Biyernes, Oktubre 30, 2020

Mula Smokey Mountain hanggang Happy Land

Litrato mula sa internet. CTTO (Credit to the owner).

MULA SMOKEY MOUNTAIN HANGGANG HAPPY LAND
Munting saliksik at sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ilan sa mga kasapi ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay nakatira sa Happyland sa Brgy. 105 sa Tondo, Maynila. Sinasabing ito ang kilalang Smokey Mountain noon, o yaong bundok-bundok na basura, na kaya tinawag na Smokey Mountain ay dahil sa nakasusulasok na amoy ng sunog na basura rito.

Paano nga ba ito tinawag na Happy Land, o sa wikang Tagalog ay Masayang Lupain? Gumanda na nga ba ang buhay ng mga maralitang nakatira rito kaya masaya na sila't tinawag itong Happy Land? 

Subalit batay sa pananaliksik, ang pinagmulan ng salitang Happy Land ay hindi Ingles, kundi ito'y salitang Bisaya na HAPILAN, na ibig sabihin ay lugar na mabaho dahil sa basura. Ganito ipinaliwanag ito sa isang akdang nakita ko sa internet. "The name “Happyland” is derived from the Visayan dialect’s name for smelly garbage: Hapilan, a slum made up of many mini dumpsites put together. The most common type of trash seen here is from the large fast food chain in Philippines Jollibean, where the scavenger sort the different types of packaging and leftover food from cups to straws to spoons.The leftover food gets recooked into ‘pag pag’ and is actually re-consumed by the scavengers."

Ayon sa pananaliksik, tinanggal na ang Smokey Mountain sa Tondo, subalit lumikha naman ng isang bagong Smokey Mountain na naging tirahan ng mga walang matirahan, na animo'y naging kampo na ng mga nagsilikas sa kung saan-saan at doon nakakita ng pansamantala, kundi man, pirmihang matutuluyan. Bukod sa Hapilan ay may tiatawag pa umanong lugar na Aroma. O marahil iba pang katawagan iyon dahil sa amoy o aroma ng lugar.

Maraning maliliit na tambakan ng basura sa lugar. At ang karaniwan ummanong basura roon ay mula sa mga pagkaing itinapon na o tira-tira mula sa mga fast food, tulad ng Jollibee, kung saan pinipili ng mga magbabasura ang iba't ibang nakabalot at tira-tirang pagkain. Ang mga tira-tira, o yaong hindi naubos, ay ipapagpag muna upang bakasakaling malaglag ang anumang dumi, halimbawa sa tirang pritong manok. Tapos ay huhugasan ito at muling iluluto. Dahil ipinagpag muna kaya tinawag na PAGPAG ang mga pagkaing ito.

Kung nakapunta ka na rito, o sa mga lugar na malapit dito, maraming itinitindang pritong manok, na kung kinain mo'y para ka na ring nasa Jollibee. Subalit pagpag na pala iyon.

Sa hirap ng buhay at nasa sentro ka pa ng kapital ng bansang Pilipinas, gayon ang buhay ng mahihirap na tao roon. Namumulot ng basura subalit namumuhay ng marangal. Mahirap man, kapit man sa patalim, subalit doon nila binuo ang kanilang pamilya at mga pangarap. Sa kabila ng hirap, nakakangiti, na animo'y paraiso kaya tinawag na Happy Land. Tanda nga ba iyon ng pagiging resilient ng mga Pinoy, o dahil wala na silang mapuntahan, kaya kahit ayaw nila roon ay nagiging kontento na rin doon. Marahil, naiisip nila, nabubuhay man silang mahirap, subalit may dignidad. Ika nga sa awitin ni Freddie Aguilar:

"Ako'y anak ng mahirap
Ngunit hindi ako nahihiya
Pagka't ako'y mayroon pang dangal
Di katulad mong mang-aapi."

Nawa’y maging tunay na masaya o happy ang mga taga-Happy Land. Hangad kong matagpuan nila rito ang pangarap na kaalwanan at kaginhawaan, at kapayapaan ng kanilang puso. At sana’y hindi na maging tapunan ng basura ang kanilang lugar.

Pinaghalawan:
https://ph.theasianparent.com/teach-kids-genuine-compassion
https://www.lydiascapes.com/happyland-philippine-slums-in-manila/
https://glam4good.com/they-call-this-happy-land-a-heartbreaking-view-from-inside-manila-slums-on-thanksgiving-day/

* Ang akdang ito'y unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2020, pahina 14-15.    

Huwebes, Oktubre 29, 2020

Kwento: Nawalan ng trabaho dulot ng pandemya

NAWALAN NG TRABAHO DULOT NG PANDEMYA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

"Noong mag-lockdown, nahinto kami sa produksyon sa pabrika dahil hindi kami makapasok sa trabaho. Hindi ko malaman ano ang gagawin. Paano na kami ng aking pamilya? Ang kakarampot kong sahod ay di sapat lalo't nangungupahan lang kami ni misis, kasama ng apat naming anak." Ito ang sabi ni Mang Inggo nang unang linggo ng lockdown at hindi sila pinayagang magbiyahe patungo sa trabaho.

Wala na kasing pinayagang makalabas ng bahay noon, kaya pati mga nagtatrabaho, sa pabrika man iyan, sa opisina, sa pamamasada o maging tindera sa palengke, ay napatigil sa pagtatrabaho. Ayon naman sa pamahalaan, kailangan mag-lockdown upang labanan ang COVID-19. 

Ang mga maralita nga ng San Roque sa Lungsod Quezon ay nagrali na dahil sila'y nagugutom. Gutom ang dulot ng lockdown. Gutom dahil di makalabas upang makadiskarte ng pang-ulam. Di makakain si Bunso. Mabuti kung may natitira pa silang salaping pambili sa tindahan. Subalit kahit pagbili sa tindahan ay pahirapan din dahil nga hindi sila makalabas.

Si Mang Tune na drayber ng dyip ay naghihimutok dahil hindi na sila makapamasada. Ang nangyari ay tambay na lang sila sa looban. Naaabutan lang ng may malasakit. Ang ayudang bigay ng pamahalaan ay di naman sapat. Ang iba’y nabibigyan ng salapi, habang ang iba’y nabibigyan ng grocery na pang-ilang araw lang, na tulad ng ibinibigay sa mga nasunugan. Limang kilong bigas, ilang delatang sardinas, ilang noodles, kape, asukal, nadagdagan lang ng alkohol at face mask.

“Anong dapat nating gawin?” Sabi ni Mang Igme sa kanyang mga kapitbahay. “Hindi tayo makalabas. Gutom ang aabutin natin nito?” 

Kaya nagkaisa ang mga magkakapitbahay, sa pamamagitan ng HOA nila, upang pag-usapan ang mga hakbang na dapat gawin. Di makapag-patawag ng pulong ang HOA dahil lockdown. Walang makalabas. Gayunman, nagawan nila ng paraang makapagpulong, nang isa-isa silang magpuntahan sa bahay ni Mang Kanor, ang pangulo ng HOA.

Ayon kay Mang Kanor, “Dalawang dahilan lamang upang bigyan tayo ng pamahalaan ng makakain, pag panahon ng gera at pag panahon ng kalamidad. Ngayong idineklara ng pamahalaan ang lockdown, ito’y nasa linya ng kalamidad, kaya dapat bigyan nila tayo ng ayuda upang hindi magutom ang ating pamilya. “

Sa ganitong punto ay napagkaisahan nilang sumulat sa pamahalaan upang bigyang katugunan ang kanilang kalagayan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2020, pahina 16.

Ilang tanaga

ILANG TANAGA

I

bakit ba kinakapos
kaming mga hikahos
bakit laging hikahos
ang dukhang kinakapos

urong-sulong ang diwa
walang kumakalinga
lalo't di masawata
ang kahirapang lubha

bakit kami'y iskwater
sa bayang minamarder
ng hinalal na lider
na tila isang Hitler

laksa-laksa’y namatay
kayraming humandusay
inosente'y pinatay
naglutangan ang bangkay

II

puting-puting buhangin
nang tayo’y paunlarin
ngunit kung iisipin
may planong alanganin

City of Pearl malilikha
uunlad daw ng bansa;
ang nananahang dukha
kaya’y ikakaila

dukha’y mapapaalis
tiyak madedemolis
sa planong hinuhugis
ng burgis na mabangis

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2020, pahina 20.

Martes, Oktubre 20, 2020

Ako'y tibak

Ako'y tibak

ako'y tibak na wala sa dulo ng bahaghari
pagkat nakikibakang ang kasama'y dukhang uri
upang lupigin ang bata-batalyong naghahari
upang pagsasamantala't pang-aapi'y mapawi

adhika'y karapatan ng tao't ng kalikasan
naggugupit ng plastik, inaaral ang lipunan
nageekobrik, bakit may mahirap at mayaman
magbukod ng basura, maglingkod sa sambayanan

hangad na maitayo ang lipunang makatao
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
dukha man, karapatang pantao'y nirerespeto
bawat isa'y makipagkapwa, may wastong proseso

isinasabuhay ko ang proletaryong hangarin
upang pagsasamantala't pang-aapi'y durugin
sa kabila ng karukhaa'y may pag-asa pa rin
tayo'y magekobrik, bulok na sistema'y baguhin

ako'y karaniwang tao lang na hilig ay tula
na sinusulat ay buhay ng manggagawa't dukha
nasa Kartilya ng Katipunan nga'y nakatala
ang niyakap kong prinsipyo't tinanganang adhika

- gregoriovbituinjr.

Pagninilay sa aking lungga

Pagninilay sa aking lungga

minsan nga ako'y di mapakali sa aking lungga
lalo na't sugat ng alaala'y sinasariwa
upang itala ang buhay ng binabalewala
bakasakaling makaahon sa danas na sigwa

kayraming litrato ng mga balyenang tumirik
ang mata dahil kumain ng sangkaterbang plastik
paano ba magtutulungan sa pageekobrik
nang masagip ang kalikasan sa kanyang paghibik

oo, pangarap ko'y makaahon, di ang makahon
sa nadamang kahungkagang sa puso'y lumalamon
mabuti nang sumagasa sa bangin ng kahapon
kaysa dumaluhong pa ang kaburyungan ng ngayon

matutunton pa kaya ng lakan ang kanyang dayang
na matagal nang nawala't may iba nang hinirang
matutulungan ba ang mga pesanteng hinarang
ang karapatan sa lupang dapat nilang malinang

narito man ako sa aking lungga, nagmamasid
katiwalian at karahasan ay nababatid
karapatan ay ipagtanggol, huwag maging umid
ang hustisya'y ipaglaban, buhay man ay mapatid

- gregoriovbituinjr.

Biyernes, Oktubre 16, 2020

Pinakapahinga ko sa trabaho ang pagtula

Pinakapahinga ko sa trabaho ang pagtula

pinakapahinga ko sa trabaho ang pagtula
sa maghapong paggawa'y pahinga na ang pagkatha
magninilay-nilay kahit na sa panahong putla
agad isinusulat anumang nasa gunita

minsan, maghapon ang pagpapako't pagmamartilyo
magdidilig, mga tanim ay inaasikaso
at minsan naman, maglaba, magluto't maglampaso
o kaya'y magsalin ng akdang naroon sa libro

habang trabaho'y ginagawa, ay may naninilay
ang ina'y nasa piitan, ang anak ay namatay
aktibista ang nanay na sa anak napawalay
dahil ba aktibista, ang hustisya na'y di pantay

pagpupugay doon sa nars na maganda'y ginawa
nagpaanak sa kalsada ng inang namumutla
di sila dapat makaligtaan sa bawat tula
tuloy muna ang trabaho't mamaya na kakatha

- gregoriovbituinjr.

Mga paksa sa pagkatha

Mga paksa sa pagkatha

paano nga bang kinakatha ang hibik ng puso
habang naninilay ang mga ugaling hunyango
at nanonokhang habang may pinunong kapit tuko
di lumpo ang panitik habang iba'y pinayuko

inaakdang buong tigib ang samutsaring paksa
sinasapuso ang bawat daing ng maralita
pinapaksa ang kasanggang hukbong mapagpalaya
at paglilingkod kasama ang uring manggagawa

matematika, astronomiya, pageekobrik
aktibo, aktibismo, tahakin man ay matinik
sistemang bulok, hustisyang panlipunan, paghibik
makata, tula, nasa loob ay sinasatitik

pluma ang gatilyo ng bawat paksang susulatin
nasa diwa'y punglong sa mapang-api'y patagusin
aklat, sakripisyo't danas ang kaluban kong angkin
layuning sistemang mapagsamantala'y kikitlin

pakikipagkapwa't pagpapakatao'y nilayon
na aking tinataguyod bilang dakilang misyon
upang iyang bulok na sistemang tunay na lason
ay durugin sa mga akda't mawala paglaon

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Oktubre 15, 2020

Ang kalagayan ng mga locally stranded individuals (LSI)

ANG KALAGAYAN NG MGA LOCALLY STRANDED INDIVIDUALS (LSI)
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napabalita sa telebisyon, radyo at pahayagan, lalo na sa social media, ang tinatawag na locally stranded individuals o LSI. Sumulpot ang ganitong penomenon nito lamang panahon ng pandemya. 

Ayon sa balita, mayroon nang 8,408 LSI na pawang nasa Kamaynilaan na nais nang pauwiin ng pamahalaan sa kani-kanilang lalawigan. 

Sa pagtitipon ng mga LSI, halimbawa sa loob ng Rizal Memorial Stadium, hindi nasusunod ang social distancing, o yaong pamantayang dapat ay isang metro ang layo sa bawat isa. Habang ang karamihan sa kanila ay nagsusuot naman ng face mask at face shield, malinaw na hindi nila napapanatili ang ligtas na distansya mula sa bawat isa. Sa dami ba naman ng tao, paano nga ba ang pagdisiplina sa kanila, habang karamihan sa kanila, bukod sa nais nang makauwi, ay pagod na, kaya kung saan-saan na lang isinasalampak ang kanilang pagal na katawan.

Paulit-ulit ngang binigyang diin ng mga opisyal ng kalusugan ang kahalagahan ng paglayo ng pisikal at iba pang mga hakbang sa kaligtasan upang maiwasan ang anumang impeksyon sa coronavirus. Ang pagbawas ng mga paghihigpit sa usaping ito ay pinangangambahan na maging sanhi ng pagkakaroon ng coronavirus sa kalusugan ng mamamayan at sa ekonomiya.

Maaaring kumalat ang virus dahil sa mga malawakang pagtitipon tulad nito at maaaring mahirap nang malaman at masubaybayan kung sino ang maaaring magkasakit sakaling may mga taong nahawahan ng COVID-19.

Umapela si Joseph Escabo, pinuno ng Hatid Tulong Program ng pamahalaan, para sa pag-unawa matapos na maging viral ang mga larawan ng mga LSI sa mataong Rizal Memorial Stadium.

"Noong nakaraang araw, lahat ng mga taong 'yun ay nasa kalsada… Kailangan mo ng pagbibigay ng desisyon upang mabigyan ng maayos na kanlungan ang kababayan nating LSIs. Kung lumabag man po kami sa isyu ng social distancing, kailangan nating ipakita ang simpatya, pag-unawa at pag-aruga sa ating mga kababayan," sabi ni Escabo.

Pinag-aaralan din ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ang kalagayan ng mga LSI upang makagawa ng nararapat na tulong upang hindi sila mapabayaan ng pamahalaan.

Dahil sa pandemya, dumarami na ang mga LSI tulad sa labas ng Libingan ng mga Bayani at sa loob ng Rizal Memorial Stadium. Tila isa nang bagong penomenon ang usapin ng LSI sa bansa. Dahil sa pandemya, marami sa kanila'y natutulad sa mga maralitang iskwater na walang tahanan, walang matuluyan, at marahil ay wala na ring panggastos.

Isa ang kwento ni Michelle Silvertino, 33, na namatay habang nag-aabang ng masasakyang bus sa Pasay patungo sa Camarines Sur. Dahil walang masakyan, ilang araw siyang naghintay sa Pasay, at nagbabaka-sakaling may masakyan. Subalit dahil marahil wala nang sapat na pera, nagutom na, gininaw, walang matulugan kundi sa bangketa, at marahil iyon na ang kanyang ikinamatay. Ang kanyang kwento ang marahil nag-udyok sa pamahalaan na tingnan ang kaso ng mga LSI.

Kasama na riyan ang mga manggagawang nakatira na lamang sa kalye nang mawalan ng trabaho dahil sa pandemya, at pinalayas sa mga inuupahan nilang kwarto o apartment dahil wala na silang pambayad. Silang umaasa pa ring makabalik sa trabaho kaya hindi makauwi ng kanilang probinsya.

Sila'y ilan lang sa dumaraming maralitang hindi na alam kung saan titira. Marahil dapat silang organisahin upang sama-sama nilang maipaglaban ang kanilang karapatan at sama-samang singilin ang pamahalaang ito sa mga kapalpakan nito upang matiyak sanang napapangalagaan ang kanyang mga mamamayan.

Mga pinaghalawan:
https://cnnphilippines.com/news/2020/7/25/LSI-homecoming-Rizal-Memorial-Sports-Complex.html?fbclid=IwAR3-DOUrXGyD-yQp9i9_3xES-8RGGRPhSURks4YfKPgpcI_pZUiAfhbxTqc
https://newsinfo.inquirer.net/1331451/more-stranded-individuals-to-be-sent-home
https://newsinfo.inquirer.net/1289335/stranded-mother-dies-after-waiting-for-bus-ride-to-camarines-sur-at-edsa-footbridge

* Unang nalathala ang artikulong ito sa Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 1-15, 2020, pahina 14-15.

Lunes, Oktubre 12, 2020

Ang mga cactus na parang terra cotta warriors

nilagay sa sanga ng dragonprut ang mga cactus
nahahilera silang animo'y kawal na lubos
animo'y terra cotta warriors ang pagkakaayos
na kung may labanan ay di mo basta mauubos

O, kaygandang pagmasdan ng mga cactus na iyon
sa pabula nga'y mapagsasalita sila roon
na pawang mga mandirigmang naligaw lang doon
di upang lumaban kundi magpahinga't limayon

napakaayos ng kanilang pagkakahilera
bagamat mga cactus ay di naman namumunga
mahal man pag binili'y maganda naman sa mata
animo sa iyong bahay ay may mga bantay ka

mga mandirigmang cactus, huwag munang sumugod
alamin muna anong isyung itinataguyod
karapatan ba ng kapwa'y sasagasaang lugod
kung walang katuturan ay huwag magpakapagod

- gregoriovbituinjr.

* kuha ang mga litrato sa Living Gifts Nursery na hardin ng samutsaring cactus sa Barangay Alno, La Trinidad, Benguet, 10.10.2020


Linggo, Oktubre 11, 2020

Una lagi ang prinsipyo

una lagi ang prinsipyo kaysa anumang lambing
ito'y napagtanto ko sa kwarantinang dumating
bawal tumambay sa inumang may pagiling-giling
pagkat tibak akong may paninindigang magaling

kahit sa basura'y may prinsipyo ring sinusunod
nabubulok at di nabubulok dapat ibukod
maging pageekobrik ay aking tinataguyod
gawaing pangkalikasa'y isa ring paglilingkod

bilang kawal ng paggawa, una lagi'y prinsipyo
pagkat narito ang buod ng diwa't pagkatao
di raw makakain ang prinsipyong sinasabi ko
ngunit di masarap kumain kung walang prinsipyo

makakain mo ba ang galing sa katiwalian?
masarap ba ang ninakaw mo sa kaban ng bayan?
masarap kumain kung galing sa pinaghirapan
lalo't wala kang inapi't pinagsamantalahan

ito ang niyakap ko bilang tao't aktibista
una ang prinsipyo't tungkulin sa bayan at masa
sa pagsusulat man o tumitinding binabaka
prinsipyo'y di ko tatalikdan kahit may problema

- gregoriovbituinjr.

Biyernes, Oktubre 9, 2020

Mga tinakdang apakan sa lansangan

isang metrong social distancing ay ginawang tanda
sa daanan, sa bangketa, kainan, talipapa
upang doon tatapak ang tao nang di mahawa
pagkat pag napabahing ang katabi, ay, kawawa

ito na'y ginawang paraan ng social distancing
sa pagpara ng dyip, sa botika kung may bibilhin
kahit manliligaw ng dalaga'y di makatsansing
apakan mo ang bilog ngunit huwag kang babahing

samutsaring bilog, may nakasulat pa sa sahig
iba't ibang disenyo, ingat lang sa mang-uusig
tumalima na lang, sa payak na bilog tumindig
habang sa naka-facemask na dalaga'y nakatitig

lipat agad pag may umabante't nakasakay na
abante pag sa botika'y nakabili na sila
ganyan sa panahon ngayon pagkat may kwarantina
para walang gulo, kailangan ang disiplina

- gregoriovbituinjr.



Miyerkules, Oktubre 7, 2020

Ang bantayog ni Bonifacio sa Ibaloi garden


Munting bantayog na bakal bilang pagpupugay kay Gat Andres Bonifacio na nakasulat sa baybayin, ang lumang paraan ng pagsulat ng Pinoy. Kuha sa Ibaloi garden, tabi ng Burnham park sa Baguio City. Isang tula ang aking kinatha hinggil dito:

Ang bantayog ni Bonifacio sa Ibaloi garden

may munting bantayog para sa bayaning magiting
si Gat Andres Bonifacio'y pinagpugayan man din
sa lungsod ng Baguio, at nasusulat sa baybayin
tabi ng Burnham park, sa loob ng Ibaloi garden

aralin mo ang baybayin upang iyong mabasa
ang naukit doong sa kanya'y pagpapahalaga
sa isang sanaysay niya'y naisulat pa niya
na baybayin ang panitik noong panahong una

matutunghayan mo iyon sa "Ang Dapat Mabatid..."
sanaysay ni Bonifacio't sa historia'y umugit
na bago dumating ang mga Kastila'y ginamit
ng ating ninuno ang baybaying sadyang panitik

minsan nga'y dalawin natin ang bantayog na iyon
at magbigkas ng kinathang tula ng rebolusyon
bilang pagpupugay sa kanyang may dakilang layon
lalo na't huwaran ng di pa natapos na misyon

- gregoriovbituinjr.

Magkano nga ba ang laya?

magkano nga ba ang laya? magkano ba ang laya?
bakit buhay ay binubuwis para sa adhika?
bakit ipinaglalaban ng uring manggagawa
ang makataong lipunang may hustisya sa madla?

ayaw nating tayo'y nasa ilalim ng dayuhan
o maging alipin ng kapitalistang gahaman
ayaw mayurakan ang dangal nati't karapatan
kaya pagsasamantala't pang-aapi'y labanan

magkano ang laya? bakit buhay ay binubuwis?
ina ng mga bayani'y tiyak naghihinagpis
laya'y inaadhika nang sa dusa'y di magtiis
lipunang makatao'y ipaglabang anong tamis

buhay ba'y kabayaran ng paglayang inaasam?
para sa sunod na salinlahi't kinabukasan
ah, alalahanin ang mga bayani ng bayan
na ibinuwis ang buhay para sa kalayaan

- gregoriovbituinjr.

* ang isang litrato'y kuha sa palengke sa Trading Post, at ang isa'y sa isang kainan, sa magkaibang araw, sa La Trinidad, Benguet
* akala ko nang kinunan ko ang unang litrato ay typo error lang, hanggang sa malitratuhan ko ang isa pa, na ayon kay misis, ang luya ay laya, na ang bigkas ay mabilis at walang impit

Martes, Oktubre 6, 2020

Ang tunay na kahulugan ng pagsisilbi

Ang tunay na kahulugan ng pagsisilbi

naramdaman ko sa piling ng masang inaapi
kung anong tunay na kahulugan ng pagsisilbi
sa bayan, sa paglilingkod ialay ang sarili
katuturan ng buhay ay natagpuan ko rini

hungkag ang buhay sa lugar na napakatahimik
di ako bagay doon habang iba'y humihibik
ng panlipunang hustisya't dama'y paghihimagsik
nais ko pa ring magsilbi, sa puso'y natititik

di ko nais aksayahin ang buhay ko sa wala
isa akong frontliner na sa sigwa'y sasagupa
isang tibak akong kasangga'y uring manggagawa
at sekretaryo heneral naman ng maralita

ang nais ko'y ialay ang natitira kong buhay
sa bawat pakikibaka't sa prinsipyo kong taglay
bilang paralegal ng dukha'y nagpapakahusay
kaya mananatiling tibak hanggang sa mamatay

- gregoriovbituinjr.

Sa unang anibersaryo ng kamatayan ni Ka Pedring Fadrigon

nabigla kami sa biglaan mong pagpanaw noon
dahil ama ka ng maralita't ng asosasyon
unang anibersaryo ng kamatayan mo ngayon
at ginugunita ka, pangulong Pedring Fadrigon

sa mga lider-maralita, pangalan mo'y sambit
mga tulong sa kapwa dukha'y di ipinagkait
lider na kaysipag hanggang kamataya'y sumapit
ang batikang Ka Kokoy Gan ang sa iyo'y pumalit

kayhusay sa pagkilos at tunay kang nagpapagal
pagkat ipinaglaban ang maralita't ang dangal
ang pagiging lider mo'y ipinakita sa asal
kaya dapat isulat yaong naiwan mong aral

buhay na buhay nga ang kolum mong Tinig ng Dukha
sa ating pahayagang Taliba ng Maralita
na sadyang pumukaw sa puso't diwa ng dalita
habang iyong tangan ang ating prinsipyo't adhika

sa aming paggunita sa unang anibersaryo
ng iyong pagkamatay, K.P.M.L. ay narito
O, Ka Pedring Fadrigon, kami sa iyo'y saludo
maraming salamat sa mga payo't pangaral mo

- gregoriovbituinjr.
10.06.2020

Lunes, Oktubre 5, 2020

Ang nais kong buhay


Ang nais kong buhay

nais kong buhay ay ang may panlipunang hustisya
isang buhay na punung-puno ng pakikibaka
di sa payapang tahanang parang retirado ka
gayong kayraming isyung nagbibigay ng pag-asa

ang unang taludtod ng Kartilya ng Katipunan
ay sinasabuhay ko sa maghapon at magdamag:
"Ang buhay na di ginugol sa malaking dahilan
ay kahoy na walang lilim o damong makamandag!"

nasa pakikibaka yaong hanap kong esensya
ng buhay na itong batbat ng kawalang hustisya
nasa paglilingkod sa uring manggagawa't masa
at nasa pagbabago nitong bulok na sistema

para sa akin, walang katuturan ang tahimik
na buhay, na animo'y nakabiting patiwarik
nais ko'y bakahin ang mapagsamantalang switik
at ang mata ng mga mapang-api'y magsitirik

nais kong itayo'y isang lipunang makatao
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
ito ang tangan kong paninindigan at prinsipyo
kung di ito ang tatanganan ko, di ako ito

- gregoriovbituinjr.

Biyernes, Oktubre 2, 2020

Kwotasyon ni Marx ngayong kaarawan

Quote for the Day: 2 October 2020
"In all forms of society there is one specific kind of production which predominates over the rest, ... a general illumination which bathes all the other colours and modifies their particularity." ~ Marx, The Grundrisse (1857)

kaylalim ng quote for the day sa aking kaarawan
na dapat kong basahi't basahin at pagnilayan
Sa The Grundisse ni Karl Marx ay nalathala naman
sa isang blog ng paggawang nasaliksik ko lamang

sa lahat ng anyo ng lipunan ay mayroon daw
na tipo ng produksyon na siyang nangingibabaw
sa iba pa, na kung pagninilayan ko'y balaraw
sa likod ng madla't sa daigdig ay gumagalaw

tulad ba ng tinutukoy sa lipunang alipin
nangibabaw noon ang panginoong may-alipin
sa pyudal, panginoong maylupa, asendero rin
sa kapitalismo'y kapitalistang switik man din

kaya dapat palitan ang kabulukang napala
dahil din sa sistemang may naghaharing kuhila
sa sinabi'y pag-isipan kung anong nagbabadya
upang makakilos tungo sa ganap na paglaya

pangkalahatang tanglaw daw kung aking isasalin
na pinapaliguan ang lahat ng kulay man din
na partikularidad pa'y nagagawang baguhin
subalit sinabing ito'y malalimang suriin

mayroong quote for the day lagi sa blog ng paggawa
na ngayong kaarawan ay aking tinunghayan nga
na sa tulad kong tibak ay dapat lang maunawa
habang patuloy na nagsisilbi sa dukha't madla

- gregoriovbituinjr.
10.02.2020

* ang tinutukoy na blog ng makata ay nasa kawing na http://kilusangpaggawa.blogspot.com/

Huwebes, Oktubre 1, 2020

Buhay ng isang OFW

ako'y nangibang bayan
at nagtungo sa Taiwan
na maglalagi naman
doon ng sampung buwan

nalayo sa pamilya
sakripisyo talaga
malayo sa asawa
at sa tatlong anak pa

subalit kailangan
upang mapaghandaan
itong kinabukasan
ng pamilya't anak man

anak ay mapag-aral
edukasyon ma'y mahal;
sampung buwang tatagal
sa Taiwan magpapagal

madama man ay homesick
sa pamilya'y masabik
ngunit pabaong halik
sa puso'y natititik

anak, para sa inyo
ang aking sakripisyo
tanging bilin sa inyo
ay magmahalan kayo

- gregoriovbituinjr.

* hiniling ng isang kaibigan na gawan ko ng tula batay sa sinabi niyang paksa

Martes, Setyembre 22, 2020

Bilang halal na sekretaryo heneral

nananatili pa akong sekretaryo heneral
pinunong mayorya ng kasapian ang naghalal
isa ring tungkulin ko ang pagiging paralegal
ngunit iniiwan ang pinamumunuan, hangal
tama ba para sa hinalal ang ganitong asal?

tatawanan ako pag ganito ang kaasalan
na sa aking pagkatao'y masamang marka naman
baka di na nila ako pa'y pagkatiwalaan
pagkat mismong tungkulin ko'y aking pinabayaan
pag ganito na, sa pagkatao ko'y kahihiyan

dahil ako'y halal, dapat ko lamang pangunahan
ang kasapian sa mga gawain, katungkulan,
isyu'y pag-usapan, misyon ay isakatuparan
ang tungkulin ko'y dapat tapat kong ginagampanan
ang prinsipyong tinanganan ay dapat panindigan

bagamat di ako nagpabaya sa ating dyaryo
dapat pa ring asikasuhin ang maraming kaso
kaya sa mga kasapi, ako'y hintayin ninyo
di umaatras sa nakaatang na tungkulin ko
gumagawa lang ng paraang makabalik ako

bilang inyong hinalal na sekretaryo heneral
at sa aking pinagsanayan bilang paralegal
kung di ko magagampanan ang tungkulin kong halal
dapat lang parusahan ako ng sanlibong buntal
pagkat di marapat tularan ang tulad kong hangal

- gregoriovbituinjr.

* Ang may-akda ang kasalukuyang sekretaryo heneral ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) mula Setyembre 2018, at kasalukuyang sekretaryo heneral din ng Ex-Political Detainees Initiative (XDI) na nahalal ng dalawang beses, Hulyo 2017, at Disyembre 2019. Siya ay sekretaryo naman ng history group na Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan) mula 2017 hanggang kasalukuyan.

Sabado, Setyembre 19, 2020

Pagpupugay sa kapwa organisador

ako'y isang organisador saanman mapadpad
itinataguyod ang layon at sistemang hangad
sa misyong ito'y dapat may tikas at abilidad
prinsipyong yakap mo sa masa'y iyong ilalahad

ikinakampanya'y isang makataong lipunan
kung saan walang pagsasamantala't kaapihan
inaalam ang mga problema't isyu ng bayan
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan

hangarin ng organisador ay pagkakaisa
at pagkapitbisig ng di lang isa o dalawa
kundi ng libu-libo, kundi man ng milyong masa
upang tuluyang baguhin ang bulok na sistema

yakap niya ang prinsipyo ng uring manggagawa
at tungkulin nito bilang hukbong mapagpalaya
alay ng organisador ang buhay, puso't diwa
tungo sa pagdurog sa mga ganid na kuhila

mabuhay kayong mga organisador ng bayan
nagsasakripisyo sa adhikang may katuturan
kumikilos upang bulok na sistema'y palitan
at makamit ng bayan ang hustisyang panlipunan

- gregoriovbituinjr.

Biyernes, Setyembre 18, 2020

Ang Libog, Albay pala noon ay hindi ang Libon, Albay ngayon

ANG LIBOG, ALBAY PALA NOON AY HINDI ANG LIBON, ALBAY NGAYON
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Para akong nabunutan ng tinik, dahil natagpuan ko ang isang bagay na dapat mabatid sa kasaysayan, dahil sinabihan ako ng mali noon, na ngayon ay tama pala. Sa saliksik ko noon na pinamagatan kong "Ang limang anak ni Gat Andres Bonifacio", ay nabanggit ko ang Libog, Albay, na sinipi ko para sa artikulo.

Ayon sa pahina 4 ng aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan", ni Jose P. Santos, "Noong 1894 o 1895, si Andres Bonifacio ay nagtungo sa Libog, Albay, kasama ang mananaysay na Amerikanong si John Foreman na isa sa kanyang matalik na kaibigan at kapalagayang loob. Sinasabi ni Dr. Jose P. Bantug na siya kong pinagkakautangan ng mga ulat na ito, na si Andres Bonifacio ay nagkaroon doon ng kasintahan na nagngangalang Genoveva Bololoy at dito'y nagkaroon siya ng isang anak na babae na pinanganlang Francisca."

Nagtungo si Bonifacio sa Libog, Albay, at hindi sa Libon, Albay. Dahil naisulat ko ang Libog, may nagkomento sa facebook ng ganito, "Tanga! Libon, hindi Libog." Kaya agad ko iyong pinalitan ng Libon, at binura ang komentong iyon. Tulad ko, hindi rin niya alam na may Libog, Albay pala noong panahon ni Bonifacio. Ilang buwan nang nakalipas, hanggang sa aking pagbabasa ay nakita kong talaga palang may Libog, Albay, na kaiba sa Libon, Albay. Nilitratuhan ko iyon bilang patunay.

Sa Codebook ng 2020 Census of Population and Housing, na gamit ni misis ngayon bilang isa sa census area supervisor ng PSA (Philippine Statistics Authority), nakatala sa pahina 14 nito, sa ilalim ng lalawigan ng Albay ang mga bayang LIBON at SANTO DOMINGO (LIBOG). Doon ko napagtanto na tama pala ang nakasulat sa aklat ni Santos tungkol sa ulat niya kay Bonifacio, at hindi iyon typographical error o kamalian sa pagtipa sa makinilya. Nagtungo si Bonifacio sa Libog, Albay, na ngayon ay Santo Domingo na, at hindi sa Libon, Albay.

Nagsaliksik pa ako. Ayon sa Wikipedia, "The town of Santo Domingo was originally named Libog. Albay historians say that there were a number of stories on the origin of the name Libog. One version is that libog was derived from the Bikol word labog meaning "unclear water" for there was a time when no potable water was available in the locality. Another has it that the town might have been called after labog (jellyfish), which abound in its coastal water. Libod (behind) is another version because the town’s position is behind the straight road from Legazpi to Tabaco across Basud to Santa Misericordia."

Kaya sa Libog, Albay nagtungo noon si Bonifacio, at hindi sa Libon, Albay, na kilala natin ngayon. At marahil ay sa bayan ng Santo Domingo matatagpuan ang mga apo ni Bonifacio kay Genoveva Bololoy, at hindi sa Libon.

Sa puntong ito, aayusin ko't iwawasto na rin ang nauna kong naisulat sa artikulo kong nabanggit.

Taospusong pasasalamat sa misis kong si Liberty at sa PSA sa saliksik na ito, at talagang malaking tulong ito sa pagwawasto ng ilang detalye sa kasaysayan ng ating bayan. Mabuhay kayo!

Pinaghalawan:
aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ni Jose P. Santos, nalimbag noong 1935
ang Codebook ng 2020 Census of Population and Housing ng Philippine Statistics Authority (PSA)
http://mgakatipunero.blogspot.com/2019/12/ang-limang-anak-ni-gat-andres-bonifacio.html
https://en.wikipedia.org/wiki/Santo_Domingo,_Albay





Lunes, Setyembre 14, 2020

Pagsama sa petisyon

Pagsama sa petisyon

isang karangalan ang makasama sa petisyon
laban sa Anti-Terror Act na sadyang lumalamon
sa karapatan at dignidad ng bayang hinamon
animo'y balaraw itong sa likod nakabaon

buhay at dangal ay itinaya, naninindigan
nang tayo'y magkaroon ng makataong lipunan
sa batas kasi'y pag lumaban sa pamahalaan
kahit hindi terorista'y tiyak aakusahan

pag nagrali ka para sa karapatang pantao
pag nagpahayag ng saloobin sa gobyerno
pag may taliwas ka mang opinyon o kuro-kuro
baka hulihin ka't kalaban ang turing sa iyo

lipunang makatao'y hangad kaya aktibista
lumalaban sa mapang-api't mapagsamantala
kakampi'y manggagawa't dukha, karaniwang masa
nakikibaka para sa panlipunang hustisya

kasapi ng United Against Torture Coalition
hangad kong minsan ay maidepensa ang petisyon
sa korte, at magpapaliwanag ng mahinahon
at husgado'y makumbinsi sa katumpakan niyon

maraming salamat sa pagkakataong binigay
ako'y naritong sa mga kasama'y nagpupugay
karapatang pantao'y ipinaglalabang tunay
sana'y makamit din natin ang asam na tagumpay

- gregoriovbituinjr.

Pinaghalawan ng ulat:
https://rappler.com/nation/petition-vs-anti-terror-law-prolonged-detention-could-enable-torture
https://magph.org/news/anti-terror-law-will-make-torture-a-new-normal-uatc-statement-on-the-anti-terror-bill

Pagpupugay sa ika-27 anibersaryo ng BMP

Pagpupugay sa ika-27 anibersaryo ng BMP

ako'y nagpupugay sa mga kasaping obrero,
kasaping samahan, staff, at pamunuan nito
ng ating Bukluran ng Manggagawang Pilipino
sa pangdalawampu't pito nitong anibersaryo

nakikibakang tunay bilang uring manggagawa
marubdob ang misyon bilang hukbong mapagpalaya
sadyang matatag sa pagharap sa anumang sigwa
lalo na't bulok na sistema ang sinasagupa

pangarap itayo'y isang makataong lipunan
nilalabanan ang mapagsamantala't gahaman
nakikibaka para sa hustisyang panlipunan
hangad ay pantay na kalagayan sa daigdigan

ninanasa'y isang lipunang walang mga uri
wala ring elitista, asendero't naghahari
isang lipunang walang pribadong pagmamay-ari
magkasangga ang manggagawa, anuman ang lahi

kaya hanggang kamatayan, ako'y inyong kakampi
lalo't kayo'y kasangga ko sa labanang kayrami
di pagagapi, kalagayan man ay anong tindi
tuloy ang laban, sa pakikibaka'y magpursigi

ako'y taaskamao't taospusong nagpupugay
sa B.M.P. na sosyalistang lipunan ang pakay
mabuhay ang B.M.P., mabuhay kayo! mabuhay!
magkapitbisig, ipagwagi ang layuning tunay!

- gregoriovbituinjr.
09.14.2020

Miyerkules, Setyembre 9, 2020

Kung makakatulong ang tula sa pakikibaka

katulad din ng pag-ibig sa bayang tinubuan
at buong pagyakap sa Kartilya ng Katipunan
iwing prinsipyo'y tatanganan at paninindigan
upang kinakatha'y mabasa rin ng kabataan

kung makakatulong ang tula sa pakikibaka
dahil marami o may ilan ditong nagbabasa
itutula ko ang pagsasamantala sa masa
habang nananawagan ng panlipunang hustisya

kung bawat titik at parirala'y magiging tinig
kung bawat taludtod at saknong ay maiparinig
isusulat ang katotohanang nakatutulig
upang manggagawa't maralita'y magkapitbisig

huwag nating hayaang lagi tayong nakalugmok
halina't palitan na natin ang sistemang bulok
pagkat pagsasamantala nga'y nakasusulasok
para sa katarungan ay lumaban nang mapusok

aking itutula ang kalagayan ng dalita
at mga pakikibaka ng uring manggagawa
narito akong alay ang kakayahang tumula
na hanggang sa huling hininga'y kakatha't kakatha

- gregoriovbituinjr.

Martes, Setyembre 8, 2020

Ayokong maging bulag o nagbibingi-bingihan

ayokong maging bulag o nagbibingi-bingihan
sa anumang nangyayaring karahasan sa bayan
kung bawat tula ko'y dapat iambag sa labanan
ay gagawin ko para sa hustisyang panlipunan

iyan ang panata ko sa karapatang pantao
dapat laging iginagalang ang due process of law
isusulat ko ang katiwalian sa gobyerno
at itutula ko ang karahasan ng estado

"Iisa ang pagkatao ng lahat," ang sinabi
ni Gat Emilio Jacinto na dakilang bayani
ang akda niyang Liwanag at Dilim ay sakbibi
ng makatarungang aral na sa kapwa'y may silbi

para sa karapatang pantao'y nakikibaka
kaya nga tinanggap kong maging isang aktibista
kaya kumikilos laban sa pagsasamantala
at pang-aapi ninuman sa karaniwang masa

di pipi ang aking pluma't tinta, magsisiwalat
ito ng kabulukang minsan ay di madalumat
ako'y aktibista't makatang gagawin ang lahat
upang maglantad, magsulat, maglathala, magmulat

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Agosto 20, 2020

Nasa aking dugo ang pagiging Katipunero

nasa aking dugo ang pagiging Katipunero
kaya tinataguyod ang lipunang makatao
at nakikibaka kasama ang dukha't obrero
nang pinaglalaban ay tiyaking maipanalo

ang Kartilya ng Katipunan nga'y sinasabuhay
pati akdang proletaryo'y inaaral ding tunay
"Iisa ang pagkatao ng lahat" ay patnubay
na sinulat ni E. Jacinto upang maging gabay

ako'y makabagong Katipunero't aktibista
aktibong kumikilos tungo sa lipunang nasa
lipunang walang pang-aapi't pagsasamantala
upang tiyaking mabago ang bulok na sistema

ang pagiging Katipunero'y nasa aking dugo
dukha't manggagawa'y kasangga sa tuwa't siphayo
iwing buhay na'y inalay, dugo man ay mabubo
nang lipunang makatao'y tiyaking maitayo

- gregbituinjr.

Miyerkules, Agosto 12, 2020

Planado o palyado ang tugon sa pandemya

planado o palyado ang ginawa sa pandemya?
ito'y katanungan, pagsusuri, o pagtatasa
kung nangyaring pandemya'y nilulutas ba talaga?
pasaway na agad ang gutom na gutom na masa

kapag walang facemask, bigyan ng facemask, di ginawa
hinuli pa't ikinulong ang dukhang walang-wala
imbes doktor, pulis at militar ang nangasiwa
imbes medikal, serbisyong militar ang ginawa

parang War on Drugs na gusto agad nilang matokhang
ang coronavirus na di nakikitang kalaban
subalit imbes na coronavirus ang kalaban
ang mga nakawawa'y karaniwang mamamayan

ang karapatang pantao't dignidad ba'y biktima?
A.B.S.-C.B.N., sinara; hinuli si Ressa
Anti-Terrorism Act ang kanilang ipinasa
at parusang bitay nga'y nais nilang ibalik pa

imbes na free mass testing, sa paglutas ay kinapos
shoot them dead sa pasaway, ang pangulo ang nag-utos
kaya apat na kawal sa Sulu, si Winston Ragos
ay pinaslang, imbes kalaban ay coronavirus

galing sa Wuhan ang COVID-19, oo, sa Tsina
pinagmulan ay di hinarang noong una sana
baka pandemya'y di lumala, ngunit iba pala
pangulo'y nais tayong maging probinsya ng Tsina

planado o palyado, di tayo ang prayoridad
ng administrasyong tila iba ang hinahangad
mabilis sa tokhang, mapagtripan nga'y patay agad
ngunit sa serbisyo sa bayan ay bakit kaykupad?

- gregbituinjr.
08.12.2020

Lunes, Agosto 10, 2020

Alagaan natin ang planetang Earth

paano ba dapat alagaan ang kalikasan
kung asal natin ay magtapon lang kung saan-saan
basura'y nagkalat sa lansangan at karagatan
daigdig nating tahanan ay naging basurahan

anong kinabukasan ang maibibigay natin
sa ating mga anak kung ganito ang gawain
minina pati kabundukan kaya kalbo na rin
at plantang coal ay hinayaang magdumi sa hangin

paano natin inunawa ang ekolohiya
paano naintindihan ang nagbabagong klima
ugali lang ba natin ang dahilan o sistema
paano alagaan ang nag-iisang planeta

sabi ng kapwa aktibista, "There is no Planet B!"
bakit natin sinisira ang planetang sarili
alternatibo na ba ang Mars, sa balita'y sabi
kaya Earth ay hinahayaang kainin ng bwitre

"There is no Planet B!", alagaan ang kalikasan
ito'y pamana natin para sa kinabukasan
huwag gawing basurahan ang Earth nating tahanan
gawin natin ang marapat para sa daigdigan

- gregbituinjr.

Aktibista'y lumalaban sa terorismo

ako'y aktibista, lumalaban sa terorismo
pagkat hangarin ko'y isang lipunang makatao
na karapatan at dignidad ay nirerespeto
at walang pagsasamantala ng tao sa tao

na ang malasakit ay di yaong malas at sakit
di gaya ng ginagawa ng gobyernong malupit
nilalagay ng terorismo ang buhay sa bingit
lalo't terorismo ng estado'y nakagagalit

layunin ng aktibista'y makataong lipunan
kung saan nakikipagkapwa bawat mamamayan
nagpapakatao naman ang buong sambayanan
terorismo't pagsasamantala'y nilalabanan

hangad itayo ng aktibista'y lipunang wasto
at pinaninindigan ang makataong prinsipyo
tinig ng pinagsamantalahang dukha't obrero
kalaban ng mga tiwali, gahaman at tuso

nasa diwa'y aral ng mga bayani ng bayan
isinasapuso ang Kartilya ng Katipunan
papawiin ang pagsasamantala sa lipunan
na pribadong pag-aari'y ugat ng kahirapan

ako'y aktibistang lipunang makatao'y mithi
kaya ugat ng kahirapan ay dapat mapawi
ang pakikipagkapwa sa puso'y nananatili
ang pagpapakatao't dangal ay namamalagi

- gregbituinjr.

Linggo, Agosto 9, 2020

Tula yaong nagpapanatili sa katinuan

tula yaong nagpapanatili sa katinuan
kaya ngayon ay narito't nagsusulat na naman
kung di dahil sa pagtula, walang kinabukasan
baka matuluyan akong tumungong kamatayan

sa panahong kwarantina'y mabuti nang tumula
kaysa naman tumunganga't lagi na lang tulala
nag-iisip paano paunlarin ang Taliba
na pahayagan ng mga kasamang maralita

sulat ng sulat para sa lipunang makatao
upang matiyak din ang ninanasang pagbabago
isulat kahit pagkadapa't dugo'y sumasargo
isulat ang nasa diwa wala man sa huwisyo

ganito sa lockdown, nakakaburyong ngang talaga
subalit patuloy pa ring naglilingkod sa masa
nagpopropaganda pa rin kahit na kwarantina
oo, pagkat iyon ako, makata, aktibista

- gregbituinjr.

Sabado, Agosto 8, 2020

Ako'y aktibista

Ako'y aktibista

ako'y aktibista, kalaban ng mga kriminal
pinaglalaban ang karapatang pantao't dangal
ng kapwa't sambayanan laban sa ganid at hangal
na namumuno sa bayan, lideratong pusakal

hangad naming aktibista'y lipunang makatao
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
na dignidad at wastong proseso'y nirerespeto
at nakikipagkapwa sa bawat isa sa mundo

kaaway kami ng namumunong mapagmalabis
sa pwesto kaya dukha sa hirap na'y nagtitiis
kalaban kami ng mga tuso't gahamang burgis
na magpasasa't tumubo ng limpak lang ang nais

nakikiisa kami sa laban ng manggagawa
kaisa rin kami sa pakikibaka ng dukha
kakapitbisig kami ng hukbong mapagpalaya
upang makamit ng bayan ang asam na ginhawa

ang bayan at ang lipunan ay aming sinusuri
napagnilayan naming ang pribadong pag-aari
ang ugat ng kahirapan, nagpasulpot ng uri,
kaya may mapagsamantala't uring naghahari

ako'y aktibista, na kalaban ng mararahas,
hinahangad naming umiral ang pagiging patas,
karapatan, wastong proseso, lipunang parehas
walang mayaman o mahirap sa harap ng batas

sa pangarap na lipunang makatao'y marubdob
at luklukan ng lumang lipunan ay itataob
habang bulok na sistema'y sa putik isusubsob
habang lilipulin naman ang masasamang loob

aming itatayo'y isang makataong lipunan
na walang inaapi't pinagsasamantalahan
itatayo ang gobyernong walang katiwalian
at pakikipagkapwa ang panuntunan ng bayan

- gregbituinjr.
08.08.2020

Nilay sa paglisan

Nilay sa paglisan

para lamang akong naghihintay ng kamatayan
doon sa malayong lugar na animo'y himlayan
tila ba yaon ay sementeryo na't pahingahan
payapang-payapa, malayo sa anumang laban
di ganito ang buhay at kamatayan kong asam

mamamatay lang ba ako sa sakit na natalos?
o mamatay akong sa noo'y may balang tumagos?
gayong nakibaka sa anumang pambubusabos
gayong sa bulok na sistema'y nakikipagtuos
at pinaglaban ang dignidad ng kapwa hikahos

nais kong mamatay sa laban, sa pakikibaka
di sa payapang lugar na buhay mo'y binalasa
nais kong mamatay, di sa sakit, kundi sa bala,
na nakibaka para sa panlipunang hustisya,
na ginawa ang layon para sa obrero't masa

sana'y matupad ang kamatayan kong ninanais
at nasa aktwal na laban pag tuluyang nagahis
tiyaking sapol, nang di na mabuhay pagkat daplis,
na ako'y aktibistang nakibakang labis-labis
na ang makata'y naglingkod sa kabila ng hapis

sinong makapagsasabing paano ba mamatay?
sinong magsasabing paano ako mamamatay?
kundi ang taong sasadyain kang kitlan ng buhay
kung anuman ang mangyari, saanman humandusay
nawa'y ilibing ng maayos ang iwi kong bangkay

- gregbituinjr.
08.08.2020

Biyernes, Agosto 7, 2020

Tibak sa gabay ng Kartilya ng Katipunan

"Ang buhay na hindi ginugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim kundi man damong makamandag." ~ unang taludtod ng Kartilya ng Katipunan


tibak akong nabubuhay sa gabay ng Kartilya

ng Katipunan at kumikilos para sa masa

na ipinaglalaban ang panlipunang hustisya

asam na ginhawa'y kamtin ng bayang umaasa


ayokong matulad lang sa kahoy na walang lilim

na iwing buhay nga'y payapa ngunit naninimdim

ako'y aktibista, abutin man ng takipsilim

kumikilos kaharapin man ay ubod ng talim


pariralang "Iisa ang pagkatao ng lahat!"

ay mula kay Gat Emilio Jacinto na sumulat

ng akdang Liwanag at Dilim na sadyang nagmulat

sa akin at sa iba nang ito'y aming mabuklat


kaya ang pagtatayo ng lipunang makatao

ay pangarap na ipinaglalaban ng tulad ko

sino bang di kikilos kung pangarap mo'y ganito

na walang pagsasamantala ng tao sa tao


kaya buhay ko'y laan na sa marangal na layon

kaya sosyalismo ni Jacinto'y ginawang misyon

sakali mang tumungo sa madugong rebolusyon

ay masaya na akong mamamatay kahit ngayon


- gregbituinjr. 

Oo, kaming aktibista'y mapang-usig

 oo, mga aktibistang tulad ko'y mapang-usig

lumalaban upang mapagsamantala'y malupig

nakikibaka upang hibik ng api'y marinig

sa manggagawa't dukha'y nakikipagkapitbisig


inuusig namin ang paglabag sa karapatan

at mga pagyurak sa dignidad ng mamamayan

nakikibaka para sa hustisyang panlipunan

lumalaban sa mga kapitalistang gahaman


hangad naming itayo ang lipunang makatao

na walang pagsasamantala ng tao sa tao

na karapatan at dignidad ay niterespeto

na ginagalang ang due process o wastong proseso


nakikibaka laban sa pribadong pag-aari

pagkat ugat ng kahirapan at pang-aaglahi

inuusig ang mga mapang-api't naghahari

at nilalabanan ang mapagsamantalang uri


oo, kaming mga aktibista'y tinig ng dukha

nakikibakang kakampi ng uring manggagawa

kaming tibak na kawal ng hukbong mapagpalaya

upang makamit ng bayan ang asam na ginhawa


- gregbituinjr.

Linggo, Agosto 2, 2020

Ang pinakamalaking banta sa ating planeta

ANG PINAKAMALAKING BANTA SA ATING PLANETA

"The biggest threat to our planet is believing that someone else will save it." - Robert Swan

tayo na'y dapat kumilos para sa kalikasan
gawin anong nararapat para sa daigdigan
huwag gawing basurahan ang lupa't karagatan
huwag iasa sa iba kung kaya natin iyan

ang pinakamalaking banta raw sa ating mundo
ay isiping sasagipin ito ng ibang tao
o ibang nilalang, hindi ikaw, o hindi ako;
ang dapat kumilos para sa ating mundo'y tayo

isipin anong magagawa, sa kapwa, sa kapos
makipagkaisa, magkapitbisig, at kumilos
magtulungan upang mundong ito'y maisaayos
kaya huwag na tayong maghintay ng manunubos

ayon sa manlalakbay at may-akdang si Robert Swan
ang pinakamalaking banta sa sangkalupaan
ay ang isiping may iba namang sasagip diyan
maghintay ng bathalang sasagip sa daigdigan

kung may magagawa tayo upang mundo'y sagipin
huwag nang umasa sa iba, pagtulungan natin
walang aasahang manunubos na di darating
sinabing yaon ni Robert Swan ay ating isipin

- gregbituinjr.

ROBERT SWAN, OBE Robert Swan has earned his place alongside the greatest explorers in history by being the first person to walk to both the North and South Poles. In recognition of his life's work, Her Majesty the Queen awarded him the high distinction of OBE, Officer of the Order of the British Empire and the Polar Medal.
* Swan is also the founder of 2041, a company which is dedicated to the preservation of the Antarctic and the author with Gil Reavill of Antarctica 2041: My Quest to Save the Earth's Last Wilderness.

Biyernes, Hulyo 31, 2020

Bukrebyu: How Much Land Does A Man Need, ni Leo Tolstoy

BUKREBYU
How Much Land Does A Man Need by Leo Tolstoy
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nabili ko ang aklat na “How Much Land Does A Man Need” ni Leo Tolstoy sa Fully Booked sa Gateway, Cubao, noong Pebrero 24, 2018 sa halagang P80.00. Isinalin ito sa Ingles, mula sa Ruso, ni Ronald Wilks. Ang aklat na iyon ang ika-57 aklat sa kabuuang 80 aklat ng Penguin Classics. Umabot ang aklat ng 64 pahina, na may dalawang maikling kwento. Ang una nga ay ang nabanggit ko, na may 21 pahina, at ang ikalawa’y ang What Men Live By, na akda rin ni Tolstoy, na umaabot naman ng 31 pahina, mula mp. 23-53.

Ang kwento ay binubuo ng siyam na kabanata. Ang bida rito ay si Pakhom, isang magsasakang naghangad magkaroon ng maraming lupain.

Noong panahong iyon, nagpasya ang isang kasera sa nayon na ibenta ang kanyang mga ari-arian, at ang mga magsasaka roon ay bumili ng halos lahat ng lupaing kaya nilang bilhin. Si Pakhom mismo ay bumili ng ilang lupain, at sa pamamagitan ng pagtatrabaho ay nabayaran niya ang kanyang mga utang at nabuhay ng komportable. Pumunta pa siya ng ibang lupain upang bumili pa ng mas maraming lupain. Paniwala niya, pag marami siyang lupain, hindi na siya matatakot sa demonyo.

Hanggang makilala ni Pakhom ang mga Bashkirs, na mga simpleng tao lang na maraming lupain.  Nais niyang bilhin ang lupa ng mga ito. Sa halagang isang libong rubles, lalakarin ni Pakhom ang lupa mula sa simula o tinatapakan niya hanggang makarating muli sa simula bago magtakipsilim, at ang mga naabot niya ang kanyang magiging lupain. Subalit pag hindi siya nakarating sa simula bago magtakipsilim, mawawala na ang kanyang pera’t hindi magkakaroon ng lupa. Kaya naglakad siya hangga’t kaya niya. Nang dapithapon na’y nagmadali siya upang makaabot sa pinagsimulan niya. Subalit sa kanyang pagod, siya’y tumumba’t namatay. Inilibing siya ng kanyang mga kaibigan sa isang libingang may anim na talampakan, na siyang sagot sa katanungang binanggit sa pamagat ng kwento.

Isa ito sa mga sikat na akda ni Tolstoy. At kung may pagkakataon ay isasalin ko ito sa wikang Filipino upang mas mabasa ng nakararami pa nating kababayan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-31, 2020, pahina 16.
* Nalathala rin sa isyung ito ng Taliba ng Maralita, pahina 20, ang tulang: 

Gaano karaming lupa ang kailangan ng tao?

pamagat pa lang ng aklat, nakakaintriga na
anong sagot sa tanong? ito ba'y pilosopiya?
"How much land does a man need?" ay pamagat at tanong pa
na magandang akda ni Leo Tolstoy mula Rusya

tanong bang ito'y tungkol sa pribadong pag-aari?
ilang lupa ang dapat mong ariin kung sakali?
libu-libong ektarya ba sa puso mo'y masidhi?
dahil ba sa lupa kaya maraming naghahari?

ilan bang lupa ang kailangan ng isang tao?
bibilhin? aagawin? palalagyan ng titulo?
pinalalayas ba ang dukha para sa negosyo?
at kapag yumaman na, sa pulitika'y tatakbo?

di ko pa tapos basahin ang nobela ni Tolstoy
sa pamagat pa lang, mapapaisip ka na tuloy
ilan na bang dahil sa lupa'y lumuha't nanaghoy?
ilan ang naging playboy, ilan ang naging palaboy?

pag wala ka bang lupa, ang buhay mo na'y hilahod?
kaya pribadong pag-aari'y itinataguyod?
ideyang pyudal? magkalupa ba'y nakalulugod?
o lupa'y kailangan mo sa libingan mo't puntod?

- gregbituinjr.
04.29.2020