Miyerkules, Hunyo 25, 2008

Maikling Kwento - Sistematematika

Sistematematika
Ang pormula para sa p(in)angarap kong buhay

Kristoffer C. Reyes
(nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 37, Mayo 2008)

Sipag + tiyaga = asenso

Sabi ng nanay ko, mag-aral lang ako nang mabuti at balang araw makakukuha rin ako ng trabahong makapag-aangat sa amin sa kahirapan. Sa buong buhay ko, marahil, sinunod ko nga siya. At buong buhay akong nagpatianod sa kung ano mang dumarating sa akin.

Tiniis ko ang mamuhay sa isang napakasikip na at nakadidiring kuwarto sa isang boarding house sa Maynila. Pinadadalhan ako ng nanay ko ng pera upang may panggastos ako sa araw-araw.

May maliit na babuyan ang nanay ko sa Nueva Ecija. Mahirap lang ang buhay namin sa probinsiya. Kailangan naming hintaying lumaki muna ang mga alaga bago maibenta at magkapera. Kaya kung may benta, itinatabi na namin ang pera at pinagpaplanuhan ang mga gagastusin sa hinaharap. Bawal ang biglaang gastos. Bawal magkasakit nang malubha.

Mahirap din kung walang padre de pamilya, o kung hindi kumpleto ang mga magulang. Namatay ang tatay ko dahil sa pagsasabong. Magagandang lahi ang mga tandang na inaalagaan niya dati. Halos mas matagal na oras pa ang ibinibigay at mas tutok na atensiyon pa ang ipinupukol niya sa mga alaga niya kaysa amin. Inaral din niyang mabuti ang pag-aalaga sa mga iyon. Walang duda kaya laging nananalo ang tatay ko sa tuwing makikipagsabong ang mga alaga niya.

Isang hapon, nanalo nang malaki ang tatay ko sa sabong. Kasama niya pa ako noon. Tuwang tuwa sila ng mga kumpare niya. Nagkayayaan pa silang mag-inuman. Papalabas na kami ng sabugan nang may narinig kaming isang putok. Bigla na lamang napaluhod ang tatay ko. May tama siya ng bala sa leeg at ilang sandali pa’y napuno ng dugo ang damit niya. Agad siyang itinakbo sa ospital sa bayan. Ilang kilometro pa ang layo nito mula sa baryo namin pero may traysikel na nakaparada sa malapit. Tumakbo naman ako sa bahay para ibalita sa nanay ko ang nangyari. Kasalukuyan siya noong naglalaba. Agad kaming nagtungo sa ospital. Ilang oras lang ang lumipas nang sabihin sa amin ng doktor na patay na ang tatay ko dahil sa pagkaubos ng dugo. Iyak kami nang iytak ng nanay ko noon. Hindi rin napakinabangan ang perang napalalunan ng tatay ko sa sabong. Naubos lang lahat iyon sa pagpapalibing sa kanya.

Mahirap ang naging buhay namin matapos ang pangyayari. Nalubog kami sa utang dahil sa mga gastusin sa bahay at pagpapatayo ng bagong babuyan. Pinagsikapan naming mabayaran ang mga utang sa pamamagitan ng negosyo. Matapos ng klase, didiretso agad ako sa bahay para linisin ang kural ng mga baboy. Ako rin ang nagdadala ng pagkain sa kanila matapos lutuin ng nanay ko ang kaning-baboy.

“Makaaahon din tayo,” sabin ng nanay ko.

“Konting tiis lang,” aniya.

Magandang araw – kamalasan = magandang buhay

Ngumiti lang daw ako palagi sabi ng nanay ko kahit anong mangyari. Malas daw sa negosyo ang palaging nakasimangot. Kahit daw nakadidiri ang paglilinis sa mga dumi ng alaga namin, kahit na sa kabila ng pagpapagod kong paliguan sila ay mas gusto pa rin nilang maging marumi, kahit mabigat dalhin at mabaho ang kaning-baboy, ngumiti lang daw ako. Papasok din sa amin ang suwerte.

“Konting tiis lang.”

Nakapapagod ang pagpasok araw-araw. Kailangan kong maglakad nang higit sa isang oras dahil nasa bayan pa ang pinakamalapit na eskwela. Sa aking paglalakad na magsisimula ng alas-sais ng umaga, ilang sasakyan na ang lalampas sa akin. Nakaiinggit silang nakasay sa mga iyon.

“Balang araw, magkakaroon din ako ng sasakyan,” sabi ko sa sarili ko.

Habang papalapit ako, patindi nang patindi ang sikat ng araw. Makararating sa eskuwela nang tila hindi nakapaligo. Subalit hindi pa rito natatapos ang lahat.

Ako ang pinakamaliit sa klase. Wala rin akong kaibigan sa kanila at likas ang pagiging mahiyain ko. May ilang nakikipagkaibigan sa akin, pero para lang alilain ako. Sila ang mga malalakas manakot sa akin. Kapag wala silang maisagot sa kanilang papel, sa akin sila nangongopya. Kung mali ang sagot ko, mali rin sila, dahilan upang kagalitan lamang ako. May ilang pagkakataon na sisirain nila ang mga kuwaderno ko dahil sa hindi ko sila pinakopya.

Nakaiinis. Silang mga walang ginagawa amg sila pang hindi makapag-aral ng leksyon.

May ilang ulit ding nahuhuli akong natutulog ng guro. Dahilang ito upang mapahiya ako sa harap ng klase. May ilang pagkakataon na palalabasin niya ako ng kuwarto, o patatayuin at pahaharapin sa pisara o kaya sa pinto.

Hindi ko na sinasabi sa nanay ko ang mga nangyayari sa akin sa eskuwela dahil napakarami nang iniisip ng nanay ko. Gaganti na lang ako. May araw din naman sila, marahil.

Uuwi ako sa bahay at kinabukasan ay panibagong araw na naman.

“Konting tiis lang.”

At kailangan kong ngumiti.

Asenso = magandang buhay

“Aasenso rin tayo balang araw,” sabi ng nanay ko.

Tuwang tuwa ang nanay ko nang makagradweyt ako ng hayskul. Kahit kapos sa pera, naghanda pa rin siya para sa akin. Pag-uwi ko sa bahay matapos ang programa ng aming pagtatapos, nasa labas na ng bahay ang ilan sa mga kapit-bahay namin. Tila artista ako sa mga oras na iyon.

“Sa isang taon makakagradweyt na rin si Junior ko tulad mo,” sabi ng isang kapit-bahay namin.

Masaya sa hindi naman kalakihan handa ang mga kapit-bahay namin. Sila na lamang ang maaaring dumamay sa sayang ng nanay ko dahil wala na kaming ibang kamag-anak sa lugar na iyon.

“Tutulong na po ako sa inyo rito sa babuyan natin. Ibubuhos ko na’ng panahon ko rito,” sabi ko sa nanay ko kinagabihan nang matapos ang kasiyahan.

“Hindi, anak, hindi ka nababagay sa trabahong ito. Dapat nasa lungsod ka’t nakaupo sa de-aircon na opisina,” tugon niya sa akin.

“Pero paano? Hayskul lang po ang tinapos ko,” sabi ko.

“Sino ba’ng may sabing hanggang hayskul ka lang?” sabi ng nanay ko.

Isang pulyeto ang hawak ng nanay ko. Ipinakita niya iyon sa akin. Makinis ang papel, makulay ang disenyo. Nakalagay doon ang pangalan ng isang eskuwela para sa pag-aaral ng kompyuter.

“Dito ka mag-aaral,” sabi niya habang itinuturo ang pulyetong hawak.

Sa Maynila pa ang eskuwelang iyon. Nangangako ang eskuwela ng siguradong trabaho, mababang bayad at de-kalidad na edukasyon. Naririnig ko ang pangalan ng eskuwelang iyon sa radyo.

“Malayo po iyan. Tsaka lalaki lang ang gastos natin kung pag-aaralin niyo pa ako,” sabi ko.

“Kailangang mag-aral ka sa kolehiyo. Hindi ko gustong narito ka lang sa baryo habang buhay. Tumatanda na ako. Walang problema kung dito na ako mamatay. Kaya lang ikaw, balang araw magkakapamilya ka rin. ‘Wag mo namang hayaang maging ganito rin ang trabaho ng magiging anak mo,” aniya.

Wala na akong magawa at sadyang mapilit siya. Makalipas ang dalawang buwan, nagtungo na akong Maynila at nag-enrol sa eskuwelang nasa polyeto. Nakahanap ako roon ng isang boarding house. Mura na raw kung tutuusin ang upa ko roon, pero mahal iyon para sa akin. Hindi sulit ang bayad na isang libong piso kada buwan para sa isang marumi, mainit at masikip na kuwarto. Kahit maliit lang ang bahay namin sa Nueva Ecija, komportableng nakatutulog ako sa aking kuwarto.

“Konting tiis lang.”

Sipag + tiyaga = magandang araw – kamalasan

Kumuha ako ng dalawang taong kurso sa pag-aaral ng kompyuter para maging isang “associate graduate”. Ito ang pinakuha ng nanay ko. Pangako ng polyeto, makakukuha agad ako ng trabaho matapos ang kursong ito. Pinatulan ko rin naman ang anunsiyong iyon.

Unang araw ko sa klase at unang araw ko ring gumamit ng kompyuter. Nanginginig noon ang mga kamay ko. Baka masira iyon sa malin galaw ko. Dagdag din sa kaba ko ang aircon sa klase, malamig kasi. Parang naiihi tuloy ako.

Tig-dalawang tao kami sa isang kompyuter. Sira kasi ang ilan sa mga iyon. Sinabi ko sa katabi ko na unang beses kong humawak ng kompyuter. Huwag daw akong matakot, tuturuan din daw niya ako. Sa unang pagkakataon, nagkaroon din ako ng matinong kausap sa loob ng klase. Siya si Jim.

Parang hayskul lang din ang mga pinag-aaralan namin. Nakaaantok na ang mga leksiyon. Ang pag-aaral ng kompyuter ang tanging hindi bago sa akin. Pero ilan pa rin sa mga kaklase ko ang hindi nakaiintindi ng simpleng matematika at balarila. May isang propesor na tatayo sa harap ng puting pisara at ipaliliwanag nang mabilisan ang mga leksiyong ibinigay na sa amin sa anyo ng isang module. Maraming pagkakataon ding ang propesor ay makikita lamang namin ang kanyang mga sinasabi. Hindi nagtagal, natuto na rin akong gumamit ng kompyuter. Pero mukhang wala akong natutunan sa mga pinakakabisang module sa amin ng mga propesor sa tuwing magkakaroon ng pagsusulit.

Sa araw-araw, kailangan kong tipirin ang perang padala ng nanay ko. Minsan akong sumulat sa nanay ko na huwag siyang gaanong mag-alala sa mga gastusin ko at mas intindihin na lamang niya ang problema sa negosyo niya. Mamamasukan na lang ako sa kahit anong trabaho para may pangtustos ako sa mga pangangailangan ko. Pero sabi niya, maayos naman daw ang negosyo namin. Halos matatapos na aniya ang pagbabayad sa mga utang. Hindi sana ako maniniwala dahil nananatiling maliit ang padala niya sa akin, hanggang sa isang araw ay lumaki na rin ito. Marahil, hindi siya nagsisinungaling.

Hindi na nga ako namasukan. Mahirap din kasing makapasok lalo na sa mga fastfood kung saan una kong naisip pumasok. Kailangan ko ng kakilalang makatutulong para matanggap ako. Pinagbutihan ko na lamang ang aking pag-aaral (o pagkakabisa ng mga module).

Subalit mahirap pa rin talagang mabuhay nang maayos sa ganitong kalagayan ko. Hahatiin ko ang pera sa pagkain, pamasahe at boarding house. Marami ring mga gastos na labas sa aking badyet, halimbawa ang paggamit ng kompyuter para sa mga papel.

Lagi dapat akong magmadali sa pag-type sa kompyuter dahil kung hindi, siguradong malaki ang babayaran ko. At kung malaki ang magagasta ko sa mga ganitong pagkakataon, hindi na ako kakain at maglalakad na lang ako papasok at pauwi. Hindi puwedeng hindi ako makabayad sa boarding house. Nagamit ko na ang binayaran kong advance sa kuwartong iyon. Siguradong mapapalayas ako kung wala na akong pambayad.

Nakaiinis. Parang wala nang libre sa mundong ito, dahil kahit ang pagtulog nang mahimbing sa isang masisilungan ay may bayad na.

“Konting tiis lang, anak, at makaaahon din tayo.”

Naalala ko na naman ang madalas ilagay ng nanay ko sa huling bahagi ng kanyang sulat.

At siyempre, kailangan ko pa ring ngumiti para hindi ako malasin.

(sipag + tiyaga) / (magandang araw – kamalasan) = 1

Nang matapos na ang maikling kurso ko, karamihan sa klase ay nakapagtrabaho sa call center, gaya ko. Subalit marami ring hindi natanggap sa trabaho. Parang swertihan na lang ang pagpasok namin sa kumpanya. Pare-pareho lang ang tinapos namin pero hindi naman kami pare-parehong tinanggap.

Sumulat ako sa nanay ko at ibinalitang may trabaho na ako. Sinabi ko na ring ihinto na niya ang pagpapadala ng pera dahil magakapera na rin naman ako. Ako na lang ang magpapadala sa kaniya, sabi ko. Inihinto na rin ng nanay ko ang pagpapadala sa akin.

Pero sadyang may kulang sa akin matapos kong matapos ang kurso at matanggap sa trabaho.

Pero sadyang may kulang sa akin matapos ang kurso ko at matanggap sa trabaho.

Isang gabi naghapunan ako sa isang kaninan. May lumapit sa aking waiter at ngumiti sa akin. Hindi iyon karaniwang ngiti ng isang waiter upang bumati lamang sa isang hindi kilalang kostumer. Naalala ko na, siya si Jim!

Isa si Jim sa hindi pinalad na matanggap sa trabaho. Dahil walang mapasukan, nagtrabaho siya bilang waiter. Mabuti na raw iyon kaysa wala. Kapos siya sa pera, aniya. Pero wala siyang magagawa dahil iyon lang ang kaya. Hindi rin siya matanggap sa ibang opisina dahil hindi siya tapos ng apat na taong kurso para sa isang batsilyer.

“Konting tiis lang, Jim. Makaaahon ka rin,” sabi ko.

[(sipag + tiyaga) / (magandang araw – kamalasan)] – 1 = 0

Buong buhay ko na lang na inasam na balang araw aahon din ako mula sa kahirapan. Tila nabuhay na lamang ako para sa pera. Tila pera na mismo ang nagpapatakbo sa buhay ko.

Nag-aral ako para magkatrabaho. Iyon ang kagustuhan ng nanay ko samantalang gusto ko lamang ng payak na pamumuhay. Hindi ko naman siya masisi, mahirap lang kami. Madalas iniisip ko kung may natutunan nga ba ako sa mga pinag-aralan ko. Pero wala namang pumilit sa akin na gawin ito. Maaari ko namang hindi sundin ang nanay ko, lalo pa’t malayo siya. Marahil kagusuthan ko rin ang lahat.

Habang tumatagal, palaki nang palaki ang mga gastusin ko. Kailangan kong magpadala ng mas malaking pera para sa nanay ko. Hindi naman pala lumakas ang negosyo niya. Lalo lamang pala lumaki ang utang namin dahil sa pag-aaral ko. At ngayon, may sakit na ang nanay ko sa puso. Lahat ng ito nalaman ko sa sulat niya sa akin. Marahil noon lang niya sinabi ang mga bagay na iyon dahil alam niyang may pera na ako. Gusto ko siyang puntahan pero maiiwan ko ang trabaho ko. Siguradong matatanggal ako at mawawalan ng panggastos.

Gusto kong umalis sa bulok kong tirahan na binabayaran ko nang mahal. Sa isang gabing aalis ako upang pumasok sa trabaho, hindi ko na babalikan ang boarding house ko. Maghahanap ako ng mas maganda, iyong mas mura pero mas maayos. Sana may makita akong ganoon.

At isang gabi, nagtungo ako sa isang mamahaling restaurant. Inorder ko ang lahat ng gusto ko. Masarap kumain.

Nang matapos, tumayo ako. Papalabas na ako nang sitahin ako ng waiter at ng gwardiya. Tinanong ko sila kung bakit.

“Eh hindi pa kayo nagbabayad. Etong chit niyo sir,” sabi ng waiter.

“Ganoon ba? Pasensiya na ha,” sabi ko.

“P1250 po sir,” sabi ng waiter.

“Sweldo mo ba bukas?” tanong ko.

“Yes sir, bakit?” tugon niya.

“Pareho tayo. Paano yan? Wala rin akong pera.”

Hindi ko na kayang magtiis, Inay, sabi ko sa sarili ko. Subalit nagawa ko pa ring ngumiti. Masaya ako’t nakakain ako nang libre. At kahit sa maikling sandali, naranasan kong maging malaya.

“Sir, hindi ho pwede yan. Sumama na lang ho kayo sa akin sa kusina kung wala kayong pambayad, bago pa namin kayo ireklamo sa pulis,” wika ng waiter.

Sa huli, kailangan ko pa rin pa lang magtiis. Kahit kailan, marahil, hindi na ako muling makalalaya pa sa sistemang kinagisnan.


Tawag sa Inyo'y Hukbong Mapagpalaya

TAWAG SA INYO’Y HUKBONG MAPAGPALAYA

ni Greg Bituin Jr.

1

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Sapagkat kayo lang, uring manggagawa

Ang pinakarebolusyonaryong uri

Na magbubuwal sa mga mapang-api.

Kaya humayo kayo’t mag-organisa

At manggagawa’y palayain sa dusa.

2

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Na dudurog sa mga kagahamanan

Ng sistemang para lamang sa iilan

At walang malasakit sa sambayanan.

Kaya humayo kayo’t mag-organisa

At manggagawa’y palayain sa dusa.

3

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Sapagkat walang pribadong pag-aari

Na ginagamit sa mga pang-aapi

At pagsasamantala sa inyong uri.

Kaya humayo kayo’t mag-organisa

At manggagawa’y palayain sa dusa.

4

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Na magpapalaya sa buong pabrika

Ang palakad dito’y tulad sa pasista

Sadyang sa pabrika’y walang demokrasya.

Kaya humayo kayo’t mag-organisa

At manggagawa’y palayain sa dusa.

5

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Palad nyong agawin ang kapangyarihan

Sa gobyerno’t kapitalistang gahaman

Na dahilan nitong ating kahirapan.

Manggagawa, halina at magkaisa

Sangkatauhan ay iligtas sa dusa.

6

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Tungkulin ninyong itayo ang lipunan

Na ang lahat, di ilan, ang makinabang

Sa produkto na inyong pinagpawisan.

Manggagawa, halina at magkaisa

Sangkatauhan ay iligtas sa dusa.

7

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Pagkakapantay-pantay itong hangarin

Lahat ay titiyaking makakakain

Hustisya sa kapwa ang paiiralin.

Halina, manggagawa, at magkaisa

Sandaigdigan ay iligtas sa dusa.

8

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Sapagkat hindi na tubo ang batayan

Ng pag-unlad ng bawat isa’t ng bayan

Kundi pagkakaisa’t pagmamahalan.

Halina, manggagawa, at magkaisa

Sandaigdigan ay iligtas sa dusa.

9

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Kababayan o taga-ibang bansa man

Isang pamilya kayong nagdadamayan

Magkakapatid sa uri ang turingan.

Uring manggagawa sa lahat ng bayan

Nasa inyong kamay ang kinabukasan.

10

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Tagasulong ng tunay na demokrasya

Tagapagtaguyod ng bagong sistema

Itatatag ay lipunang sosyalista.

Uring manggagawa sa lahat ng bansa

Halina tungo sa landas ng paglaya.

Hunyo 22, 2008

Sampaloc, Maynila

Miyerkules, Hunyo 11, 2008

Tula: Mabuti na lang, may aktibista - ni GBJ

MABUTI NA LANG, MAY AKTIBISTA

Tula ni Gregorio V. Bituin Jr.



Narinig ko minsan ang isang malapit na kakilala

Huwag raw akong paniwalaan dahil isang aktibista

Sinabi pa niyang wala siyang mapapala

Mga gaya kong aktibista ay wala raw kwenta.


Kung anu-ano raw ang isinisigaw namin sa kalsada

Pag-aaral nami’y pinababayaan, ang sabi pa

Ni hindi na raw kami pumapasok sa eskwela

At pati kapwa mag-aaral ay aming ginugulo na.


Pinapasok daw namin ang mga pabrika

Kung saan hindi naman kami manggagawa

Mga obrero raw ay aming inoorganisa

Upang awayin itong mga kapitalista.


Siya’y nilapitan ko at aking tinanong

Bakit niya sinabing aktibista’y mga gunggong?

Siya’y napatda’t nagtangkang umurong

Sa mga isyu kong inilatag wala siyang maitugon.


Ang nasabi lang niya’y dapat kaming magsikap

Upang aming pamilya’y makaahon sa hirap

Huwag daw akong sumali sa mga mapagpanggap

Dahil pag nasakta’y di tatapunan ng lingap.


Sabi niya’y sarili daw namin ang pakaisipin

At kami’y magsumikap upang sarili’y paunlarin

Pinaniniwalaan daw ay huwag didibdibin

At baka raw sa kangkungan kami ay pulutin.


Mga isyu ng bayan ay dapat daw ipaubaya

Sa pamahalaang para sa kanya’y mapagkalinga

Huwag na raw kaming makialam at makibaka

At huwag guluhin itong pamahalaan ni Gloria.


Kaming aktibista’y magugulo’t walang kwenta?

Dito daw sa mundo’y dapat kaming mawala

Ay, anong sakit naman ng mga paratang niya

Para niya akong pinukpok ng maso sa mukha.


Siya ba’y walang muwang sa mundo’t bata pa?

Ngunit may isip na siya’y may edad na

Akin bang sasabihing dapat na patawarin siya

Dahil di niya alam ang kanyang ginagawa?


Kaibigan, may dahilan kung bakit may aktibista

Ipaliliwanag ko sa ‘yo ang kanilang mga simula

Sila’y mga aktibista dahil may dapat ipagbaka

Baguhin ang mga maling patakaran at panukala.


Sa kasaysayan ng bansa’y napakaraming aktibista

Gaya nina Rizal, Bonifacio, Ninoy Aquino’y Hen. Luna

Isama pa sina Ka Popoy Lagman, Edjop at Lorena

Sila’y nakibaka pagkakapantay-pantay ang adhika.


Ang diktaduryang Marcos pati pamahalaang Estrada

Mga administrasyon itong sa bayan ay kumawawa

Hindi ba’t sila’y ibinagsak sa tulong ng mga aktbista

Kung walang aktibista’y walang rebolusyong Edsa.


Tingnan mo pag langis ay biglang taas ng presyo

Di ba’t tataas ang mga bilihin, lahat tayo’y apektado?

Tiyak na maghihigpit ng sinturon itong mga obrero

Pati ulo ng karaniwang mamamaya’y tiyak na tuliro.


Hindi ba natin pupunahin kapalpakan ng gobyerno

Na nangakong maglilingkod sa sambayanang Pilipino

Lagi na lang bang sa kanila’y tango tayo ng tango

Ibinabaon na tayo sa hirap, di pa ba tayo kikibo.


Kaibigan, kaya may aktibista’y upang may makibaka

Mabago’t maitama mga baluktot na batas at panukala

Lalo na hinggil sa mga isyung sambayanan ang kawawa

Dapat lang kumilos, tayong lahat, ikaw, ako, sila.


Pagbabago sa lipunan ang siyang hibik ng mga aktibista

Tanggalin ang mga bulok, singili’t ikulong ang may-sala

Sigaw nila’y dapat nang baguhin ang bulok na sistema

Upang di lalong mahulog sa balon ang kawawang masa.


Di ba’t dapat lang punahin ang pamahalaang mabagal

Mga tila pagong, mga buwaya’t mga baboy sa kural

Karamihan sa kanila’y dapat lang na magpagal

At huwag magpatulog-tulog sapagkat ating hinalal.


Mga korap sa gobyerno’y isang dahilan ng pagdarahop

Ng mga mamamayang hindi talaga nila kinukupkop

Mga pasibo, halina’t huwag punuin ang salop

Sa aming aktibista, baka tuhod nyo ay tumiklop.


Ang nagsasabing magugulo ang mga aktibista

Ay mga taong walang pakialam sa paligid nila

Makasarili’t naiisip ay paano tutubo’y magkakapera

Silang nais magpasasa sa pinaghirapan ng iba.


Kaibigan, mabuti pang maging isang aktibista

Kaysa maging pasibo’t walang pakiramdam

Huwag tayong makibahagi sa bulok na sistema

Huwag maging manhid at tayo’y makialam.


Di ba’t pag nanalo pinaglalaban ng mga aktibista

Pati pasibo’y makikinabang at makikipagsaya

Makikipagsaya sila sa pinagpaguran ng iba

Ang panalong di sila bahagi’y aangkinin pa nila.


Mabuti na lang, kaibigan, at may aktibista

Sa mga gagong lider ay merong pumupuna

Kaysa ipaubaya ang lipunan sa mga lider na sira

Tama lang na pamahalaa’y yanigin ng aktibista.


Aktibista’y nanggigising ng mga utak-kalabasa

Na karamiha’y sa buwis ng tao nagpapasasa

Tama lamang na tao’y pumalag at makibaka

Lalo na’t mali ang patakaran at mga panukala.


Mabuti na lang at may aktibista, aking kaibigan

Silang ang nasa isipa’y kinabukasan ng sambayanan

Halina’t pag-aralan natin itong takbo ng lipunan

Tayo nang kumilos at sistemang bulok ay palitan.


(Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, isyu ng Abril-Hunyo 2001, p. 8)