TULAMPATI SA IKASAMPUNG ANIBERSARYO NG CEED
taasnoong pagpupugay sa CEED
pagkat kalikasa'y di nabulid
sa pagkasira, inyong hinatid
ay pakikibakang aming batid
pinagtatanggol ang kalikasan
sinuri rin ng CEED ang lipunan
upang matiyak ang kaligtasan
ng katutubo at mamamayan
negosyo'y mapanira talaga
dulot ay maruming enerhiya
kalikasa'y winawaksi nila
kaya tayo'y dapat magkaisa
mula po sa maralitang hanay
muli, taospusong pagpupugay
sa CEED sa pagbaka n'yo't tagumpay
sigaw namin! mabuhay! mabuhay!
- gregoriovbituinjr.
07.31.2026
* tulampati ng secgen ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) na binigkas sa pagdiriwang ng CEED
* CEED - Center for Energy, Ecology and Development
Natitipon dito ang mga sulating aktibista ng iba't ibang manunulat mula sa mga organisasyong mapagpalaya. Ang mga natitipon dito'y inilalathala bilang isang aklat na pinamagatang "TIBAK: Katipunan ng Panitikang Aktibista". Ang unang aklat ay nalathala noong Disyembre 2008.
Biyernes, Hulyo 31, 2026
Linggo, Hulyo 26, 2026
DALIT laban sa pesticide gas
DALIT laban sa pesticide gas
Gaano kasiraulo
ang mga gumawâ nito?
Yaong pabor sa negosyo
pinesticide gas ang tao!
Sa World War I ay mustard gas,
sa Vietnam war, CS gas,
sa DENR sa Pinas
gamit nama'y pesticide gas!
Makatao pa ba silang
pesticide ang pinambira
sa naroong raliyista?
Combatant na ba ang masa?
Natuto sila sa Kanô
upang hustisya'y masugpô!
- gregoriovbituinjr.
07.26.2026
* bidyo mula sa The Wheel sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/1358699189684782
Martes, Hulyo 7, 2026
Paunang Salita sa planong aklat na "Talambuhay ng Ilang Manunulat na Nagpatiwakal"
PAUNANG SALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Hindi ako sikolohista upang saliksikin at tipunin ang talambuhay ng mga manunulat na nagpatiwakal. Isa lang akong biyudong nakaranas ng depresyon. Kalagitnaan ng Abril 2026, halos dalawang buwan bago ang babangluksa kay misis, tumigil ang aking mundo: Ang aking mga pluma at kwaderno ay nangulila na animo sila'y namatayan. Nakamulagat lamang ako sa dingding at sa kisame. Hindi na ako nakapagsulat. Nangulila rin ang aking mga blog at pesbuk na naglalaman ng mga tula, dagli, maikling kwento, sanaysay, tulawit, salin, saliksik, at iba pang sulatin. Sumagi rin sa isip kong tapusin ang iwing buhay.
Subalit may mga plano kami ni misis na dahilan upang hindi ako magpatiwakal. May plano akong kalipunan ng mga tulang pamamagatan kong "100 Tula Para Kay Liberty" na batid ng aking asawang si Liberty na sinimulan ko na noong nabubuhay pa siya. At nais kong makakatha ng isang nobela kahit minsan sa buhay ko.
Gayunman, naisipan kong maghanap ng sikolohista dahil sa nararanasan kong depresyon, subalit nang magtanong ako, P1,500 ang bawat sesyon sa isang sikolohista. Hindi káya ng tulad kong pultaym na tibak na nagsisilbi sa mga manggagawa't maralita. Kaya naisipan kong ako na lang ang gagamot ng aking depresyon. Kaya sinimulan kong manood ng mga libreng palabas saamman mayroon, tulad ng Metropolitan Theatre (MET), UP Film Institute, Sine Pop, at Mowelfund Film Institute. Nagtungo rin ako at nagsaliksik sa National Library. Nilibot ko rin ang National Museum at napuntahan ang tatlong building niyon: ang National Museum of Fine Arts, ang National Museum of Anthropology, at ang National Museum of Natural History na magkakatabi lang sa Luneta sa Maynila.
Sa panahong may depresyon ako, madalas akong nakatitig sa kawalan, at natulog ng ilang araw na animo'y pagod na pagod. Lumabas lang ako ng kalsada noong Mayo Uno. Kumbaga'y parang awtomatiko na ito sa aking sistema, na hindi ako dapat lumiban o umabsent sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Muli akong lumahok at nakiisa sa mga manggagawa sa rali hanggang sa kanto ng Recto Avenue at Morayta dahil hinarangan na ng mga container van ang dalawang bahagi ng Recto bago mag-Lepanto. Matapos iyon ay balik na naman ang depresyon.
Mayo 17, 2026 na nang bigla akong bumalikwas upang magsulat, higit kalahating buwan matapos ang Mayo Uno, at isang buwan mula nang makaramdam ako ng depresyon. Sinimulan ko ang Paunang Salita sa aklat na "TINIG NG DUKHA: Katipunan ng mga Akda ni Ka Pedring Fadrigon". Si Ka Pedring ang aming pambansang pangulo sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung saan ako ang halal na sekretaryo heneral.
Ikalawa'y tinapos ko ang apatnapung pahinang libretong "Mga Tula at Kwento sa Klima" na inilunsad ko sa Mowelfund Film Institute noong Hunyo 5, 2026, kasabay ng World Environment Day (Pandaigdigang Araw ng Kapaligiran). Dahil hindi pa rin talaga bumabalik ang pagiging aktibo ko sa pagsusulat, 'yung mga dati ko nang naisulat ang tinipon ko sa libretong iyon. Masidhi pa rin ang nararanasan kong depresyon. At palagay ko'y tula ang lunas sa kalagayan kong ito. Kaya nagbakasakali akong magpasa ng mga tula sa Linangan ng Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) bilang bahagi ng naiisip kong therapy. Hunyo 20, 2026 ay muli akong nakalahok sa anim na buwang pag-aaral ng tula sa LIRA. Maraming salamat talaga.
Hulyo 7, 2026 nang maisipan kong magsaliksik ng mga manunulat na nagpatiwakal, bagamat noon pa'y batid ko na kung sino silang hinahangaan kong manunulat. Pangunahin sa kanila sina Nobel Prize winner Ernest Hemingway, Sylvia Platt at Virginia Woolf. Sa kanila ko sinimulan ang aking saliksik. Matapos nila, saka ko sasaliksikin ang talambuhay ng iba pang mga makata at manunulat na nagpatiwakal.
May aklat akong si Virginia Woolf ang nasa pabalat, na ang pamagat ay "Writers: Their Lives and Works". Kaya nag-selfie ako sa aklat na nabanggit na ginawa kong litrato sa pabalat ng aklat na ito.
Sa aklat na iyon ay nabasa ko rin ang talambuhay ni Edgar Allan Poe, na bagamat hindi siya nagpatiwakal ay nagkaroon din siya ng depresyon, tulad ko, nang mamatay ang kanyang asawa. Ayon sa pahina 85 ng nasabing aklat: "Virginia Eliza Clemm: Poe's bride - his first cousin - was half his age when they married in 1835. Her death seven years later sent Poe into the depths of depression." (Virginia Eliza Clemm: Ang kasintahan ni Poe - na kanyang pinsan - ay kalahati ng kanyang edad nang sila'y pinag-isang dibdib noong 1835. Ang kanyang pagkamatay pitong taon ang lumipas ay nagdulot kay Poe ng matinding depresyon.) Tulad ni Poe, nakapitong taon din kami ni misis bago siya namatay. Ikinasal kami noong Pebrero 14, 2018 at namatay siya noong Hunyo 11, 2025 sa isang ospital. Kung paano nalampasan ni Poe ang kanyang depresyon ay wala sa ulat, na sana'y kayanin ko rin ang depresyon kong nararanasan.
Nang dumalo ako sa panonood ng pelikulang "Turumba" ni National Artist Kidlat Tahimik, sa Mowelfund Film Institute noong Mayo 29, 2026, nakausap ko ang isang manonood din, si Sir Angel, at sinabi niyang limang taon na rin nang mamatay ang kanyang asawa, ngunit hindi pa rin siya agad naka-move on. At dahil mag-iisang taon pa lang akong biyudo ay mahirap daw talaga. Kaya tulad ko'y naging libangan na rin niya ang panonood ng mga libreng palabas upang kahit paano'y may magawa marahil. Subalit hindi upang makalimot! Paano ba lilimutin ang asawang naging bahagi na ng buhay at buong pagkatao? Hindi! Hindi siya dapat malimot!
Isa sa nagpapagaan sa aking loob, na palagay ko'y nagpapawala ng nararanasang depresyon, ay ang isinulat ni Pinay tennis sensation and national sports hero Alexandra "Alex" Eala sa kanyang sambalilo nang lumaban siya sa Wimbledon nitong Hulyo 2026: "Kapag Lumago, Hindi Na Hihinto!" Sa labanang iyon, tinalo niya ang defending champion na si Iga Swiatek. Tunay na inspirasyon si Alex sa marami, na gaano man katindi ang mga pagsubok, sa tennis court man o sa buhay, ay malalagpasan mo iyon at mararating din ang tuktok ng bundok o ang rurok ng tagumpay. Hindi mo iisiping magpatiwakal kundi ay lakasan pa ang loob mo sa mga nararanasang paghihirap ng kalooban.
Ay, dapat ko pang palaguin ang aking pagsusulat ng tula, dagli, sanaysay at maikling kwento, upang sa kalaunan ay makagawa ng asam na nobela. Maraming salamat, Alex, sa payo, na talagang tagos sa aking puso at sa puso ng ating mga kababayang nagsisikap at nakikibaka para sa isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao.
Kahit sa pag-aaral ko ng ating pambansang sports na arnis sa ilalim ni Guro Jaime Paterno De Laza ay ipinayo niyang "Hindi maaari rito ang may balat-sibuyas!" Kaya sinunod ko ang kanyang payo. Tuloy ang buhay at huwag laging balat-sibuyas sa mga nararanasang suliranin kundi hanapin ko ang kalutasan nang may malinaw na kaisipan at pagsusuri. Maraming salamat po sa payo!
Sa aklat na ito, binalangkas ko ang aking saliksik sa tatlong bahagi.
Una, talambuhay ng manunulat mula pagsilang hanggang kamatayan.
Ikalawa, ano-anong akda ang nagpasikat sa kanya?
Ikatlo, bakit siya nagpatiwakal, o bakit kaya siya nagpatiwakal? Ang unang tanong ay batay sa saliksik, habang ang ikalawang tanong ay hinggil sa aking pananaw. Depresyon din kaya ang dahilan?
Magagaling silang manunulat, subalit hindi nila inanunsyo sa buong daigdig ang plano nilang pagkitil sa sariling buhay. Nabatid na lang ng mundo na sila'y wala na noong sila'y nawala na. Si Hemingway ay nagbaril sa sarili. Nilagay ni Platt ang ulo sa isang oben saka binuksan ang gas na dahilan ng kanyang kamatayan. Pinuno naman ni Woolf ng bato ang kanyang dyaket at nilunod ang sarili sa ilog matapos magsulat ng pamamaalam sa kanyang mga mahal sa buhay.
Marahil, hindi ako magpapatiwakal tulad nila, lalo na't sila'y mga sikat na manunulat, habang ako naman ay wala pa sa kalingkingan nila. Isa lang akong hampaslupa, pipitsugin at abang manunulat na naglilingkod sa kapwa maralita at sa uring manggagawa. Nalathala na noon ang aking mga akda sa magasing Tambuli at pahayagang Obrero ng grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM), magasing Maypagasa ng grupong Sanlakas, at publikasyong Taliba ng Maralita ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), bukod pa sa publikasyong pangkampus na The Featinean noong ako pa'y nasa kolehiyo.
Kaya wala akong panama sa kanila. Kung sakaling magpatiwakal ako dahil hindi ko nakayanan ang aking nararanasang depresyon, eh, ano? Hindi naman ako sikat at walang pakialam ang mga Pilipinong manunulat kung magpatiwakal man ako. Hindi ako sikat, at hindi ako magaling.
Sino ba naman ang kikilala sa isang pultaym na aktibistang manunulat, na tingin ng marami ay pulahan, komunista, at kung anu-ano pang pangre-redtag na nais nilang gawin upang mawala ang tulad naming mga tibak na manunulat sa balat ng lupa? Gayong kaya kami aktibista ay dahil nais naming ialay ang aming buhay sa marangal na layunin tungo sa lipunang pantay at nagpapakatao! Ika nga ng ating bayaning si Gat Emilio Jacinto sa Kartilya ng Katipunan: "Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi damong makamandag."
Gayunman, bagamat ako'y pultaym na tibak, nakakaranas din pala ng depresyon ang tulad ko, na marahil ay ikamatay ko kung hindi ko na kaya. Subalit sabi ko nga, sa katinuan ko, ayokong magpatiwakal habang hindi ko pa natatapos at nailathala ang plano namin ni misis noong nabubuhay pa siya, na nabanggit ko sa itaas.
Paumanhin kung personal ang aking naisulat. Nawa'y mabigyan ko ng hustisya ang mga naisulat ko at nasaliksik hinggil sa mga kilalang awtor na nagpatiwakal. Maraming salamat po sa inyong pang-unawa.
Hulyo 7, 2026
Huwebes, Hunyo 4, 2026
Paunang Salita sa aklat na TINIG NG DUKHA, Katipunan ng mga Akda ni Ka Pedring Fadrigon
PAUNANG SALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr., sekretaryo heneral ng KPML
Maraming naiwang akda si Pedrito “Ka Pedring” Fadrigon, pambansang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Kaya nang mamatay siya noong Oktubre 6, 2019, isa sa naging pasiya ng patnugutan ng pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng KPML, ay ang ilathala ang kanyang mga akda, lalo ang kolum niyang Tinig ng Dukha sa Taliba ng Maralita mula Setyembre 2018. Noong Setyembre 16, 2018 ang ikalimang Pambansang Kongreso ng KPML na muling nagluklok kay Ka Pedring sa pagkapangulo.
Bukod pa sa kolum sa Taliba, mayroon pa siyang sulatin na nahalukay ko sa internet, na isinama ko rito.
Hindi ko lang naipon ay ang kanyang mga sulatin sa dyaryo ng SAMANAFA (Samahan ng Maninindang Nagkakaisa sa Fabella) na dalawang pahinang buwanang pahayagang back-to-back sa short bond paper na ipinapa-riso ng isang ream. Salitan kami ng namayapang Larry Perez Jr. sa paggawa ng dyaryong ito.
Ang pagtitipon at paglalathala ng kanyang aklat ay ginawa para sa unang anibersaryo ng kanyang kamatayan sa Oktubre 2020. Nagawa iyon. Inipon lahat ng kanyang sulatin, ni-retype ang teksto, naghanap ng litrato, ni-layout ang aklat, naghanap ng pondo, ako na ang nag-bookbinding, pina-cut sa labas. Bale apatnapung aklat iyon. Ibebenta ko sana bawat aklat sa kanyang mga kasamahan sa Mandaluyong, pati na sa mga kasama sa KPML, sa Zone One Tondo Organization (ZOTO), sa Piglas Kabataan (PK), at maging sa mga taga-NAPC (National Anti-Poverty Commission).
Apatnapung librong manu-mano kong ginawa. Apatnapung aklat lamang dahil iyon ang kasya sa pondong hawak ko. Subalit nangyari ang hindi inaasahan. Nawala ang apatnapung librong iyon. Nalimutan ko sa sasakyan. Marahil dahil sa pagod at antok ay hindi ko na naalala o dahil sa dami ng problema sa bahay at sa buhay ay kung anu-ano ang nasa isip. Naalala ko lang pagbaba ko ng dyip. Kung hindi sa bus papuntang Monumento ay sa dyip papuntang Letre ko naiwan iyon. Natulala ako. Naalala kong umiiyak ako noon. Hindi dahil sayang ang mga librong mabebenta, kundi nakapanghihinayang na nawala iyon ng gayon na lamang.
Tanda ko’y nakalupagi ako sa harap ng National Book Store ng Malabon City Square nang may kumalabit sa akin. Bakit daw ako umiiyak at sinabi kong naiwan ko sa sinakyan ko ang pinaghirapan kong aklat ni Ka Pedring. Hindi ko na matandaan kung sino siya. Baka gwardya sa National o isang lider-maralitang kakilala ko. Hindi ko na batid kung ilang minuto o may isang oras ba ako sa gayong katayuan. Hanggang naisipan kong sumakay na ng tricycle papuntang Tomana dahil may pulong kami ng mga lider ng KPML.
Naalala ko’y tahimik lamang ako noon. Di halos makausap. Paano ko ba sasabihing nawala ang isang sorpresa sana sa kanila?
Nabatid ni misis ang nangyari at sinabi niyang huwag akong mag-alala at babalik din iyon, na siya kong pakonsuwelo. Di ko iyon muling nilathala. Tila pilit ko na lang kinalimutan ang mga nangyari.
Ilang taon ang lumipas hanggang magbantay ako kay misis sa ospital, hanggang sa siya’y mawala sa aking piling. Sadyang kayhirap mawalan ng minamahal. Nasa bingit ako ng matinding depresyon.
Sa aking pag-iisa, natagpuan ko ang aking sarili na nagbabasa ng mga dati kong nabiling aklat, katha ng katha ng tula, sinubukang maggitara at gumawa ng ilan kong komposisyong kanta na tinawag kong tulawit (tula at awit), pagkatha ng mga tanaga-baybayin o mga tulang isinulat ko sa panulat ng ating mga ninuno - ang baybayin, nagsulat ng tula, maikling kwento, sanaysay, dagli, at bukrebyu, na pinasa ko sa magasing Liwayway subalit di ko na nasubaybayan kung may nalathala, pagdalo at pagsasalita sa rali, at minsan ay pagbigkas ng tula sa rali at iba pang pagtitipon. Hanggang naging tambayan ang Metropolitan Theater upang manood ng libreng palabas, pati na sa panonood sa PETA, Mowelfund, Videotheque, Cine Adarna, at UP Film Center ng mga libreng palabas. Sa UP, kung may bayad man, P200 sa regular, at P150 sa senior, estudyante at PWD, binabayad ko’y P150 lang, hindi regular, sa pagsasabing pultaym na aktibista ako, at pinapayagan naman akong manood. Maraming salamat.
Ilang beses din ako sa National Museum at halos nalibot ko na ang tatlong building niyon: ang National Museum of Fine Arts, ang National Museum of Anthropology, at ang National Museum of Natural History na magkakatabi lang sa Luneta sa Maynila. Kumuha ng litrato, kumatha ng tula’t sanaysay hinggil sa ilan kong nakita roon.
Nitong Pebrero o Marso 2026, sa isang palabas sa UP Film Center, pagkatapos ng palabas ay may tanungan portion doon. Nasa entablado ang mga direktor at artistang gumanap. Nagtanong ako at nagpakilala. Ako si Greg, isang pultaym na aktibista at sekretaryo heneral ng KPML. Nasagot naman ang aking tanong. Matapos iyon ay may lumapit at kumausap sa akin. Di ko na matandaan ang kanyang pangalan kung Marita, Marissa o Melissa ba na taga-Cavite. Sabi’y nabasa niya ang libro ni Ka Pedring ng KPML at ito ang nagsilbing inspirasyon nila upang ipaglaban ang kanilang karapatan sa paninirahan. Tinanong ko kung saan niya nabili ang libro. Di raw niya iyon binili. May nagbigay lang daw niyon sa kanya. Pakiramdam ko’y tulala ng panahong iyon kaya wala na akong naitanong pa hanggang siya’y magpaalam at ako’y nakinig pa rin sa mga tanungan. Tila ba ipinaalala niyon na dapat muli akong maglathala ng mga aklat, lalo na ang nawala kong 40 kopya ng aklat ni Ka Pedring.
Ilang linggo pa ang lumipas at nagunita ko muli ang usapang iyon. At isang araw, kalagitnaan ng Mayo, ay bumangon akong puno ng sigla at may panibagong lakas. Muli akong nagsaliksik, tinipon at tinipa ang mga akda ni Ka Pedring, bagamat di ko na tanda ang ilan pang detalye ng unang aklat maliban sa petsang Oktubre 2020 iyon nalathala dahil iyon ang unang anibersaryo ng kanyang kamatayan.
Gayunpaman, batid kong iba ang itsura ng unang aklat, na sa palagay ko’y mas maraming pahina kaysa sa inilathala ngayon. Mas marami siyang sulatin doon, na wala sa aklat na ito dahil di ko na makita ang iba pa niyang sulatin. Ang ginamit ko pa sa pagdisenyo ng unang aklat ay ang pagemaker. Wala na akong pagemaker ngayon, at kahit sa mga computer shop ay wala na ring pagemaker bagamat may ibang app na pandisenyo subalit aaralin ko pa dahil hindi ko kabisado. Ang ginamit ko sa pagdisenyo ng buong aklat na ito, pati pabalat nito, ay Microsoft Word document. Kaya ako’y humihingi ng paumanhin kung anuman ang naging kulang o mga kakulangan sa edisyong ito.
Ang Tinig ng Dukha ni Ka Pedring Fadrigon ang pangwalong aklat sa serye ng mga kilalang rebolusyonaryo sa kasaysayan na aking isinaaklat. Una'y ang Macario Sakay, Bayani, na ang unang edisyon ay nilunsad sa UP Manila sa sentenaryo ng pagbitay kina Sakay, Setyembre 13, 2007. Ikalawa'y ang Ka Popoy: Working Class Hero, na nilunsad sa UP Bahay ng Alumni, Pebrero 6, 2009, kung saan napaslang si Filemon "Ka Popoy" Lagman. Ikatlo'y ang talambuhay at salin ko ng mga akda ni Comandante Ernesto “Che” Guevara, isang rebolusyonaryong taga-Argentina na tumulong sa tagumpay ng rebolusyong Cubano, kasama ang dakilang Fidel Castro, noong 1959. Ikaapat ang Liwanag at Dilim ni Gat Emilio Jacinto, na isinulat ng magiting na bayaning Katipunerong kilala sa taguring Pingkian at Dimas Ilaw. Ikalima’y ang Bonifacio 150 na inilunsad noong Nobyembre 30, 2013, kasabay ng ika-150 kaarawan ng bayani at Supremong si Gat Andres Bonifacio. Ikaanim ang Lean Alejandro, na nilathala kasabay ng ika-30 anibersaryo ng pagpaslang kay Lean noong 2017. Ikapito ang 12-pahinang pamphlet ukol kay Gregoria “Oriang” de Jesus, Marso 2018.
Nakabinbin pa ang planong pagsasalibro ng Talambuhay at mga sulatin ni Crisanto Evangelista; ang Talambuhay ni Teodoro Asedillo na ang anak niyang si Nanay Rosa ay minsan ko nang nakadaupang palad sa Laguna; ang Talambuhay ni Heneral Luciano San Miguel; at ang Talambuhay ni Heneral Licerio Geronimo, na ang apo ay minsan ko nang nakadaupang palad sa San Mateo, Rizal.
Ilan pang nais kong isalibro’t proyektuhin, bukod sa pagsasalibro ng mga kolum sa Taliba ng Maralita ni Ruen “Ka Kokoy” Gan, pangulo ngayon ng KPML, ay ang mga interbyu sa mga lider-maralita, pati kasaysayan ng mga matitinding laban at pakikibaka ng mga maralita laban sa demolisyon at isyu ng paninirahan, tulad ng Mariana, North Triangle, Sitio Mendez, Welfareville sa Mandaluyong, Pasig, Antipolo, Lupang Arenda, Tulos sa Caloocan, ang Mahabang Parang at ang Botong Francisco (kapangalan ng isa nating National Artist) sa Angono, Brgy. Jose Corazon de Jesus (kapangalan ng idolo kong makata), Gulayan sa Malabon, mga nasunugan sa Navotas na nalipat sa Bulacan, mga galing sa Tondo Foreshore na nalipat sa Dagat-Dagatan, mga lider-maralita sa Bacolod, Cebu, Mindanao, atbp. Subalit marahil ay matagal pa ito.
Sa ngayon, narito ang ikalawang edisyon ng aklat ni Ka Pedring. Mga nalathalang bagong libro, na sana’y di na maiwanan sa sasakyan at mawala. Inihanda ito upang mabasa ng kasalukuyang mga lider-maralita at ng mga susunod pang henerasyon ng mga aktibista ang mga sulating ito ni Ka Pedring, pati kasaysayan ng mga laban ng maralita. Ang aklat na ito’y iingatan ko na ngayon. Ibebenta ko muna ay sampu, at iiwan ang iba sa bahay. Pag naubos iyon, ibebenta ko muli ay sampu. Hanggang makagawa ako ng paulit-ulit nito.
Ang munting aklat na ito ay taaskamao at taospusong iniaalay sa lahat ng lider-maralitang patuloy na nakikibaka mula noon hanggang ngayon upang baguhin ang bulok na sistemang nagdala sa kanila sa dusa.
Nawa’y makatulong at magsilbing inspirasyon ang librong ito sa mga nakikibakang maralita para sa kanilang karapatan sa paninirahan at hustisyang panlipunan. Lalo na sa panahon ngayong naisabatas na ang RA 12216 (NHA Act of 2025), at ang 4PH (Pambansang Pabahay para sa Pamilyang Pilipino o EO34) na di naman para sa mga maralita.
Sinulat ng petsang Mayo 17, 2026, inedit Hunyo 4, 2026
Linggo, Mayo 31, 2026
Ang apat kong tanága sa Poetry Night
ANG APAT KONG TANÁGA SA POETRY NIGHT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Matapos manood ng dulang Manila Carnival Queens sa Metropolitan Theater ay pinuntahan ko ang Tiny Bar para sa Poetry Night. Ikasiyam ng gabi ang umpisa niyon. Nasa tatlumpung katao ang naroon, may anim na lamesa. Tulad ng iba, bumili rin ako ng beer.
Ayon sa host ng palatuntunan, lilikhâ kami ng tanága batay sa ibinigay nilang card. Ang tanága ay parang haiku ng Japan, subalit ang tanága ay taal na uri ng tulang Pinoy. Kung ang haiku ay may tatlong taludtod lamang na may pantigang 5-7-5, ang tanága naman ay may tugmaan at sukat na pitong pantig bawat taludtod at may apat na taludtod sa isang saknong.
Tigalawang card kami, may nakasulat doon kung saan namin ibabatay ang aming kathâ. Dahil baligtaran ang card na sinlaki ng baraha, bale may apat na paksâ roong gagawan ng tanága at bibigkasin sa harapan gamit ang mikropono. Bawat lamesa ay may tutula at tatawagin sa harapan.
Ito ang aking mga nasa baraha, at ito ang kathâ kong tanága.
"Kung kaya mong ibigay sa iba, huwag mo itong ipagkait sa sarili mo."
PAG-ASA
ako'y nabiyudo na
nang mawalâ ang sinta
depresyon ang nadama
subalit may pag-asa
"You create your own destiny. Pero may 'ngayon' pa para masimulan mo ang gusto mong mangyari."
KAPALARAN
ano nga ba ang palad
ng balo kung sumagad
ang dusang di dalumat
at buhay na'y sumadsad
Nang ako'y tinawag sa harapan, binasa ko muna ang nabunot kong card at binigkas ang aking tanága. Dalawang tanága agad ang binigkas ko.
Sa pangalawang ikot, matapos bumigkas ng tanága ang mga naroon, tinawag muli ako, at binasa ko ang natitira pang nakasulat sa card. Ito ang mga nakasulat at kathâ kong tanága na binigkas sa harapan.
"Ano ang madalas mong ipagkait sa sarili mo na alam mong deserve mo."
KALUSUGAN
pinagkait ang lusog
katawan ay binugbog
sa trabahong bubuyog
di sinapat ang tulog
"Tell me what scares you about your future."
Anong nakatatakot sa akin? Lumbay. Kaya kailangan ko ng tulay.
TULAY
di man ako palagay
sa sugat na lumatay
ang tula'y aking tulay
sa lansangan ng lumbay
Isang Pale Pilsen lang ang ininom ko, P120 sa bar na iyon. Sapat lang upang makatulâ. May mga bumigkas din ng tulâ na hindi tanága. May bumigkas din ng Ingles nilang tulâ.
Matapos ang tulaan ay may apat pang nag-perform ng pagpapatawa, tulad ng mga ginagawâ sa comedy bar.
Naisip kong subukan din ang gayong performance subalit kailangan ko munang mag-ipon ng mga patawa.
Alas-onse na nang magpaalam ako at nakaalis ako roon. Nakauwi ako ng bahay ng ikalabindalawa ng gabi.
05.31.2026
Sabado, Mayo 30, 2026
Limang libreng palabas sa Mowelfund at pagtula
LIMANG LIBRENG PALABAS SA MOWELFUND AT PAGTULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Hinati sa dalawang bahagi ang pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ng Mowelfund nitong Mayo 29, 2026 sa Dengcar Theater. Ikalawa ng hapon ay naroon na ako.
Ang una'y ang pelikulang Turumba ni National Artist Kidlat Tahimik na nasa 87 minuto. Pinanood namin iyon bandang ikatlo na ng hapon. Then break at meryenda, at ang ikalawang bahagi ay apat na maiikling pelikulang magkakasunod na ipibalabas at walang break. May talk back session sa pagtatapos ng bawat bahagi.
Sa unang talk back session ay tumula ako. Isang tulang may tugma at sukat na labintatlong pantig bawat taludtod.
KAY NATIONAL ARTIST KIDLAT TAHIMIK
tulad ka ng kidlat na tatahi-tahimik
ngunit bituin kang sa sining natititik
ang sineng Turumba sa puso'y naihasik
kaya ang mga obra mo'y nakasasabik
sa panonood ng pelikulang Turumba
kultura sa Pakil ang inyong pinakita
sana'y ganito ang maraming pelikula
na sa kulturang Pinoy nagpapahalaga
nabatid ko lang ngayon ano ang kantore
natutunan kong dapat tayo ay may paki
sa sariling kulturang ilapat sa sine
na nakapagmumulat at nakawiwili
O, Kidlat Tahimik, marami pong salamat
ang pelikula mo'y kayraming siniwalat
nagpupugay ako't kami'y sadyang namulat
muli, pagpupugay at pagpapasalamat
Sa ikalawang bahagi, ikalima ng hapon, ay ipinalabas ang apat na pelikulang pinamagatang Sabangan; Yutâ; Red Saga: at Kapag Nagwala ang Kalabaw. At sa TalkBack session matapos ang palabas ay muli akong bumigkas ng tula. May siyam na pantig bawat taludtod:
NILAY SA APAT NA SINE
nanilay sa sineng Sabangan
tunay bang isang kaunlaran
kapag naitayo nga ang dam
ngunit wasak ang kalikasan?
doon sa pelikulang Yutâ
ukit ay sari-saring mukhâ
at katawan, sining na kathâ
lumikhâ ba'y isang diwatà?
sa Red Saga, bandilang pula
winagayway at nakibaka
laban sa pasista't sistema
lupa ay buhay, magsasaka
mga obrero gabi't araw
ay talagang kayod-kalabaw
kontraktwalisasyon ang pataw
ngunit nagpaunlad sa Cubao
taaskamaong pagpupugay
sa mapagmulat at kayhusay
na mga sineng inihanay
kahit sa pusò ko'y may lumbay
Matapos ang talk back session ay naki-selfie na sa mga dumalo roon, at kay National Artist Kidlat Tahimik. Nakauwi ako ng bahay bandang ikasiyam ng gabi.
05.30.2026
Biyernes, Mayo 29, 2026
Pambungad sa 40-pahinang libretong "Mga Tula at Kwento sa Klima"
PAMBUNGAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Ang munting aklat na ito ng Mga Tula at Kwento sa Klima ay naglalaman ng dalawampu’t isang tula at walong maiikling kwento. Ang mga tulang narito ay natipon ko sa aking baul nang matagal na panahon na ngayon lang malalathala habang ang ilan sa mga tula at ang walong maikling kwento ay unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung saan nahalal akong sekretaryo heneral nito noong Setyembre 2018.
Pinroyekto ito bilang paalala para sa apat na mahahalagang araw sa kalendaryo hinggil sa usaping klima - Abril 22 (Earth Day), Hunyo 5 (World Environment Day), Hunyo 8 (World Oceans Day), at Setyembre 26 (Save Sierra Madre Day). Ang unang Earth Day ay ginanap noong Abril 22, 1970, nang mag-organisa si Senador Gaylord Nelson ng isang pambansang demonstrasyon upang itaas ang kamalayan tungkol sa pagkasira ng kapaligiran. Ang World Environment Day (WED) ay itinatag noong 1972 ng United Nations sa Stockholm Conference on the Human Environment (Hunyo 5-16, 1972), na nagbunga ng talakayan hinggil sa ugnayan ng tao at ng kapaligiran. Pagkalipas ng isang taon, noong 1973, ginanap ang unang WED na may temang "Only one earth". Ang World Oceans Day ay isang pandaigdigang pagdiriwang tuwing Hunyo 8 upang itampok ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga karagatan sa ating buhay at upang magbigay-inspirasyon din hinggil sa usaping konserbasyon. Ito’y opisyal na pinagtibay ng United Nations noong 2008, na nagsilbing pandaigdigang panawagan upang protektahan ang ekosistema ng karagatan, labanan ang polusyon ng plastik, at bawasan ang pagbabago ng klima. Ang Save Sierra Madre Day ay pinagtibay sa pamamagitan ng Proclamation 413 ni dating Pangulong Noynoy Aquino noong Hunyo 19, 2012, at itinalaga ang Setyembre 26 na Save Sierra Madre Day bilang paggunita sa pinsalang dulot ng Bagyong Ondoy noong 2009, na nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng mga bundok bilang natural na panangga laban sa mga bagyo.
Isa ring kampanya ang munting aklat na ito upang pangalagaan natin ang ating kalikasan, at mapag-usapan ang isyu ng klima. Kahit sa pamamagitan man ng mga tula at kwento ay maipabatid ito sa masa.
Sadyang ang bawat tulang narito, pati ang mga maiikling kwento ay pinag-isipan at pinaghirapang kathain. Ibinatay ang mga akda sa mga danas, luha, lunggati at pakikibaka ng makata at mula sa mga talakayan hinggil sa klima, lalo na sa mga talumpati sa rali at mga pag-aaral.
Inaalay ko ang bawat tula’t kwentong ito sa mga nasalanta ng matitinding bagyo, tulad ng Ondoy, Yolanda, Ulysses, Tino, Uwan, atbp.
Inaalay ko rin ito sa alaala ng aking namayapang asawang si Liberty, isang registered social worker (RSW) at isa ring environmentalist at minsan nang naging board member sa Green Convergence, isang malawak na samahan ng iba’t ibang grupong makakalikasan.
Inaalay din ito sa mga nakasama ko sa Climate Walk at iba pang lakaran para sa kalikasan. Inaalay din ito sa lahat ng mga nakikibaka at nananawagan ng Climate Justice sa lansangan man o sa sarili nilang adbokasya o pagkilos.
Inaalay din ito sa mga katutubong nangangalaga at nagtatanggol sa ating kalikasan, karagatan, at kabundukan, tulad ng Sierra Madre.
Lubos kong pinasasalamatan ang mga organisasyong naging bahagi ng aking paglalakbay, tulad ng The Featinean campus press, Kalipunan ng Malayang Kabataan (Kamalayan), Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Sanlakas, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Zone One Tondo Organization (ZOTO), Partido Lakas ng Masa (PLM), Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan (Kamalaysayan), Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), Ex-Political Detainees Initiative (XDI), IDefend, DAKILA - Philippine Collective for Modern Heroism, Association of Filipino Poets (ASFIPO), Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), samahang Maso at Panitik, Kapatirang Umuugnay sa Sining at Panitikan (KAUSAP), EcoWaste Coalition, Ban Toxic, No Burn Pilipinas, Green Convergence, Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan (SALIKA), at marami pang iba. Maraming salamat sa mga ginamit na litrato sa libretong ito.
Pagpupugay sa inyo, mga kasama!
Nais ko ring pasalamatan ang mga nakilala’t nakadaupang palad sa mga pinuntahan at tinambayan kong mga lugar mula nang ako’y mabiyudo, tulad ng Printbiz, National Museum, at National Library, at sa panonood sa The Metropolitan Theater, sa Active Vista, sa UP Film Center at Cine Adarna, sa Videotheque, sa Sine Pop, at sa Mowelfund Film Institute.
Nawa’y makatulong ang mga tulang naririto, pati mga kinathang maiikling kwento, upang gawin natin ang nararapat para sa kaayusan at kapayapaan ng nag-iisa nating daigdig. Mabuhay kayo!
Mayo 29, 2026 sa Lungsod Quezon
TALAAN NG NILALAMAN
3 - Pambungad
Mga Tula
5 - Sala sa Init, Sala sa Lamig
6 - Si Yolanda ang mukha ng nagbabagong klima
7 - Habang may buhay, may baha?
10 - Usapan sa 2150
11 - Sigwa
14 - Muelmar Magallanes, Bayaning Manggagawa
15 - Ondoy at Karding
18 - Ang kagubatan at ang klima
19 - Sa Daigdigang Araw ng Kapaligiran
22 - Alasuwas
23 - Ang batang nagwagayway ng flag sa Climate Strike
24 - Hindi biro ang nagbabagong klima
25 - Lumalalang klima
28 - 1.5°C
29 - Kalikasan; Paalala't palala na ang kalikasan
32 - Pagninilay sa Climate Walk 2023
33 - Ang adhika ng Climate Walk
36 - Coal at korapsyon, wakasan!; Klima at korapsyon
37 - Krisis sa klima at panawagang wealth tax
Mga Kwento
8-9 - Magsabatas din ng National Liquid Waste ang pamahalaan
12-13 - Sa ikasampung anibersaryo ng bagyong Ondoy
16-17 - Katutubo, Klima, at Kaliwa Dam
20-21 - Sana'y sa Lungsod ng Tacloban ganapin ang COP 25
26-27 - Pagdatal ng bagyong Ulysses 30-31 - Ang pagtaas ng lebel ng dagat at ang 1.5°C
34-35 - Alagata’t dalumat sa Ikalawang Climate Walk
38-39 - Maraming Salamat, Sierra Madre!
ANG MAKATA AT KWENTISTA
Si Gregorio V. Bituin Jr., ay anak ng amang Batangenyo at inang Karay-a mula Antique. Siya’y tubong Sampaloc, Maynila, at isang makata, manunulat, mananalaysay, pultaym na aktibistang Spartan, at tagasalin.
Hilig niyang mangampanya at maglakad para sa klima at kalikasan. Lumahok siya sa Climate Walk from Luneta to Tacloban mula Oktubre 2 - Nobyembre 8, 2014 para sa unang anibersaryo ng bagyong Yolanda.
Lumahok din siya sa French leg ng Climate Pilgrimage from Rome to Paris mula Nobyembre 7 - Disyembre 14, 2015 kung saan nilagdaan ang Paris Agreenent sa COP 21. Lumahok din siya sa Climate Justice Walk from Manila to Tacloban mula Oktubre 8 - Nobyembre 8, 2023 para sa ika-10 anibersaryo ng Yolanda.
Lumahok din siya sa Lakad Laban sa Laiban Dam mula General Nakar, Quezon hanggang Maynila, Nobyembre 4-12, 2009; sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016; at sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam mula General Nakar, Quezon hanggang Maynila, Pebrero 15-23, 2023.
Siya ay nag-aral at nagtapos sa poetry clinic na Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) mula Setyembre 1, 2001 hanggang Marso 8, 2002. Siya rin ay lumahok sa writers’ workshop na Palihang Rogelio Sicat (PRS) Batch 15 sa UP Diliman, Hunyo 22-25, 2022.
Miyerkules, Mayo 27, 2026
Tatlong beses lang ako nabayaran sa pagsusulat
TATLONG BESES LANG AKO NABAYARAN SA PAGSUSULAT
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.
Bihira akong mabayaran sa aking isinulat, kaya ang ginagawa ko ay inilalathala ko ang aking mga libreto ng tula at kwento upang mailako sa mga nais bumili. Tama nga marahil sila. Walang pera sa pagsusulat. Lalo na sa tulad kong hindi nagtapos ng kurso sa pagsusulat. Kaya naitatag ko noong 2006 ang Aklatang Obrero Publishing Collective, upang ilathala ang ilan kong akda at saliksik upang kahit paano'y may pagkakitaan ang isang pultaym na tibak na tulad ko. Hanggang ngayong 2026 ay naglalathala pa rin ako ng aking mga libreto ng tula at kwento.
Sa loob ng dalawang dekada (2006-2026) ng paglalathala ng aking mga sinulat, at higit tatlumpung taon na nalathala ang aking mga akda (1993-2026), sa tatlong pagkakataon pa lang talaga nabayaran ang aking mga sinulat.
Una ay noong bandang kalagitnaan ng 1990s nang nasa publikasyong The Featinean pa ako at nasa kolehiyo. May dalawang artikulo akong nalathala sa pahayagang Diyaryo Uno na sabay kong kinuha ang kabayaran na P800. Bale P400 pala ang isang artikulo, na kinuha ko sa kanilang opisina sa tabi ng Mercury Drug sa Roosevelt cor. Quezon Avenue.
Mula sa The Featinean (1993-1997) ay nakapagsulat din ako sa magasing Maypagasa ng grupong Sanlakas (1998-1999), magasing Tambuli (1996-1999) at kalaunan ay pahayagang Obrero (2003-2010) ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), ang pahayagang Ang Sosyalista (2009, isang isyu) at magasing Ang Masa na inilathala ng Partido Lakas ng Masa (PLM) noong 2011 hanggang 2012 (walong isyu), at ang publikasyong Taliba ng Maralita (2001-2008, 2018-2026) ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) subalit lahat iyan ay boluntaryo at walang bayad. Nag-ambag din ako sa iba pang magasin, tulad ng Blue Collar magazine (1993), isang isyu ng Resurgence ng National Federation of Student Councils (NFSC) noong 1995, at Tambuli ng Dakilang Lahi (pitong isyu noong 2006). Boluntaryo ako sa mga organisasyong sinalihan ko bilang pultaym na tibak, kaya tuloy lang ako sa mga gawain ko noon. Minsan, may alawans na natatanggap bilang tibak. Basta ako'y patuloy lang na nagsusulat, anuman ang paksa, samutsaring isyu ng manggagawa't maralita, habang patuloy na kasangkot ng masa sa rali at pakikibaka.
Ikalawa, at unang beses na nabayaran ako ng tseke ay nang malathala ang aking akdang “Pagsama Ko Sa Lakad Laban Sa Laiban Dam” na natanggap ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at nilathala sa ANI 41, na pinamagatang "Paglalakbay: Lakad, Layag, Lipad" noong 2021.
Ikatlo, at ikalawang tanggap ko ng tseke ay mula sa UP Diliman nang isinalin ko ang akdang "Living in Times of Unrest: Bart Pasion and the Philippine Revolution" ni Prof. Ed Tadem, sa aklat na "Pamumuhay sa Panahon ng Ligalig: Si Bart Pasion at ang Rebolusyong Pilipino". Isa ang aklat na isinalin ko na inilunsad sa UP Diliman noong ika-60 aniversaryo ng UP Press na pinamagatang "Pagmayaw" noong Marso 20, 2025.
Iyan lang ang tatlong beses na nabayaran ako sa aking mga sinulat. Una'y dalawang artikulo sa Diyaryo Uno, ikalawa'y isang sanaysay sa ANI 41 ng CCP, at ikatlo'y salin ng buong aklat ni Prof. Ed Tadem.
Ngayon, marami pa akong sulatin at kathang batid kong hindi mababayaran kundi kailangan kong ilako bilang libro upang maibenta at kumita. Sino ba naman ang bibili o magbabayad ng bawat tula o kwento kung hindi naman ito makakain? Kaya patuloy akong sumusubok na magpasa sa mga dyaryo't magasin tulad ng Liwayway. Nagbabakasakali ang isang dukhang manunulat na hindi naman sikat kahit Bituin pa ang apelyido.
Bagamat may bago akong munting negosyong mug press, hindi iyon sapat upang mabuhay. Kailangan kong magsulat at mabuhay upang may maipambayad sa tubig at kuryente, pambili ng sabon panlaba, may maipambili ng pagkain sa araw-araw, may pamasahe papunta sa pulong sa mga pinaglilingkurang samahang madalas din ay boluntaryo, may pamasahe pauwi upang hindi na maglakad lalo't pagod sa maghapong gawain.
Hindi sapat ang tumunganga na lang sa langit o sa pader o sa kisame o sa blangkong papel o sa laptop. Dapat makapagpasa ng akda sa mga pahayagan at magasin at mabayaran ang mga akda.
05.27.2026
Martes, Abril 14, 2026
Nang hinuli ang mga hubad
NANG HINULI ANG MGA HUBAD
Kay Balagtas:
Ang laki sa layaw, karaniwa'y hubad
sa bait at muni, sa hatol ay salat.
Ngayon:
Dahil sa tinding init, may mga nakahubad
sila'y pinaghuhuli, kriminal na ba agad?
Dagdag pa:
Nililihis ang isyu ng mga pandarambong
nangurakot sa bayan ay di pa nakukulong
- gregoriovbituinjr.
04.14.2026
(Buwan ng Panitikan)
Lunes, Abril 13, 2026
Tumbong
TUMBONG
nais nang lumabas / ng tae sa puwet
iri na ng iri / nang paulit-ulit
sana'y dudukutin / ko na iyong pilit
buti't nalunasan, / nawalâ ang sakit
ininom ko agad / ang nakahandang dyus
galing ref, malamig, / guminhawang lubos
una, isang pitsel / nitong malunggay dyus
sunod ay bawang dyus / at ang turmeric dyus
at maya-maya lang, / agad naglabasan
yaong nasa puwet, / anong kainaman
guminhawa agad / itong pakiramdam
gayong sa ta-kubets, / isang oras naman
ang mga herbal dyus / ay kaylaking tulong
at di na masakit / itong aking tumbong
salamat, salamat / at ito'y humantong
sa damang ginhawa, / búhay ko'y sumulong
- gregoriovbituinjr.
04.13.2026
Linggo, Abril 12, 2026
Gender equality
GENDER EQUALITY
galing ka raw sa tadyang ko, ngunit
iba yaong nais kong igiit
pantay tayo, anang kwentong bayan
nang sabay lumabas sa kawayan
karapatan nati'y magkapantay
pagkat minulan ay magkasabay
noon pa'y may gender equality
pantay ang babae at lalaki
mulâ sa katutubong alamat
ngalan ay Maganda at Malakas
tulad ko, katutubò rin sila
pagkapantay ay kinikilala
salamat sa alamat na ito
na pinanghawakan kong totoo
para sa pantay na karapatan
patungo sa patas na lipunan
- gregoriovbituinjr.
04.12.2026
* litrato nina Maganda at Malakas sa UP Vargas Museum sa Diliman, QC
Sabado, Abril 11, 2026
Pagpupugay, Letran Lady Knights!
PAGPUPUGAY, LETRAN LADY KNIGHTS!
ako'y taospusong nagpupugay
sa Letran Lady Knights sa tagumpay
ninyo sa larangan ng volleyball
sa NCAA, talagang idol
malaking karangalan sa Letran
ang ipinakitang katatagan
kayâ ang pangsiyam na korona
ay pinaghirapan n'yong nakuha
Arriba Letran! ang ating sigaw
sa arena umaalingawngaw
mga Lady Knights, mabuhay kayo!
kami sa inyo'y sumasaludo!
paghandaan ang sunod na taon
back-to-back na titulo ang misyon
- gregoriovbituinjr.
04.11.2026
* ulat mulâ sa pahayagang Bulgar, Abril 11, 2026, pahina 12
* NCAA - National Collegiate Athletic Association
Sa totoo lang
SA TOTOO LANG
ako'y makatang taring na may tungkuling mabuti
para sa bayan, hindi sa dinastiya't salbahe
hindi ako parang bubuyog na kinukumbinsi
ang langaw na mas masarap ang pulot kaysa tae
bawat usad ng pluma'y para sa katotohanan
ng mga nakikita't nangyayari sa lipunan
sinumang salbahe'y hindi ako mapipigilan
sa pagkathâ ng mga tulang may silbi sa bayan
ako'y manunulat para sa uring manggagawà
adhikain ay sistemang giginhawa ang dukhâ
stage 4 na kanser ng lipunan ay lumalalâ
iyan ang kanser stage 4 na di mawalâ-walâ
mga isyu ng bayan ay arálin ding talaga
bakit dukha'y laksâ habang iilan ay sagana
ang katotohanang ito'y sa ngalan ng hustisya
kayâ kasamang tunay ng mga nakikibaka
- gregoriovbituinjr.
04.11.2026
Sa ika-10 death monthsary ni misis
SA IKA-10 DEATH MONTHSARY NI MISIS
di ko maiwasang lumuhà
lagi pa ring natutulalâ
sampung buwan ka nang nawalâ
ang loob ko'y di pa rin handâ
O, diwatà kong nililiyag
akala ko, ako'y matatag
ngunit iwing búhay ay hungkag
aandap-andap, nangangarag
tuwina'y nasa panaginip
ang larawan mo sa pag-idlip
pagsintang walang kahulilip
ay lalaging kahalukipkip
matagal pa bago magsama
kitang dalawa, aking sinta
tinatapos ko pa'y nobela
sa masa, hustisya, pag-asa
- gregoriovbituinjr.
04.11.2026
Biyernes, Abril 10, 2026
Managot kayong mga kurakot
MANAGOT KAYONG MGA KURAKOT
O, kayong mga pulitiko
na aming mga ibinoto
nagkamali kami sa inyo
kung kayo'y kurakot sa pondo
ng bayan, bumabâ na kayo
sa inyong pwesto sa gobyerno
at talagang managot kayo
sa ginawâ n'yong krimeng ito
- gregoriovbituinjr.
04.10.2026
(15th Black Friday Protest ng 2026)
* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na:
Tuwing Biyernes
TUWING BIYERNES
sadyang di ko kinaliligtaan
tuwing Biyernes yaong usapan
ang ilunsad ang Black Friday Protest
saanman tayo tuwing Biyernes
na adhikain ay mapanagot
ang mga pulitikong kurakot
na sa kulungan sila'y magdusa
na ang nag-uudyok ay hustisya
hustisya'y lagi nating igiit
dahil krimen nila'y anong lupit
pondo ng bayan yaong dinambong
di lang milyong piso kundi Bilyon
giyera'y kailan matatapos?
itanong kay Trump, tanong kong kapos
giyera'y wakasan, di lang ceasefire
kapayapaan na ay ilugar
mga paalaalang totoo
tuwing Biyernes ay gawin ito
Black Friday Protest ay di titigil
masa'y makialam na't maningil
- gregoriovbituinjr.
04.10.2026
(15th Black Friday Protest ng 2026)
Kwentong bayan
KWENTONG BAYAN
kayraming kaysarap basahing kwentong bayan
tulad ng One Thousand and One Nights, kainaman
sa atin, Juan Tamad, Ibalon, Pilandok
kwentong katutubò, mulâ patag at bundok
ninais kong makapagsulat ng ganito
tulâ, pabulâ, dulâ, sanaysay, at kwento
batay sa mga katutubò, mandirigmâ,
kalinangan, kasaysayan ng ating bansâ
sinalaysay ng samutsaring salinlahi
mula sa panahong sinauna ng lipi
ang sinalaysay ng makatang umiibig
at ng mga mandirigmang di nagpalupig
ilan iyan sa aking mga nilalayon
misyong isinasabuhay noon at ngayon
kumathâ ng maraming akdâ yaring pakay
at kwentong bayan ay panatilihing buháy
- gregoriovbituinjr
04.10.2026
* larawan mulâ sa larong Word Shatter sa selpon
Huwebes, Abril 9, 2026
Tulawit sa Araw ng Kagitingan
TULAWIT SA ARAW NG KAGITINGAN
ang mga bayani ng bayan
ay atin pong alalahanin
ngayong Araw ng Kagitingan
upang kalayaan ay kamtin
sa mga bayaning Pilipino
kami'y taospusong nagpupugay
pagkat bansa'y pinalaya ninyo
mula sa mga imbi't kaaway
- gregoriovbituinjr.
04.09.2026
* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na:
Pagtuntong sa sapatos ng api
PAGTUNTONG SA SAPATOS NG API
piniling tumuntong sa sapatos
ng api't mga naghihikahos
pasya ko iyong walang nag-utos
kundi budhi, inatas na lubos
kayâ pinili kong maging tibak
gapangin ma'y malalim na lusak
at paglingkuran ang hinahamak
ng tuso't sistemang mapanyurak
oo, ganyan, ganyan yaring búhay
na buong pusò ko nang inalay
sa pakikibakang tanging pakay
upang dukha'y guminhawang tunay
subukan mo, katoto, kumpare
tumuntong sa sapatos ng api
at huwag maging makasarili
ganito ang búhay na may silbi
- gregoriovbituinjr.
04.09.2026 (Araw ng Kagitingan)
* litratong kuha ng makatang galâ sa rali noong ika-40 anibersaryo ng Pag-aalsang Edsa, 02.25.2026
May umagang parating
MAY UMAGANG PARATING
“Even the darkest night will end and the sun will rise.”
~ Victor Hugo, Les Misérables
gabi'y gaano man kapusikit
danas man ay gaano kapait
sistema man ay napakalupit
ay may bagong umagang sasapit
iyan ang madalas sinasabi
ng mga matatandang pineste
ng mga banyagang mapang-api
kaya pumanglaw ang mga gabi
kasaysayan na ang nagtuturò
na bayan natin ay mahahangò
mulâ kaapihang nakatagpô
kung kikilos lang, kahit madugô
sina Bonifacio't Dr. Rizal
ay inangat natin sa pedestal
na ginawa'y ikinararangal
ng bansâ, sila'y mga imortal
may bagong umaga pang parating
kahit sambayanan pa'y nahimbing
sa mga kurakot ay nagising
kumikilos na ang magigiting
- gregoriovbituinjr.
04.09.2026 (Araw ng Kagitingan)
Miyerkules, Abril 8, 2026
Nginatngat na takip ng bote
NGINATNGAT NA TAKIP NG BOTE
nakita kong tanggal / ang takip ng bote
ng mantikà, at may / ngatngat na ang tapón
sino'ng sanhi? bakit / ganyan ay nangyari?
nginatngat ng dagâ / kayâ tumilapon?
nasarapan kayâ / ang dagâ sa takip
ng bote't malasa? / o kaya'y mantikà
ang kanyang puntirya? / anong naiisip
kundi kagutumang / dapat nang mawalâ?
bago bang mantika'y / akin nang bibilhin?
baka nalawayan / na ng dagâ ito?
subalit walâ pa / ngayong gigisahin
wala pang nabiling / isdang ipiprito
anong klaseng takip / ng mantikang dapat
kong bilhin? o kayâ / itagò talaga
upang di ngatngatin / ng dagang nagkalat?
o kaya pampatay / ng daga'y bilhin na?
- gregoriovbituinjr.
04.08.2026
Martes, Abril 7, 2026
Salawahan
SALAWAHAN
wala akong silbing makatâ
kung pag-ibig ko'y salawahan
anong aking magiging mukhâ
sa harap ng giliw at tanan
ako'y talagang palamara,
taksil, ahas, lilo, at sukab
pagkat nangaliwâ sa sinta
pag-ibig pala'y di mag-alab
di ba't makata'y dapat tapat
sa pag-ibig ng kanyang pusò
at kung pagsasama'y maluwat
tutupad sa kanyang pangakò
iyan ang nais kong manaig
sa sarili't búhay kong iwí
makata'y tapat kung umibig
maging búhay man ay mapútí
- gregoriovbituinjr.
04.07.2026
HEART at EARTH
HEART AT EARTH
pag nirambol ang mga salitâ
tulad ng EARTH ay HEART ang katagâ
may pusò kang mahalin ang lupà
o daigdig nating lumuluhà
kayganda ng gayong parikalâ
HEART at EARTH ay magkaisang sadyâ
tilà iisa ang nasa diwà
tilà iisa ang nasa't diwà
tao ang dapat nangangalaga
sa natatanging mundo at lupà
ang mundo'y sinisirà ng digmâ
habang hanap ay mundong payapà
EARTH at HEART, sabay na lumuluhà
kung tayong tao'y walang ginawâ
upang sistemang bulok mawalâ
paano giginháwa ang dukhâ
pagkakaisa ng mga bansâ
ay dapat nang di mapariwarâ
ang mundong ang puso'y lumulubha
dahil tayong tao'y nagpabayâ
- gregoriovbituinjr.
04.07.2026
* larawan mulâ sa google, titik sa larawan ay gawâ ng makatâ
Lunes, Abril 6, 2026
Una Pahalang: Binibigkas ng makatâ
UNA PAHALANG: BINIBIGKAS NG MAKATÂ
salamat sa unang tanong, nakatutuwâ
dahil aking pagkatao ang binabadyâ
una pahalang pa lang, sagot ko na'y TULÂ
kayâ tula'y agad kinathâ ng makatâ
nakabibigkas lang ng tulâ pag may rali
pag nabatid ang isyu, doon sinasabi
ng patulâ, madalas tula'y hinahabi
sa rali lalo na't sa masa nagsisilbi
bihirang bumigkas, kapag may okasyon lang
bagamat araw-gabi'y nasa pasulatan
kathâ ng kathâ ng tulâ para sa bayan
gagawing libro upang basahin ng tanan
salita'y balaraw na aking inuulos
sa bulok na sistemang ipinagpupuyos
niring loob, sistemang dapat kinakalos;
salamat sa krosword na aking tinatapos
- gregoriovbituinjr.
04.06.2026
* litrato mulâ sa pahayagang Bulgar, Abril 6, 2026
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)






























