Miyerkules, Enero 29, 2020

Kwento - Magsabatas din ng National Liquid Waste Management ang pamahalaan


MAGSABATAS DIN NG NATIONAL LIQUID WASTE MANAGEMENT ANG PAMAHALAAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Mayroon nang National Solid Waste Management Commission na naitatag ang pamahalaan. Layunin nitong magpatupad ng pambansang patakaran para sa mandatoryong paghihiwalay ng basura sa pinagmulan at ang pagbabawas ng basura sa mga lokal na yunit ng pamahalaan. Itinatag ito sa pamamagitan ng Republic Act No. 9003, na kilala rin bilang Ecological Solid Waste Management Act of 2000. Bagama't may ‘of 2000’ ang batas, ito’y ipinatupad at nilagdaan noong Enero 26, 2001.” Ito ang pambungad na pananalita ni Mang Kanor sa pulong ng mga maralitang lungsod sa isyu ng kalikasan. “May tanong ba kayo?”

Nagtaas ng kamay si Ingrid, “Tanong ko lang po, kung may solid waste management hinggil sa paghihiwalay ng mga basura sa nabubulok at di nabubulok, di ba’t magandang may liquid waste management din na dapat pairalin ar isabatas?”

“Maganda ang katanungan ni Ingrid. Subalit maaari mo bang mas ipaliwanag pa sa amin ang iyong naiisip na iyan upang mas maunawaan pa namin,” ang sabi ni Mang Kanor.

“Tama, Ingrid, ipaliwanag mo’t bago lang sa pandinig ko iyan.” Sabi naman ni Pidyong.

“Ganito po iyon,” pagsisimula ni Ingrid. “Napakamahal na ng tubig galing sa gripo na binabayaran natin. Ang tubig pang-inom na iniinit pa natin, ang pampaligo, ang panghugas ng pinggan, ang tubig sa paglalaba, ang panglampaso sa sahig, ang pambuhos sa inidoro, ay pawang galing lahat sa gripo, malinis na tubig. Gayong pwede namang pambuhos sa inidoro at panglampaso sa sahig ang tubig ulan galing sa mga alulod. Kailangan lang nating may paglalagyan ng mga iyon. Sobra-sobra ang tubig ulan, nagbabaha pa nga, gayong libre lang ang tubig ulan. Iyan po ang sinasabi kong dapat mayroon din tayong batas hinggil sa liquid waste management upang nagagamit ang mga libreng tubig ulan.”

Patango-tango lang ang mga dumalo sa solid waste management.

Nagsalita si Pidyong, “Sang-ayon ako sa ganyang mungkahi. Pag nagbagyo ay bahang-baha sa kalsada ngunit hindi naman natin magamit ang baha dahil marumi. Pwede iyan sa inidoro basta salain, walang basurang babara sa ating mga inidoro. Distilled water ba ang tubig-ulan at maaari ba sa sasakyan tulad ng dyip na pinapasada ko?”

“Ayon sa pananaliksik, distilled water ang tubig ulan, subalit ingat pa rin sa paggamit nito sa makina ng sasakyan. Kung panlinis ng kotse, pupwede. Itanong natin iyan sa mga eksperto sa sasakyan.” Ani Ingrid. 

“Nagtanong si Ingrid na lumalabas ay isa nang mungkahi. Sino pa ang sususog o nais magdagdag?” Tanong muli ni Mang Kanor.

Nagtaas ng kamay si Kulas, “Sang-ayon ako kung sa mga lalawigan gagawin ang liquid waste management o yaong pagsalo ng tubig ulan. Mahirap kasi sa lungsod, pag naihian ng daga ang bubong, sasama sa tubig ulan sa alulod ang ihi. Ingat pa rin sa lestospirosis.”

Muling nagsalita si Ingrid, “Nabanggit ni Mang Kanor ang National Solid Waste Commission. Subalit wala naman tayong National Liquid Waste Commission na mamamahala naman sa mga tubig na di naman nagagamit ng tama, tulad nga ng tubig ulan, bagamat may Philippine Clean Water Act of 2004 (Republic Act No. 9275) na tayo.”

Nagsalita rin si Kulas, “Mungkahi ko, Ingrid, magsulat tayo ng petisyon hinggil sa iyong mungkahi at ipanawagan natin iyan sa ating mga mambabatas. Dapat lang tayong magkaisa at kumilos upang may ginagawa naman ang mga tutulog-tulog nating mga mambabatas.”

“Kaya ibig sabihin,” ani Mang Kanor, “hindi lang solid waste ang ating pagtutuunan ng pansin, kundi pati na liquid waste. Tama ba?”

“Tama po, Mang Kanor,” tugon naman ni Ipe na isa rin sa mga dumalo. “Kausapin din natin ang iba’t ibang samahang makakalikasan, tulad ng EcoWaste Coalition, Green Convergence, Ban Toxic, Philippine Movement for Climate Justice, Saniblakas ng Inang Kalikasan, at marami pang iba tungkol sa gagawin nating petisyon upang makatulong.”

“Mahaba-haba ring laban ito,” ani Mang Kanor, “Pati Kongreso at Senado ay ating kausapin sa ating panukala. Ayos ba sa inyo? Sana, Ingrid, ay masulat mo na ang mungkahi at magawa na ang petisyon.”

“Opo, susulatin ko po kaagad ang mungkahi bilang batayan ng ating petisyon, at sana po ay magtulong-tulong po tayo.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Enero 16-31, 2020, pahina 18-19.

Martes, Enero 28, 2020

Dapat climate resilient ang On-Site, In-City or Near-City Resettlement Bill

DAPAT CLIMATE RESILIENT ANG ON-SITE, IN-CITY OR NEAR-CITY RESETTLEMENT BILL
Maikling sanaysay at saliksik ni Greg Bituin Jr.

May mga nakasalang na panukalang batas sa Senado at Kongreso hinggil sa relokasyon ng mga maralita na on-site (ang relokasyon ay sa mismong kinatitirikan ng kanilang tahanan), in-city (ang relokasyon ay sa loob lang ng lungsod kung saan sila naroon) or near-city (sa pook na katabi ng kinapapaloobang lungsod). May Senate Bill si Senadora Grace Poe (SBN 582) at Senadora Risa Hontiveros (SBN 167).

Mayroong katumbas na panukalang batas sa Kongreso sina Rep. Kiko Benitez (HB00042), Kit Belmonte (HB00156), Alfred Vargas (HB00236), Yul Servo (HB03227), Francis Abaya (HB04245), at Rufus Rodriguez (HB02564).

Sa ating Saligang Batas ay nakasaad sa Seksyon 9 at 10 ng Artikulo XIII ang karapatan sa pabahay. Dahil dito'y naisabatas ang Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA). Subalit makalipas ang halos tatlong dekada, hindi pa rin ganap na naisasakatuparan ang disente at abotkayang pabahay sa maralita. Tinatayang nasa 6.8 milyon ang backlog sa housing sa taon 2022.

Dahil dito, nangangailangan pa rin ng pabahay ang maraming maralita. Kaya nagsulputan ang mga planong on-site, in-city at near-city na resettlement o relokasyon ng pabahay. Subalit sa kanilang mga panukala, kailangan itong pag-aralan pang mabuti dahil hindi sapat ang on-site, in-cty at near-city na pabahay kung binabaha ang lugar tulad sa Malabon at Navotas.

Dapat kahit ang mga panukalang batas sa pabahay ay maging climate resilient, batay sa adaptation at mitigasyon, na dahil may mga senaryo nang lulubog ang maraming lugar sa taon 2030 pag hindi naagapan ang climate change na nagaganap. Ayon sa mga siyentipiko, dapat na masawata ang lalo pang pag-iinit ng mundo, na huwag itong umabot sa 1.5 degri Centigrade, dahil kung hindi maraming lugar ang lulubog sa tubig. Basahin nyo at pag-aralan ang ulat ng UNFCCC (United Nations Framework Convention on Climate Change), at ng IPCC (Intergovernmental Panel on Climate Change), na noong Oktubre 2018 ay nagsabing may labingdalawang taon na lang tayo upang masawata ang 1.5 degri C. Dahil kung hindi, lulubog ang maraming lugar. Ibig sabihin, sa taon 2030 ay baka lumubog na ang maraming bansa sa tubig.

At pag nangyari ito, na lumubog halimbawa nang halos anim na talampakan ang mga lugar dulot ng 1.5 degri C na lalo pang pag-iinit ng mundo, ano pang esensya ng on-site at in-city relocation? Titira ka pa ba sa on-site relocation na ibinigay sa iyo kung alam mo namang lulubog ito?

Ang dapat pag-aralan, pagdebatihan, at isabatas ay ang isang Public Housing Act, kung saan ang pabahay ay hindi pribadong pag-aari kundi babayaran lang ang gamit nito, hindi upa.

Ang mga pag-aaral na ito hinggil sa klima at pabahay ay mula sa pakikipagtalakayan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa mga grupo tulad ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ). May mga mapa pang ipinakita kung ano ang mga lugar na lulubog sa ganitong taon pag hindi binago ng mga mayayamang bansa ang kanilang paggamit ng enerhiya. Pag patuloy pa sila sa paggamit ng coal-fired power plants at mga enerhiyang mula sa fossil, lalong mag-iinit ang mundo, at pag lumampas na tayo sa limit na 1.5 degri Centigrade, hindi na tayo makakabalik pa sa panahong mababa sa 1.5.

Kaya dapat maipasok din sa mga panukalang batas sa pabahay na mabago na rin ang ating sistema ng enerhiya, at huwag nang umasa pa sa fossil fuel kundi sa renewable energy.

Kailangang maging aktibo rin tayong maralita sa usapin ng klima, climate change at climate justice, at manawagan tayo sa mga mayayamang bansa na bawasan na ang paggamit ng coal plants at gumamit na tayo ng renewable energy.

Sa madaling salita, dapat nakabatay din sa usaping pangklima ang on-site, in-city, at near-city resettlement bill. Para kung sakaling lumubog na ang mga bahaing lugar, may opsyon ang mga maralita. Hindi na uubra ang on-site relocation sa lulubog na mga lugar. Baka hindi na rin umubra ang in-city at near-city relocation sa kalaunan. Dapat ay climate resilient na batas para sa pabahay ang dapat pagtuunan ng pansin ng mga mambabatas.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, 2020, pahina 8-9