dapat sa karapatan mo sila'y kumita
dapat sa ganitong sistema'y palitan na
at maralita'y magrebolusyon talaga

- gregoriovbituinjr.
06.07.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Hunyo 3, 2025, pahina 2

Ibang pagkatao'y huwag hanapin sa akin

IBANG PAGKATAO'Y HUWAG HANAPIN SA AKIN

pag inisip mong maging negosyante ako
o ang maging kapitalista sa obrero 
o sa isang kumpanya ay maging C.E.O
ay baka ibang tao ang hinahanap mo

pag hiniling mong lagi akong nakabarong
o nakapolo, o mukhang disente roon
pumuti pa't kuminis ang balat ko ngayon
ay baka ibang tao ang hanap mong iyon

mapapalitan ko ba ang anyo't sarili
dahil iyon ang kanilang gusto't sinabi
baka ibang tao ang hanap nila dini
kung sino ako ay di ko maiwawaksi

tunay namang bawat isa'y dapat umunlad
subalit kapitalista'y di ko katulad
pag nagnegosyo ba'y tanda na ng pag-unlad?
habang karapata'y niyurakan nang lantad?

ibang tao'y huwag mong hanapin sa akin
di ko mababago ang katauhang angkin
kung ibang pagkatao'y aking gagayahin
aba'y di ako iyon ang dapat isipin

- gregoriovbituinjr.
06.07.2025

* CEO - Chief Executive Officer

Katapatan

KATAPATAN

katapatan sa rebolusyon at pag-ibig
panata iyan ng makatang tumitindig
sa prinsipyong patas, sa dukha'y kapitbisig 
kahit pa siya'y isang tuka, sampung kahig

tapat ang makatâ sa larangang pinasok
rebolusyon man o pag-aasawa'y tumbok
makata'y tapat kahit kanyang ikalugmok
nakikipaghamok ma't laksa ang pagsubok

abang makata'y aayaw magsalawahan
sumandali nating hibik niya'y pakinggan:
"iyan na ang buhay ko hanggang kamatayan"
"makata'y kikilos ng buong katapatan"

ganyan natin tingnan ang buhay ng makatâ 
ganyan hahangaan ng nagbabasang madlâ
katapatan niyang di maipagkailâ
lalo't sa bandila't altar siya'y sumumpâ

- gregoriovbituinjr.
06.07.2025

* litratong kuha sa isang pagpupulong ng Philippines-Cuba Cultural and Friendship Association (PhilCuba) ilang taon na ang nakararaan

Biyernes, Hunyo 6, 2025

Ang payo ni Inay

ANG PAYO NI INAY

tanda ko pa ang sinabi ni Inay noon
huwag mong basta pahihiramin ng payong
ang taong kilala ka lang pag umuulan
bagay na di ko pa noon maunawaan

tulad ngayong tag-ulan o kaytinding sigwa
sa pagsaklolo, ako kaya'y nakahanda
aba'y dapat may sarili rin silang payong
mawawalan ako pag pinahiram iyon

subalit payo niya'y naunawaan ko
pag binaha ka, sinong tutulong sa iyo
katotong tunay man ay kayhirap mahanap
katotohanan itong marahil kaysaklap

payo rin niya'y matutong magpasalamat
munti man ang tulong sa problemang kaybigat
pag nabigyang lunas, ang puso mo'y palagay
tulungan din ang nangangailangang tunay

maraming salamat sa sinumang nag-ambag
ng tulong sa asawa kong nasa ospital
ang payong ninyo'y pinahiram sa tulad ko
na nasa unos ng buhay, kaytinding bagyo

salamat, payong na ito ay ibabalik
upang magamit ng sinumang humihibik 
ng tulong sa panahong kinakailangan
iyan ang pangako ng makatâ ng bayan

- gregoriovbituinjr.
06.06.2025

* litrato mula sa google

Nilay ng tibak na Spartan

NILAY NG TIBAK NA SPARTAN

kahit nadarama ang panghihina
ay malakas pa rin, di nanlalata
kunwari ay walang nararamdaman
kahit na nanghihina ang katawan

ano nga kaya ang nasasadiwa 
ng tibak na Spartan at makatâ 
di raw nanghihina, laging palaban
at mandirigma sa larangang tangan

subalit dapat din namang isipin
kaligtasan at kalusugan natin
mula ulo, katawan, hanggang paa
huwag ipagkaila ang nadama

pag ulo'y masakit o nahihilo
sa isang tabi'y uupo lang ako
nagpapahinga, iinom ng gamot
upang lumakas, upang di manlambot

pagkat di dapat makita ng madla
na tulad kong tibak ay nanghihina
agad nang gagamutin ang sarili
kaya sa iba'y di na nagsasabi 

sakaling mata'y bigla lang pumikit
mamamatay akong di mababatid
subalit tula ko'y di mamamatay
balang araw, babasahin ding tunay

- gregoriovbituinjr.
06.06.2025

Dalawang aklat ng glosari

DALAWANG AKLAT NG GLOSARI

dinaluhan ko minsan sa UP
ang isang forum sa pagsasalin
doon ay akin namang nabili
ang dalawang aklat ng glosari

muling nabuhay yaong mithiin
kong mag-ambag sa sariling wika
mga librong ito'y babasahin
upang kaalama'y palaguin

iambag sa pagkwento't pagtula
ang mga salita kong nalaman
lumawak ang kabatira't diwa
sa glosari ng mga salita

na hinggil sa pagpaplanong urban
at rehiyonal, sa paggawa ng
damit, kaygandang maunawaan
ng tulad kong makata ng bayan

- gregoriovbituinjr.
06.06.2025

* nabili ang 2 aklat sa forum ng Kasalin Network, sa Gimenez Gallery, UP Diliman, Mayo 27, 2025

Huwebes, Hunyo 5, 2025

Wika't adhika

WIKA'T ADHIKA

aking adhika
bilang makatâ 
sariling wika'y
isulong pa nga

sa kwento, tula,
dagli't pabula
lumang salita
bagong kataga

ang tagubilin
ay paunlarin
ating gamitin
ang wikang atin

sa bawat kathâ
sa bawat likhâ
sa bawat akdâ
bilang makatâ 

banal na layon
para sa nasyon
pag-unlad niyon 
yakap ko't misyon 

- gregoriovbituinjr.
06.04.2025

* ang sanligan o background ay mula sa pahayagang Bulgar, Hunyo 4, 2025, pahina 9

Miyerkules, Hunyo 4, 2025

Puwing at langgam

PUWING AT LANGGAM

kasabihan ng ating ninuno:
maliit lang ang nakapupuwing
sa atin ay mahalagang payo
upang di tayo api-apihin

kikilos din tayong parang langgam
gaya'y masipag na manggagawa
kakagatin yaong mapang-uyam
hanggang mata nila'y magsiluha

pag mga aktibistang Spartan
tulad ko'y sama-samang kikilos
ay babaguhin itong lipunan
wawakasan ang pambubusabos

maliit man ang tingin sa atin
kung kikilos tayong sama-sama
parang langgam nating kakagatin
at pupuwingan iyang burgesya

- gregoriovbituinjr.
06.04.2025

* litratong kuha ng makatang gala

Martes, Hunyo 3, 2025

Ang pesbuk bilang diary

ANG PESBUK BILANG DIARY

talaarawan o diary na
itong pesbuk ng nasasaisip
dito na nilalagay ang kathang
sanaysay, kwento't tulang naliriip

anumang balita ang nasagap
anumang nangyari sa paligid
anumang paksa ng mahihirap 
o anumang isyu ang nabatid

nababasa ng tanan ang tulang
galing sa puso't may tugma't sukat
kwento't sanaysay para sa madlang
pinaglilingkura't sinusulat

paumanhin po sa mambabasa
kung personal ang laman ng pesbuk
ako nama'y makatâ ng masa
na binabahagi'y ang naarok

pagkat personal ko'y pulitikal
bilang tibak, makatang Spartan
pagkat pulitika ko'y personal 
buhay ay para sa sambayanan 

- gregoriovbituinjr.
06.03.2025

Linggo, Hunyo 1, 2025

Ang Kawasaki at ang pinasukan kong PECCO

ANG KAWASAKI AT ANG PINASUKAN KONG PECCO

Mahigpit akong nakikiisa sa mga manggagawa ng Kawasaki United Labor Union (KULU) na nakawelga ngayon na ipinaglalaban ang kanilang mga karapatan! Taaskamaong pagpupugay sa inyo! Uring manggagawa, hukbong mapagpalaya!

Malapit sa akin ang mga manggagawa ng Kawasaki dahil tatlong taon din akong pumapasok sa gate ng Kawasaki nang nagtatrabaho pa ako. Nasa loob kasi ng compound ng Kawasaki ang aming pabrika, o nasa loob ang right of way patungong trabaho.

Naging manggagawa ako ng tatlong taon bilang machine operator sa Metal Press Department ng Precision Engineered Components Corporation (PECCO) sa Alabang, Muntinlupa noong Pebrero 1989 hanggang Pebrero 1992. Kagagaling ko lang ng training ng anim na buwan sa isang pabrika sa Japan, Hulyo 1988 - Enero 1989. Tinawagan ako ng kumpanya upang magtrabaho sa PECCO at nag-umpisang magtrabaho roon. Edad 20 ako noon.

Bibiyahe ako mula Sampaloc, Maynila, at sasakay ng Pasay Rotonda, at mula roon ay magdi-dyip biyaheng Alabang - Kaliwa. Mula sa dyip ay sa harap ng Kawasaki ako bababa papunta sa aming pabrika kaya hindi iba sa akin ang Kawasaki. Nag-resign ako matapos ang tatlong taon upang mag-aral sa kolehiyo. At sa unibersidad ko na natagpuan ang landas na akin ngayong tinatahak bilang aktibistang Spartan.

Kaya marubdob ang aking pakikiisa sa laban ng mga manggagawa ng Kawasaki bagamat hindi pa ako nakakapunta sa kanilang welga dahil sa pagbabantay kay misis sa ospital dahil siya'y na-stroke. 

Matapos ang anim na buwan ay naging regular na manggagawa ako sa PECCO, 1989, sa taon nang maipasa ang Herrera Law, na dahilan kaya lumaganap ang sistemang kontraktwalisasyon.

Nabatid ko kalaunan na napalitan na ang pangalang PECCO, kaya wala na ang PECCO ngayon.

Mabuhay ang mga manggagawa ng Kawasaki! Mabuhay ang uring manggagawa!

- gregoriovbituinjr.
06.01.2025

* litrato mula sa kawing na: https://www.facebook.com/LukeEspirituPH 

Anag-ag at dapat walang gitling sa ika

ANAG-AG AT DAPAT WALANG GITLING SA IKA

ako'y natigilan sa "Malabong liwanag"
tanong yaon sa Tatlumpu't isa Pahalang
sa krosword nitong Pilipino Star Ngayon
pagkat may tatlong sagot na simula ay "A":
salitang ANINAWANINAG, at ANAG-AG

at ANAG-AG ang lumabas na tamang sagot
subalit sa Dalawampu Pahalang naman
bakit may gitling sa "ika-sampung bahagi"
aba'y nakasanayan na ang gayong mali
habang walang matang sa mali'y nagsusuri

bilang makatâ kaya iyon pinapansin
ang "ika" ay isang panlaping kinakabit
sa salitang ugat kaya idinidikit
ito ng walang gitling, at sa balarila
kung numero na saka lalagyan ng gitling

ang wasto ay ikasampu, di ika-sampu
pag numero, ika-10, di ika10
dapat matuto sa paggamit nitong gitling
lalo sa panlaping" ika", tandaan natin
ang mali punahin, ang wasto pairalin

- gregoriovbituinjr.
06.01.2025

* palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Mayo 31, 2025, pahina 11

Huwebes, Mayo 29, 2025

Pahimakas kay Ka Freddie Aguilar

PAHIMAKAS KAY KA FREDDIE AGUILAR

bata pa lang ako nang marinig ko't mapanood
na nanalo sa internasyunal ang kanyang ANAK
sa Student Canteen yata iyon nang mapakinggan
nang premyadong pyesa'y inawit ni Freddie Aguilar

nineteen eighty eight noong ako'y magtungo sa Japan
bilang iskolar, on-the-job training, anim na buwan
pinadalhan ako ng cassette tape ng aking ama
ng mga kanta ng Boyfriends at ni Freddie Aguilar

nang pinatugtog ko sa pabrikang pinaglingkuran
ay gustong-gusto ng mga Hapon na manggagawa
ang melodiya o himig ng ANAK na narinig
at proud ako bilang Pinoy doon, nakakikilig

nang maglaon, nadagdagan ang liriko ng Anak
inspirasyon itong sa aking pagkatha'y nagtulak
kaya ako'y kanyang tagapakinig na masugid
bukod sa Anak, kayrami niyang kaygandang awit

dapat gawaran ng National Artist si Ka Freddie
ngunit noong nabubuhay pa'y di iyon nangyari
sa puso ng marami, siya na'y national artist
mga awit niya'y maipagmamalaking labis

paalam, Ka Freddie, taaskamaong pagpupugay
mga awit mo'y mananatili, di mamamatay 
sa tulad kong makata ay inspirasyon kang tunay
maraming salamat sa mga awit mong kayhusay

- gregoriovbituinjr.
05.29.2025

* litrato mula sa google

Linggo, Mayo 25, 2025

Ani Bianca, patibayin pa ang sariling wika

ANI BIANCA, PATIBAYIN PA ANG SARILING WIKA

si Bianca Gonzales nga'y may panawagan ngayon
na sariling wika'y patibayi't gamiting higit
nangamote raw kasi sila sa Tagalog ng EAST
sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition

patibayin daw ang pagtuturo sa kabataan
ng wikang Filipino, at pahalagahan ito
sa mga paaralan, sa bahay, saanman tayo
upang di mangamote sa pagsalin ng Silangan

kaylungkot daw na unifying language nati'y English
imbes wikang Filipino, na batay sa Tagalog
tingin yata'y wikang bakya itong pumaimbulog
may pagtingin pang matalino basta nagi-Ingles

sa iyong pagpuna, Bianca, maraming salamat
upang pahalagahan natin ang wikang sarili
sana'y pakinggan ng gobyerno ang iyong sinabi
upang edukasyon sa ating bansa'y mapaunlad

- gregoriovbituinjr.
05.25.2025

* mula sa pahayagang Pang-Masa, Mayo 25, 2025, pahina 1 at 5

Miyerkules, Mayo 21, 2025

Tula't paliwanag sa forum ng maralita

TULA'T PALIWANAG SA FORUM NG MARALITA

sadyang kaybigat ng tema, “Nothing for Us, Without Us”
sa sistemang bulok ba dukha pa’y makaaalpas
sa lipunang mapagsamantala at di parehas
laksa’y mahihirap, mayamang iilan, di patas

kahit sa isyung pabahay ng mga maralita
4PH ay para sa may pay slip, di sa wala
para lang sa may Pag-ibig, wala niyan ang dukha
mungkahi’y public housing ang ipatupad na sadya

dapat pabahay, serbisyong panlipunan, trabaho
ay magkasamang pag-usapan ng masa't gobyerno
pabahay ay hindi dapat batay sa market value
kundi sa capacity to pay ng dukha't obrero

subalit habang kapitalismo pa ang sistema
dukha'y lugmok ngunit huwag mawalan ng pag-asa
nararapat lamang ang maralita'y magkaisa
at wakasan ang pang-aapi't pagsasamantala

halina't katotohanang ito'y ipalaganap
baguhin na ang sistema nang malutas ang hirap
magagawa kung patuloy tayong magsusumikap
lipunan nati’y itayo nang ginhawa’y malasap

- gregoriovbituinjr.
05.21.2025

* matapos ang pagbigkas ng kinathang tula ay nagpaliwanag din ang makatang gala hinggil sa isyu ng maralita bilang sekretaryo heneral ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML); sumagot din ng ilang katanungan sa ginanap na urban poor forum sa Pilar Herrera Hall sa Ground Flr ng Palma Hall ng UPD, Mayo 21, 2025

Lunes, Mayo 12, 2025

Mga binoto ko sa Dist. 4, Manila

Mga binoto ko sa Dist. 4, Manila
(Sana may pumasok, este, sana may lumabas sa mga binoto ko, sana may manalo)

Mayor - Sam Versoza (para maiba naman)
Vice Mayor - Yul Servo Nieto (siya lang kilala ko sa tumatakbong Vice Mayor)
Congressman - Trisha Bonoan David (independent, ilang beses ko nang ibinoto at nanalo)

6 Councilors:
Science Reyes (ilang taon ko nang sinusuportahan, incumbent councilor)
DJ Bagatsing
Lady Quintos (2 Quintos ang tumatakbo)
Doktora Nieto
Omeng Bagay
Bong Marzan (ang apelyido niya ang pumalit sa Pepin St., na ngayon ay Marzan St.,)

12 Senador:
Jerome Adonis - lider manggagawa
Ka Leody de Guzman - lider manggagawa
Atty. Luke Espiritu - lider manggagawa
Atty. Ernesto Arellano - lider manggagawa
Atty. Sonny Matula - lider manggagawa
France Castro - lider kaguruan
Arlene Brosas - lider kababaihan
Roberto Ballon - lider magsasaka
Danilo Ramos - lider magsasaka
David D'Angelo - kaibigang environmentalist
Roy Cabonegro - siya ang nagdala sa akin sa environmental movement circa 1995
Mimi Doringo - lider maralita na minsang nakapulong at nakasama sa rali sa DHSUD at NHA

Partylist:
#33 Pamilyang Magsasaka
- sila ang mga nakasama ko sa sa mahigit sampung araw na Alay Lakad Laban sa Kaliwa Dam mula Gen. Nakar, Quezon hanggang Maynila

Bumoboto ako sa Moises Salvador Elementary School, simula pa noong binata ako hanggang ngayon. Sino si Moises Salvador? Isa siya sa 13 martyrs ng Bagumbayan na binitay ng mga Kastila.

Sabado, Mayo 10, 2025

Tahimik na pangangampanya sa ospital

TAHIMIK NA PANGANGAMPANYA SA OSPITAL

naisuot ko lang itong t-shirt kagabi
na bigay sa akin sa Miting de Avance
nina Ka Luke Espiritu at Ka Leody
de Guzman na Senador ng nakararami

ngayon na ang huling araw ng kampanyahan
at tahimik akong nangangampanya naman
bagamat bantay kay misis sa pagamutan 
habang siya'y nasa banig ng karamdaman

dapat magwagi ang dalawang kandidato 
upang may kasangga ang dalita't obrero 
bagong pulitika na ito, O Bayan ko
lilong dinastiya't trapo'y dapat matalo

sa pasilyo ng ospital naglakad-lakad 
sa kantina o parmasya ay nakaladlad
itong t-shirt, sa billing man ay magbabayad
sa physical therapy mang pawang banayad

dahil huling araw na, dapat may magawa
makumbinsi ang kapamilya, ang kadukha
kapuso, kumpare, sa layuning dakila
ipanalo ang kandidato ng paggawa

- gregoriovbituinjr.
05.10.2025

Tatlumpung segundong katahimikan, ani Ka Leody

TATLUMPUNG SEGUNDONG KATAHIMIKAN, ANI KA LEODY

tatlumpung segundo ang hiningi ni Ka Leody
kaunting katahimikan sa Miting de Avance
upang alalahanin ang pagpaslang sa Supremo
dahil kinabukasan ang anibersaryo nito

salamat, Ka Leody, sa iyong sinabing iyan
paggunita sa kinakalimutang kasaysayan
na sa tatlumpung segundo'y nakiisa ang madla
pati na nagsidalong manggagawa't maralita

kaarawan ng Supremo tuwing Nobyembre Trenta
ay sasabayan natin ng pagkilos sa kalsada
ngunit araw ng pagpaslang, bihirang gunitain
kagabi lang, buti't nasabi ni Ka Leody rin

maraming salamat sa paalala niyang iyon
sobra na ang kataksilan, lalo't mag-eeleksyon
burgesyang nagpapatay sa Supremo'y nararapat
mawala pati dinastiya'y mangatalo lahat

- gregoriovbituinjr.
05.10.2025

* naganap ang Miting de Avance nina #21 Ka Leody de Guzman at #25 Luke Espiritu para Senador sa Liwasang Bonifacio, Maynila, Mayo 9, 2025, kasabay ng ika-150 kaarawan ni Gregoria "Oriang" de Jesus, asawa ng Supremo at Lakambini ng Katipunan

* Mayo 10, 1897 nang pinaslang ng tropang Aguinaldo ang magkapatid na Procopio at Gat Andres Bonifacio sa Bundok Buntis, Maragondon, Cavite