Huwebes, Oktubre 31, 2024

Nilay sa madaling araw

NILAY SA MADALING ARAW

kalahating milyon ang surgery 
abot na ng isang milyon kami
di pa kasama yaong sa doktor
wala pang operasyon sa bukol

pultaym tulad ko'y saan kukuha
ng pambayad sa bill? ay, problema
ang ipon ko'y walang samporsyento
ng hospital bill na nakuha ko

problemang ito'y nakakaiyak
pagkat lansangan ay sobrang lubak
talagang sa luha nangingilid
lalo't naritong tigang ang bukid

di ko masabing pera lang iyan
kung said ang balong makukunan
may paraan pa sanang magawa
habang loob ay inihahanda

singkwenta mil pa lang ang nabayad 
subalit ngayon ay nilalakad
ang mga nakuhang dokumento
upang madala sa PCSO

ang bawat problema'y may solusyon
subalit kailangan na iyon
at kung may mahihiramang pilit
salamat, iyon na'y ihihirit

- gregoriovbituinjr.
10.31.2024

Lunes, Oktubre 28, 2024

Work from ho(spital)

WORK FROM HO(spital)

imbes na work from home / ang lingkod ng masa
ay work from hospital / ang makatang aba
balita sa dyaryo'y / laging binabasa
paksa'y inaalam, / isyu ba'y ano na?

na bagamat puyat / sa tulog ay kulang
ay pilit susulat / ng paksang anuman
sa mga nakita / sa kapaligiran
sa mga naisip / kani-kanina lang

nagpaplano pa ring / isyu'y maihanda
para sa Taliba, / dyaryong maralita
nagbabalangkas na / upang di mawala
ang isyu't nangyaring / dapat mabalita

bantay sa ospital / sa sakit sakbibi
ang misis na doon / ay kanyang katabi
tuloy ang pagtula't / pagdidili-dili
susulat sa araw, / kakatha sa gabi

- gregoriovbituinjr.
10.28.2024

Linggo, Oktubre 27, 2024

Ang makata

ANG MAKATA

ako'y isang makata
para sa maralita
at uring manggagawa
na isa kong adhika

patuloy ang pagtula
dumaan man ang sigwa
ako'y laging tutula
di man laging tulala

maraming pinapaksa
tulad ng bagyo't baha
ang nasalantang madla't
natabunan ng lupa

inaalay ko'y tula
na madalas na paksa
ay manggagawa't dukha
kababaihan, bata

katarungan, paglaya
sa bagyo'y paghahanda
ang nagbabantang digma
sa ilang mga bansa

tungkulin ng makata
ang hustisya'y itula
ang burgesya'y matudla
at mais ay ilaga

- gregoriovbituinjr.
10.27.2024

* litrato mula sa app game na CrossWord

Biyernes, Oktubre 25, 2024

You must...

YOU MUST...

buti't may libreng Philippine Star
habang nagbabantay sa ospital
mayroon doong palaisipan
hanggang nasagutan ang crytogram

agad kong nahulaan ang "You Must"
dahil sa given na M, A, at I
at nasagutan agad ang "it is" 
kaya lahat nasagutang tunay

nabuo rin yaong pangungusap
na pananalita ni Rosa Parks
bayaning Itim sa Amerika
at naging inspirasyon ng masa

ani Rosa Parks: "You must never be
fearful about what you are doing when
it is right!" makabuluhang sabi
nang kapwa Itim ay palayain

pananalita't palaisipan
dalawa kong tungkulin sa bayan
at bilang makata ng silangan
tungong pagbabago ng lipunan

- gregoriovbituinjr.
10.25.2024

Miyerkules, Oktubre 23, 2024

Katas ng tibuyô

KATAS NG TIBUYÔ

nabili ko ang librong World's Greatest Speeches
mula sa baryang naipon ko sa tibuyô
magandang librong pinag-ipunan kong labis
nang mga talumpati'y mabasa kong buô

pitumpu't limang orador ang naririto
talambuhay muna, sunod ay talumpati
ng mga bantog sa kasaysayan ng mundo
bayaning itinuring ng kanilang lahi

pitumpu't limang pinuno ng bansa nila
ang nagsibigkas ng makabagbag-damdaming
mga talumpating tumatagos sa masa
hanggang bansa nila'y tuluyang palayain

nang libro'y makita, agad pinag-ipunan
at upang di maunahan sa librong nais
ay may tibuyô akong mapagkukuhanan
ng pera upang mabili yaong mabilis

salamat sa tibuyô, may perang pambili
ng gusto ko tulad ng babasahing aklat
ang pinag-ipunan sa tibuyo'y may silbi
upang umunlad pa ang isip at panulat

- gregoriovbituinjr.
10.23.2024

* tibuyô - salitang Batangas na katumbas ng Kastilang alkansya
* ang nabanggit na aklat ay nabili sa National Book Store, Ali Mall branch sa halagang P299.00

Martes, Oktubre 22, 2024

Pagninilay - salin ng tula ni Asmaa Azaizeh

PAGNINILAY
Tula ni Asmaa Azaizeh
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Kahapon, iniabot ko lahat ng aking tula sa aking tagapaglathala.
Pakiramdam ko'y ang aking ulo ang inabot ko sa kanya 
at ang mga salitang binibigkas ko mula ngayon
ay lalabas sa bibig niya.
Napakasakit!

Hindi nagpapakita nang paisa-isa ang mga sakuna
Dumarating sila sa kawan-kawan tulad ng isang nagugutom na hayop.
Sinabi ito ng isang makata at siya'y ay namatay.
Halimbawa, kalahati ng aking pamilya ang namatay
at pagkatapos kong ipagdiwang ang dulo ng taon
namatay ang aking ama.

Simula noon ay hinayaan ko na ang aking mga tula.
Tuwing gabi naglalasing ang mga makata sa ilalim ng aking bintana
at dinidiktahan ako ng matatalinong tula.
Kinasusuklaman ko ang karunungan.
Inaanyayahan ko sila, at nilapa ko silang animo'y tupang pinataba
at nakisalo sa kanila,
subalit hindi ko pa rin maibabalik ang aking tinig.
Nasulyapan ko ito sa bintana, nakabayubay
sa ituktok ng bundok.

Ako'y naging repleksyon na lang
ng isang punong hinubaran sa isang lusak sa daan.
Ako'y huwag mong hakbangan, itago mo ako sa lilim
mula sa araw na maaaring sumikat
at msumingaw ang aking katawan.
Marahil ay sasabihin ko ang aking kapayapaan.

Sasabihin ko sa iyong ang mga sakuna'y maaapula rin
pag tinigilan mong lagyan sila ng panggatong,
datapwat hindi mo ako maririnig,
at ang bundok ay mula sa pampaningas.

- sa Dabbouria, Ibabang Galillee

10.22.2024

* Si Asmaa Azaizeh ay isang babaeng makata, lumalabas sa entablado, at mananalaysay na nakabase sa Haifa. May-akda siya ng tatlong kalipunan ng mga tula, ang Liwa, na nagwagi ng 2010 Al Qattan Foundation Debut Writer Award, As The Woman from Lod Bore Me, at Don’t Believe Me If I Talk To You of War. Si Azaizeh ang unang direktor ng Mahmoud Darwish Museum sa Ramallah simula noong 2012.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na:  
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Nais basahing 100 aklat

NAIS BASAHING 100 AKLAT

nais ko pang basahin ang sandaang aklat 
na paborito ko bago ako mamatay
mga kwento't nobelang nakapagmumulat
mga tula, dula, pabula, talambuhay

kayrami ko nang librong pangliteratura,
pampulitika, o kaya'y pangmanggagawa,
pang-ideyolohiya dahil aktibista
at gumagawa ng diyaryong maralita

di ko pa tapos ang nasa aking aklatan
ang iba nga'y unang kabanata pa lamang
ang nababasa't di pa muling nabalikan
ngunit babasahin din kahit nasa parang

habang kumakatha, nais ko ring basahin
dula, kwento't tulang sa masa'y nanggigising
sanaysay at ideyolohiyang sulatin
upang magsikilos ang dukha't nahihimbing

- gregoriovbituinjr.
10.22.2024

Lunes, Oktubre 21, 2024

Tulang walang pamagat IV - salin ng tula ni Zakaria Mohammed

TULANG WALANG PAMAGAT IV
Tula ni Zakaria Mohammed
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

IV.

Siya'y tumatangis, kaya kinuha ko ang kanyang kamay upang pakalmahin at upang punasan ang kanyang mga luha.

Sabi ko sa kanya habang sinasakal ako ng kalungkutan: ipinapangako ko sa iyong ang katarungang iyon

ay mananaig din sa dulo, at daratal din ang kapayapaang iyon sa lalong madaling panahon.

Nagsisinungaling ako sa kanya, siyempre. Batid kong di mananaig ang katarungan

at di daratal ang kapayapaan sa lalong madaling panahon, subalit dapat kong pigilan ang kanyang pagtangis.

May mali akong palagay na nagsasabing, kung kaya natin, sa pamamagitan ng ilang tapik, ay mapapahinto

ang ilog ng luha, na magpapatuloy ang lahat sa makatwirang paraan.

Pagkatapos, tatanggapin na lamang ang mga bagay kung ano sila. Mangingibabaw ang kalupitan at katarungan

nang magkasama sa parang, ang diyos ay magiging kapatid ni satanas, at ang biktima'y magiging

sinta ng pumatay sa kanya.

Subalit walang paraan upang ang mga luha'y mapigilan. Patuloy silang bumubuhos na animo'y baha

at sinisira ang nakahigang seremonya ng kapayapaan.

At dahil dito, para sa mapait na kapalaluan ng mga luha, hayaang italaga ang mata bilang tunay na banal

sa balat ng lupa.

Hindi tungkulin ng tula ang magpahid ng luha.

Dapat ang tula'y maghukay ng kanal upang pagdaluyan ng luha at lunurin ang santinakpan.

- mula sa A Date for the Crow

10.21.2024

* Si Zakaria Mohammed ay isang makatang Palestino, mamamahayag, editor, at mananaliksik na dalubhasa sa kasaysayan ng pre-Islamic Arabian peninsula. Siya ang may-akda ng siyam na kalipunan ng mga tula, kabilang ang The Crow's Date (paparating pa lang). Ang kanyang katha ay naisalin na sa Ingles at Korean. Siya ay mula sa Nablus.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Suplado, bumait upang manalo?

SUPLADO, BUMAIT UPANG MANALO?

sa partylist daw kumandidato
ang mabait na dati'y suplado
bumait dahil nais manalo
upang makaupo sa Kongreso

sino kayang pinatutungkulan?
sino yaong pinatatamaan?
mapanuri ang nasa komiks man
punto niya'y dapat lang pakinggan

nagkokomiks ay parang makata
na dinadaan sa talinghaga
o kaya ay blind item, ika nga
ngunit sa mambabasa'y balita

kumandidato'y nuknok ng sungit
ngunit ngayon ay biglang bumait
nagbulgar pa'y komiks na makulit
na pag magsuri'y sadyang kaylupit

- gregoriovbituinjr.
10.21.2024

* komiks mula sa pahayagang Bulgar, Oktubre 20, 2024, pahina 5

Manggagawa naman

MANGGAGAWA NAMAN

banner ay taas-kamaong bitbit
"Manggagawa Naman" yaring sambit
ito ang dapat nating igiit
at sa masa tayo'y magsilapit

sigaw sa mga trapo: Tama Na!
sa masa: Baguhin ang sistema!
labanan ang kuhila, burgesya
at pulitikal na dinastiya

mundo'y binuhay ng manggagawa!
subalit sila pa ang kawawa!
paano kung walang manggagawa?
lahat ng kaunlaran ay wala!

magkapitbisig tayo, kabayan!
at isigaw: "Manggagawa Naman"
at sila'y iluklok natin upang
pamunuan ang pamahalaan

- gregoriovbituinjr.
10.21.2024

Linggo, Oktubre 20, 2024

Tulang walang pamagat III - salin ng tula ni Zakaria Mohammed

TULANG WALANG PAMAGAT III
Tula ni Zakaria Mohammed
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

III.

Ang mamamayan ay mga asno. Nagsabit ako ng mga batingaw sa leeg nila para awitan nila ako habang ako'y nakahiga sa batuhan.

Hangal ang mamamayan. Sila'y isasabit ko sila sa aparador na parang mga damit pangtaglamig.

Mahihinog na ang sebada sa Mayo. Inihanay ng bawat tangkay ang mga binhi nito sa maayos na paraan upang makatayo sila sa tarangkahn ng langit.

Kaya kong maghanay ng mga salitang walang kahulugan.

Kaya kong lumikha ng kahulugan mula sa kawalan.

Isinusuga ko ang isang kabayo malapit sa sebada at umaapaw ang kahulugan.

Ang kahulugan ay kaayusan.

Ang kahulugan ay nagkataon lang.

Ang kahulugan ay hayop ng pasanin na humahakot ng mga pakwan.

Kung maaari ko lang ihanay ang mga bagay tulad ng ginagawa ng isang tangkay ng sebada.

Kinikitil ng sebada ang sarili nitong buhay tuwing Mayo, at binubuksan ng trigo ang pipi nitong bibig tuwing Hunyo.

Ang panahon ko'y sa katapusan ng Agosto.

Sa katapusan ng Agosto, nakalabit ang aking gatilyo.

Ay, kung maaari lang akong mabuhay sa isang baso ng tubig; ang mga ugat kong puti, luntian kong aking buhok, at ang haring araw na tangi kong diyos.

May isa akong awiting lagi kong inuulit. May isa akong malaking kasinungalingang dinikit ko ng pamatse sa kisame, upang dumikit dito ang mga langaw ng katotohanan.

Ang ulo ko'y napakalaking kapara'y lobo. Ang kamay ko'y isang dukhang bituin, ang balaraw ay isang masakit na kapayakang hindi ko taglay, at pagdating ko sa kahulugan, nawala ito sa akin.

- mula sa Alanda

10.20.2024

* Si Zakaria Mohammed ay isang makatang Palestino, mamamahayag, editor, at mananaliksik na dalubhasa sa kasaysayan ng pre-Islamic Arabian peninsula. Siya ang may-akda ng siyam na kalipunan ng mga tula, kabilang ang The Crow's Date (paparating pa lang). Ang kanyang katha ay naisalin na sa Ingles at Korean. Siya ay mula sa Nablus.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Muling paggawa ng ekobrik

MULING PAGGAWA NG EKOBRIK

ang maybahay ko'y may naiwang boteng plastik
sa bahay, naisip kong muling mag-ekobrik
na naiwan kong gawaing nakasasabik
lalo't may naipon akong basurang plastik

pinaggupit-gupit ko ang aking naipon
ginupit kong maliliit ang mga iyon
at sa boteng plastik ay nilagay ko roon
muli kong ginawa ang naiwan kong layon

ginagawa lang sa panahon ng pahinga 
matapos ang trabaho't ako'y nag-iisa
kahit paano'y mabawasan ang basura
sa bakuran, sa tahanan at opisina

sa buong taon kahit sampu ang matapos
na ekobrik na pinaghirapan kong lubos
konting sipag lang, wala naman itong gastos
hanggang mga plastik sa bahay ay maubos

paisa-isa munang bote ang gagawin
matitigas na ekobrik ang adhikain
makakalikasang tibak na may layunin
bilang ambag sa paligid at mundo natin

- gregoriovbituinjr.
10.20.2024

Sabado, Oktubre 19, 2024

Dalawang tula - salin ng tula ni Zakaria Mohammed

DALAWANG TULA
Tula ni Zakaria Mohammed
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

I.

Nasulyapan kita habang ako'y tumatakbo. Wala akong panahong tumigil at hagkan ang iyong kamay. Hinahabol ako ng daigdig na parang magnanakaw at imposibleng ako'y tumigil. Kung ako'y tumigil, ako na'y napaslang. Subalit nasulyapan kita: ang iyong kamay ay isang tangkay ng narsiso sa isang basong tubig, nakabuka ang iyong bibig, at ang iyong buhok ay pumailanglang na ibong mandaragit. Napasulyap ako sa iyo ngunit wala akong posporo upang sindihan ang siga at sumayaw sa paligid nito. Binigo ako ng daigdig, pinabayaan, kaya hindi man lang kita nakawayan.

Balang araw ang daigdig ay lalagay sa tahimik, ang mga sira-sirang kable ng tsanel ay titigil sa pagsasahimpapawid, at yaong mga humahabol sa akin ay magkakawatak-watak upang ako'y makabalik sa lansangang iyon, kung saan kita nasulyapan. Hahanapin kita sa parehong upuan: isang tangkay ng narsiso ang iyong kamay, isang ibong mandaragit ang iyong ngiti, at isang namulaklak na punongkahoy ang iyong puso. At doon, kasama mo, sa ilalim ng lilim ng iyong punongkahoy, ay wawasakin ko ang tolda ng aking pagkaulila at itatayo ang aking tahanan.

- mula sa Kushtban

II.

Isang mapagbigay na kaibigan ang gabi. Lahat ng bagay ay niluwagan ang kanilang mga baging sa rabaw ng aking ulo. Nakaupo sa palibot ko ang aking mga minamahal na para bang nasa isang piging. Ang mga minamahal kong nawala na. Ang mga minamahal kong narito pa, at mga minamahal pang darating. At ang kamatayan ay asong bantay na nakatanikala sa tarangkahan. Tanging ang hangin ni Khamaseen lamang ang galit na humahampas sa pintuan. Si Khamaseen ay isang kasuklam-suklam na kapitbahay; naglagay ako ng bakod sa pagitan namin, pinatay ang mga ilaw sa aming pagitan.

Masaya ako, umaawit tulad ng isang baras ng ephedra, sumisigaw tulad ng isang mandaragit.

Huwag pamiwalaan ang aking mga salita. Huwag abutin ang mga baging sa karimlan. Ang gabi ay isang kasunduan ng mga lagim. Sampung ibon ang natutulog sa puno, subalit ang isa'y balisang paikot-ikot sa bahay. At tulad ng alam mo, sapat na ang isang ibon upang sirain ang isang buong piging, isang mitsa upang masunog ang isang kabihasnan.

Malamig ang pagkain. Pagkatapos ay nagmumog ako kasama si Khamaseen, at hinugasan ang aking mga kamay gamit ang kusot.

Kung mayroon mang silbi ang pagluha, marahil ay luluha ako sa harap ninyong lahat. Subalit ang pagluha'y nangangailangan ng higit na lakas kaysa sa taglay natin, kaya aawit ako para sa inyo tulad ng malambot na hanging Saba, aawit ako sa katutubong wika ng tangkay ng murang basil: ang gabi ay bato ng amber. Ang gabi'y isang kasunduang kamangha-mangha.

- mula sa Alanda (Ephedra)

10.19.2024

* Si Zakaria Mohammed ay isang makatang Palestino, mamamahayag, editor, at mananaliksik na dalubhasa sa kasaysayan ng pre-Islamic Arabian peninsula. Siya ang may-akda ng siyam na kalipunan ng mga tula, kabilang ang The Crow's Date (paparating pa lang). Ang kanyang katha ay naisalin na sa Ingles at Korean. Siya ay mula sa Nablus.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Bakas

BAKAS

naiiwan iyang bakas sa nakaraan
habang tinatahak pa ang kasalukuyan
upang kamtin ang asam na kinabukasan

ika nga sa isang sikat na kasabihan
dapat nating lingunin ang pinanggalingan
nang makarating tayo sa patutunguhan

tulad din ng mga aktibistang Spartan
na inaral ang mga nagdaang lipunan
nang bulok na sistema'y baguhing tuluyan

tulad kong laging nagmamakata pa naman
na madalas likhain ay tulang pambayan
tula sa kalikasan at kapaligiran

kaya nga sa bawat bakas ng nakaraan
pag ating nilingon ay may matututunan
kunin natin upang sa pagtahak sa daan

ay maalpasan na natin ang kahirapan
sa sama-samang pagkilos ng sambayanan
ay maitayo ang makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.
10.19.2024

Biyernes, Oktubre 18, 2024

Ang dalawa kong aklat ni Apolonio Bayani Chua

ANG DALAWA KONG AKLAT NI APOLONIO BAYANI CHUA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakilala ko si Ginoong Apolonio Bayani Chua, o Apo Chua, sa grupong Teatro Pabrika, isa sa mga grupo ng mang-aawit ng pawang mga nawalan ng trabaho sa pabrika, na bahagi rin ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Siya ang adviser ng mga iyon. Si Apo ay isa ring guro sa UP Diliman.

Nakatutuwa na nagkaroon ako ng dalawa niyang aklat.

Ang una'y ang SIMULAIN: Dulambayan ng Manggagawa sa Konteksto ng Militanteng Kilusang Unyonismo (1980-1994). May sukat ang aklat na 9" x 6" at naglalaman ng 326 pahina (kung saan 16 dito ay naka-Roman numeral).

Ang aklat na ito'y ibinigay sa akin ni Apo Chua noong Hulyo 21, 2009, kasabay ng paglulunsad ng 12 aklat ng 12 manunulat ng UP Press na ginanap sa UP Vargas Museum. Ang aktibidad ay pinamagatang "Paglulunsad 2009: Unang Yugto."

Sa ikalawang aklat naman, isa siya sa mga patnugot ng "Mga Luwa at iba pang Tula ni Jose A. Badillo". May sukat din itong 9" x 6" at naglalaman ng 390 pahina (kung saan 30 dito ay naka-Roman numeral).

Ang aklat na ito'y natsambahan ko sa booth ng UP Press sa ikatlo't huling araw ng 25th Philippine Academic Book Fair na inilunsad sa Megatrade Hall I, SM Megamall sa Lungsod ng Mandaluyong noong Hunyo 7, 2024. Nabili ko ito sa halagang P100, kasama ang iba pang pampanitikang aklat na may presyong P30 at P59.

Ilang buwan na o taon ang nakararaan nang mabanggit sa akin ni Ka Apo ang tungkol sa nasaliksik ngang mga tula ni Jose A. Badillo sa Taal, Batangas. Aniya, may mga makata rin pala sa Batangas. Matagal na pala iyon at ngayon ay nalathala na bilang aklat, at natsambahan kong mabili iyon sa booth ng UP Press. 

Isa ang makatang si Jose Atienza Badillo (1917-1986) sa dapat kilalanin at bigyang parangal ng lalawigan ng Batangas bilang makata ng bayan, tulad ni Francisco Balagtas sa bayan ng Bulacan.

Ang kanyang mga sinulat na Luwa ay hinggil sa patulang tradisyon sa Batangas, sa lalawigan ng aking ama, na binibigkas pag may pista sa nayon, at madalas ay sa tapat ng tuklong (kapilya) iyon binibigkas ng isang binibini matapos iparada sa buong baryo ang Patron. Ang Luwa ay mga tula hinggil sa Patron ng nasabing lugar o nayon. Kaya pag nakakauwi ako ng Balayan, lalo pag pista ng Mayo sa nayon, ay sumasabay na kami sa prusisyon hanggang dulo ng nayon at pabalik muli sa tuklong upang makinig sa mga naglu-Luwa.

Kaya magandang saliksik ang dalawang nasabing aklat, ang dulamnbayan at ang Luwa, na dapat magkaroon din nito ang mga manggagawa, pati na yaong nakasaksi na sa Luwa, at mabigyan o mabentahan ang mga paaralan, at iba't ibang aklatan.

Huli kaming nagkita ni Ka Apo nang siya'y ginawaran bilang Pambansang Alagad ni Balagtas nang dumalo ako sa 50th Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) National Writers Congress at Ika-37 Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas. Inilunsad ito sa Gimenez Gallery ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod Quezon mula ikasiyam ng umaga hanggang ikalima ng hapon ng Abril 27, 2024, araw ng Sabado. Siyam silang tumanggap ng pagkilala bilang Pambansang Alagad ni Balagtas ng taon 2024.

Isang karangalan sa akin na makilala si Ka Apo, at magkaroon ng kanyang mga aklat.

ANG DALAWA KONG AKLAT NI KA APO CHUA

ang una kong aklat na sinulat ni Apo
ay tungkol sa dulambayan ng manggagawa
mula militanteng kilusang unyonismo
na nagsaliksik ay talagang kaytiyaga

ikalawa'y hinggil sa Luwa ng Batangas
na napanood ko't nasaksihan na noon
mga patula sa Patron at binibigkas
sa kapistahan ng barangay o ng nayon

nakilala natin ang makatang Badillo
na sinilang at tubo sa bayan ng Taal
tulad din ng awtor na Domingo Landicho
si Jose Badillo sa Taal din ay dangal

mga aklat ni Apo ay pananaliksik
sa dulambayan at sa Luwa ng probinsya
na mahihinuha mong sadyang masigasig
pagkat nasulat na detalye'y mahalaga

Ka Apo, sa mga saliksik mo'y salamat
lalo sa mga naganap na dulambayan
at mga tula ni Badillo'y nahalungkat
salamat sa binahagi mong kaalaman

10.18.2024

* unang litrato ang dalawa kong aklat ni Ka Apo Chua
* ikalawang litrato naman ay kuha nang ginawaran siya bilang Pambansang Alagad ni Balagtas, katabi ni Ka Apo ang inyong lingkod

Pagsusulit - salin ng tula ni Sheikha Hlewa

PAGSUSULIT
Tula ni Sheikha Hlewa
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Napakahuli na ng mga aralin ng aking ina.
Matapos lahat ng dinanas namin - 
binibilang niya ang mga taon
sa tapat na pagsang-ayon sa Nakba
at ang mga binilang ko habang kagat ang aking dila -
ginigiit niyang maturuan ako, 
salita sa salita, nang agad-agad.
Wala siyang pagsasaalang-alang 
sa patuloy kong pagkataranta
o sa pagitan ng mga taon namin,
sa urbanidad na nagpaamo sa pagiging lagalag ko
at nagpakislap sa mga gilid ng aking wika.
Inuulit niya ang mga aralin nang may kalupitan
ng isang gurong naantala ang pagreretiro.
Hinahanap niya ang kanyang patpat 
sa ilalim ng kanyang bisig,
na hindi mahanap,
kaya hinampas niya ang mesang kahoy.
Isinusumpa ko ang sinumang lalaking 
magpapaiyak sa iyo, naiintindihan mo?
at walang batingaw na sasagip sa akin
bago ang pagsusulit.

- sa Haifa

10.18.2024

* Si Sheikha Hlewa ay isang Palestinong manunulat na isinilang sa Dhayl 'Araj, isang hindi kilalang nayon ng Bedouin malapit sa Haifa. May-akda siya ng tatlong kalipunan ng maiikling kwento at isang kalipunan ng mga tula, na naisalin na sa maraming wika. Siya'y babaeng nagtuturo ng Peminismong Arabo sa Unibersidad ng Ben-Gurion.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Walang plataporma

WALANG PLATAPORMA

walang plata, pulos porma lang pala
ang tatakbong Senador na artista
na batay sa panayam ni Gretchen Ho
sa isang artistang kumandidato

pag nanalo na, saka iisipin
ang plataporma niyang nais gawin
sa ngayon daw ang kanyang tututukan
paano muna manalo'y pokusan

madali na iyon, sikat na siya
tulad nina Robin at Bong Revilla
ngalang Wille Revillame nga ngayon
ay talagang sikat sa telebisyon

subalit siya kaya'y epektibo
sa Senado o isa lang payaso
anong tingin sa isyung manggagawa
o dahil walang plataporma'y wala

paano kaya pag nakadebate
ni Willie sa isyu si Ka Leody
ano kayang masasabi ni Ka Luke
at ng masang sa kanila'y tututok

pag sila'y wagi ni Philip Salvador
na kagaya niya'y isa ring aktor
ika doon sa ulat ni Gretchen Ho
tunay ngang mas showbiz na ang Senado

- gregoriovbituinjr.
10.18.2024

* batay sa ulat sa pahayagang Pang-Masa, Oktubre 16, 2024, p.5

Pamatid-gutom

PAMATID-GUTOM

muli, ang inulam ko'y ginisang sardinas
niluto lang dahil ayoko nang lumabas
basta katabi itong mga diksyunaryo
at mga nakapilang babasahing libro

bagamat lata ng sardinas ay kilala
bilang inuulam ng mga nasalanta
halimbawa, nasunugan at nabahaan
pinamimigay ay sardinas at noodles man

pang-evacuation center lang daw ang ganito
subalit huwag mong mamaliitin ito
sapagkat ilang ulit akong nakaraos
upang ako'y magpatuloy pa ring kumilos

di naman madalas, minsan ulam ko'y daing
kaya ibang ulam ay di na hahanapin
tulad ng sardinas, ito pa rin ay isda
ayos lang, basta mabusog at makatula

- gregoriovbituinjr.
10.18.2024

Kasaysayan ng isang manunulat

KASAYSAYAN NG ISANG MANUNULAT

nang ako'y nasa kolehiyo pa
ang aking sarili'y natagpuan
nakatunganga sa opisina
ng pahayagang pampaaralan

sapagkat may patalastas doon
na kailangan ng manunulat
pagsusulit ay ipasa roon
at nakapasok nga akong sukat

nang artikulo ko'y malathala
sa Enero ng aming magasin
iyon na talaga ang simula
upang pagsulat ko'y pagbutihin

naging adhika kong maging tinig
ng mga tinanggalan ng boses
sa manggagawa't dukha'y nakinig
sa pabrika, tabing ilog, riles

hanggang ngayon, nagsusulat ako
ng mga tula, kwento't sanaysay
at pasalamat akong totoo
sa nakasama sa paglalakbay

marami kayo, di na mabilang
nang isa-isang pasalamatan
adhika ko'y ikwento ko naman
ang ating pinagdaanang laban

- gregoriovbituinjr.
10.18.2024

Huwebes, Oktubre 17, 2024

Pangarap

PANGARAP

masasabi mo bang ako'y walang pangarap
dahil di pagyaman ang nasa aking utak
pag yumaman ka na ba'y tapos na ang hirap?
habang pultaym ako't nakikibakang tibak

hindi pansarili ang pinapangarap ko
kundi panlahat, pangkolektibo, pangmundo
na walang bukod o tinatanging kung sino
kundi matayo ang lipunang makatao

iniisip ko nga, bakit dapat mag-angkin?
ng libo-libong ektaryang mga lupain?
upang sarili'y payamanin? pabundatin?
upang magliwaliw? buhay ay pasarapin?

subalit kung ikaw lang at iyong pamilya
ang sasagana at hihiga ka sa pera
ang pinaghirapan mo'y madadala mo ba?
sa hukay, imbes na magkasilbi sa kapwa?

aba'y inyo na ang inyong mga salapi
kung sa pagyaman mo, iba'y maaaglahi
buti pang matayo'y lipunang makauri
para sa manggagawa pag sila'y nagwagi

- gregoriovbituinjr.
10.17.2024

Alaala - salin ng tula ni Sheikha Hlewa

ALAALA
Tula ni Sheikha Hlewa
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Nagkakagulo ang lahat nang inagaw ko 
ang alaala ng Bedouin.
Malamang na ang binatang nakuryente 
habang nagdidilig sa kanyang bukid
ay maging asawa ng sinumang maliit na babae.
Malamang, maging parol sa karimlan 
ang kanyang mga titig 
matapos kargahan iyon ng liwanag.
Sa lahat ng maaaring mangyari'y 
pinagtaksilan ako ng alaala.
Siya ba'y binatang ikakasal 
o naantalang parol o luntiang bukirin?
Ang aking ina'y may ugaling pagparisukatin 
ang bawat detalye sa aking alaala.
Ang binata'y naging bukirin, luntiang parol,
at ang kuryente'y hindi nakarating 
sa aking nayon ni minsan.

- sa Haifa

10.17.2024

* Si Sheikha Hlewa ay isang Palestinong manunulat na isinilang sa Dhayl 'Araj, isang hindi kilalang nayon ng Bedouin malapit sa Haifa. May-akda siya ng tatlong kalipunan ng maiikling kwento at isang kalipunan ng mga tula, na naisalin na sa maraming wika. Siya'y babaeng nagtuturo ng Peminismong Arabo sa Unibersidad ng Ben-Gurion.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Tinanggal sa trabaho dahil mataba

TINANGGAL SA TRABAHO DAHIL MATABA

nawalan ng trabaho dahil raw mataba
kawalang respeto ito sa manggagawa
ang nangyari sa kanya'y pambihirang sadya
ang ganyang palakad ay talagang kaysama

PBA courtside reporter daw siya noon
nagtrabaho sa pinangarap niyang iyon
subalit matapos ang sampung laro roon
ay wala na siyang iskedyul nang maglaon

may kinuhang mga reporter na baguhan
na maayos din naman ang pangangatawan
wala siyang isyu sa bago't nagsulputan
nagtaka lang siya nang trabaho'y nawalan

ang mga lalaki, pinupuri pa siya
dahil maayos ang pamamahayag niya
ang babaeng lider sa network, ayaw pala
sa kanya dahil raw sa katabaan niya

ay, nakagugulat ang kanyang pagtatapat
ang nangyaring kaplakstikan ay di marapat
diskriminasyon ito kung titingnang sukat
karapatan bilang manggagawa'y inalat

kaisa mo kami, reporter Ira Pablo
mabuti't malakas ang loob mong magkwento
ipaglaban ang karapatan ng obrero
nang matigil na ang patakarang ganito

- gregoriovbituinjr.
10.17.2024

* PBA - Philippine Basketball Association

Kaibhan ng kapayapaan at katahimikan

KAIBHAN NG KAPAYAPAAN AT KATAHIMIKAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa isang krosword o palaisipang sinagutan ko, ang tanong sa 10 Pahalang: Kapayapaan. Naisip ko agad, Katahimikan kaya ang sagot? Sa akin kasi, magkaiba ang kapayapaan at katahimikan. Kaya sinagutan ko muna ang iba pa, pahalang at pababa, at nang matapos, ang lumabas ngang sagot ay: Katahimikan. Tila ba sa palaisipang iyon ay magsingkahulugan ang kapayapaan at katahimikan. Ang krosword na iyon ay nasa pahayagang Abante, may petsang Oktubre 16, 2024, at nasa pahina 10.

(Bago iyon, makikita sa 5 Pababa ang sagot na Ahusto, na baka akalain nating Ihusto. Ang ahusto ay mula sa salitang Kastilang ajuste na ang kahulugan ay pag-aayos, pag-aangkop o pagkakama. Mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 21.)

Sa usaping kaibhan ng kapayapaan at katahimikan, sa tingin ko'y para bang pilosopikal na ang kahulugan, na di tulad sa krosword na tingin marahil dito'y pangkaraniwan. Bakit ko naman nasabi?

Marahil, pag payapa ang isang lugar ay tahimik doon at walang pangamba ang mga tao. Subalit paano sa lugar na tahimik nga subalit ang mga tao roon ay balisa? Alerto maya't maya. Nagigising sa munting ingay ng daga o kaluskos ng butiki.

Halimbawa, sa isang lugar ng labanan, pag wala nang labanan o nagkaroon ng tigil-putukan, ramdam ng taumbayan doon ang katahimikan sa kanilang lugar. At tingin ng mga hindi tagaroon ay payapa na sa lugar na iyon. Wala na kasing naririnig na putok.

Subalit magkaiba ang kapayapaan sa katahimikan. Ang katahimikan, sa palagay ko, ay sa tainga, habang ang kapayapaan ay sa puso't diwa. Paano iyon?

Maaari kasing tahimik sa isang lugar, subalit hindi payapa dahil sa malupit na pinuno o diktador na namumuno sa lugar. Tahimik dahil wala kang naririnig na nagbabakbakan o naglalabanan, subalit hindi payapa dahil takot ang mga tao. Tahimik subalit ang kalooban ng tao'y hindi payapa. Walang kapanatagan. Tahimik subalit naghihimagsik ang kalooban.

Halimbawa, noong panahon ng batas-militar, tahimik ang lugar subalit nagrerebelde ang mga tao dahil ang karapatang pantao nila'y nasasagkaan.

Tahimik na kinukuha o dinudukot ang tao subalit ang kamag-anak nila'y hindi payapa. Laging balisa kung saan ba sila makikita. Mga iwinala. Mga desaparesidos.

Tahimik na nirarampa sa ilog ang mga tibak o mga nagtatanggol sa karapatang pantao. Subalit hindi payapa ang kalooban ng mga tao, dahil maaari silang maging biktima rin ng 'salvage' na kagagawan ng mga hindi kilalang rampador.

Tahimik na kumikilos ang mga tropa ng pamahalaan, gayundin ang mga rebelde. Walang ingay na nagpaplano at naghahanda. Magkakabulagaan lang pag nagkita o nagpang-abot. Subalit habang di pa nagkakasagupaan, ramdam ng taumbayan ang katahimikan ng gabi. Subalit ang puso't diwa ng bayan ay hindi matahimik, hangga't hindi pa sumisikat ang araw ng kalayaan. Nais nila'y kapayapaan ng puso't isipan at wala nang iniisip na pangamba sa kanilang buhay.

May katahimikan sa karimlan subalit walang kapayapaan sa kanilang kalooban. Sila'y laging balisa at marahil ay hindi batid ang katiyakan ng kaligtasan ng kanilang pamilya. Madalas, nakaririndi ang katahimikan.

Kaya ang kapayapaan at katahimikan ay sadyang magkaiba. Ang kapayapaan at kapanatagan ang magsingkahulugan dahil ang puso at isip ang payapa at panatag.

Ang mungkahi kong ipalit na tanong sa 10 Pahalang ay: Kawalan ng ingay o gulo.

KAIBHAN NG KAPAYAPAAN AT KATAHIMIKAN

tahimik ang lugar ngunit di payapa ang tao
subalit dapat walang pangamba ang mga ito
tahimik sila, di makapagsalitang totoo
may mga takot sa dibdib, di makalaban dito

paano ilalahad ang kanilang pagdurusa
pinatahimik na ang ibang myembro ng pamilya
tila pusong halimaw ang namuno sa kanila
anong lupit at sila'y di makatutol talaga

may katahimikan ngunit walang kapayapaan
sinagila ng takot ang puso ng taumbayan
ngunit di dapat laging ganito, dapat lumaban
lalaban sila tungo sa kanilang kalayaan

ayaw nila ng katahimikang nakabibingi
na sa diwa't puso nila'y sadyang nakaririndi
sa panahong iyon, mga nag-aklas ay kayrami
layunin nilang payapang bayan ang mamayani

10.17.2024

Miyerkules, Oktubre 16, 2024

Ginisang talong na may sardinas

GINISANG TALONG NA MAY SARDINAS

ginayat kong malilit ang talong,
pati kamatis, bawang at sibuyas
aking gigisahin ang mga iyon
kasama ang isang latang sardinas

ginayat na talong ay walang sira
kaya inihanda ko na ang kalan,
paglulutuang kawali't mantika
habang naritong solo sa tahanan

buhay-Spartan na naman ang tibak
lalo't si misis ay nasa malayo
sa ulam na ito'y napapalatak
habang di katabi ang sinusuyo

tara, katoto ko, tayo'y magsalo
payak man ang ulam na naririto

- gregoriovbituinjr.
10.16.2024

Ang bakang si Obeidah - salin ng tula ni Ahlam Bsharat

ANG BAKANG SI OBEIDAH
Tula ni Ahlam Bsharat
Isinalin sa Ingles ni Fady Joudah
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

May baka kami, ngalan niya'y Obeidah.

Mata niya'y malalaki't dilat
tulad ng buong kawan, may malalaking dilat na mata.

Siya'y nakapikit
habang ang iba'y nakapikit din.

May dalawa siyang malalaking suso
na araw-araw ay nagbibigay ng dalawa o tatlong timba ng gatas
datapwat ang iba pang baka sa kawan ay puno ang suso
naggagatas ang aking ina sa ganoon ding dami.

Kadalasan, may uhog si Obeidah sa kanyang ilong
at iyon ay nakakadiri
at laganap sa pag-aari naming kawan
ang butas ng ilong nila'y puno ng uhog.

At sa tuwing kinukuha namin ang kanyang guya sa tabi niya
si Obeidah ay lumuluhang parang luha ng tao
at iyon ang nangyari sa iba pang baka
sa tuwing kinukuha namin ang kanilang mga guya sa kanila
umiyak sila tulad ng mga tao.

Nagdusa na sa pananabik si Obeidah.
At aatungal ng masakit na moo.
Nagagawa ito ng buong kawan
at hinihiwa ang mga gapos ng aming puso, 
kaya nagtatatukbong kami ng kumot
na animo'y nagtatago
mula sa isang halimaw sa karimlan hanggang mag-umaga.

Sa pagputok ng araw, ipinapahayag namin ang ligtas na pag-iral
sa pamamagitan ng pag-ihi nang sunod-sunod sa labas
isang likas na ritwal ng pagdaan
habang binibigkas ng araw ang kanyang mga himno sa himpapawid.

Pagkatapos pupunta kaming mga bata sa kapatagan
nang hindi takot mawala
kung saan kami nagtungo sa nakaraang buhay.
Batid namin kahit ang pinakamaliit na bato,
ang mga dilaw na ahas, ang oras nila ng pagtawid,

at sa aming mga bibig
nakasubo ang isang piraso ng tinapay sa bawat isa,
at sa bawat kamay, may isang manipis na patpat
mula sa patay na amapola
dati naming tawag sa mapait na palumpong ng dalandan.

Tatakbo kaming inaabot ang dala naming patpat
kasama si Obeidah at ang buong kawan sa unahan namin.

at sa tabi nila
ay ang aming asong si Camel.

- sa Jiftlik

10.16.2024

* Si Ahlam Bsharat ay isang mananalambuhay o memoirist, mananalaysay, makata, at may-akda ng mga piksyong tigulang (young adult fiction). Dalawa sa kanyang mga nobelang young adult ang naisalin sa English, Code Name: Butterfly at Trees for the Absentees mula sa Neem Tree Press. Siya ay babaeng mula sa Jiftlik.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

22 Gintong Medalya, nakamit ng Pinoy

22 GINTONG MEDALYA, NAKAMIT NG PINOY

sa Japan, nakalabing-anim na gintong medalya
at nakaanim na ginto naman sa South Korea
kahanga-hanga ang mga Pilipinong atleta
sa kanilang isports o larangang nilaro nila

nakibaka sa Japan sa isports na jiu-jitsu
at lumaban sa South Korea sa isports na sambo
parehong martial arts ang dalawang isports na ito
talagang dapat mautak at malakas ka rito

mula sa bansang Brazil ang jiu-jitsu na iyon
ito'y pambubuno at sa sahig ka itatapon
ang sambo naman ay mula sa dating Sobyet Unyon
pinaunlad na combat ng Soviet Red Army noon

gayunman, tangi naming masasabi'y pagpupugay
at sa ibang bansa, pinakita ninyo ang husay
sa bagong mapa ng isports, ating bansa'y nilagay
kaya sa inyong lahat, mabuhay kayo! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
10.16.2024

* Ulat 1: 16 na Gold Medals, Inani ng Jiu-Jitsu Jrs. sa Japan
* Ulat 2: Sambo Nat'l Team, naka-6 na Ginto sa South Korea
* ang dalawang ulat at litrato ay mula sa pahayagang Bulgar, Oktubre 16, 2024, p.12

11 bansa na pala ang kasapi ng ASEAN

11 BANSA NA PALA ANG KASAPI NG ASEAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Labing-isa na pala ang bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Ang alam kasi ng karamihan, tulad ko, na napag-aralan pa noon sa eskwelahan, ay sampu ang bansa sa ASEAN. 

Narito ang sampung bansang unang kasapi ng ASEAN: Philippines, Malaysia, Indonesia, Thailand, Brunei, Singapore, Vietnam, Cambodia, Laos, at Burma (na Myanmar na ngayon).

Nabatid kong nadagdag ang East Timor nang makita ko ang litratong kapitkamay ng mga pinuno ng ASEAN sa pahayagang Philippine Star na may petsang Oktubre 10, 2024. Inaasahan ko'y sampu ang mga lider ng ASEAN subalit labing-isa ang nasa larawang nagkapitkamay. Binilang ko at natanong: Bakit kaya labing-isa?

Kaya binasa ko ang kapsyon sa ibaba ng nasabing larawan. Ito ang nakasulat: "Leaders of the Association of Southeast Asian Nations pose during the opening of the 44th Asean Summit in Vientiane yesterday. From left: "Myanmar Permanent Secretary of Foreign Affairs Aung Kyaw Moe, President Marcos, Singapore Prime Minister Lawrence Wong, Thailand Prime Minister Paetongtarn Shinawatra, Vietnam Prime Minister Pham Minh Chinh, Laos Prime Minister Sonexay Siphandone, Malaysia Prime Minister Anwar Ibrahim, Brunei Sultan Hassanal Bolkiah, Cambodia Prime Minister Hun Mamet, Indonesia Vice Prime Minister Ma'ruf Amin and East Timor Prime Minister Kay Rala Xanana Gusmao."

Natatandaan ko ang pangalang Xanana Gusmao dahil isa siya sa mga nagtungo sa ating bansa, at nakita ko sa UP Diliman, noong unang panahon, nang hindi pa lumalaya sa pananakop ng Indonesia ang East Timor o sa kanilang salita'y Timor Leste. Prime Minister na pala siya.

Ang nag-iisang babae sa larawan ay si Thailand Prime Minister Paetongtarn Shinawatra na 38 taong gulang pa lang. Aba'y siya rin ang pinakabata sa mga lider ng ASEAN. Isinilang siya noong Agosto 21, 1986, saktong tatlong taon ng pagkapaslang kay Ninoy sa tarmac, at bata siya ng dalawang taon sa aking maybahay.

Ngayon, sa mga quiz bee sa telebisyon, pag tinanong tayo kung ilan ang mga bansa sa ASEAN ay agad nating masasabing labing-isa at hindi sampu.

Subalit kailan nga ba naging kasapi ng ASEAN ang East Timor? Ayon sa pananaliksik, opisyal na nagpahayag at nagbigay ng aplikasyon ang East Timor upang maging kasapi ng ASEAN noong Marso 4, 2011. At noong Nobyembre 11, 2022, ang East Timor ay tinanggap na kasapi ng ASEAN "sa prinsipyo" o "in principle". Kung "in principle" ba'y di pa ganap na kasapi? Gayunman, nakita natin sa litrato ng mga pinunong nagkapitkamay, labing-isa na ang kasapi ng ASEAN.

LABING-ISANG BANSA SA ASEAN

labing-isang bansa na pala ang nasa ASEAN
ito'y nabatid ko lamang sa isang pahayagan
sa litrato, pinuno ng bansa'y nagkapitkamay
at doon ang East Timor na'y kasama nilang tunay

labing-isa na sila, ngayon ay atin nang batid
mga Asyano silang animo'y magkakapatid
nagkapitbisig upang rehiyon ay pumayapa
nagkakaisang magtutulungan ang mga bansa

nawa'y lalong maging matatag ang buong rehiyon
ASEAN Charter ang bumibigkis sa mga iyon
sabi: "To unite under One Vision, One Identity
and One Caring and Sharing Community" ang mensahe

sana'y kamtin ng ASEAN ang mga minimithi
mabuhay lahat ng labing-isa nitong kasapi

10.16.2024

Mga pinaghalawan:
Philippine Star, na may petsang Oktubre 10, 2024

Tibuyô

TIBUYÔ

ginawa kong alkansya o tibuyô
ang walang lamang bote ng alkohol
barya-barya'y aking pinalalagô
upang balang araw, may magugugol

baryang bente pesos at sampung piso
sa tibuyo'y aking inilalagay
sa sandaling mangailangan ako
ay may makukuhanan pa ring tunay

halimbawa, libro'y aking bibilhin
o pamasahe sa patutunguhan
o may mahalagang panonoorin
o may pagkaing nais malasahan

sa tibuyô magtipid at mag-ipon
pag kailangan, may kukunin ngayon

- gregoriovbituinjr.
10.16.2024

* ang tibuyô ay salitang Batangas na katumbas ng Kastilang alkansya