Lunes, Enero 30, 2012

Ang Rollback Bilang Pakonswelo ng Kapitalismo

Ang Rollback Bilang Pakonswelo ng Kapitalismo
ni Greg Bituin Jr.

Sadyang nag-aapoy sa galit ang taumbayan sa bawat pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang sagot ng kapitalista’y pagbuhos ng malamig na tubig ng rollback. Kaya pag pinatampok na sa media na nag-rollback ang presyo ng langis, bigas, LPG, at iba pa, natutuwa na at kalma ang kalooban ng taumbayan, dahil nag-rollback na ang presyo ng bilihin, na akala’y ibinalik na ito sa dating presyo. Pero ang totoo, pakunswelo lang ito ng mga kapitalista. Dahil hindi naman nito ibinabalik sa orihinal na presyo ang ni-rollback na presyo. Papatungan ng malaki, ngunit wala pa sa kalahati ang iro-rollback. Isang psywar tactics ng mga kapitalista upang kumalma ang taumbayan, habang harap-harapan nilang niloloko ang mga ito.

Ang mekanismong rollback ay pagbawas lang ng kaunti sa malaking patong ng kapitalista sa presyo. Kumbaga'y salamangka ito ng mga kapitalista para maibsan ang galit ng mamamayan laban sa pagtaas ng presyo ng bilihin, na talaga namang pabigat sa bulsa ng naghihirap na mamamayan. Mataas ang patong, maliit ang bawas. Ganyan ang mahika ng rollback. Ganyan ang sikolohiyang ginagamit ng kapitalista para tumubo habang niloloko ang masa.

Tingnan natin ang kahulugan ng rollback sa diksyunaryo: (1) A rollback is a reduction in price or some other change that makes something like it was before; (2) Rollback (legislation), legislating to repeal or reduce the effects of a specific law or regulation.

Sa unang depinisyon, ibinaba ang presyo ng bilihin "that makes something like it was before." Kailan ba nabalik sa orihinal na presyo ang isang bilihin kapag nag-rollback? Wala. Nag-roll lang ang presyo, pero hindi nag-back sa dating presyo nito.

Sa ikalawa namang depinisyon: "legislating to repeal or reduce the effects of a specific law or regulation", hindi naman ito nangyayari dahil sa deregulation law, tulad sa langis. Merkado ang nagtatakda ng presyo, kaya di batas ng gobyerno ang nagbabago ng presyo.

Suriin natin ang nakaraang pag-rollback ng presyo ng langis nito lang Enero 2012. Nagtaas ngayong taon ang diesel ng halagang P2.70 bawat litro habang nagtaas naman ng halagang P3.20 ang gasolina bawat litro. Dahil sa pagprotesta ng sektor ng transportasyon, dagling nag-rollback ng presyo ang mga kumpanya ng langis. Nag-rollback ng 80 sentimos sa diesel at 20 sentimos naman sa gasolina. Matutuwa na ba tayo sa kakarampot na rollback na iyon? Gayong kaytaas pa rin ng patong na P1.90 sa diesel at P3.00 sa gasolina sa orihinal na presyo nito. Dito pa lang ay kita na natin kung gaano katuso ang mga kapitalista. Kunwari’y nag-rollback gayong napakataas pa rin ng patong nila sa presyo.

Ilang taon na ang nakararaan, nagkakrisis sa bigas. Ang dating P20 average ng isang kilo ng bigas ay umabot ng P40 bawat kilo sa kaparehong klase ng bigas. Natural, krisis, at aplikable dito ang law of supply and demand ng kapitalismo. Kaunti ang supply ng bigas kaya mataas ang presyo. Nang magkaroon naman ng supply ng bigas sa merkado, natatandaan kong sinabi sa balita na ni-rollback na ang presyo ng bawat kilo ng bigas. Ngunit sa totoo lang, kalahati lang ng itinaas na presyo ang nabawas, kaya nakapatong pa rin sa orihinal na presyo ang kalahati. Di nabalik sa P20 bawat kilo ng bigas, kundi nasa average na P30 na ang kilo ngayon. May P32, may P35 bawat kilo ng bigas.

Sabi nga ni Marx sa kanyang Das Kapital, Tomo I, Kabanata 5, pahina 182, na tumutukoy kay Benjamin Franklin: It is in this sense that Franklin says, "war is robbery, commerce is generally cheating." Kung ang digmaan ay pagnanakaw, ang komersyo sa kabuuan ay pandaraya. Tulad ng rollback na hindi naman talaga pagbalik sa tamang presyo, dahil ito'y rollback na pakonswelo, dahil ito’y paraan ng kapitalista na mapaamo ang mga konsyumer, ang rollback ay maliwanag na isang paraan ng pandaraya sa taumbayan. Malaki ang patong, maliit ang bawas, kaya may patong pa rin.

Inilinaw pa itong lalo nina Marx at Engels sa artikulong Free Trade (1848): "What is free trade, what is free trade under the present condition of society? It is freedom of capital. When you have overthrown the few national barriers which still restrict the progress of capital, you will merely have given it complete freedom of action." Ibig sabihin, malaya ang merkado na gawin ang gusto niya dahil nga ito'y malayang kalakalan. Dahil sa deregulasyon, wala nang kontrol ang gobyerno sa presyuhan ng pangunahing bilihin sa bansa. Dahil sa globalisasyon, ginawang patakaran ang deregulasyon na nagpalaya sa mga malalaking kumpanya, halimbawa, kumpanya ng langis, na paikutin at bilugin ang ulo ng taumbayan para sa kanilang sariling interes na tumubo. Kaya pinauso ang rollback na kunwari’y nakikinabang ang taumbayan, gayong binawasan lang ng maliit ang malaking patong sa presyo.

At upang masolusyunan ito, isa sa mga unang hakbang ay ibalik sa gobyerno ang pag-regulate sa presyo ng bilihin, tulad ng pag-repeal sa Oil Deregulation Law at iba pang magugulang na batas sa presyuhan.

Biyernes, Enero 27, 2012

Ang Resign All Noon... Ang Resign All Ngayon...


ANG RESIGN ALL NOON... ANG RESIGN ALL NGAYON...
ni Greg Bituin Jr.

Independyenteng linya. Ito ang naaalala ng taumbayan sa panawagang "Resign All!" noon ng grupong Sanlakas sa kasagsagan ng impeachment trial ni dating Pangulong Estrada. Tulad ng islogan sa kanilang poster noon, "Patalsikin ang buwaya, papalit ang buwitre" [“Oust the crocodile, the vulture will take its place”], paniwala ng Sanlakas na walang pinag-iba ang dalawang pangulo dahil pareho itong elitista at parehong may utang sa bayan. Isang araw matapos ang Edsa Dos, nang mapatalsik na si Erap bilang pangulo at makapanumpa si Gloria bilang bagong pangulo, idineklara agad ng Sanlakas: “Estrada’s ouster is the people’s will but Gloria is not the people’s choice!”

Ipinanawagan noon ng Sanlakas ang Resign All upang bigyang-daan ang pagbabago ng sistema, at hindi relyebo lamang ng panguluhan. Mag-resign lahat, mula sa presidente, bise-presidente, senate president at speaker ng house, at pansamantalang ipapalit si Chief Justice Hilario Davide sa isang caretaker government.

Makalipas ang isang dekada, muling umalingawngaw sa lansangan ang panawagang Resign All. Sa kasagsagan ng impeachment trial kay Chief Justice Renato Corona, nanawagan naman ng Resign All ang Partido Lakas ng Masa (PLM), at pinagbibitiw lahat ng mahistrado ng Korte Suprema. Kailangan ng pagbibitiw ng lahat ng mahistrado upang bigyang daan ang independyenteng pagrepaso sa proseso ng pagpili ng mga mahistrado sa pamamagitan ng tunay at demokratikong pamamaraan, at kasali ang taumbayan. Hindi dapat mangyaring ang Korte Supremang kontrolado ng mga Arroyo ay basta na lamang papalitan ng Korte Supremang kontrolado ni Pangulong Noynoy Aquino. Dahil matutulad lamang ang Korte Suprema sa bagong bote pero lumang patis ang laman. Bagong pangulo pero lumang sistema pa rin.

Ang tanong ngayon, sino ang dapat kumontrol sa Korte Suprema? Isang paksyon ng mga naghaharing uri na pumalit sa dating paksyon ng naghaharing uri? Dapat bang ito’y independyente ngunit pawang ilustrado pa rin ang mga mahistrado? O dapat ang magpasya na sa pagpili ng mahistrado ay ang taumbayan?

Hindi relyebo ng kung sinong kokontrol na elitistang pangulo ang solusyon, dahil mauulit lamang ang pagkakamali ng nakaraan. Dapat ito’y maging isang Korte Supremang di pinaghaharian ng mga mahistradong pinili ng elitistang pangulo, kundi mga totoong hukom na marahil ay galing sa manggagawa at maralita, upang ang hustisya ay makitang walang kinikilingan.

Huwebes, Enero 26, 2012

Kasaysayan ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas

Kasaysayan ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas

ni Gregorio V. Bituin Jr.


(Ang artikulo'y nalathala sa magasing Ang Masa, pahina 7-8, isyu mula Enero 16 - Pebrero 15, 2012, kasabay ng kasagsagan ng impeachment kay Chief Justice Renato Corona)



nagtayo rin ng hukuman, at hukom na walang puso’t pawang utak ang pinili,

sa usapi’y katauhan ng may usap ang lagi nang batayan ng pasya’t hatol: katarungang makauri;

mga batas ang nagbadya:

ang maysala’y lalapatan ng katapat na parusa;

a, kamay ng katarungang kabilanin: isang lambat ng matandang inhustisya.

aligasi’y laging huli at kawala ang apahap;

ang katwira’y sa kalansing ng salapi nakukuha

- mula sa tulang Mga Muog ng Uri, ni Amado V. Hernandez


“at ang hustisya ay para lang sa mayaman” - mula sa awiting Tatsulok



Sadya nga bang para sa mayaman ang hustisya? Kamalayang makauri nga ba ang umiiral na hustisya sa bansa? Maaaring may katotohanan ang mga ito, lalo na't susuriin natin ang mga naganap na maraming kabilaning hatol ng Korte Suprema, lalo na sa pagkiling sa mas maykaya sa lipunan, tulad halimbawa ng hatol na panalo ang mga manggagawa ng Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines (FASAP) at final at executory na ang hatol, ngunit nabaligtad pa nang dahil lang sa isang liham, hindi motion, ng abugado ng Philippine Airlines (PAL) na si Estelito Mendoza. Gayundin naman, nabitay ang rapist na si Echegaray na isang mahirap, ngunit nakalaya na ang rapist na si Jalosjos na isang mayamang kongresista.


May dapat nga bang kilingan ang Korte Suprema? Para nga lang ba sa mayayaman ang hustisya na nabibili sa kalansing ng salapi? Muog nga ba ng naghaharing uri ang Korte Suprema? Halina't balikan natin ang kasaysayan ng Korte Suprema.Ang Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas, o Korte Suprema, ang siyang pinakamataas na hukuman sa Pilipinas, at ito rin ang hukuman ng huling dulugan (court of last resort). Binubuo ito ng 1 Punong Mahistrado (Chief Justice) at 14 na Kasamang Mahistrado (Associate Justice). Sa pamamagitan ng Act 136 ng Second Philippine Commission, na kilala ring Judiciary Law, isinilang noong Hunyo 11, 1901 ang Korte Suprema.


Panahong Primitibo


Bago dumating ang mga Kastila sa bansa, ang mga pinuno ng mga balangay, tulad ng raha at datu, ang siyang awtoridad sa batas. Sa mga unang panahon ng pananakop ng mga Kastila, ang kapangyarihang ito'y nasa kamay na ni Miguel Lopez de Legaspi, na siyang unang gubernador-heneral sa bansa, sa pamamagitan ng Royal Order nuong Agosto 14, 1569.


Panahon ng mga Kastila


Itinatag naman ang Royal Audencia nuong Mayo 5, 1583 na binubuo ng pangulo, apat na hukom at isang piskal. Ito ang pinamataas na hukuman sa Pilipinas. Nabago ang istruktura at katungkulan ng Royal Audencia nuong 1815 nang hinalinhan ang mga bumubuo nito ng punong mahistrado at nadagdagan pa ang mga kasamang hukom dito. At tinawag itong Audencia Territorial de Manila, na may mga sangay sa mga kasong sibil at salang kriminal. Sa pamamagitan ng Royal Decree nuong Hulyo 4, 1861, ang Royal Audencia ay naging purong sangay ng katarungan, bagamat ang mga desisyon nito ay maaari i-apela sa Korte Suprema ng Espanya na nasa Madrid.


Panahon ng mga Amerikano


Nuong 1898, sa panahon ng mga Amerikano, sinuspinde ni Gen. Wesley Merritt ang hurisdisyong kriminal ng Audencia at nagtatag ng hukumang militar. Noong Mayo 29, 1899, muling itinatag ang Audencia sa pamamagitan ng General Order No. 20 ni Maj. Gen. Elwell Otis, at ibinigay sa Audencia ang hurisdiksyon sa mga kasong sibil at kriminal, ngunit ito'y dapat sang-ayon sa soberanya ng Amerika. Pinangalanan sa Order na ito ang anim na kasaping Pilipino, sa pangunguna ni Cayetano Arellano bilang unang Punong Mahistrado. Samakatwid, ang Audencia ay nawala na sa pamamagitan ng Act 136 na siyang nagtatag ng kasalukuyang Korte Suprema, at nagbigay ng totoong independensya sa Korte Suprema, at hindi napapailalim sa kolonyal, militar o ehekutibo. Sa pamamagitan naman ng Administrative Code ng 1917, binasbasan nito ang Korte Suprema bilang pinakamataas na hukuman sa bansa, na binubuo ng siyam na kasapi - isang punong mahistrado at walong kasamang mahistrado.


Ang Kasalukuyan


Bagamat Pilipino ang natatalagang punong mahistrado mula 1901 hanggang 1935, mayorya ng mga kasapi ng Korte Suprema ay mga Amerikano. Naging pawang mga Pilipino ang mga mahistrado ng Korte Suprema nang maitatag na ang Commonwealth nuong 1935. Nang pagtibayin ng taumbayan ang Saligang Batas ng 1935, ang mga kasapi ng Korte Suprema ay lumaki - isang punong mahistrado at sampung kasamang mahistrado, na siyang umuupong en banc o dalawang dibisyong may tiglimang kasapi. Ayon sa Artikulo VIII, Seksyon 4 ng Saligang Batas ng 1987, labinglima na ang kasapi ng Korte Suprema na binubuo ng isang punong mahistrado at 14 na kasamang mahistrado. Nakasaad sa Artikulo VIII ng Saligang Batas ng 1987 ang kapangyarihan ng Korte Suprema, at sa pangkalahatan ay nahahati ito sa dalawa - ang katungkulang huridikal at katungkulang administratibo.


Ang lahat ng myembro ng Korte Suprema ay itinatalaga ng Pangulo ng Pilipinas, na batay sa listahang inihanda ng isang Judicial and Bar Council (Artikulo VIII, Seksyon 9 ng Saligang Batas ng 1987). Ang mga pagtalagang ito'y di na kinakailangan ng pahintulot ng Commission on Appointment.


Uring Pinanggalingan


Kung papansinin natin ang uring pinanggalingan ng mga naging Punong Mahistrado sa Pilipinas, halos lahat sila ay pawang nanggaling sa uring elitista, mula sa mga mayayamang angkan, at makadayuhan. Tulad halimbawa ni Cayetano Arellano, na unang punong mahistrado ng Korte Suprema. Isinulat ni Renato Constantino sa kanyang librong “A Past Revisited” na si Arellano ay “maka-Amerikanong tagasunod”. Ayon naman kay Dante Simbulan, “Other high positions given to top Federalistas were the following: Don Cayetano Arellano - chief justice, Don Victorino Mapa - associate justice. Sa artikulong “Fickle presidents, opaque JBC process, elitist court,” isinulat ni Malou Mangahas ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ): “MOSTLY old, mostly male, mostly born and bred in imperious Luzon and all schooled in imperial Manila. Two in every three were jurists and bureaucrats in their previous lives, and thus, also mostly creatures of habit and routine. In the last 20 years, while 15 of the 80 nominees were female, only three women were eventually appointed. This seemingly impregnable enclave of the elite is actually the Philippine Supreme Court, the most majestic of all the country’s courts, the final arbiter of constitutional questions, and “the last bulwark of democracy” in the land.” At idinagdag pa niya, “And despite democracy’s rebirth in 1986, the Supreme Court remains an exclusive club, no thanks to the still largely opaque, weak, and snobby processes of two entities responsible for screening nominees and appointees to the tribunal: the Judicial and Bar Council (JBC) and the President of the Philippines.”


Dahil pawang mga elitista ang nasa Korte Suprema, paano matitiyak ng mamamayan na magiging kakampi nga niya ang mga mahistrado rito, at hindi sa mga tulad ni Lucio Tan ng PAL at Henry Sy ng SM? Sa isang liham lamang ng abugado ni Lucio Tan sa Korte Suprema, nabaligtad ang hatol na final and executory sa kaso ng FASAP. Dapat magkaroon mismo ng pagbabago sa Korte Suprema, lalo na sa pagpili ng mga mahistrado, upang ang hustisya ay hindi kikiling sa isang panig dahil sa kalansing ng salapi.


Pinaghalawan:

Supreme Court website - sc.judiciary.gov.ph/

Librong The Modern Principalia: The Historical Evolution of the Philippine Ruling Oligarchy, by Dante Simbulan

A Past Revisited, ni Renato Constantino

Saligang Batas ng Pilipinas ng 1987

wikipedia.org

PCIJ website

Huwebes, Enero 19, 2012

Kuwentong Kahayupan sa Gubat - ni Jhuly Panday

Kuwentong Kahayupan sa Gubat
ni Jhuly Panday

Ilang daang taon na ang nakararaan, nakaranas ang mga hayop na nakatira dito sa ating kagubatan ng kahirapan sa buhay dahil sa hindi mapigilang pagtaas ng halaga ng pagpapalitan ng mga produkto. Isang halimbawa nito ay ang palitan ng isang tumpok ng kamote na nuon ay kalahating baso ng gatas lamang ang katapat na halaga.

Ang masaklap nito ay ang anunsyo ng mga hayop na nagmamay-ari ng lupaing tinatamnan ng kamote na muli silang magtataas ng halaga dahil raw sa pagtaas ng presyo ng kamote sa ibang kagubatan ng mundo. Inihayag nila na magtatas sila mula kalahating baso sa dalawang baso ng gatas sa bawat isang tumpok ng kamote. Nangangahulugang magtataas sila ng isa't kalahating baso ng gatas sa bawat tumpok ng kamote.

Muling umugong sa buong kagubatan ang masamang balita na ito. Ngunit kahit anong angal ang gawin ng mga hayop ay wala silang magawa upang mapigilan ito. Halos lingo-linggo ang pagtaas ng halaga ng palitan ng mga pangunahing produkto. Nadidismaya na sila ngunit parang bingi ang mga may hawak ng merkado sa kanilang mga hinaing.

Narinig ng pinuno ng kagubatan ang balitang pagtaas ng halaga ng kamote, alam niya na kung hindi siya gagawa ng hakbang upang ito ay mapigilan siguradong mag-aalsa ang mga nasasakupan niya. Kinakabahan siya, kailangan niyang maka-isip ng solusyon sa madaling panahon!

"Ayos!" Sigaw ng pinunong hayop.

"May naisip na akong solusyon sa problemang ito!" Deklarasyon ng pinunong hayop.

"Ipatawag ang mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote!" Utos ng pinunong hayop sa mga hayop na kawal.

Ilang sandali pa ay dumating ang mga hayop na kawal kasama ang mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote.

"Paano ba natin magagawan ng paraang hindi mag-alsa ang mga hayop sa napipinto na namang pagtataas ninyo ng halaga ng kamote?" Tanong ng pinunong hayop sa mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote.

"Pinunong hayop, wala na kaming magagawa pa, malaki na ang nawawala sa aming kinikita. Kilangan naming bawiin ang nawalang kita namin." Sagot ng mga hayop na may control sa merkado ng kamote.

Nakangiting nakikinig ang pinunong hayop sa paliwanag ng mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote, parang hindi nababagabag sa sinasabi ng kanyang mga kaharap.

"May mungkahi ako sa inyo na magiging kapakipakinabang para sa akin at para na rin sa inyo." Sabi ng pinunong hayop.

Seryosong naghintay ang mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote sa ano mang sasabihin ng pinunong hayop, kapakipakinabang nga naman ito para sa kanila.

"Itaas ninyo ang halaga ng kamote ng tatlong baso ng gatas sa bawat isang tumpok!" Pahayag ng pinunong hayop.

Ano?" Gulat na biglang bulalas ng mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote.

"Eh di lalong nagalit ang mga hayop sa amin dahil sa sobrang pagtaas na iminumungkahi ninyo?" Dugtong ng mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote.

"Teka lang mga hayop na kaibigan ko." Buwelta ng pinunong hayop.

"Palalabasin nating kailangan ninyong itaas ng tatlong baso ang halaga ng palitan ng isang tumpok ng kamote, at ako naman ay magpapalabas ng isang anunsyo pagkatapos ninyong maipatupad ang pagtaas na ito. Makiki-usap ako kunwari sa inyo na ibaba ng kalahati ang itinaas na halaga ng kamote. Nangangahulugan na ibaba ninyo ang halaga ng isa at kalahating baso, malaking pagbaba ito diba?" Paliwanag ng pinunong hayop.

Biglang napakamot ng baba ang mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote. Magandang ideya nga naman ito, lalabas na sila ay hindi gahaman dahil sila ay magbababa ng kalahating halaga ng kanilang produkto, at ang pinunong hayop naman ay lalabas ring bayani dahil nagawan niya ng solusyon ang problema ng mga nasasakupan.

Ilang araw pagkatapos ng pulong na iyon ay napatupad nila ang kanilang magandang balakin. Tumaas ng tatlong beses ang halaga ng palitan ng kamote at gatas.

At nangyari rin ang inaasahang paglabas ng mga hayop upang ikundina ang hindi makatwirang pagtataas ng halaga ng kamote.

Ngunit isang araw makaraan ang pagtaas na ito ay narinig ng buong kagubatan ang ginawang paki-usap ng pinunong hayop na kung maaari ay ibaba ang halaga ng palitan upang maibsan ang nararamdamang kahirapan ng kanyang mga nasasakupan.

Hindi pa natatapos ang araw ay ibinaba nga ang nasabing halaga ng palitan. Perpekto ang plano, napigilan ang paglaganap ng pag-aaklas ng mga hayop sa kagubatan.

Ayun ang akala nila.

Sa isang sulok ng kagubatan ay may mga hayop na nagpupulong at pinag-aaralan ang mga kaganapan sa buong kagubatan. Sila ang mga hayop na sukdulan na ang galit sa manipulasyong ginagawa ng pinunong hayop at ng ilang hayop na makapangyarihan. Hindi na nila mapalalagpas ang mga pang-uutong ginagawa ng mga naghaharing hayop

Kung hindi sila gagawa ng pagkilos siguradong ang mga susunod na salinlahi ng mga hayop ay sasakmalin rin ng mga mapang-abuso at mapagsamantalang uri sa kagubatan.

Panahon na upang baguhin ang sistema, panahon na upang wakasan ang pagsasamantala sa kagubatan.