Linggo, Oktubre 11, 2026

Tula sa sipnayan: Si Archimedes, ang sipnayanon

Tula sa sipnayan
SI ARCHIMEDES, ANG SIPNAYANON

"Bunying Archimedes, / tuklasin mo kaya, 
Kung korona'y gintong / lantay, purong gawa..."
Nag-utos ay hari, / "... o huwad bang sadya?
At si Archimedes, / animo'y nabigla.

Habang nag-iisip, / sa banyo nagtungo.
Kaybanas, naghubad / siya't maliligo.
Lulutasin iyon, / siya'y di susuko
Upang di mawala / ang respeto't luho.

Sa may paliguan, / naglublob, nagbanlaw;
Umapaw ang tubig, / dama ang paggalaw!
Aba'y bigla na lang / solusyo'y lumitaw,
Ang kanyang nasuri / sa diwa’y natanaw.

Sigaw ay "Eureka!" / (Natuklasan ko na!)
Sa labis na tuwa'y / tumakbo sa kalsada;
Kahit hubo't hubad / ay walang paki na,
Dahil nalutas din / ang kanyang problema.

Ang natapong tubig / doon sa batalan
Ay katumbas niyong / lubog ng katawan
Bigat ng korona / nang sinukat naman
Ay di purong ginto, / kanyang natuklasan.

Ay, si Archimedes / ay di rin kinapos.
Talagang kaygaling, / henyo siyang lubos.
Si Haring Hieron / doon sa Syracuse
Ang kay Archimedes / ay pumuring taos.

- gregoriovbituinjr.
10.11.2026

* litrato mula sa google

Walang komento: