PAGNINILAY
di ko hilig iyang makipagdigmaan
maliban kung sa chess makipagtagisan
ng estratehiya at mga taktika
at di sa giyerang kayraming biktima
mabuti't natuto akong manindigan
turo ng magulang, tama'y ipaglaban!
tanong sa sarili'y mga nakikita
laksa-laksa'y bakit kawalang hustisya?
bakit may mahirap? bakit may mayaman?
sa kaibutura'y laging katanungan
bakit nagdarahop silang magsasaka?
gayong buong bansa'y pinakain nila!
bakit manggagawa'y aliping sahuran?
gayong nililikha'y yaman ng lipunan!
hirap din ang vendor at namamasada
bigas na'y kaymahal, pati gasolina!
sistemang bulok nga'y sinirang tuluyan
itong kalikasang pinagkakitaan
bundok, gubat, dagat, lupa'y minimina
para sa negosyo at malaking kita
gawin ang marapat, huwag mang-iiwan
dapat masang api'y matutong lumaban
kaya nangalsada ako't nakiisa
laban sa pag-api't pagsasamantala!
- gregoriovbituinjr.
09.04.2026









