Linggo, Disyembre 14, 2025

Kaypanglaw ng gubat sa lungsod

KAYPANGLAW NG GUBAT SA LUNGSOD

anong panglaw nitong gubat sa kalunsuran
araw-araw na lang iyan ang magigisnan
dahil ba kayraming kurakot sa lipunan?
dahil laksa ang buktot sa pamahalaan?

naluluha ako sa mga nangyayari
bansa'y mayaman, mamamayan ay pulubi
manggagawa'y kayod-kalabaw araw-gabi
habang kurakot sa bayan daw nagsisilbi

minamata nga ng matapobre ang pobre
sarili'y sinasalba ng trapong salbahe
sistema na'y binubulok, iyan ang siste
di na ganadong mapagana ang granahe

dahil sa ayuda trapo na'y iboboto
pera-pera na lang upang trapo'y manalo
kaya ngayon pa lamang ay isisigaw ko:
serbisyo sa tao, huwag gawing negosyo!

- gregoriovbituinjr.
12.14.2025

Bawal pumasok sa Marunong St.

BAWAL PUMASOK SA MARUNONG ST.

bawal pumasok sa Daang Marunong
sakaling baha, sana'y makalusong
sakaling bagyo, sana'y makasulong
sa problema, baka may makatulong

kung nasok roong luha'y bumabalong
ako'y kakain sa platong malukong
ulam ko'y galunggong sa kaning tutong
habang asam ko'y korap na'y makulong

walang kapilya, bisita o tuklong
na pupuntahan sa Daang Marunong
ang meron, lasing na bubulong-bulong
kayraming alam, madalas magtanong:

sa flood control bakit laksa'y nalulong?
paano mababatid ang himatong?
sa ibinulgar ng mga kontrakTONG?
may mga ulo na kayang gugulong?

buti pa ang asong umaalulong
nakakapasok sa Daang Marunong
sa kantong iyon lamang nakatuntong
pag nasok, ako kaya'y makukulong?

- gregoriovbituinjr.
12.14.2025

Tambúkaw at Tambulì

TAMBÚKAW AT TAMBULÌ

nais kong maging pamagat
ng aklat ng aking akdâ
ang salitang nabulatlat
na kayganda sa makatâ

ang "Tambúkaw at Tambulì"
mga gamit noong una
mga hudyat sa taguri
na kaysarap gamitin pa

isama sa mga kwento
anong banghay o salaysay
o nobelang gagawin ko
ay, dapat iyong manilay

marapat ko nang planuhin
nang maisakatuparan
ang pangarap na gagawin
plano'y dapat nang simulan

- gregoriovbituinjr.
12.14.2025

* litrato mula sa Diksiyonaryong Adarna, p.900

Sabado, Disyembre 13, 2025

Kapoy

KAPOY

walâ na bang makatas sa diwà
ng makata't di na makatulâ?
bakit pluma'y tumigil na sadyâ?
ang unos ba'y kailan huhupà?

ilang araw ding di nakákathâ
leyon at langgam man sa pabulâ
ay di ko pa napagsasalita
may delubyo kayang nagbabadyâ?

di makapag-isip? namumutlâ?
gayong naglulutangan ang paksâ
sa lansangan, dibdib, libog, luhà,
tuhod, ulo, ere, dagat, bahâ

panga, pangat, pangatlo, pawalâ
talampakan, basura, bahurà
talapihitan, dukhâ, dalitâ
palatuldikan, makata'y patdâ

labas na, makatang maglulupâ
sa iyong silid, yungib o lunggâ
hanggang pagkatulala'y mapuksâ
at kapoy ay tuluyang mawalâ

- gregoriovbituinjr.
12.13.2025

Alas-dose na bumangon

ALAS-DOSE NA BUMANGON

madalas, kay-aga nang babangon
madaling araw, gising na ako
ngayon, alas-dose na bumangon
pahinga muna, pagkat Sabado

madalas, maaga pa'y lalabas
at maglalakad na ng malayò
upang damayan ang nag-aaklas
na obrero't dukhang nasiphayò

tanghaling bumangon, kumathâ na
ng iilang may sukat at tugmâ
iyan ang bisyong yakap talaga
at gawain ng abang makatâ

mamaya'y lalabas buong gabi
diringgin ang kapwa manunulat
sa panayam niya't masasabi
sa kanyang paksang isisiwalat

- gregoriovbituinjr.
12.13.2025

Biyernes, Disyembre 12, 2025

Pagtatása at Pagtatasá (Assessment and Sharpening)

PAGTATÀSA at PAGTATASÁ
(Assessment and Sharpening)

pag natapos ang plano at mga pagkilos 
ay nagtatàsa o assessment nang maayos
kung ang pagtatasá o sharpening ba'y kapos?
at nakinabang ba ang tulad kong hikahos?

kaya mahalaga ang dalawang nabanggit
kung pagtatása o sharpening ba'y nakamit?
sa pagtatasá o assessment ba'y nasambit?
anong mga aral ang dito'y mabibitbit?

mga plinano'y di dapat maging mapurol
sa planong matalas, di sayang ang ginugol
sa assessment ba'y ano kayang inyong hatol?
buong plano ba'y naganap? wala bang tutol?

tingnan mo lang ang tuldik sa taas ng letra
at ang salita'y mauunawaan mo na 
kayâ ngâ ang pagtatása at pagtatasá
sa bawat organisasyon ay mahalaga

- gregoriovbituinjr.
12.12.2025

Ayokong mabuhay sa utang

AYOKONG MABUHAY SA UTANG

ayokong mabuhay na lang
upang magbayad ng utang
tulad sa kwentong "The Necklace"
nitong si Guy de Maupassant

subalit kayraming utang
na dapat ko pang bayaran
ako'y nabubuhay na lang
upang magbayad ng utang

kayâ buô kong panahon
sa bawat galaw ang layon
paano bayaran iyon
buong buhay ko na'y gayon

habang kayraming kurakot
mga pulitikong buktot
kaygandang buhay ng sangkot
silang sa bayan ay salot

ikinwento ni Maupassant
sadyang wala ka nang buhay
kumikilos parang patay
nabubuhay parang bangkay

di matulad kay Mathilde
Loisel sa akdang "The Necklace"
yaong nais ko't mensahe
sa kapwa ko't sa sarili

sa tulad kong pulos utang
tama ka, Guy de Maupassant:
ang nabubuhay sa utang
ay wala nang kasiyahan

- gregoriovbituinjr.
12.12.2025

* litrato mula sa google

Tulawit: KAMI'Y DATING BILANGGONG PULITIKAL

Tulawit: KAMI'Y DATING BILANGGONG PULITIKAL
(kinathâ upang awitin)

kami'y dating bilanggong pulitikal
na adhikain sa bayan ay banal
na layunin sa bayan ay marangal
na may taglay na disiplinang bakal

kumilos upang lumayà ang bayan
sa kuko ng dinastiya't gahaman
sa pangil ng buwaya at kawatan
sa sistemang bulok at kaapihan

tinuring na kaaway ng gobyerno
at kinulong sa gawa-gawang kaso
gayong naging aktibistang totoo
nang di pagsamantalahan ang tao

nilabanan ang bulok na sistema
panawaga'y panlipunang hustisya
nilabanan ang sistemang baluktot
kalaban ngayon ay mga kurakot

tuloy ang laban tungong pagbabago
itayô ang lipunan ng obrero
lipunang patas, pantay, makatao
lipunang walang kawatan at trapo

- gregoriovbituinjr.
12.12.2025

* litrato mula sa google

Huwebes, Disyembre 11, 2025

Pipikit na lang ang mga mata ko

PIPIKIT NA LANG ANG MGA MATA KO

pipikit na lang ang mga mata ko
upang matulog ng himbing na himbing
napapanaginipa'y paraiso
na lipunang makatao'y kakamtin

aba'y kayganda ng panaginip ko
na para bang ako'y gising na gising
umalwan ang buhay sa bansang ito
ginhawa ng dukha'y natamo na rin

wala nang namamayagpag na trapo
walang dinastiya't oligarkiya
na nagpapaikot ng ating ulo
na masa'y dinadaan sa ayuda

lipunan na'y binago ng obrero,
ng mga aping sektor ng lipunan
pagpupugay sa uring proletaryo
pagkat binago ang sandaigdigan

pipikit na lang ang mga mata ko
kung sa pagbaka'y napagod nang ganap
kung nais nang magpahinga ng todo
kung natupad na'y lipunang pangarap

- gregoriovbituinjr.
12.11.2025

Di magsasawang magrali hangga't may api

DI MAGSASAWANG MAGRALI HANGGA'T MAY API

abang makata'y di magsasawang magrali
misyon: gálit ng masa'y gatungang matindi
lalo't sa katiwalian di mapakali
ngingisi-ngisi lang ang mga mapang-api

"Ikulong na 'yang mga kurakot!" ang hiyaw
dahil sa mga buktot na trapong lumitaw
tingni ang bansa, parang gubat na mapanglaw
para bang masa'y tinarakan ng balaraw

huwag magsawang magrali hangga't may api
hangga't may mga trapo pang makasarili
at dinastiya'y naghahari araw-gabi
panahon nang lipulin silang mga imbi

di dapat manahimik, tayo nang kumilos
laban sa korap na trapong dapat maubos
baguhin ang sistema'y misyon nating lubos
upang bayan ay guminhawa't makaraos

- gregoriovbituinjr.
12.11.2025