Lunes, Nobyembre 27, 2023

Pagpupugay kay Gat Andres Bonifacio

PAGPUPUGAY KAY GAT ANDRES BONIFACIO

Gat Andres Bonifacio, Supremo ng Katipunan
mahusay na organisador, marunong, matapang
sa kanyang pamumuno'y dumami ang kasapian
mga Katipon, Kawal, Bayani'y nakipaglaban

dineklara ng Supremo ang paglaya ng bansa
"Punitin ang mga sedula!" ang kanyang winika
ang sigaw niya'y inspirasyong pumukaw sa madla
simula ng himagsikan ng armas, dugo't diwa

O, Gat Andres, salamat sa iyong ambag sa bayan
ngunit pinaslang ka ng 'kapanalig' sa kilusan
taun-taon, ikaw ay aming pinararangalan
tula't sanaysay mo'y pamanang sa amin iniwan

salin ng Huling Paalam ni Rizal, ang Tapunan 
ng Lingap, Ang mga Cazadores, ang Katapusang
Hibik ng Pilipinas sa Inang Espanya, at ang
Mi Abanico sa Espanyol, nariyan din naman

ang obra niyang Pag-ibig sa Tinubuang Lupa 
ating nauunawa bagamat matalinghaga,
bayani, makata, mananalaysay, manggagawa
pinaglaban ang kalayaan, tunay na dakila

basahi't namnamin ang dalawa niyang sanaysay:
Mararahas na Mga Anak ng Bayan, Mabuhay!
Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog, magnilay
mga gintong aral niya'y makahulugang tunay!

- gregoriovbituinjr.
11.27.2023

* Inihanda para sa "Konsiyerto ng Tula at Awit: Parangal sa Ika-160 Kaarawan ni Gat Andres Bonifacio", University Hotel, UP-Diliman, Nobyembre 27, 2023, 2-6pm 

Miyerkules, Nobyembre 8, 2023

Kwento - Alagata't dalumat sa ikalawang Climate Walk


ALAGATA’T DALUMAT SA IKALAWANG CLIMATE WALK
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang reyunyon ang naganap. Nagsisama muli ang mga kasama ko sa unang Climate Walk from Luneta to Tacloban noong 2014 para sa unang anibersaryo ng Yolanda sa Climate Justice Walk ngayong 2023 para sa ikasampung anibersaryo ng Yolanda. Ikapito iyon ng umaga ng Oktubre 8 at nagkita-kita kami sa likod ng malaking estatwa ng Supremo Gat Andres Bonifacio sa tabi ng Manila City Hall. Nagkumustahan. Maya-maya, naghanda na kami sa paglalakad matapos ang maikling programa.

Inihatid ako ni misis at ng isang kaopisina niyang boarder namin doon sa Luneta. Sumabay sila sa paglalakad hanggang sa Kilometer Zero.

Ibang-iba ang nararamdaman ko nang mga panahong iyon kaysa unang Climate Walk. Noong 2014 ay binata pa ako, ngayong 2023 may-asawa na ako at iiwan ko siya ng higit isang buwan. 

Bago ang ikalawang Climate Walk na ito sa bansa, kami rin ang mga magkasama doon sa Climate Pilgrimage from Rome To Paris noong 2015, bagamat ako’y napasama lang sa French leg dahil binigyan lang ako ng Schengen visa sa France ngunit di sa Italy. Naroon kami nang pinagtibay ang Paris Agreement. At ngayon, muli kaming naglakad mula Luneta hanggang Tacloban, subalit iba na ang ruta kaysa unang Climate Walk. Nagsimula kami noon ng Oktubre 2. At ngayong 2023 ay Oktubre 8.

Marami kaming mga dinaanan, at marami kaming mga kinainang inihanda ng mga dating kasama sa unang Climate Walk. Tumuloy pa kami at natulog sa UP Los BaƱos na wala sa dating ruta. Dati ay dumaan pa kami sa Calamba, Laguna at Sto. Tomas, Batangas na ngayon ay hindi na. Nagbarko pa rin kami mula sa Matnog, Sorsogon hanggang Allen, Samar. Naghalalan ng Barangay, at dalawang araw din kaming hindi naglakad dahil sa Barangay election. Sa panahong iyon gumawa ng video ang mga taga-Greenpeace kung saan binigkas namin isa-isa ang bawat taludtod ng ibinahagi kong tula hinggil sa Climate Justice Walk.

Masaya ang aking kalooban habang ikinukwento ko kay misis sa selpon ang aming kalagayan. Maraming salamat kay misis at sa lahat ng mga sumuporta sa Climate Walk. Ilang araw na lakad pa at mararating muli namin ang Tacloban, na tinaguriang Ground Zero noong 2013.

Sa totoo lang, iyon ang ikatlong punta ko sa Tacloban na una ay di Climate Walk kundi pamimigay ng bigas, damit, gamit, solar, sa mga nasalanta sa Tacloban noong Disyembre 2013, isang buwan matapos ang bagyong Yolanda, kasama ang Partido Lakas ng Masa (PLM).

Nasa Ragay, Samar na kami. Nagpinta pa kami ng mga gagamiting mahahabang telang may mga islogan ng Climate Justice. Ginabi na kami.

Hanggang isa-isa nang natulog ang mga kasama sa Climate Walk. Ngunit ako, bago umidlip, ay napagninilayan ko pa ang aking nabasa mula sa magasing Journal of Filipino Science na dala ng isang kasama.

Ayon sa isang artikulo roon, may mga eksperimentasyon ang mga Pinoy na siyentipiko, tulad ng paano inumin ang tubig-dagat na di tayo maaalatan, paano makatagal sa pagsisid sa laot, pagkain ng mga lamang dagat araw-gabi, atbp. Nais nilang lumikha ng mga Pilipinong tutubuan ng hasang upang makatagal sa tubig at mabuhay nang di nalulunod sa baha. Bunsod na rin iyon ng nangyaring Yolanda na pumatay halos ng animnalibong  mamamayan. Inaaral din nila pati ang karanasan ng mga Badjao, pati ang iba pang boatpeople, na sa dagat na halos nabubuhay.

May quote pa ang mga siyentipikong Pinoy na ito: “The present is theirs; the future is ours.” Naalala ko tuloy ang marahil ay pinagbatayan niyon, isang quotation mula sa siyentipikong Serbian na si Nicola Tesla, “The present is theirs; the future, for which I really worked, is mine.”

Paano nga kaya kung magkahasang ang mga tao? Marahil, di sana nangalunod ang mga tao sa pagragasa ng Yolanda. Subalit sa Maynila, na ang baha ay nagdadala ng sangkaterbang basura, baka di umubra ang kanilang eksperimentasyon. Malulunod lang ang mga tao sa basura.

Maya-maya, ginising na ako ng isa sa aming mga kasama. Halos gising na rin ang iba. Anya, “Alas-kwatro na. Maghanda na tayo’t kumain ng maaga. Alas-singko ay dapat nakaporma na tayo upang maglakad tungo sa San Juanico Bridge.”

Nobyembre 8 na pala ngayon. Ikasampung anibersaryo ng Yolanda at ngayon ay muli naming lalakarin ang kahabaan ng San Juanico Bridge. At doon sa Tacloban ay muli naming gugunitain ang mga nangamatay at anong aral sa klima at anong panawagan namin sa buong mundo na aming dapat sabihin sakaling dumalo kami sa COP28 sa Dubai.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Nobyembre 1-15, 2023, pahina 18-19.