NAKITA MO BA SI PATRICK?
ni Anna Goldara
Siya yung kaibigan naming lalaki na pinakamaliit sa amin. At dahil na rin siya ang pinakamaliit at pinakamukhang totoy, siya rin ang madalas na mapag-tripan at parating nahuhuli pag takbuhan. Pinakamaliit pero pinakamabait naman.
Tuwing sumasapit ang ala una nang hapon, pupunta na kami sa 7th Floor. Doon hinahanay namin ang mga lumang drawing table at gagawing higaan para makapagpahinga habang naghihintay sa susunod na klase. Broken schedule kasi ang uso noon sa college na pinapasukan namin.
Doon nabuo ang masayang samahan naming magkakaibigan. Sa 7th Floor, naglalaro kami ng GameBoy, nakikinig kami sa mga tugtog ng usong banda gamit ang disc man (MP4 at iPod na ang uso ngayon), naglalaro kami ng finger skates, at tumutugtog kami gamit ang bongos.
Lahat ng mga bagay na nabanggit ko, si Patrick lahat ang may dala ng mga iyon—GameBoy, disc man, finger skates, at bongos. Yung finger skates at bongos, yun ang parati niyang dala lalo na kapag may lakad kaming out-of-town.
Marami kami noon at dahil sobrang close na kami sa isa’t-isa, halos ayaw na naming maghiwa-hiwalay—Lunes hanggang Biyernes, minsan pati Sabado, minsan din pati Linggo.
Isang Sabado nang gabi, nagkayayaan kaming magkita-kita sa bahay ng isang kaibigan. Ang lakas ng ulan noon dahil may bagyo. Alas diyes nang gabi nang magpasiya na kaming umuwi kahit kasagsagan pa ng malakas na ulan.
Ako, si Patrick, at ilan pang kaibigan ay sabay dapat na sasakay ng jeep papuntang Sta. Cruz at dun din maghihiwa-hiwalay dahil iba-iba naman ang ruta ng uuwian namin. Ngunit nagulat ako paglabas ko ng bahay ng kaibigan namin, wala na pala akong kasabay dahil nauna na silang sumakay ng jeep.
Lagot sila sa akin kapag naabutan ko sila.
Inis pa rin ako pero nag-aalala. Baha sa Sta. Cruz, ang hirap sumakay ng jeep. Naisip ko si Patrick. Kung kasabay ko lang si Pat, yayayain ko na lang muna siyang makituloy sa bestfriend ko na nakatira sa Blumentritt. Magkaiba naman talaga kami ng daan pauwi ni Pat pero mas ligtas ang daan patungo doon kaysa bumiyahe ako papuntang Pasay at siya naman pa-Balic-Balic. Naisip ko lang na mahihirapang umuwi si Pat dahil matindi ang baha sa España samantalang hirap naman akong makasakay ng jeep.
Isa pa, nag-aalala ako para kay Pat dahil nakainom siya. Madaling malasing si Pat kaya nga nagulat ako noong nagpasiya siyang umuwi. At saka baka mapagtrip-an si Pat dahil mukha siyang totoy at hindi papalag. Madalas kasi na kapag alanganin na ang oras ay magti-text o di kaya’y tatawag na lang siya sa bahay nila upang magpaalam.Noong gabing iyon, kapuna-puna na wala siyang dalang cellphone at wallet. Pamasahe lang ang baon niya na nakalagay sa bulsa ng jacket niyang itim. Biruan pa naman namin ang panghuhuli ng bagansya. Na dapat parati kaming may dalang ID dahil yun ang proteksiyon namin kung uuwi nang gabi. Ukol ito sa karanasan namin ng isang katropang lalaki wala pang isang buwan ang nakalilipas—nadampot kami sa Sta. Cruz dahil parehas kaming walang maipakitang ID dis-oras nang gabi.
Paulit-ulit ng sabi si Pat: “Pare, ngayon na lang ulit mababasa ‘tong sandals ko!”
Noong gabi ring iyon, siya ang nag-alo sa isang kaibigang umiiyak dahil sa problema sa pamilya. Si Patrick kasi, family-oriented. Panganay siya sa tatlong magkakapatid na lalaki pero binebeybi pa rin siya ng mga magulang niya. Ang ginagawa naman niya, binebeybi rin niya ang dalawang kapatid. Sino nga ba naman ang hindi magmamahal kay Patrick?
Hindi ko na talaga sila matanaw. Uuwi na nga ako. Nagtiyaga na lang akong mag-abang ng jeep. Ayoko namang maglakad nang mag-isa papuntang Blumentritt dahil mayroong mga daan na mataas ang baha at mahirap nang maglakad mag-isa. Makalipas ang tatlumpung minuto ay nakasakay na rin ako ng biyahe papuntang Pasay. Malungkot ako sa biyahe. Di naman ako balisa pero malungkot ako. Iyon lang ang natatandaan kong naiisip ko noong gabing iyon.
Hapon na kinabukasan nang magising ako. Ayos naman ang pakiramdam. Pagkatapos kumain ay nanood ako ng TV. Nagtatampo pa rin ako kina Pat dahil di nila ko hinintay.
NEWSFLASH: ANIM NA HINDI KILALANG LALAKI, PATAY SA MAGKAKAIBANG LUGAR DAHIL SA BAGYO.
Unidentified.
Alas sais nang umaga ng Lunes, nag-ring ang telepono sa bahay. “Telepono, tropa mo,” gising ng kapatid ko. Madalas naman kaming magtawagan ng mga kaibigan ko pero hindi ganito kaaga. Para tuloy gusto kong kabahan. “’Tol, diyan ba sa inyo natulog si Patrick?”
“Hindi, ah… Baka sa ibang tropa. Di ba iniwan pa nila ako…. Sige, ligo lang ako tapos punta na ‘ko sa school. Kita na lang tayo dun… Pero magtatawag din ako ng ibang tropa.” Klik.
Matagal bago ako nakakilos. Umiikot sa isip ko ang mga huling kaganapan noong Sabado ng gabi… Rewind, rewind…
Kung kasabay ko lang si Pat, yayayain ko na lang muna siyang makituloy sa bestfriend ko na nakatira sa Blumentritt.
“Pare, ngayon na lang ulit mababasa ‘tong sandals ko!”
…wala siyang dalang cellphone at wallet. Pamasahe lang ang baon niya na nakalagay sa bulsa ng jacket niyang itim.
…baka mapagtrip-an si Pat dahil mukha siyang totoy at hindi papalag.
…mahihirapang umuwi si Pat dahil matindi ang baha sa España…
Malungkot ako sa biyahe. Di naman ako balisa pero malungkot ako.
…dapat parati kaming may dalang ID….
Nalilito ako—maliligo ba o magtatawag, o iisipin ko muna kung saan pwedeng mapadpad si Pat. Parang may sinabi siya noong Sabado na balak niyang pumunta sa kaibigan niya sa Novaliches. Tama, andun lang si Pat! Kung minsan kasi ang paalam naming isang gabi na lakad, nauuwi sa overnight o kaya hanggang Linggo kapag weekends.
Pero parang may mali talaga. Si Patrick, ayaw niyang nag-aalala ang mga magulang niya, lalo na ang Mama niya…. Pwede siguro—wala nga pala siyang dalang cellphone at siguro naubusan na siya ng pamasahe dahil medyo malayo ang Novaliches.
Nagtawag ako ng ilang kaibigan at kakilala pero hindi rin naman daw tumawag o nag-text si Patrick… Kung maibabalik ko lang, sana naabutan ko si Patrick sa Sta. Cruz. Sana hinanap ko siya sa Carriedo. Sana naglakad na lang kami papuntang Blumentritt. Sana nga dito na lang siya tumuloy sa bahay kahit malayo. Sana, sana…
May lakad pa naman kami noong Lunes na iyon at si Patrick pa ang nag-organize. Ano ba, Pat, ano ba talaga ang lakad natin ngayon?
Pagdating ko sa eskuwelahan, sinalubong agad ako ng ibang kaibigan namin. Malungkot lahat. “Dumating dito ang mama ni Patrick, umiiyak…” sabi nung isa. Parang kinukurot ang puso ko. Si Tita… nakakahiya kay Tita. Ayokong maawa dahil sa isip ko, walang dapat kaawaan. Gusto ko sanang isigaw: Naglaboy lang si Pat! Sinusubukan lang siguro na hindi magpaalam.
Nakakahiya talaga kay Tita. Tuwing pumupunta kami sa kanila, ayos lang kahit pa isang batalyon ang dami ng uubos ng pagkain sa ref nila. Okay lang kahit saan isama si Patrick basta magpapaalam lang. Okay lang na dalhin ni Pat ang GameBoy at disc man sa school. Okay lang kahit makitulog ka pa sa kanila. Okay lang na maging takbuhan ang bahay nila.
Nasaan na kaya ang ibang tropa? Narinig yata nila ang tanong sa isip ko. Sabi ng isa, “Sumama ‘yung dalawa sa mama at papa ni Patrick para mag-ikot sa mga ospital. Kasama din ang girlfriend ni Pat. Iyak nga nang iyak e, kawawa naman.”
Mayroon ding ibang tropa na tumulong nang maghanap. Nagbabakasakaling matatagpuan nila si Pat sa isa sa mga ospital sa bandang Kamuning. Ngunit wala rin si Patrick doon.
Anong klaseng lakad ba itong in-organize mo, Pat? Hindi rin naman kami mapakali na nakatunganga lang habang naghihintay ng balita tungkol sa nawawala naming kaibigan. Nagpasiya na ako at ang isa pang kaibigang babae, pero di sinabi sa pamilya ni Pat, na sa mga punerarya kami mag-iikot. Palakasan na ng loob ito. Hangga’t maari, ayaw naming isipin na may masamang nangyari kay Pat, kailangan lang na may masiguro kami—na hindi sa ganoong lugar namin matatagpuan si Patrick.
Apat kaming lumakad papunta sa mga morge. Inuna naming suyurin ang Taft area. Galing Quiapo, sumakay kami ng jeep papuntang PGH. Meron kasing morge roon. Sinabi namin sa staff ang buong pangalan ni Patrick at kaniyang pisikal na katangian.
“Wala, miss. Subukan ninyo sa morge na nasa likod ng Pedro Gil-Taft.”
Sabay-sabay kaming apat na lumuwag ang paghinga. Parang gusto naming sumayaw papunta sa morgeng itinuro ng staff, parang sigurado na di matatagpuan doon si Patrick.
Nagtanung-tanong kami, “Manong, saan po ba ang morgeng ito?” sabay pakita sa papel kung saan nakaguhit ang sketch ng morgeng itinuro sa amin.
Nakita rin namin ang hinahanap at muling inilarawan si Patrick, “Lalaki, 5’1”, payat, parang totoy pero 21 years old na siya.”
“Walang ganiyang description dito.” Tama naman. Nakatala kasi sa white board ang mga detalye ukol sa mga bangkay na dinala roon sa loob ng isang buwan.
“Subukan ninyo roon sa punerarya sa Tayuman. Doon kadalasang dinadala ang mga bangkay na unidentified,” dagdag pa ng kausap namin.
“Ano’ng balak natin?” tanong ko sa mga kasama ko.
“Tawagan muna natin para hindi naman masayang ang punta natin,” sagot ng kaibigan naming babae.
Gayon nga ang ginawa namin. Nagtutulakan pa kami kung sino ang sasagot ng telepono. Hindi ko kinaya—ipinasa ko sa kaibigang babae.
“Meron ho bang dinala riyan na lalaki, 5’1” ang taas, payat, mukhang totoy pero 21 years old na ho?”
Patlang.
“Ho, meron? Five to 5’2”, 21 to 35 years old? Sige ho, salamat ho! Pupunta na kami r’yan!”
Meron daw dinala sa morge nila kaya lang hindi masiguro kung ilang taon na dahil matanda raw ang hitsura. Nalunod daw sa Dapitan noong gabi ng Sabado.
Balisang Paglalakbay
Kanina lang nagbibiruan pa kaming umalis sa ikalawang morgeng pinuntahan namin pero noong papalakad na kami patungo sa sakayan, ni hindi na kami nagkulitan o nagtapikan man lang. Tulala kaming apat habang pumapara ng jeep papuntang Tayuman. Iba na ang ihip ng hangin. Kung makikita mo lang ang lungkot sa mga mukha namin. Hindi nag-uusap-usap pero pakiramdam ko tila iisa ang bumabalot sa aming mga isipan. Hindi rin naman nagkakalayo ang mga pwestong inupuan namin sa loob ng jeep pero napuna kong lahat kami ay umiiwas sa tingin ng bawat isa at panay ang lunok sa natutuyong laway sa lalamunan. Katulad ko siguro, pilit din nilang itinutulak pabalik ang mga patak ng luhang gusto nang kumawala sa mga mata.
Hindi ‘yan! Pero bakit ganoon? Hindi ko na yata makumbinsi ang sarili ko na magandang balita pa rin ang sasalubong sa amin sa Tayuman. Hindi ko rin alam kung bakit mas pinili pa naming mag-jeep kaysa mag-LRT.
Mas matagal ang biyahe, mas mahaba ang pag-asang makita pa si Patrick… Para sa akin lang iyon… Iyon din kaya ang iniisip nila?
Parang ang bilis ng treinta minutos na biyahe… Ayun! Nasilip ko na sa bintana ng jeep ang puneraryang pinagdadalhan ng mga unidentified na bangkay ng tao. Lumakad pa kami pabalik dahil medyo lumagpas nang pagpara ang jeep. Habang papalapit sa punerarya, nagsalita ang isang kasama naming lalaki. “Putik, pare!” pagulat na sambit niya. “Kotse ‘to nina Patrick!”
Bigla akong nanlumo. Wala na...
Saktong kabababa lamang mula sa morge ng isa sa dalawang kaibigang sumama sa mga magulang ni Pat upang hanapin siya sa mga ospital. Bungad nito, “Hindi si Patrick ‘yun. Matanda na e, at saka malaki ang katawan.”
Ayaw pumanhik sa morge ng mga magulang ni Pat. Hinayaan muna nilang ang mga kaibigan ang kumilala sa mga bangkay na naroon. Ipinagpapalagay nila na hindi sa ganitong lugar matatagpuan si Pat. Maski ako, ayokong isipin na sa ganitong lugar ko rin siya makikita.
Bumaba na rin mula sa morge ang isa pang kaibigan na naglakas-loob kilalanin kung si Patrick nga ang dinala roon na unidentified. “Man, wala na si Patrick… Siya ‘yun!” hagulgol nito sa amin.
Nakilala niya si Pat dahil sa tato nito sa binti at isa pa sa likod. Sa lahat din ng magkakaibigan, silang dalawa ang madalas na magkasama nitong mga huling araw at sila rin ang madalas magsabihan ng mga pangarap sa buhay.
Ngunit para saan pa ang mga pangarap ni Patrick gayong isa na siyang malamig na bangkay?
Ang Suliranin ng Magkakaibigan
Tahimik ngunit halatang tuliro ang ama ni Patrick. Ang mas batang kapatid niyang lalaki, umiiyak din habang sabay iniisip ang paghihiganti. Ang bunsong kapatid na lalaki ay waring hindi makapaniwala na pumanaw na ang tinitingalang kuya. Si Tita naman, panay ang hagulgol at hindi maubos-ubos ang luha sa pag-iyak.
Ang pinakahuling eksena ang dumurog sa puso ko. Nagdadalamhati rin ako ngunit walang lalampas pa sa pagtangis ni Tita. Gusto kong pasukin ang kung anumang nararamdaman niya. Gusto kong bawasan ang bigat na nararamdaman niya.
Ngunit paano?
At higit pang “Paano?” gayong alam niyang kami ang huling nakasama ni Patrick bago ito nawala.
Paano? Paano kami makikiramay gayong hindi maiaalis na isa kami sa mga maaaring naging dahilan kung bakit ganoon ang naging kapalaran ni Patrick?
Bandang alas diyes nang gabi nang maghiwa-hiwalay kami nina Pat noong Sabado. Nakita siyang walang malay ala-una nang madaling araw noong Linggo. Nalunod daw si Pat sa Dapitan. Bahain kasi ang lugar na iyon. Bandang alas-tres nang hapon ng Linggo rin binawian ng buhay si Patrick.
Sa España malapit ang bahay nina Patrick. Sa kagustuhan sigurong makauwi agad, Dapitan marahil ang sinakyan niya at lalakad na lang mula roon papuntang España upang makarating sa bahay nila.
Ang sabi nga ng isang kaibigan na nakatira sa Dimasalang, mataas daw ang baha noong gabing iyon pero marami naman daw tao dahil stranded sa ulan at baha.
Sorry? What’s the point? Patay na si Pat! Gusto naming makapiling si Patrick noong mga sandaling iyon. Hindi naman kami pinakitaan ng hindi maganda ng pamilya ni Patrick noong nasa morge kami pero ano ba’t nahihiya talaga kaming lumapit. Mas tama pa nga sigurong sabihing natatakot kami dahil doon din ay maaari kaming pagbuntunan ng sisi. Kung para sa amin ay mahirap tanggapin na mawalan ng isang mabuting kaibigan, paano pa kaya sa sarili pa niyang mga kaanak na kung tratuhin siya ay parang beybi.
Mabigat na dalahin ang pag-iwan sa amin ni Patrick. Noong nalaman ito ng isa niyang kaklaseng babae, bigla iyong umiyak.
“Kailangang maging handa tayo sa lahat ng panahon dahil hindi natin alam kung kailan tayo mamamatay. At kailangang tanggapin mo iyon at ng mga mahal mo sa buhay,” ito ang mga katagang namutawi sa bibig ni Pat noong nag-uusap sila tungkol sa kamatayan isang linggo pa lamang ang nakararaan bago siya pumanaw.
Marahil ibinulong din ito ni Patrick kay Tita dahil noong bumisita kami sa unang gabi ng lamay, tinanong ko siya, “Tita, okay lang po ba kung pupunta pa ulit kami sa burol ni Patrick?”
“Oo naman,” malungkot pero nakangiti nang sagot ni Tita.
Walang gabi ng lamay na hindi bumisita ang buong tropa sa burol ni Pat—at di maiiwasang balikan ang mga araw na kasa-kasama namin ang pumanaw na kaibigan.
Mapag-along Panaginip
Sa mga kaibigan naming lalaki, dalawa lamang ang hindi marunong tumipa ng gitara. Isa na si Patrick sa dalawang iyon. Iyon din marahil ang dahilan kung bakit niya binili ang bongos na nakita niya sa ukay-ukay. Tatapikin lang kasi iyon nang parang tambol ay makasasabay na siya sa kantahan at tugtugan. Kami kasing magkakaibigan, mahilig mag-jamming.
Biyernes, dalawang araw bago pumanaw si Patrick, in-arbor niya sa isang kaibigan ang guitar pick nito. “Hindi ka naman marunong maggitara e,” biro nito. Noong unang gabi ng lamay, inihandog niya kay Patrick ang pick.
Paglipas ng ilang araw, napanaginipan niya si Patrick. “Uy, Pat! Kamusta ka na?” tanong raw niya sa panaginip.
“Hindi mo naman binigay ‘yung pick sa ‘kin e,” pabirong sagot daw sa kaniya ni Patrick.
Heto naman ang aking panaginip. Conscious ako na panaginip rin lang ang pangyayari sa aking paniginip. Nasa school daw kami noon, sa ground floor. Nakita ko si Pat pero dahil nga iyon ay isang panaginip, imposible na makasalamuha naming magkakaibigan ang isang pumanaw na. Katulad ng dati, nakatambay kami sa paborito naming bench at nagkukulitan.
“Pat, kamusta ka na?” mangiyak-ngiyak na tanong ko sa kaniya.
“Okay lang ako,” sagot niya. “Okay lang talaga ‘ko,” nakangiting ulit niya na para bang sinasabi niyang tanggap niya ang gayong kapalaran at huwag namin siyang alalahanin, na masaya siyang kasama niya kami… kahit sa panaginip lang.
Nakita ko siya habang unti-unting papalayo na akala mo’y may bibilhin lang sa labas ng eskuwelahan. Nakangiti siya, masaya. Ako, umiiyak habang tinatanaw ang papalayong kaibigan.
Ginising ako ni Nanay dahil humihikbi raw ako sa pagtulog. Nang magising, hindi ako nangamba na baka minumulto ako ni Patrick. Mas ginusto ko pa ngang magtagal iyon dahil pag-alo ang kaniyang iniwan sa akin—at kailangan ko itong iparating sa iba pa naming mga kaibigan.
Para sa akin, kahit nakakaramdam pa rin ako ng guilt, ipinahihiwatig ng panaginip na iyon na masaya si Pat sa bagong mundong kinaroroonan niya. Kaya ako umiyak ay naramdaman ko na kahit na nasa kabilang buhay na si Patrick, nanatili siyang isang mabuting kaibigan.
Walang anumang bakas na sinisisi niya kami sa kaniyang sinapit. Hayun nga at kahit sa panaginip, pag-aalo at hindi panunumbat ang ibinungad niya sa amin.
Sakaling ako naman ang pumanaw, maluwag din sa puso ko itong tatanggapin dahil alam ko na sa dakong tinungo ni Patrick, hindi ako mag-iisa. Alam kong sasalubungin ako ng isang mabuting kaibigan.###
“Ang iyong pagpanaw ay higit pa ang bigat sa isang bundok.”
Ayon sa mga salaysay, nalunod si Patrick sa lalim ng baha sa Dapitan noong Linggong iyon, ala-una nang madaling araw. Kasagsagan noon ng bagyo. Marahil ay naririnig mo na sa mga balita na madaling bumaha sa España at karatig-lugar nito tuwing umuulan. Ang Dapitan ay nasa likuran lamang ng España. Mayroon din daw galos si Pat sa tuhod tanda ng pagkakadulas nito, at may dugong lumabas sa tainga dahil tumama ang ulo sa isang matigas na bagay matapos niyang madulas. Buhay pa si Patrick noong matagpuan ala-una ng madaling araw ng Linggo sa harap ng isang sikat na fastfood chain sa Dapitan, malapit sa isang ospital kung saan siya isinugod ng taong nakakita sa kaniya. Noong magkakasama pa kami, naka-shorts lang si Patrick, at t-shirt at jacket ang pang-itaas. Sandals naman ang pangsapin niya sa paa. Noong matagpuan siya, shorts na lang ang natira sa kaniyang mga kasuotan. Wala siyang dalang cellphone o wallet.At dahil wala siyang wallet na maaring paglamnan ng kaniyang ID, walang kamag-anak na nakontak ang ospital upang makapagbigay ng pahintulot o waiver sa kung anumang lunas o uri ng panggagamot na maaring ibigay kay Patrick. Namatay si Patrick noong Linggo nang hapon. Hindi siya nabigyan ng karampatang lunas dahil walang consent ang kaniyang mga kaanak sa anumang clinical procedure na maaring makapagsalba ng buhay niya noong mga panahong iyon. Mayroong record si Patrick sa ospital na iyon dahil doon siya ipinanganak at doon din nagpapadoktor ang buong pamilya kapag mayroong karamdaman dahil malapit lang ito sa kanilang tirahan. Masaklap isipin ngunit ang ospital na nagpaluwal sa kaniya ang siya ring ospital na nabigo sa pagdugtong ng kaniyang buhay. Nabuo ang akdang ito bilang pagpapaalala sa iba pang “Patrick” at “mga kaibigan ni Patrick.”