Linggo, Marso 25, 2012

Ang Dalaga sa Bilibid Viejo - ni G. Bituin Jr.

Ang Dalaga sa Bilibid Viejo
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Halos mabasag ang panga ni Brando, ang siga sa lugar na iyon sa Quiapo, nang masuntok ng isang magandang babaeng hinoldap niya. Sa kapapanood niya ng pelikula nina Jet Lee, tila maalam sa kung fu ang babae. Umaringking siya sa sakit, ngunit di nagpahalata. Tumalikod siya’t mabilis na tumalilis upang di mamukhaan ng babae.

Siya, si Brando, ang siga sa lugar na iyon sa Quiapo, sa lugar na pinangalanang Bilibid Viejo St. Ayon sa kasaysayan, sa kinatatayuan ng lugar nila mismo binitay ng mga Amerikano ang rebolusyonaryong bayaning si Macario Sakay, pati na ang kanyang kasamang si Lucio De Vega.

Malapit lang ang Bilibid Viejo sa iba’t ibang unibersidad na sakop ng University Belt area. Dito nakatira at laging nakatambay si Brando. Patulong-tulong siya sa kanyang ina sa maliit nitong karinderya. Ngunit nababagot siya sa gawaing iyon, kaya naghahanap siya ng ibang mapapagkakitaan. At dahil wala namang natapos at pulos pakikipagbarkada lang ang alam, pinasok niya pati pagdudroga at panghoholdap. At iyon nga, nakatapat niya ang matapang na babaeng nanapak sa kanya.

Dalawang araw ang nagdaan, napansin ni Brando na parang ang babaeng hinoldap niya ay naroon sa Bilibid Viejo at isa sa bagong border ng kanilang kapitbahay. Kanina lang ay bumili ito sa kanyang inang maysakit na nagtitinda-tinda ng kung anu-ano sa may kanto. Nais niyang makilala ang babae, ang magandang babaeng kayganda ng mga ngiti, ang babaeng di niya naisahan at unang nakaalpas sa kanya, ang tanging babaeng nakagulpi sa kanya.

Kinaumagahan, papungas-pungas pa siyang ginising ng kanyang ina. “Hoy, Brando, gumising ka nga diyan at pagbilhan mo muna yung babae at masakit ang balakang ko.” Laking gulat niya nang makitang ang babaeng nanapak sa kanya ang bumibili. Nagulat din ang babae nang makita siya. “Ikaw ang nangholdap sa akin nung isang araw, ah! Buti na lang nakawala ako sa iyong hayup ka!” Ito ang pabulyaw na sabi ng babae, sa harap pa naman ng maraming kumakain doon.

“Brando! Nakilala ka ng biktima mo, ah!” sabi ni Berto, isang barangay tanod.

Nagpanting sa galit si Aling Ema, ang nanay ni Brando. Nasapok niya si Brando sa harap ng marami. Nanliit sa hiya ni Brando. Di niya maitanggi ang kanyang ginawa, at bigla niyang nahawakan ang panga niyang inabutan ng sapak ng babae.

Kinahapunan, umalis siya ng kanilang bahay. Di na siya nakapagpaalam sa kanyang ina, nais niyang mabura sa isipan ang kahihiyang sinapit. Gusto niyang maglayas. Ngunit laking gulat niya ng makita niya muli ang babae. Tila, inaabangan siya. Si Ara. May kasama ito. “Brando, maari ba kitang makausap?” ani Ara. “Magmeryenda muna tayo.”

Nahalina si Brando sa magandang ngiti ng babae at magiliw na pakikitungo nito sa kanya na parang di niya ito hinoldap nung isang araw. Kaya sumama siyang kumain ng hamburger sa kanto ng Bilibid Viejo at Matapang St. “Nakausap namin ang nanay mo. Nagtataka raw siya kung bakit mo ginawa iyon, gayong kahit maysakit siya'y nakakaraos naman daw kayo. At naabutan ka naman daw niya ng kahit kaunting barya. Alam mo, sayang ka, guwapo ka pa naman! Kung ginagamit mo sa kabutihan ang tapang mo, mapapakinabangan ka pa ng bayan. Ilang beses mo na bang ginagawa iyon?” Tanong ni Ara.

“Pangatlo ko lang iyon, Bos. Nagbabaka-sakali lang, para pandagdag sa pambili ng gamot ni ermat. Lagi kasing inuubo, eh. Sa hirap kasi ng buhay, di ako makadiskarte ng matino, Bos."

“Ara na lang itawag mo sa akin. Sabi ng nanay mo, pinapag-aral ka raw, ayaw mo namang mag-aral.”

“Paano pa ako mag-aaral, mga kaklase ko, mga bata. Grade 5 nga lang naabot ko.”

“Wala ka bang pangarap? Ano plano mo sa buhay? Halimbawang trenta anyos ka na, o kaya singkwenta anyos ka na, anong gusto mong maging?” Tanong muli ni Ara.

Napatungo na lang si Brando. “Di ko alam kung paano na mangarap. Mahirap naman kung pangarapin kong maging presidente ng Pilipinas, o kaya piloto ng eroplano, di nga ako nakapag-aral. Tiyak, labas ko nito, tagawalis ng kalsada.”

“Pwede ka pang mangarap, Brando,” sabi ni Ara. “Tulad namin, kailangan mong pag-aralan ang lipunang ito. Alam mo ba kung bakit may dukha, kung bakit laksa-laksa ang naghihirap at may iilang yumayaman, kung bakit naghihirap ang mga masisipag na manggagawa, habang lumulobo sa yaman ang iilang may-ari ng kumpanya? Bakit pag nang-umit ng isang plastik na tinapay ang maralitang nagugutom, kulong agad, pero ang malakihang pagnanakaw ng mga pulitiko sa pondo ng bayan, hanggang sa ospital lang, tulad ni Gloria.”

“Di ko alam iyan, at wala akong panahon diyan. Ang kailangan ko’y pera para mabili ko dapat bilhin,” tumayo na siya’t akmang aalis.

“Hintay muna, Brando. Eto nga pala ang sandaang piso, makakatulong ito sa iyo kahit konti. Nag-ambagan kami ng kaibigan ko para ibigay iyan sa iyo. Huwag ka sana muling manghoholdap, baka makulong ka na sa susunod. At saka bago ka umalis, samahan mo muna kami. Diyan lang sa Mendiola, mga dalawang oras lang, tapos pamimiryendahin ka muli namin.” Sabi naman ng kasama ni Ara, si Mina.

Naisip ni Brando na umalis na dahil nahihiya siyang makaharap ang dalawang ito. Hinoldap na nga niya si Ara, pero nakawala ito nang masapak siya nito. Tapos sasama pa siya sa mga ito. Ngunit di siya nakawala sa dalawa. Para itong mga amasona na inakbayan siya. Buti na lang magaganda ang dalawang ito at kaysarap amuyin ng kanilang pabango. Naglakad sila hanggang Mendiola. Marami nang tao doon. Ibinigay ni Mina kay Brando ang isang plakard. “Nababasa mo ba ito?”

“Marunong naman akong magbasa, Grade 5 nga inabot ko, eh.” Binasa niya ang nakasulat: “Presyo ng Langis at LPG, Ibaba! - Sanlakas - BMP - KPML - PLM”.

Sa isip ni Brando, alam na nina Ara at Mina kung saan siya pupuntahan. Makakapangholdap pa ba siya? Pero naisip niya, buti na lang di siya ipinapulis ng mga ito’t baka ngayon, nasa bilibid na siya. Hawak ang plakard ay nakinig na lang siya sa mga nagsasalita sa trak. Maya-maya, tinawag si Ara para magsalita.

Hawak ni Ara ang megaphone at sinabi nito: “Naririto tayo ngayon upang ipaglaban ang ating mga karapatan! Tinanggalan ng bahay ang ating mga kasamang maralita sa Mariana, Tatalon, at R10. Biktima ng kontraktwalisasyon ang marami nating manggagawa. At ngayon, patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis at LPG! Apektado ang iba pang bilihin! Walang magawa ang gubyerno kundi sundin ang atas ng mga kauri nilang kapitalista! Walang mapala ang mamamayan sa kanila, kundi pawang kahirapan! Nasaan na tayo, kabataan? Kailangan ba nating mangholdap na lang para maibsan ang ating kahirapan, para may pandagdag gastos para makabili ng gamot ng ating ina, gayong pinahihirapan natin ang ating kapwa? O ang tama ay makibaka tayo para baguhin ang ating kalagayan sa ilalim ng kapitalistang sistemang ito na yumurak sa dangal ng ating pagkatao at dahilan ng pagkawasak ng buhay ng marami? Halina, mga kapwa ko kabataan! Pag-aralan natin ang lipunan at makibaka tayo para sa isang makatarungang lipunan para sa lahat. Rebolusyon! Halina’t ipaglaban natin ang sosyalismo hanggang sa tagumpay!”

Nakatitig si Brando kay Ara. Ang ganda-ganda ni Ara. At pagkaganda-ganda ng kanyang sinabi, nanunuot sa kaibuturan ng kanyang diwa. Tama si Ara, sa isip-isip niya. Bakit nga ba siya manghoholdap kung kapwa niya mahihirap ang binibiktima niya? Mayaman na lang kaya ang kanyang biktimahin? O ang mas mabuti, makiisa siya kina Ara para ipaglaban ang isang magandang bukas?

Natapos nang magsalita ni Ara, at iniabot na sa iba ang megaphone. Ngunit si Brando, nakatulala kay Ara. Parang umaalingawngaw pa rin sa kanyang pandinig ang mga salitang pinagdiinan ni Ara kanina sa megaphone: Rebolusyon. Sosyalismo. Ano ang mga ito? “Maraming salamat, Ara. Nabuksan ang isip ko ng sinabi mo. Ayaw ko nang mangholdap, pero di ko alam ang gagawin ko.”

"Totoo ba iyan, wala nang holdap-holdap, ha? Pangako?"

"Pangako," nagugulumihanang sagot ni Brando.

“Mabuti pa, sumama ka na lang sa sunod na rali namin. Pero bago iyon, may pag-aaral mamaya sa tinutuluyan ko. Ang paksa “Aralin sa Kahirapan”, dalo ka doon, ha? At saka usap pa tayo. Marami pa tayong pag-uusapan. Papunta na nga pala kami roon.” Tumango siya. Mula Mendiola, sabay silang bumalik ng Bilibid Viejo.

Bagong buhay, bagong pangarap, bagong pag-asa. Ito ang naramdaman ni Brando sa mga bago niyang kaibigan. Ang nais niyang takasang Bilibid Viejo noon ay binago ng dalagang nakilala niya't nanirahan na sa kanilang lugar sa Bilibid Viejo.

Sabado, Marso 3, 2012

Ang Mundo ay Triyanggulo - ni Ohyie Purificacion

ANG MUNDO AY TRIYANGGULO
ni Ohyie Purificacion

Kung sino ang kakaunti ang nasa tuktok…ang mas nakakarami ang nasa ibaba..

Ang marami na may sakit, nagsisiksikan sa charity ward..iisa pa ang doctor..

Habang ang isang mayaman, na kahit hindi pa malala ang sakit, ang kuwarto'y nakakalula sa laki, may medical team pa..
Pag namatay sa gutom ang marami, itinatago ang balita, pero pag isang mayaman ang nadedo
Nagkakagulo ang midya, nag-aagawan pa sa live coverage..

Ang maraming anak..nag-aagawan sa kakarampot na pagkain, wala pang kumportableng tulugan..
Pero ang nakatira sa mansion, ang daming pagkaing natatapon lamang sa basurahan..
Ang kuwartong tulugan, puwede nang tirahan ng isang pamilya..
Pag meron pa nagpakita ng titulo na sa kanya ang lupa..tirahan ng marami'y demolisyon agad..
Pero pag sa Forbes Park, Ayala Alabang, guwardyado na, may cctv camera pa..

Ang maraming estudyante sa public school, nagtitiis sa masikip na silid-aralan, sira-sirang upuan, punit-punit na libro
Pag minalas pa, sa ilalim na lang ng puno magleleksyon
Pero ang mga burgis sa Ateneo at La Salle, kakaunti na, naka-aircon pa, hatid-sunod ng yaya, naka-tsekot pa

Hay, ang mundo ay triyanggulo, kung sino ang kakaunti ang nasa tuktok, ang mas nakararami ang nasa ibaba..
Panahon na! Baligtarin ang triyanggulo! Gamitin na ang kapangyarihan ng masa, para sa uri, para sa tunay na pagbabago

Si Violy - ni Ohyie Purificacion

Si Violy
ni Ohyie Purificacion

Maraming bumibili sa malaking tindahan, lahat ay nagmamadali kaya sumisingit ang ilan para maunang magsabi sa tindera ng kanilang bibilhin. Si Violy at ang isang anak na kanyang bitbit ay nasa isang sulok at tila naalangang magsabi sa mga tindera.

"Ate, ano ba bibilhin mo?" Nagulat pa si Violy sa pagtatanong ng tindera.

"Ah e.. mamaya na lang. Unahin mo muna sila." Napanatag ang loob ni Violy, mukhang mabait ang tinderang nakapansin sa kanya.

"O sige ate mag-isip ka na muna kung anong bibilhin mo, sagot ng tindera na ngumiti pa sa kanya. Maya-maya, si Violy na lang at ang kanyang anak na karga ang natira sa harap ng tindahan.

"O ano ate, ano bang bibilhin mo?" ang tindera uli na nagtanong sa kanya kanina.

Nahihiya si Violy na magsalita, ngayon lang siya nakalabas ng bahay para bumili sa tindahan. Nasanay si Violy na ang asawa niyang si Efren ang nag-uuwi sa bahay ng lahat ng kanilang pangangailangan. At kahit ang simpleng pakikipagkwentuhan sa kapitbahay ay hindi niya nagagawa. Bukod sa pinagbabawalan siya ni Efren, marami siyang ginagawa sa bahay. Kulang pa ang bente kuatro oras kung tutuusin sa dami ng gawaing bahay at pag-aalaga sa kanilang anim na anak. Drayber ng jeep ang trabaho ni Efren. Madalas gabi na ito umuuwi. Gusto ni Efren na gising pa si Violy pag dumarating siya ng bahay. Obligasyon niyang asikasuhin ang asawa, ito ang sabi ni efren sa kanya simula pa nang sila ay magsama bilang mag-asawa.

"Ako ang nakapantalon dito sa bahay, kaya lahat ng gusto ko masusunod, ako ang nagpapakain sa inyo!" Natatandaan nya, ito ang malimit sabihin sa kanya ni Efren. At kahit minsan hindi siya naabutan ng pera nito, pati mga baon sa eskwela ng mga bata ay si Efren ang nagbibigay. Minsan, sinubukan niyang humingi ng pera kay Efren.

"Aanuhin mo naman ang pera hindi ka naman marunong humawak nito!" bulyaw sa kanya ni Efren.

Nakaramdam si Violy ng pagkapahiya sa sarili, pero iwinaglit na lang kaagad ni Violy ang saloobin. Tutal si Efren naman ang nagtatrabaho. At siya, tanggap niya na ang trabaho niya ay asikasuhin ang buo niyang mag-anak. Hindi na mahalaga kay Violy kung ano ang gusto niya.

"Inay, sabi ng titser ko, may miting sa iskul ang mga nanay," si Kyla ang panganay na anak ni Violy. "Hayaan mo, sasabihin ko sa tatay mo. Si tatay naman gabi na umuuwi. Minsan madaling araw pa”, pagpapatuloy ni Kyla.

"Saka bakit ba lagi si tatay, hindi ka ba marunong umatend ng miting? saka sabi ng titser ko ang kailangan dun nanay."

Nataranta si Violy hindi alam ang isasagot sa anak. "Wala kasi akong maayos na damit anak, saka tingnan mo nga hitsura ng nanay mo bungi na payatot pa,” naisip na idahilan ni Violy kay Kyla.

"E ano naman ’nay, ang iba nga mga nanay ng mga klasmeyt ko ganyan din.. baka ayaw lang ni tatay na lumabas ka kasi siya may ayaw na makita ka ng mga tropa nya sa kanto na ang asaw niya ganyan ang hitsura. Mag-ayos ka kasi ng sarili mo, ’nay", sagot ni Kyla.

Matalino si Kyla, katunayan ito ang nangunguna sa kanilang klase.

"Paano ba ako makakalabas ng bahay, sa pag-aalaga ko na lang sa inyo kulang pa oras ko. Araw-araw, dami kong labahin. Sa kapatid mo ngang bunso, minsan ayaw pa magpababa laging umiiyak." Hindi pinansin ni Violy ang sinabi ni Kyla. Hindi na kumibo si Kyla, pero pakiramdam ni Violy, totoo ang sinasabi ng anak, pero paano ba niya mababago ang kanyang sitwasyon, sa umpisa pa lang naitali na siya ni Efren sa bahay.

Hatinggab,i nagulantang si Violy sa pagkakaidlip niya sa sopa sa loob ng kanilang bahay. Nagkakahulan ang mga aso. Bigla ang bukas ng pinto, si Efren na tila takot na takot. Kasunod ni Efren ang apat na armadong mga pulis. Sa loob ng kanilang bahay hinampas sa ulo ng puluhan ng baril si Efren, sabay posas sa mga kamay nito. Hindi makahuma si Violy, nahimasmasan lang siya ng umiyak na ang kanyang mga anak na nagising din at natakot sa nakitang pagdakip ng mga pulis kay Efren.

Si Kyla ”saan nyo dadalhin tatay ko?"

"Matagal nang wanted itong tatay nyo, holdaper ito. At marami na rin itong nabiktimang mga pasahero niya." Walang kagatol-gatol na sagot ng mga pulis.

"Kayo ba ang misis?" Sabay baling kay Violy ng isang pulis. "Sumunod kayo sa presinto."

"Sandali po mamang pulis, sasama ako baka kung saan nyo dalhin ang asawa ko." Nagmamadali si Violy sumunod sa mga pulis binilinan si Kyla na alagaan muna ang mga kapatid.

Nakulong si Efren. Walang sapat na halaga si Violy para sa piyensa nito. Wala siyang malalapitan para hingan ng tulong. Nakatulala si Violy sa loob ng kanilang bahay, wala pang pagkain ang kanyang mga anak, kung anu-anong naiisip ni Violy. Alam niya, mahina ang kanyang ulo na mag-isip, lagi nga siyang sinasabihan ni Efren ng "Tanga! Bobo!"

Pero kailangan niyang kumilos. Kailangan niyang buhayin ang kanyang mga anak. Nanay siya, ito ang pinapatatag ni Violy sa isip niya.

Si Kyla, "Nay, kaya natin ito, hindi ka mahina, malakas ka nga e.. kailangan mo lang magtiwala ka sa sarili mo, lumabas ka sa comfort zone mo." Hindi maintindihan ni Violy ang sinasabi ng anak na comfort zone, pero alam ni Violy sa isip niya ang gustong ipaunawa ni Kyla.

"Alam mo, ’nay, sabi ng titser ko, ako daw po ang balediktoryan, at ikaw ang magsasabit sa akin. O, di ba, masaya ’nay", pag-aalo ni Kyla sa ina. Naramdaman ni Violy na hindi pala siya nag-iisa, makakasama niya ang kanyang anak sa pagkilos para mabago ang kanyang buhay.

Tuwang-tuwa si Violy nang iabot sa kanya ang sobreng naglalaman ng kanyang sahod. Tinulungan siya ng titser ni Kyla na matanggap sa canteen ng eskwelahan. Masarap sa pakiramdam ni Violy na hawak niya ang bayad sa kanyang pinagpaguran. At mabuti na lamang mababait ang kanyang mga anak, nagtulong-tulong sila sa gawaing bahay, hati-hati sa trabaho. Nakatulong na rin si Kyla sa kanya, natuto si Kyla gumawa ng mga kendi na dinadala niya sa iskul.

Hawak ni Violy ang perang ipambibili niya ng pagkain, at ngayon pakiramdam niya, malaya na siya, buo na ang tiwala niya sa kanyang sarili. At mahigpit din ang hawak niya sa kanyang anak, ang nagpapatatag sa kanya bilang ina, bilang babae. Ngumiti siya sa tindera, Ang hiya niya kanina ay napalitan na ng lakas ng loob. At ito ang bago niyang hamon.

Sabado, Pebrero 25, 2012

Polyeto para sa Marso 8

Sa Gitna ng Kapitalistang Krisis, Labanan ang Tumitinding Pagsasamantala at Pang-aapi sa Kababaihan
Pagbabago! Isulong ang Kilusang Kababaihan para sa Paglaya!

Sa rumagasang pagbulusok ng ekonomiya ng mga maunlad na bansa gaya ng Amerika. at sa Europa na nagdudulot ng malawakang pagsasara ng mga kompanya at pagkatanggal sa trabaho ng maraming manggagawa, Ang pangunahing prioridad ng Estado ay proteksyunan at isalba ang interes ng mga kapitalista. habang ang libo-libong manggagawa na nawalan ng trabaho ay hayaang magsakripisyo, at magtiis sa pagbabawas at pagkakait ng mga sebisyong panlipunan. Hayaan ang bawat indibidwal na mangagagawa at mamamayan na lunasan ang kanyang kahirapan.

Ito rin ang ginagawa ng gobyerno ni Noynoy. Taliwas sa kanyang mga pangako at pagtahak sa tuwid na landas. Hangang ngayon ang slogan na walang mahirap kung walang korap ang kanyang ginagamit upang patuloy niyang linlangin ang masang Pilipino. Ganung kung susuriin ang kanyang yaman, isa siya sa pinaka-korap na lider ng bansa. Nais libangin ni Noynoy ang taumbayan sa panonood ng teleserye, ang impeachment ni Chief Justice Corona, upang maiwaksi ang tunay na isyu at problema ng bayan.

Ang walang habas na pagtatataas ng presyo ng langis at tila awtomatikong pagtaas din ng lahat ng presyo ng singil sa serbisyo ng kuryente. tubig, . transport, medikal, pabahay at ganundin higit sa lahat ang sunod-sunod na pagtatangal ng trabaho sa mga manggaggawa, ang dapat tutukan at lapatan ng solusyon at programa ng pamahalaan.

Ngunit katulad ng mga nagaganap na krisis sa ibang bansa, ang ayuda kay Noynoy ay sagipin ang mga naghaharing kapitalista gaya ni Lucio Tan. Isang patunay ang pagpabor ng gobyerno sa PAL maneydsment kontra sa 2, 600 na manggagawa. na karamihan ay kababaihan na tinanggal sa layunin ng outsourcing o pagbibigay ng trabaho sa iba bilang contractual.

Ganito, din ang mas masaklap na karanasan ng mga mangagagawang kababaihan sa elektroniks at sa garments. Nilulunasan ang matinding kahirapan sa pamamagitan ng pagtitipid. Nagsasalo ang buo pamilya sa halos araw-araw na pagkaing de lata, frozen foods, NFA rice at noodles. Hindi na mahalaga ang nutrisyon at kalusugan sa pamilyang kumakalam ang sikmura. Napipilitan ang mga manggagawang nawalan ng trabaho lalo na ang mga kababaihan na maghanap ng iba ikakabuhay. Ang iba ay nag-aabroad upang magtrabaho bilang mga domestic helper, ngunit nakakalungkot na marami sa kanila ay nagiging biktima ng karahasan, pang-aabuso sekswal. at pambugbog ng mga amo sa kanilang pinuntahan bansa. At ang tanging ginagawa ng pamahalaan ay bigyan ng pampalubag loob na tulong pinansyal na nanggaling din naman sa kontribusyon ng mga OFWs. Ang iba naman women workers na nakakapasok muli sa trabaho bilang mga kontraktuwal ay sari-saring panggigipit at diskriminasyon ang nararanasan umpisa sa pagkuha ng mga requirements sa mga ahensya ng gobyerno hanggang sa agency humahawak sa kanila kapalit ng maliit na sahod sa napakahabang oras ng pagtatrabaho. Na sa ganitong kalagayan, hindi na rin nabibigyan ng pansin ng mga kababaihan ang kanilang kalusugan lalo na ang kanilang reproductive health. Dahil bukod sa nakatali sila sa maraming gawain at mahabang oras ng paggawa, walang programa ang gobyerno para sa mura at komprehensibong pangangalaga sa kanialng kalusugan bilang babae.

Sa pag-aaral napakaraming kababaihan ang kalahok sa ibat-ibang larangan ng gawain, sahuran at mga unpaid workers. Lahat sila ay nagbibigay ng kontribusyon sa lakas –paggawa upang mabuhay, ngunit ang mga kapitalista ginagamit ang lakas-paggawa upang tumubo at magkamal pa ng maraming yaman. Ito ang pinanatili na sistema ng gobyerno. Kaya mahalaga sa bawat babae na maunawaan at makita ang tunay na kalagayan at mukha ng lipunan bilang isang malawak na puwersa. Hindi nararapat na umasa lamang at mag-antay na mababago ang takbo o ikot ng mundo. Kailangan kumilos, mula sa sarili ay magmulat, at ibahagi sa iba ang mga natutuklasan pang-aapi at pagsasamantala sa anyo ng huwad na demokrasya. Alamin at tumindig sa mga unibersal na karapartan bilang babae. Isang hakbang ang naka-pendng na Reproductive Health Bill, na nais ng gobyerno na matulad sa mga batas na nakaligtaan na dahil hindi na ipinursigeng ilaban.

SA DARATING NA MARSO 8, ANG PANDAIGDIGAN ARAW NG MGA KABABAIHAN, IPAKITA NATIN ANG MALAWAK NA PUWERSA AT LAKAS PARA SA HINAHANGAD NA PAGBABAGO! PAGLAYA NG KABABAIHAN! NGAYON NA!!!

-WE-

Linggo, Pebrero 19, 2012

Babae - ni Cynthia Kuan

BABAE
ni Cynthia Kuan

I

Babae, ikaw daw ay hinugot sa tadyang ni Adan
Kaya dapat lang na ikaw ay andyan lang
Tama lang ba na ikaw ay simple lang
Kung ikaw naman ay may alam?

Iyong karapatan ay dapat ipaglaban
Marapat lamang iyo itong ipaalam
Ipabatid, ibahagi ng buong paham
Nang sa gayon ay malaman
ang iyong kahalagahan

II

Babaeng feminista, babaeng aktibista
Ikaw ay simbulo ng katatagan
Katapangan, di matawaran
Ng maging sino ka man...

Ikaw ba ay sadyang ganyan
O hinubog ng karanasan
Nililok, hinulma, pinanday ng kaalaman
Anuman ang iyong pinagdaanan
Imahe ka ng iyong kasarian..

Lunes, Enero 30, 2012

Ang Rollback Bilang Pakonswelo ng Kapitalismo

Ang Rollback Bilang Pakonswelo ng Kapitalismo
ni Greg Bituin Jr.

Sadyang nag-aapoy sa galit ang taumbayan sa bawat pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang sagot ng kapitalista’y pagbuhos ng malamig na tubig ng rollback. Kaya pag pinatampok na sa media na nag-rollback ang presyo ng langis, bigas, LPG, at iba pa, natutuwa na at kalma ang kalooban ng taumbayan, dahil nag-rollback na ang presyo ng bilihin, na akala’y ibinalik na ito sa dating presyo. Pero ang totoo, pakunswelo lang ito ng mga kapitalista. Dahil hindi naman nito ibinabalik sa orihinal na presyo ang ni-rollback na presyo. Papatungan ng malaki, ngunit wala pa sa kalahati ang iro-rollback. Isang psywar tactics ng mga kapitalista upang kumalma ang taumbayan, habang harap-harapan nilang niloloko ang mga ito.

Ang mekanismong rollback ay pagbawas lang ng kaunti sa malaking patong ng kapitalista sa presyo. Kumbaga'y salamangka ito ng mga kapitalista para maibsan ang galit ng mamamayan laban sa pagtaas ng presyo ng bilihin, na talaga namang pabigat sa bulsa ng naghihirap na mamamayan. Mataas ang patong, maliit ang bawas. Ganyan ang mahika ng rollback. Ganyan ang sikolohiyang ginagamit ng kapitalista para tumubo habang niloloko ang masa.

Tingnan natin ang kahulugan ng rollback sa diksyunaryo: (1) A rollback is a reduction in price or some other change that makes something like it was before; (2) Rollback (legislation), legislating to repeal or reduce the effects of a specific law or regulation.

Sa unang depinisyon, ibinaba ang presyo ng bilihin "that makes something like it was before." Kailan ba nabalik sa orihinal na presyo ang isang bilihin kapag nag-rollback? Wala. Nag-roll lang ang presyo, pero hindi nag-back sa dating presyo nito.

Sa ikalawa namang depinisyon: "legislating to repeal or reduce the effects of a specific law or regulation", hindi naman ito nangyayari dahil sa deregulation law, tulad sa langis. Merkado ang nagtatakda ng presyo, kaya di batas ng gobyerno ang nagbabago ng presyo.

Suriin natin ang nakaraang pag-rollback ng presyo ng langis nito lang Enero 2012. Nagtaas ngayong taon ang diesel ng halagang P2.70 bawat litro habang nagtaas naman ng halagang P3.20 ang gasolina bawat litro. Dahil sa pagprotesta ng sektor ng transportasyon, dagling nag-rollback ng presyo ang mga kumpanya ng langis. Nag-rollback ng 80 sentimos sa diesel at 20 sentimos naman sa gasolina. Matutuwa na ba tayo sa kakarampot na rollback na iyon? Gayong kaytaas pa rin ng patong na P1.90 sa diesel at P3.00 sa gasolina sa orihinal na presyo nito. Dito pa lang ay kita na natin kung gaano katuso ang mga kapitalista. Kunwari’y nag-rollback gayong napakataas pa rin ng patong nila sa presyo.

Ilang taon na ang nakararaan, nagkakrisis sa bigas. Ang dating P20 average ng isang kilo ng bigas ay umabot ng P40 bawat kilo sa kaparehong klase ng bigas. Natural, krisis, at aplikable dito ang law of supply and demand ng kapitalismo. Kaunti ang supply ng bigas kaya mataas ang presyo. Nang magkaroon naman ng supply ng bigas sa merkado, natatandaan kong sinabi sa balita na ni-rollback na ang presyo ng bawat kilo ng bigas. Ngunit sa totoo lang, kalahati lang ng itinaas na presyo ang nabawas, kaya nakapatong pa rin sa orihinal na presyo ang kalahati. Di nabalik sa P20 bawat kilo ng bigas, kundi nasa average na P30 na ang kilo ngayon. May P32, may P35 bawat kilo ng bigas.

Sabi nga ni Marx sa kanyang Das Kapital, Tomo I, Kabanata 5, pahina 182, na tumutukoy kay Benjamin Franklin: It is in this sense that Franklin says, "war is robbery, commerce is generally cheating." Kung ang digmaan ay pagnanakaw, ang komersyo sa kabuuan ay pandaraya. Tulad ng rollback na hindi naman talaga pagbalik sa tamang presyo, dahil ito'y rollback na pakonswelo, dahil ito’y paraan ng kapitalista na mapaamo ang mga konsyumer, ang rollback ay maliwanag na isang paraan ng pandaraya sa taumbayan. Malaki ang patong, maliit ang bawas, kaya may patong pa rin.

Inilinaw pa itong lalo nina Marx at Engels sa artikulong Free Trade (1848): "What is free trade, what is free trade under the present condition of society? It is freedom of capital. When you have overthrown the few national barriers which still restrict the progress of capital, you will merely have given it complete freedom of action." Ibig sabihin, malaya ang merkado na gawin ang gusto niya dahil nga ito'y malayang kalakalan. Dahil sa deregulasyon, wala nang kontrol ang gobyerno sa presyuhan ng pangunahing bilihin sa bansa. Dahil sa globalisasyon, ginawang patakaran ang deregulasyon na nagpalaya sa mga malalaking kumpanya, halimbawa, kumpanya ng langis, na paikutin at bilugin ang ulo ng taumbayan para sa kanilang sariling interes na tumubo. Kaya pinauso ang rollback na kunwari’y nakikinabang ang taumbayan, gayong binawasan lang ng maliit ang malaking patong sa presyo.

At upang masolusyunan ito, isa sa mga unang hakbang ay ibalik sa gobyerno ang pag-regulate sa presyo ng bilihin, tulad ng pag-repeal sa Oil Deregulation Law at iba pang magugulang na batas sa presyuhan.

Biyernes, Enero 27, 2012

Ang Resign All Noon... Ang Resign All Ngayon...


ANG RESIGN ALL NOON... ANG RESIGN ALL NGAYON...
ni Greg Bituin Jr.

Independyenteng linya. Ito ang naaalala ng taumbayan sa panawagang "Resign All!" noon ng grupong Sanlakas sa kasagsagan ng impeachment trial ni dating Pangulong Estrada. Tulad ng islogan sa kanilang poster noon, "Patalsikin ang buwaya, papalit ang buwitre" [“Oust the crocodile, the vulture will take its place”], paniwala ng Sanlakas na walang pinag-iba ang dalawang pangulo dahil pareho itong elitista at parehong may utang sa bayan. Isang araw matapos ang Edsa Dos, nang mapatalsik na si Erap bilang pangulo at makapanumpa si Gloria bilang bagong pangulo, idineklara agad ng Sanlakas: “Estrada’s ouster is the people’s will but Gloria is not the people’s choice!”

Ipinanawagan noon ng Sanlakas ang Resign All upang bigyang-daan ang pagbabago ng sistema, at hindi relyebo lamang ng panguluhan. Mag-resign lahat, mula sa presidente, bise-presidente, senate president at speaker ng house, at pansamantalang ipapalit si Chief Justice Hilario Davide sa isang caretaker government.

Makalipas ang isang dekada, muling umalingawngaw sa lansangan ang panawagang Resign All. Sa kasagsagan ng impeachment trial kay Chief Justice Renato Corona, nanawagan naman ng Resign All ang Partido Lakas ng Masa (PLM), at pinagbibitiw lahat ng mahistrado ng Korte Suprema. Kailangan ng pagbibitiw ng lahat ng mahistrado upang bigyang daan ang independyenteng pagrepaso sa proseso ng pagpili ng mga mahistrado sa pamamagitan ng tunay at demokratikong pamamaraan, at kasali ang taumbayan. Hindi dapat mangyaring ang Korte Supremang kontrolado ng mga Arroyo ay basta na lamang papalitan ng Korte Supremang kontrolado ni Pangulong Noynoy Aquino. Dahil matutulad lamang ang Korte Suprema sa bagong bote pero lumang patis ang laman. Bagong pangulo pero lumang sistema pa rin.

Ang tanong ngayon, sino ang dapat kumontrol sa Korte Suprema? Isang paksyon ng mga naghaharing uri na pumalit sa dating paksyon ng naghaharing uri? Dapat bang ito’y independyente ngunit pawang ilustrado pa rin ang mga mahistrado? O dapat ang magpasya na sa pagpili ng mahistrado ay ang taumbayan?

Hindi relyebo ng kung sinong kokontrol na elitistang pangulo ang solusyon, dahil mauulit lamang ang pagkakamali ng nakaraan. Dapat ito’y maging isang Korte Supremang di pinaghaharian ng mga mahistradong pinili ng elitistang pangulo, kundi mga totoong hukom na marahil ay galing sa manggagawa at maralita, upang ang hustisya ay makitang walang kinikilingan.

Huwebes, Enero 26, 2012

Kasaysayan ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas

Kasaysayan ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas

ni Gregorio V. Bituin Jr.


(Ang artikulo'y nalathala sa magasing Ang Masa, pahina 7-8, isyu mula Enero 16 - Pebrero 15, 2012, kasabay ng kasagsagan ng impeachment kay Chief Justice Renato Corona)



nagtayo rin ng hukuman, at hukom na walang puso’t pawang utak ang pinili,

sa usapi’y katauhan ng may usap ang lagi nang batayan ng pasya’t hatol: katarungang makauri;

mga batas ang nagbadya:

ang maysala’y lalapatan ng katapat na parusa;

a, kamay ng katarungang kabilanin: isang lambat ng matandang inhustisya.

aligasi’y laging huli at kawala ang apahap;

ang katwira’y sa kalansing ng salapi nakukuha

- mula sa tulang Mga Muog ng Uri, ni Amado V. Hernandez


“at ang hustisya ay para lang sa mayaman” - mula sa awiting Tatsulok



Sadya nga bang para sa mayaman ang hustisya? Kamalayang makauri nga ba ang umiiral na hustisya sa bansa? Maaaring may katotohanan ang mga ito, lalo na't susuriin natin ang mga naganap na maraming kabilaning hatol ng Korte Suprema, lalo na sa pagkiling sa mas maykaya sa lipunan, tulad halimbawa ng hatol na panalo ang mga manggagawa ng Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines (FASAP) at final at executory na ang hatol, ngunit nabaligtad pa nang dahil lang sa isang liham, hindi motion, ng abugado ng Philippine Airlines (PAL) na si Estelito Mendoza. Gayundin naman, nabitay ang rapist na si Echegaray na isang mahirap, ngunit nakalaya na ang rapist na si Jalosjos na isang mayamang kongresista.


May dapat nga bang kilingan ang Korte Suprema? Para nga lang ba sa mayayaman ang hustisya na nabibili sa kalansing ng salapi? Muog nga ba ng naghaharing uri ang Korte Suprema? Halina't balikan natin ang kasaysayan ng Korte Suprema.Ang Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas, o Korte Suprema, ang siyang pinakamataas na hukuman sa Pilipinas, at ito rin ang hukuman ng huling dulugan (court of last resort). Binubuo ito ng 1 Punong Mahistrado (Chief Justice) at 14 na Kasamang Mahistrado (Associate Justice). Sa pamamagitan ng Act 136 ng Second Philippine Commission, na kilala ring Judiciary Law, isinilang noong Hunyo 11, 1901 ang Korte Suprema.


Panahong Primitibo


Bago dumating ang mga Kastila sa bansa, ang mga pinuno ng mga balangay, tulad ng raha at datu, ang siyang awtoridad sa batas. Sa mga unang panahon ng pananakop ng mga Kastila, ang kapangyarihang ito'y nasa kamay na ni Miguel Lopez de Legaspi, na siyang unang gubernador-heneral sa bansa, sa pamamagitan ng Royal Order nuong Agosto 14, 1569.


Panahon ng mga Kastila


Itinatag naman ang Royal Audencia nuong Mayo 5, 1583 na binubuo ng pangulo, apat na hukom at isang piskal. Ito ang pinamataas na hukuman sa Pilipinas. Nabago ang istruktura at katungkulan ng Royal Audencia nuong 1815 nang hinalinhan ang mga bumubuo nito ng punong mahistrado at nadagdagan pa ang mga kasamang hukom dito. At tinawag itong Audencia Territorial de Manila, na may mga sangay sa mga kasong sibil at salang kriminal. Sa pamamagitan ng Royal Decree nuong Hulyo 4, 1861, ang Royal Audencia ay naging purong sangay ng katarungan, bagamat ang mga desisyon nito ay maaari i-apela sa Korte Suprema ng Espanya na nasa Madrid.


Panahon ng mga Amerikano


Nuong 1898, sa panahon ng mga Amerikano, sinuspinde ni Gen. Wesley Merritt ang hurisdisyong kriminal ng Audencia at nagtatag ng hukumang militar. Noong Mayo 29, 1899, muling itinatag ang Audencia sa pamamagitan ng General Order No. 20 ni Maj. Gen. Elwell Otis, at ibinigay sa Audencia ang hurisdiksyon sa mga kasong sibil at kriminal, ngunit ito'y dapat sang-ayon sa soberanya ng Amerika. Pinangalanan sa Order na ito ang anim na kasaping Pilipino, sa pangunguna ni Cayetano Arellano bilang unang Punong Mahistrado. Samakatwid, ang Audencia ay nawala na sa pamamagitan ng Act 136 na siyang nagtatag ng kasalukuyang Korte Suprema, at nagbigay ng totoong independensya sa Korte Suprema, at hindi napapailalim sa kolonyal, militar o ehekutibo. Sa pamamagitan naman ng Administrative Code ng 1917, binasbasan nito ang Korte Suprema bilang pinakamataas na hukuman sa bansa, na binubuo ng siyam na kasapi - isang punong mahistrado at walong kasamang mahistrado.


Ang Kasalukuyan


Bagamat Pilipino ang natatalagang punong mahistrado mula 1901 hanggang 1935, mayorya ng mga kasapi ng Korte Suprema ay mga Amerikano. Naging pawang mga Pilipino ang mga mahistrado ng Korte Suprema nang maitatag na ang Commonwealth nuong 1935. Nang pagtibayin ng taumbayan ang Saligang Batas ng 1935, ang mga kasapi ng Korte Suprema ay lumaki - isang punong mahistrado at sampung kasamang mahistrado, na siyang umuupong en banc o dalawang dibisyong may tiglimang kasapi. Ayon sa Artikulo VIII, Seksyon 4 ng Saligang Batas ng 1987, labinglima na ang kasapi ng Korte Suprema na binubuo ng isang punong mahistrado at 14 na kasamang mahistrado. Nakasaad sa Artikulo VIII ng Saligang Batas ng 1987 ang kapangyarihan ng Korte Suprema, at sa pangkalahatan ay nahahati ito sa dalawa - ang katungkulang huridikal at katungkulang administratibo.


Ang lahat ng myembro ng Korte Suprema ay itinatalaga ng Pangulo ng Pilipinas, na batay sa listahang inihanda ng isang Judicial and Bar Council (Artikulo VIII, Seksyon 9 ng Saligang Batas ng 1987). Ang mga pagtalagang ito'y di na kinakailangan ng pahintulot ng Commission on Appointment.


Uring Pinanggalingan


Kung papansinin natin ang uring pinanggalingan ng mga naging Punong Mahistrado sa Pilipinas, halos lahat sila ay pawang nanggaling sa uring elitista, mula sa mga mayayamang angkan, at makadayuhan. Tulad halimbawa ni Cayetano Arellano, na unang punong mahistrado ng Korte Suprema. Isinulat ni Renato Constantino sa kanyang librong “A Past Revisited” na si Arellano ay “maka-Amerikanong tagasunod”. Ayon naman kay Dante Simbulan, “Other high positions given to top Federalistas were the following: Don Cayetano Arellano - chief justice, Don Victorino Mapa - associate justice. Sa artikulong “Fickle presidents, opaque JBC process, elitist court,” isinulat ni Malou Mangahas ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ): “MOSTLY old, mostly male, mostly born and bred in imperious Luzon and all schooled in imperial Manila. Two in every three were jurists and bureaucrats in their previous lives, and thus, also mostly creatures of habit and routine. In the last 20 years, while 15 of the 80 nominees were female, only three women were eventually appointed. This seemingly impregnable enclave of the elite is actually the Philippine Supreme Court, the most majestic of all the country’s courts, the final arbiter of constitutional questions, and “the last bulwark of democracy” in the land.” At idinagdag pa niya, “And despite democracy’s rebirth in 1986, the Supreme Court remains an exclusive club, no thanks to the still largely opaque, weak, and snobby processes of two entities responsible for screening nominees and appointees to the tribunal: the Judicial and Bar Council (JBC) and the President of the Philippines.”


Dahil pawang mga elitista ang nasa Korte Suprema, paano matitiyak ng mamamayan na magiging kakampi nga niya ang mga mahistrado rito, at hindi sa mga tulad ni Lucio Tan ng PAL at Henry Sy ng SM? Sa isang liham lamang ng abugado ni Lucio Tan sa Korte Suprema, nabaligtad ang hatol na final and executory sa kaso ng FASAP. Dapat magkaroon mismo ng pagbabago sa Korte Suprema, lalo na sa pagpili ng mga mahistrado, upang ang hustisya ay hindi kikiling sa isang panig dahil sa kalansing ng salapi.


Pinaghalawan:

Supreme Court website - sc.judiciary.gov.ph/

Librong The Modern Principalia: The Historical Evolution of the Philippine Ruling Oligarchy, by Dante Simbulan

A Past Revisited, ni Renato Constantino

Saligang Batas ng Pilipinas ng 1987

wikipedia.org

PCIJ website

Huwebes, Enero 19, 2012

Kuwentong Kahayupan sa Gubat - ni Jhuly Panday

Kuwentong Kahayupan sa Gubat
ni Jhuly Panday

Ilang daang taon na ang nakararaan, nakaranas ang mga hayop na nakatira dito sa ating kagubatan ng kahirapan sa buhay dahil sa hindi mapigilang pagtaas ng halaga ng pagpapalitan ng mga produkto. Isang halimbawa nito ay ang palitan ng isang tumpok ng kamote na nuon ay kalahating baso ng gatas lamang ang katapat na halaga.

Ang masaklap nito ay ang anunsyo ng mga hayop na nagmamay-ari ng lupaing tinatamnan ng kamote na muli silang magtataas ng halaga dahil raw sa pagtaas ng presyo ng kamote sa ibang kagubatan ng mundo. Inihayag nila na magtatas sila mula kalahating baso sa dalawang baso ng gatas sa bawat isang tumpok ng kamote. Nangangahulugang magtataas sila ng isa't kalahating baso ng gatas sa bawat tumpok ng kamote.

Muling umugong sa buong kagubatan ang masamang balita na ito. Ngunit kahit anong angal ang gawin ng mga hayop ay wala silang magawa upang mapigilan ito. Halos lingo-linggo ang pagtaas ng halaga ng palitan ng mga pangunahing produkto. Nadidismaya na sila ngunit parang bingi ang mga may hawak ng merkado sa kanilang mga hinaing.

Narinig ng pinuno ng kagubatan ang balitang pagtaas ng halaga ng kamote, alam niya na kung hindi siya gagawa ng hakbang upang ito ay mapigilan siguradong mag-aalsa ang mga nasasakupan niya. Kinakabahan siya, kailangan niyang maka-isip ng solusyon sa madaling panahon!

"Ayos!" Sigaw ng pinunong hayop.

"May naisip na akong solusyon sa problemang ito!" Deklarasyon ng pinunong hayop.

"Ipatawag ang mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote!" Utos ng pinunong hayop sa mga hayop na kawal.

Ilang sandali pa ay dumating ang mga hayop na kawal kasama ang mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote.

"Paano ba natin magagawan ng paraang hindi mag-alsa ang mga hayop sa napipinto na namang pagtataas ninyo ng halaga ng kamote?" Tanong ng pinunong hayop sa mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote.

"Pinunong hayop, wala na kaming magagawa pa, malaki na ang nawawala sa aming kinikita. Kilangan naming bawiin ang nawalang kita namin." Sagot ng mga hayop na may control sa merkado ng kamote.

Nakangiting nakikinig ang pinunong hayop sa paliwanag ng mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote, parang hindi nababagabag sa sinasabi ng kanyang mga kaharap.

"May mungkahi ako sa inyo na magiging kapakipakinabang para sa akin at para na rin sa inyo." Sabi ng pinunong hayop.

Seryosong naghintay ang mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote sa ano mang sasabihin ng pinunong hayop, kapakipakinabang nga naman ito para sa kanila.

"Itaas ninyo ang halaga ng kamote ng tatlong baso ng gatas sa bawat isang tumpok!" Pahayag ng pinunong hayop.

Ano?" Gulat na biglang bulalas ng mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote.

"Eh di lalong nagalit ang mga hayop sa amin dahil sa sobrang pagtaas na iminumungkahi ninyo?" Dugtong ng mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote.

"Teka lang mga hayop na kaibigan ko." Buwelta ng pinunong hayop.

"Palalabasin nating kailangan ninyong itaas ng tatlong baso ang halaga ng palitan ng isang tumpok ng kamote, at ako naman ay magpapalabas ng isang anunsyo pagkatapos ninyong maipatupad ang pagtaas na ito. Makiki-usap ako kunwari sa inyo na ibaba ng kalahati ang itinaas na halaga ng kamote. Nangangahulugan na ibaba ninyo ang halaga ng isa at kalahating baso, malaking pagbaba ito diba?" Paliwanag ng pinunong hayop.

Biglang napakamot ng baba ang mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote. Magandang ideya nga naman ito, lalabas na sila ay hindi gahaman dahil sila ay magbababa ng kalahating halaga ng kanilang produkto, at ang pinunong hayop naman ay lalabas ring bayani dahil nagawan niya ng solusyon ang problema ng mga nasasakupan.

Ilang araw pagkatapos ng pulong na iyon ay napatupad nila ang kanilang magandang balakin. Tumaas ng tatlong beses ang halaga ng palitan ng kamote at gatas.

At nangyari rin ang inaasahang paglabas ng mga hayop upang ikundina ang hindi makatwirang pagtataas ng halaga ng kamote.

Ngunit isang araw makaraan ang pagtaas na ito ay narinig ng buong kagubatan ang ginawang paki-usap ng pinunong hayop na kung maaari ay ibaba ang halaga ng palitan upang maibsan ang nararamdamang kahirapan ng kanyang mga nasasakupan.

Hindi pa natatapos ang araw ay ibinaba nga ang nasabing halaga ng palitan. Perpekto ang plano, napigilan ang paglaganap ng pag-aaklas ng mga hayop sa kagubatan.

Ayun ang akala nila.

Sa isang sulok ng kagubatan ay may mga hayop na nagpupulong at pinag-aaralan ang mga kaganapan sa buong kagubatan. Sila ang mga hayop na sukdulan na ang galit sa manipulasyong ginagawa ng pinunong hayop at ng ilang hayop na makapangyarihan. Hindi na nila mapalalagpas ang mga pang-uutong ginagawa ng mga naghaharing hayop

Kung hindi sila gagawa ng pagkilos siguradong ang mga susunod na salinlahi ng mga hayop ay sasakmalin rin ng mga mapang-abuso at mapagsamantalang uri sa kagubatan.

Panahon na upang baguhin ang sistema, panahon na upang wakasan ang pagsasamantala sa kagubatan.