Sabado, Oktubre 31, 2009

Ang Tunay na Hukbong Mapagpalaya

ANG TUNAY NA HUKBONG MAPAGPALAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

uring manggagawa, kayo pa ba'y tulog pa?
rebeldeng sundalo sa inyo'y papalit na

sila daw ang bagong hukbong mapagpalaya
payag ba kayo dito, mga manggagawa?

di na ba maaasahan itong obrero
kaya ipapalit ay rebeldeng sundalo

tila nagbago ang landas ng rebolusyon
rebeldeng sundalo'y pangunahin na ngayon

nagbago na ba ang inyong paniniwala
na uring manggagawa ang mapagpalaya?

hindi na ba ninyo pinaninindigan pa
na kayong obrero ang pag-asa ng masa

bakit tayo naghahanap ng ibang pwersa
kung sa manggagawa'y naniniwala ka pa

yayakapin ba nitong rebeldeng sundalo
ang sosyalismong nilalayon ng obrero

payag ba silang ang pag-aaring pribado
ay tanggalin sa kanila sa sosyalismo

natitiyak nyo bang magiging sosyalista
ang rebeldeng sundalo o sila'y pasista?

paano mo matitiyak na di pasismo
ang kanilang paiiralin pag nanalo

baka pag nangyaring sila ang nakapwesto
ay agad durugin ang kilusang obrero

nasaan na ba ang iyong sampalataya
sa rebeldeng sundalo ba o manggagawa?

alam mo bang magkaiba silang dalawa
sa kung paano palalayain ang masa?

mga rebeldeng sundalo'y nasyunalista
uring manggagawa'y internasyunalista

kalaban ng rebeldeng sundalo'y Arroyo
kalaban ng manggagawa'y kapitalismo

mga sundalo'y hanggang elektoralismo
pag napwesto'y baka mauwi sa pasismo

ang uring manggagawa'y hanggang sosyalismo
na kaganapan ng misyon nila sa mundo

iniisip ng rebeldeng sundalo'y bansa
at maglilingkod kahit buhay ay itaya

manggagawa'y walang kinikilalang bansa
pagkat lahat ng bansa'y dapat mapalaya

di misyon ng sundalo itong sosyalismo
pagkat ito'y dakilang misyon ng obrero

hinay-hinay lang, mga kasama't kapatid
baka iwing buhay nati'y agad mapatid

hindi ba't maraming aktibista'y pinaslang
ng mga ala-Palparang sundalong halang

kung di ka sang-ayon sa nangyayaring ito
aba'y organisahin ang kapwa obrero

maaasahan pa ba itong manggagawa
oo, pagkat sila'y hukbong mapagpalaya

gumising na manggagawa sa pagkaidlip
ating itatag ang lipunang nasa isip

huwag ipasa sa iba ang inyong misyon
palayain ang mundo ang sa inyo'y hamon

sintalim ng karit ang talas ng isipan
at sintigas ng maso ang paninindigan

ganyan dapat manggagawa'y mailarawan
pagkat sila ang magbabago ng lipunan

tanging ikaw lamang, o uring manggagawa
sa mundo'y tunay na hukbong mapagpalaya

kaya manggagawa, huwag mag-alinlangan
pagiging mapagpalaya'y pangatawanan

manggagawa sa buong mundo, magkaisa
halina't palitan ang bulok na sistema

walang mawawala kundi ang tanikala
ng pagkaalipin ng uring manggagawa

pasiklabin na ang rebolusyong obrero
at maghanda nang itatag ang sosyalismo


Aktibista'y Matatag

AKTIBISTA'Y MATATAG
ni Greg Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Aktibista kaming matatag
Kami man ay nasa lagalag
Sa prinsipyo'y di lumalabag
At di basta nababagabag.
Kung ang gobyerno nati'y bulag
Dapat palitan na't ilaglag
Ng aktibistang matatatag.

Aktibista'y Kailangan

AKTIBISTA'Y KAILANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Aktibista ako ng bayan
Akin pong ipinaglalaban
Ang kagalingan nitong bayan
At ng kapwa ko mamamayan.
Ngunit kung ang pamahalaan
At lipunan ay matino lang
Aktibista ba'y kailangan?

Pulubing Tibak

PULUBING TIBAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

pahingi-hingi ng pera
sa kanyang mga kasama
kumikilos walang kwarta
at sa "sub" lang umaasa

nanghihingi sa kasama
ngunit pulubi ba siya

pinaglalaban ang dukha
pati mga manggagawa
lalo yaong walang-wala
tungo sa nasang paglaya

siya'y naging aktibista
pinaglalaban ang masa

tangan lagi ang prinsipyo
na maglilingkod sa tao
at ang pasya niyang ito
ay dapat lang irespeto

kumikilos pa rin siya
kahit laging walang pera

kaya nga ako'y saludo
sa ganitong mga tao
sadyang may mga prinsipyo
na para sa pagbabago

sige lang, magpatuloy ka
hanggang lumaya ang masa

Ang Tibak

ANG TIBAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
malayang taludturan (free verse)

internasyunalista
sosyalista

di lang para sa bayan
para rin sa pandaigdigan

nakikibaka
sa lansangan

sa Mendiola
at saan pa man

laban sa kawalan
ng hustisyang panlipunan

hangad ay pagbabago
ng tiwaling gobyerno

hangad ay mapalitan
ang palpak na lipunan

tuloy ang laban
para sa karapatan

ng lahat ng inaapi
at pinagsasamantalahan

hindi kapitalista
at mga elitista

ang dapat mamuno
at dapat tumubo

kundi ang buong bayan
na lumikha ng lipunan

hustisya
sa masa

maralita
manggagawa

magsasaka
mangingisda

kababaihan
kabataan

nakikibaka
aktibista

habang tangan
at nginangata

ang mga teorya
marxista-leninista

nagsusuri
nag-iisip

nangangarap
sumusulyap

pagkat di dapat tumunganga
sa mga usaping nagbabaga

bagkus dapat makialam
ang mga may pakiramdam

tuloy ang laban
para sa kinabukasan

ng bayan
ng lipunan

taas-kamao
aktibista

Kung Paano Magmalasakit ang mga Tibak

KUNG PAANO MAGMALASAKIT
ANG MGA TIBAK

ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

maluwag ang pusong walang hinanakit
sa pagtulong itong mga aktibista
sa kanilang kapwang tigib ng pasakit
na nabubuhay sa bulok na sistema

"ako'y nauuhaw," ang sabi ng dukha
"ito ang tubig," anang aktibista
"maraming salamat," anang maralita
"ngunit ang nais ko'y tubig at hustisya"

"ako'y nagugutom," sabi ng mahirap
"ito ang pagkain," anang aktibista
"o, salamat ngunit di ko matatanggap
pagkat gutom ka rin kaya nakibaka"

"sahod ko'y kaybaba," anang manggagawa
"ni di makabuhay sa aking pamilya
gayong laging laspag ang lakas-paggawa"
"sahod mo'y itaas!" anang aktibista

"lipuna'y di pantay," sabi ng babae
"mula sa pabrika'y may gawaing bahay
at di na ako makaugaga dine,"
anang tibak, "tayo nang lumabang sabay"

"nais kong mag-aral," anang kabataan
"ngunit kaymahal na nitong edukasyon"
anang aktibista, "dapat libre iyan
o pamurahin nang abot-kaya ngayon"

anang magsasaka, "nais nami'y lupa
na sasakahin at tatamnan ng palay"
anang tibak, "nang di na kayo lumuha
malalaking lupa'y dapat ipamigay"

"o, bayani kayong mga aktibista"
agad na papuri nitong sambayanan
"di kami bayani," sagot sa kanila
"pagkat lahat ito'y dapat ipaglaban"

"kami'y sadyang wala namang ibibigay
pagkat ang serbisyo'y negosyo na ngayon
dapat karapatan ay ilabang tunay
at ito'y diwang sa puso'y nakabaon"

"halina't baguhin ang lipunang bulok
ibagsak ang salot na kapitalismo
at sa bawat isa't atin nang iudyok
na ipaglaban na itong pagbabago"

Ngayong Gabi

Ngayong Gabi
tula ni Merck Maguddayao

(paumanhin kay Pablo Neruda)

Ngayong gabi, makalilikha ako ng libong pagmumura.

Isulat, halimbawa, “Ginahasa ng kapabayaan ang gabi
At pinilahan ng korupsyon ang aking mga kababayan.

Nananampal ang hangin at nandudura ang langit.

Ngayong gabi, makalilikha ako ng libong pagmumura.
Minahal ko ang aking bayan, at sana’y minahal din n’ya ako.

Sa gabing tulad nito, dama ko ang daing ng aking bayan;
Pinaglingkurang lagi sa tag-araw man o tag-ulan.

Minahal niya ako, at minahal ko rin s’ya;
Sinong hindi mamamahal sa sariling bayan; liban sa iilan.

Ngayong gabi, makalilikha ako ng libong pagmumura:
Ang maisip na binagyo siya ng mga may kapangyarihan;

Ang marinig ang kanyang daing, higit na kalunos-lunos;
At bumaha ang pagdurusa sa gitna ng pagpapabaya.

Hindot nilang nangurakot kaya bayan ay nalubog
Hindot nilang mga sinungalin, mandaraya’t mga hambog!

Ganyan na lang ba? Sa di kalayuan, may tumataghoy.
Sa buong kapuluan: pandarahas, kawalang-tinig, gutom,

Hinahanap ko ang mga nalalabing makakatulong.
Nais kong makiisa upang bumalikwas, lumaban, tumutol.

Gabing tulad nito ang gabi ng ating ninuno at lipi
Ako, tayong lahat, mauubusan ng pagtitimpi.

Itatakwil natin, sa ngalan ng mga nalugami
Ang mga tiwaling opisyal at sistemang tiwali

Agawin man ng mga politiko, sa kanilang mga donasyon,
Ang bayang kapit sa patalim, tayo’y tututol;

Upang mula sa putik, tayo’y babangon.
Kay tagal na ng pagsasamantala, panahon na ng pag-aalsa

Sapagkat dama natin ang hirap sa mga gabing ganito,
At alumpihit tayong lahat sa palusot at panloloko

Kayat kahit luhaan tayo ngayong gabi, tayo nang magmura
Magalit, magbalikwas. Bukas, babawiin natin ang ating dignidad