Miyerkules, Abril 29, 2020

Bukrebyu: Ang aklat na "Lenin's Last Struggle"


BUKREBYU: 
Ang aklat na “Lenin’s Last Struggle”
ni Greg Bituin Jr.

Nang makita ko ang aklat na "Lenin's Last Struggle" sa Book Ends Book Shop sa Lungsod ng Baguio noong Hulyo 2019, agad akong nanghiram ng pera kay misis upang mabili ang aklat sa halagang P120.00. Sabi ko agad sa aking sarili, hindi maaaring mawala sa koleksyon ko ang aklat na iyon. Orihinal palang nasulat iyon ng awtor na si Moshe Lewin sa wikang Pranses, at isinalin naman iyon sa Ingles ni A. M. Sheridan-Smith.

Bilang aktibista't Leninista, nais kong mabasa agad ang 193-pahinang aklat na iyon. May sampung kabanata mula pahina 3 hanggang 141, at may sampung appendixes mula pahina 143-176. Ang biographical note ay mula pahina 177 hanggang 182, at index mula pahina 183 hanggang 193.

Inilarawan ni Lewin sa aklat ang mga pangyayaring kinaharap noon ni Lenin sa huling panahon ng kanyang buhay, at pagkakamali tungkol kay Joseph Stalin. 

Tinalakay din ni Lewin ng mahaba-haba ang pagsusuri sa tinatawag na "Testamento" ni Lenin, na isang dokumentong nagtatasa o isang pagsusuri sa mga taong maliwanag na nakikita ni Lenin na sa hinaharap ay magiging magagaling na mga pinuno ng bansa.

Tinapos ni Lewin ang aklat na sa pagninilay, na may mga ilang dokumentaryong batayan, kung ano kaya ang maaaring nangyari sa Unyong Sobyet kung hindi agad namatay si Lenin.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 16-30, 2020, pahina 18.

Huwebes, Abril 23, 2020

Unang pantigan bilang bagong eksperimentasyon ko sa pagtula


UNANG PANTIGAN BILANG BAGONG EKSPERIMENTASYON KO SA PAGTULA
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa panahon ng kawarantina, ayokong maging tambay lang sa bahay. Kaya nagsagawa ako ng eksperimentasyon sa pagtula. Nakagawian ko nang gawin ang estilong akrostika, o yaong mga tulang may ibig sabihin ang unang titik ng bawat taludtod, o pag binasa mo pababa ang unang letra ng bawat taludtod ay may lalabas na salita, parirala o pangungusap. Tulad ng tula ko sa Earth Day 2020, na ang unang titik ng bawat taludtod pag binasa mo ay Earth Day, at sa Soneto sa Pamamaslang na ang nakatagong mensahe'y sa anyong akrostika. 

Tula sa Earth Day 2020

Earth Day, ating ipagbunyi ang Araw ng Daigdig
Alagaan ang kalikasan at magkapitbisig
Ritmo ng kalupaan ay iyo bang naririnig?
Tao raw ang sumira't tao rin ang nayayanig
Halina't dinggin ang kalikasang bahaw ang tinig.

Dumi sa paligid, basura sa laot at tuktok
Ang upos, plastik at polusyong nakasusulasok
Yinari ng taong siya ring lulutas, lalahok.

- gregbituinjr.
04.22.2020

SONETO SA MAMAMASLANG

May araw din kayong pumapaslang ng inosente
Ang tulad nyo'y berdugong sayang-saya sa punebre
Yumurak sa buhay ng kapwa't nangamoy asupre

Ang ginawa ninyong sindak ay higit pa sa aswang
Rimarim ang idinulot sa laksang mamamayan
Astang sumisingasing na halimaw at tikbalang
Walang budhi't ang ginawa'y walang kapatawaran

Diyata't kayo'y uhaw sa dugo, uhaw sa dugo!
Iyang pinaggagawa'y kawalan ng budhi't puso
Na wala nang katarungan ay basag pa ang bungo

Karapatan at buhay ay sinabuyan ng putik
Ah, balang araw, babagsak din kayong mga lintik
Yayanigin din kayo ng budhing di matahimik
O dapat lang kaming sa poon ninyo'y maghimagsik!

- gregbituinjr.
02.26.2020

Higit isang dekada na ang nakalipas nang mag-eksperimento ako sa pagtula, at nilikha ko ang siyampituhan. May siyam na pantig bawat taludtod sa kalahating soneto, o pitong taludtod. Siyam-pito, siyam na pantig sa pitong taludtod, na hinati ko pa sa dalawang bahagi. Ang unang apat na taludtod ang problema o tesis, at ang huling tatlong taludtod ang solusyon o kongklusyon. May pag-uulit ng salita bagamat nag-iiba ang gamit sa una't huling taludtod. Inilathala ko ang una kong aklat ng siyampituhan sa aklat na pinamagatang Mga Sugat sa Kalamnan, Katipunan ng 150 Tulang Siyampituhan. Tingnan natin ang halimbawa ng tulang siyampituhan.

HABILIN

Nawa'y itanim itong labi
Kaypait man buhay kong iwi
Upang diwa ko'y manatili
Sa mga kapatid sa uri.
Mamamatay akong may puri
Pagbigyan ang hiling kong iwi
Na itanim ang aking labi.

- gregbituinjr.
11.18.2008

USAPANG ISDA

Usapan ng isda sa dagat
Dapat daw sila na'y mamulat
Magpapahuli ba sa lambat?
O sa mga pain kakagat?
Pating ba ang dapat mabundat?
O taong sa buhay ay salat?
Ito ang usapan sa dagat.

- gregbituinjr.
11.18.2008

Kahit ang pagsusulat ng soneto'y may eksperimentasyon, tulad ng ginawa kong taludturang 2-3-4-3-2 sa limang saknong o dalawang taludtod sa una at ikalimang saknong, tatlong taludtod sa ikalawa at ikaapat na saknong, at apat na taludtod sa ikatlong saknong. Halimbawa:

Nais kong magtanim ng puno upang may mapitas
(taludturang 2-3-4-3-2)

nais kong magtanim ng puno upang may mapitas
nang sa gayon ang pamilya'y may makakaing prutas

simulan nating bungkalin ang lupang pagtatamnan
ng iwing pag-ibig sa ating lupang tinubuan
nang magbunga ito ng mabubuting mamamayan

ang lupang tinubuang dinilig ng luha't dugo
kaya dapat ibunga'y namumunong matitino
at itanim ang binhing may ginhawang mabubuo
na ibubunga'y kapayapaa't pagkakasundo

itanim ang punong may prinsipyong makatutulong
na di kayang tibagin ng sinumang tuso't buhong
nang asam na makataong lipunan ay yumabong

itanim ang magbubunga ng masarap na prutas
upang mga kakain ay lumusog at lumakas

- gregbituinjr.
02.11.2020

Soneto sa dukha
(taludturang 2-3-4-3-2)

tinuturing kayong iskwater sa sariling bayan
sapagkat dukhang walang sariling lupa't tahanan

kaya tinataboy kayong animo'y mga daga
ng naghahari-harian at masisibang pusa
wala kasi kayong pribadong pag-aari, wala

dangal ng burgesya'y nasa pribadong pag-aari
yaman ng uring elitista'y pinagmamapuri
tuklasin mo, maralita, bakit may naghahari
pribadong pag-aari ang sanhi bakit may uri

suriin mo't pag-aralan ang takbo ng sistema
ng lipunang animo'y may totoong demokrasya
na paraan ng kapital upang magsamantala

maralita, di ka iskwater sa sariling bayan
lumaban ka't itayo ang makataong lipunan

- gregbituinjr.
02.11.2020

Nitong Abril 17, 2020, habang tangan ko ang Diksyunaryong Filipino-Filipino, na inedit ni Ofelia E. Concepcion,  naisipan kong magkaroon din ng inobasyon sa aking mga ginagawa. Dito na nagsimula ang estilong unang pantigan sa pagtula. Ito yaong mga salitang magkakapareho ang unang pantig sa bawat taludtod. Tatlong tula ang nagawa ko sa araw na iyon batay sa estilong unang pantigan.

Hinalaw ko ang mga salita sa pagtitig ko sa mga pahina ng nasabing diksyunaryo. Inilista ko ang mga nakita kong salitang may magkakapareho ng unang pantig.

Panibagong eksperimentasyon sa pagtula. Tinawag ko ang estilo ng tula na unang pantigan, dahil pare-pareho ang unang pantig ng bawat taludtod. Sumunod ay nakagawa rin ako ng dalawang pantigan naman sa bawat taludtod.

Sinusunod ko pa rin ang tugma't sukat na tradisyon sa pagtula. Dahil naniniwala akong mas paniniwalaan ng tao o mambabasa na pinagtiyagaan mo, pinagsikapan at pinaghirapan mo ang tula pagkat may tugma't sukat. Subalit hindi ko naman pinupuna yaong mga nagmamalayang taludturan, dahil doon din naman ako nagsimula.

Nang sumapit ang World Creativity and Innovation Day nitong Abril 21, 2020, nasundan pa ang tatlong tulang unang pantigan na nalikha ko noong Abril 17, 2020. Araw ng Pagkamalikhain at Inobasyon ang araw na iyon, kaya dapat ipagpatuloy ko ang paggawa ng mga tulang unang pantigan.

Naririto ang mga unang halimbawa ko ng unang pantigan.

GARAPALAN NA ANG NANGYAYARING KATIWALIAN

I
Garapalan na ang nangyayaring katiwalian
Gahaman at tuso'y napaupo sa katungkulan
Ganid na pawang pahirap sa laksang mamamayan
Garapata silang nasa likod ni Kalakian
Garote'y dapat sa tulad nilang taksil sa bayan

II
Gawa ng magulang upang anak ay di bumagsak
Gagapang upang mapagtapos lang ang mga anak
Garantiyang pag napagtapos ay labis ang galak
Ganansyang may kinabukasan, di naging bulagsak
Gantimpala na itong nagbunga rin ang pinitak

III
Gaygayin ang laot tungo sa pulo ng mabuti
Gaod sa balsa'y gamitin mong wasto't magpursigi
Gampanan ang misyon habang bawat mali'y iwaksi
Gagayak tungo sa islang walang mga salbahe
Galak ang madarama sapagkat wala ring peste

IV
Garalgal na ang pananalita't di makangawa
Garil ang tinig sa isyu't problemang di humupa
Gamol man siyang laging sakbibi ng dusa't luha
Gatla sa noo'y tandang marami pang magagawa
Gawin lagi sa kapwa kung anong mabuti't tama

- gregbituinjr.
04.17.2020

GILIW, IKAW ANG MUTYA NIRING PUSONG SUMISINTA

Giliw, ikaw ang mutya niring pusong sumisinta
Gitling man ay di namagitan sa ating dalawa
Giikin natin ang palay nang may buong pag-asa
Gilik sa palay ay iwasang mangati sa paa

Gipit man ngayon ay patuloy kitang nagsisikap
Giti man ang pawis sa noo'y laging nangangarap
Gitata sa sipag nang kaalwanan ay malasap
Ginhawang anong ilap ay atin ding mahahanap

Giray-giray man sa daan, tutupdin ang pangako
Giyagis man ng hirap ay di rin tayo susuko
Giwang sa adhika'y suriin nang di masiphayo
Ginisang anong sarap ay atin ding maluluto

Gising ang diwang di payag mapagsamantalahan
Giting ng bawat bayani'y kailangan ng bayan
Giit natin lagi'y wastong proseso't karapatan
Gibik na kamtin ng masa'y hustisyang panlipunan

- gregbituinjr.
04.17.2020

GUNAM-GUNAMIN MO ANG SAKIT NA KASUMPA-SUMPA

Gunam-gunamin mo ang sakit na kasumpa-sumpa
Gustong madalumat pagkat di iyon matingkala
Guniguni'y tila baga may asam na adhika
Gugulin ay di na mawari pagkat walang-wala

Gutom at di makapagtrabaho ang nangyayari
Gugupuin ang kalusugan nating di mawari
Gulo ito kung namumuno'y tila walang silbi
Gutay-gutay na pamumuhay sa dusa'y sakbibi

Guhong mga pangarap sa dibdib na'y halukipkip
Gubat na ang lungsod na animo'y di na malirip
Gunggong ang tusong trapong sarili lang ang inisip
Guwang sa polisiya nila'y ating nahahagip

Gulat man ang masa sa sakit na nananalasa
Gulantang man ang bayan sa biglaang kwarantina
Gulilat man tayo sa aksyon ng trapong paasa
Gusot ay maaayos pag nalutas ang pandemya

- gregbituinjr.
04.17.2020

TALUKTOK AY NAAABOT DIN NG PAKIKIBAKA

talahulugan ay magandang gawin nating gabay
talasalitaan ay gamitin sa tagulaylay
talata o saknong man ay may akibat na lumbay
talastas mo dapat ang paksang iyong naninilay

talindaw ang katha habang bumabaybay sa ilog
talinghaga sa bawat saknong ay damhin mo, irog
talino'y linangin sa mga tulang maalindog
taliwas man sa burgesya'y panindigan ang handog

talos mo naman bakit tinalakay mo ang isyu
talop na talop mo ang buong paksa hanggang dulo
talo man sa debate, isyu'y nalaman ng tao
talon man sila sa tuwa, tumindig kang totoo

talumpati'y atake man sa bulok na sistema
taludtod mo'y patama man sa sukab na burgesya
talukod ka sa sambayanang laging may pag-asa
taluktok ay naaabot din ng nakikibaka

- gregbituinjr.
04.21.2020

ANG TAGPO'Y TAGPOS MAN SA TAKDANG PANAHON

tagaktak ang pawis sa bawat niyang pagpunyagi
tagal man ng kwarantina'y di nagpapaduhagi
tagas sa gripo'y papasakang may pagmamadali
tagasaan man ay laging nagbabakasakali

tagistis ang pawis sa pagsisipag nilang todo
tagilid kasi ang kabuhayang walang trabaho
tagibang habang iniisip ang kasunod nito
tagisan muna tayo sa paglaro ng sudoku

tagunton ang nililikha ng makata ng buhay
tagulaylay ang kinakatha habang nagninilay
taguyod ang panitikang may mga akdang lantay
taguri sa makata'y isang libo't isang panday

tagpong kung di matingkala'y baka di makaahon
tagpos man o sadyang lampas na sa takdang panahon

- gregbituinjr.
04.21.2020

KULIMLIM NA ANG LANGIT SA KATANGHALIANG TAPAT

kulimlim na ang langit sa katanghaliang tapat
kuliglig ba'y dinig ko o tulog pa silang lahat?
kulisap na iba't iba'y naroroong nagkalat
kulit ni bunsong di mapakali'y saan nagbuhat?

kulog at kidlat animo'y naglampungan sa langit
kulob sa munting dampang munting kibot lalangitngit
kulong pa sa dampa pagkat kwarantina'y naulit
kulo pa ang tiyan, sana'y di naman magkasakit

kulang pa ba sa pamilya ang rasyong ibinigay?
kulata pa'y aabutin pag lumabas ng bahay
kulaba sa mata'y tila lumaki't nangangalay
kulag at gutom pa'y dama, buti't di nangingisa

kulti ang tawag sa pabrika ng balat ng hayop
kultibasyon ba'y tinitiyak upang magkasalop?
kulto sana'y tigilan ang pagsipsip at pagsupsop
kultura'y ating linangin nang di basta masakop

- gregbituinjr.
04.22.2020 (Earth Day)

PAGSIPAT SA APAT NA KWENTO NGAYONG UMAGA

kumakain na lang dalawang beses isang araw
kumakayod pa rin sa kabila ng pamamanglaw
kumakanta't tutugtog sa youtube kahit mababaw
kumakasa na't sana'y tanggapin, hataw ng hataw

kumindat ang mutyang diwatang kaysarap ng ngiti
kumisig ba ang binatang nagbabakasakali
kumisap ang ningning sa mata't ngiti'y namutawi
kumilos siya't masagot na, agad magmadali

kumulo na ang tiyan, walang laman ang sikmura
kumurot sa puso ang anak na nagugutom na
kumulimlim na naman ang langit ngayong umaga
kumusta na kaya ang nasa malayong pamilya

kumpunihin ko man ang mga sira't magbutingting
kumpulan ay bawal din, dapat may social distancing
kumpas ng kamay nawa'y suriin ng magagaling
kumpay para sa alaga ko sana'y makarating

- gregbituinjr.
04.23.2020

Narito naman ang mga unang halimbawa ko ng dalawang pantigang magkakapareho.

KASABIHAN, KASAYSAYAN, KASARINLAN

kasalukuyan ngang mayroon pa ring COVID-19
kasador o mangangaso'y hanap din ay pagkain
kasado rin tayong kumilos upang di gutumin
kasaba man, kamote o talbos lang ang kainin

kasama, patuloy tayong makibaka't kumilos
kasapi tayo nitong lipunang binubusabos
kasali man o hindi'y kayraming naghihikahos
kasangkot tayo sa bayan nating dapat matubos

kasalanan sa bayan ang ganid na paghahari
kasakiman nila sa tubo'y pinananatili
kasagwaang pagyakap sa pribadong pag-aari
kasayahan sa tuso't mapagsamantalang uri

kasabihan nga'y tuloy pa rin ang pakikibaka
kasabayan man o hindi, tayo'y may ninanasa
kasarinlan sa pang-aapi't pagsasamantala
kasaysayang ang nagbuo'y ang pagkilos ng masa

- gregbituinjr.
04.22.2020 (Earth Day)

Kung sakali mang makalikha ako ng isangdaang tulang unang pantigan, sa palagay ko'y dapat ko na itong isaaklat, lalo na kung magagawa ko ngayong taon, sa Disyembre 2020 ang paglulunsad ng unang aklat ng koleksyon ng mga tulang pantigan.

Maraming salamat. Mabuhay kayo!

Soneto: Kapit sa Patalim

Soneto: Kapit sa Patalim

Kwarantina'y higit isang buwan na, walang kita
Ano na bang dapat gawin, tutunganga na lang ba?
Paano na kami kung patuloy ang kwarantina?
Inipong pera'y ubos na, tibuyo'y bubuksan na?

Tibuyo'y may kaunting barya, walang limang daan
Saan ito aabot kung lockdown pa'y isang buwan?
Ang hirap ng baon sa utang na di mabayaran
Pati yata puri'y baka maibentang tuluyan.

Alalay mula sa gobyerno'y sadya namang kapos
Tunay na sa sampung milyong tao, ayuda'y ubos
Ang daming kakapit sa patalim, walang panustos
Lumalalang sitwasyon ba'y kailan matatapos?

Isiping maigi ang solusyon at magmadali
Magbayanihan tayo'y nawa'y wala nang masawi.

- gregbituinjr.
04.23.2020

Pagsipat sa apat na kwento ngayong umaga

PAGSIPAT SA APAT NA KWENTO NGAYONG UMAGA

kumakain na lang dalawang beses isang araw
kumakayod pa rin sa kabila ng pamamanglaw
kumakanta't tutugtog sa youtube kahit mababaw
kumakasa na't sana'y tanggapin, hataw ng hataw

kumindat ang mutyang diwatang kaysarap ng ngiti
kumisig ba ang binatang nagbabakasakali
kumisap ang ningning sa mata't ngiti'y namutawi
kumilos siya't masagot na, agad magmadali

kumulo na ang tiyan, walang laman ang sikmura
kumurot sa puso ang anak na nagugutom na
kumulimlim na naman ang langit ngayong umaga
kumusta na kaya ang nasa malayong pamilya

kumpunihin ko man ang mga sira't magbutingting
kumpulan ay bawal din, dapat may social distancing
kumpas ng kamay nawa'y suriin ng magagaling
kumpay para sa alaga ko sana'y makarating

- gregbituinjr.
04.23.2020

Miyerkules, Abril 22, 2020

Pagpupugay sa ika-150 kaarawan ni Vladimir Ilyich Lenin

Pagpupugay sa ika-150 kaarawan ni Vladimir Ilyich Lenin
(Abril 22, 1970 - Enero 21, 1924)

sa pangsandaan limampung kaarawan ni Lenin
halina't siyang taas-kamaong batiin
tunay siyang inspirasyon ng rebolusyon natin
pinuno ng Bolshevik, bayaning tunay, magiting

mga aral niya't sulatin ay ating balikan
kunan natin ng aral ang kanilang kasaysayan
paano nanalo sa Tsar at mga gahaman?
anong niyakap nilang prinsipyo't paninindigan?

nagtagumpay sila kasama ang obrero't masa
dahil sa kanya, ang prinsipyo'y di na lang Marxista
Marxismo'y sinabuhay, pinaunlad ang teorya
kaya yumakap doon ay Marxista- Leninista

mabuhay ka, Vladimir Lenin, mabuhay! Mabuhay!
inorganisa'y Bolshevik, proletaryo'y kaugnay
para sa uring manggagawa, buhay ay inalay
sa iyong kaarawan, taospusong pagpupugay!

- gregbituinjr.
04.22.2020

Linggo, Abril 19, 2020

Agogo

AGOGO

marami kaming ang kariktan mo'y pinanonood
paggiling ng iyong katawan ay nakalulugod
sa patay-sinding kabaret nawawala ang pagod
sinasambang diwata sa kagubatan ng lungsod
kariktan mo'y sinisipat sa pagitan ng tuhod

tinadtad mo na ng kolorete ang iyong mukha
di ka na makilala kung talagang sino ka nga
habang kami sa paggiling mo'y napapatunganga
habang iba'y naglalaway, iba'y natutulala
sa pag-inom ng serbesa'y napapa-"isa pa nga"

uuwi din matapos iyon, babalik sa dati
pusikit ang karimlan, mananahimik ang gabi
maliligo't tatanggalin ang laksang kolorete
paggising, bibilangin ang kinita't pamasahe
sa pamilya'y may limang kilong bigas na pambili

ganoon ang buhay, kakahig upang may matuka
sisingilin muli ng kasera't mukhang kawawa
malapit na naman ang gabi, siya'y maghahanda
maglalagay ding muli ng kolorete sa mukha
sa kabaret na iyon, siya ang tinitingala

- gregbituinjr.

Sa panahon ngayon, Estremelenggoles

Sa panahon ngayon, Estremelenggoles

Estremelenggoles, nananalasa na ang salot
Sa panahon ng COVID-19, ang tao'y hilakbot
Takot sa kalabang di makita't saan susulpot
Ramdam ang pangamba sa sakit nitong dinudulot

Ewan ba natin bakit ang mundo'y nagkaganito
Makatang Rio Alma'y tinula na noon ito
Estremelenggoles, pamagat ng tula ni Rio
Laman ng istorya'y salot, COVID ang kapareho

Enactment ba ang kanyang tula sa nangyari ngayon
Nananalasa ang salot at pumatay ng milyon
Gawa'y nag-atas sa lahat ng manggagamot noon
Gumamot, maghanap ng lunas sa salot na iyon

O, anong nangyari? Ang sakit ay di rin nagapi
Lunas ay wala rin, buhay ng milyon ay naputi
Estremelenggoles at biglang nagbigti ang hari
Salot ay nawala, at buong bayan ay nagbunyi!

- gregbituinjr.

* Maraming salamat kay Rio Alma pagkat ang kanyang tulang Estremelenggoles ay kailangan ngayon ng mundo at magandang pamawi ng panglaw na dulot ng COVID-19.

Ang proletaryo

Ang proletaryo

Proletaryo, tunay kayong hukbong mapagpalaya
Rebolusyonaryo para sa uring manggagawa
Organisador ng uri't mapagpalayang diwa
Laban sa mapagsamantala't burgesyang kuhila
Edukador upang bulok na sistema'y mawala
Tungo sa lipunang pagkakapantay ang adhika
Ating pasalamatan ang proletaryong dakila
Ramdam na pag nagkapitbisig kayo'y may paglaya
Yinari ninyo'y dangal at ekonomya ng bansa
O, proletaryo, sa kamay ny'o mundo'y pinagpala

- gregbituinjr.

Ang propitaryo

Ang propitaryo

Propitaryo, profit o tubo'y laging isip nito
Rimarim na uri na yakap ay kapitalismo
O kaya'y pinagpala lang daw sila't may negosyo
Pulos sarili'y nasa isip, di magpakatao
Isip lagi'y paano iisahan ang obrero
Tubo lang umiikot ang puso ng propitaryo
At pag di nila kauri'y hampaslupa ang trato
Ramdam lagi'y nanakawan ang tulad nilang tuso
Yamang sa salapi't tubo ang isip nakasentro
Oo, sila'y balakid sa lipunang makatao

- gregbituinjr.

Lunes, Abril 13, 2020

Ang Manggahan Low Rise Building Project sa Pasig


Ang Manggahan Low Rise Building Project sa Pasig
Saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Sa isang blog ay tinalakay ng dalawang babaeng awtor ang tungkol sa Manggahan Low Rise Building Project na umano'y isang climate-resilient na gusali. Ibig sabihin, matatag na itinayo ang gusali anumang klima pa ang magdaan, tulad ng matinding bagyo at pagtaas ng tubig. Halina't hanguan natin ng aral ang kwentong ito.

Ipinaliwanag ito nina Talia Chorover and Jessica Arriens sa kanilang artikulong pinamagatang "Faced with Forced Relocation, the People of One Philippine City Designed Their Own Climate-resilient Neighborhood" na nalathala sa kanilang blog noong Enero 6, 2020.

Nang tumama ang Bagyong Ondoy sa Pilipinas noong 2009, 40,000 katao ang nakatira sa mga iskwater, tulad ng Manggahan Floodway, isang artipisyal na daanan ng tubig na itinayo upang mabawasan ang peligro ng baha. Nagtapon ng isang buwang dami ng tubig ang bagyong Ondoy sa ilang oras lamang. Biglaan. Maraming nawalang buhay at ari-arian.

Matapos nito, nagpasya ang pamahalaan na alisin agad ang mga nakatira sa danger zones, at nagbanta ang mga awtoridad na wasakin ang mga bahay ng mga taong ayaw umalis. 

Kaya nabuo bilang tugon ang Alliance of Peoples’ Organizations Along Manggahan Floodway (APOAMF). Ipinaglaban nila ang karapatan ng mga pamilya sa pabahay at lupain, at manatili sa kanilang lungsod.

Noong 2010, inilunsad ng APOAMF ang People’s Plan, isang prosesong nakabatay sa partisipasyon ng maralita na bumuo ng alternatibong pabahay. Pinayagan ng plano ang mga residente ng Manggahan na magplano ng isang bagong anyo ng pabahay na hindi malayo sa kanilang komunidad.

Nakipagtulungan ang mga residente sa isang arkitekto at sa lokal at pambansang mga opisyal ng gobyerno para sa lokasyon at disenyo, na nakapwesto sa lugar na mababawasan ang peligro sa pagbaha. Nagtatampok ito ng mga matitibay na materyales, makapal na dingding at kisame, nakataas na tangke ng tubig, at estratehikong paglagay ng mga istraktura upang matatag na nakatayo pa rin kahit sa matinding pagbaha o bagyo.

Nakipag-usap ang APOAMF sa gobyerno at itinaguyod nila ang kanilang plano sa lokal, pambansa at internasyonal na antas bago nila opiyal na lagdaan ang kasunduan. Nagsimula ang konstruksyon noong 2017. Kapag nakumpleto, dapat ang proyekto’y magkaroon ng kabuuang 15 mga gusali na may 900 mga yunit, o 60 yunit bawat gusali. Sa ngayon, 480 na pamilya na ang nakalipat sa mga rent-to-own na mga apartment.

Habang binibigyan nito ng pagkakataon ang maraming pamilya na manatili sa Lungsod ng Pasig, di nito kayang mapagbigyan ang lahat. Lalo na't maraming tao na ang nailipat sa mga lugar na higit isang oras ang layo. Gayunpaman marami pa rin ang maaaring matutunan ng ibang mga komunidad mula sa proyekto. Nabanggit ng dalawang awtor sa kanilang artikulo ang  Global Commission on Adaptation’s Action Tracks on Cities and Locally Led Action, na maganda rin na ating alamin kung ano ito. Sa People’s Plan, nakipagtulungan sa proyekto ang mga miyembro ng komunidad at tiniyak ang pagiging matatag o resiliency ng komunidad, nang may nagkakaisang pananaw at malinaw na mga layunin.

Noong panahong buhay pa si Ka Roger Borromeo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), napuntahan namin itong Manggahan Floodway matapos ang Ondoy. Kaya nakita ko kung paano nasalanta ng Ondoy ang maraming lugar, tulad ng Santolan at Manggahan Floodway. Kaya naging interesado agad ako sa balitang ito.

Suriin natin at aralin ang mga ito at kung kinakailangan ay magawa rin natin sa ating mga komunidad.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 1-15, 2020, pp. 10-11.

Linggo, Abril 12, 2020

Bakit sinasabing ang relihiyon ay opyo sa mamamayan?


Bakit sinasabing ang relihiyon ay opyo sa mamamayan?
Saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Ang isa sa madalas sipiing pahayag ni Karl Marx ang “Religion is the opium of the people”. Salin umano ito mula sa Aleman ng "Die Religion ... ist das Opium des Volkes". Makikita ang pahayag na ito sa sulatin ni Karl Marx na "A Contribution to the Critique of Hegel's Philosophy of Right" na nalimbag sa Deutsch-Französische Jahrbücher, na nalathala  sa Paris noong Pebrero 7 & 10, 1844. Ngunit parirala lang ito sa buong pangungusap na  "Religion is the sigh of the oppressed creature, the heart of a heartless world, and the soul of soulless conditions. It is the opium of the people". Salin ko ay "Ang relihiyon ay buntong-hininga ng inaapi, puso ng isang walang pusong mundo, at ang kaluluwa ng walang kaluluwang kalagayan. Ito ang opyo sa mamamayan".

Marahil ay may paniwala si Marx na ang relihiyon ay may ilang mga praktikal na gamit sa lipunan tulad ng opyo para sa maysakit upang mabawasan ang agarang pagdurusa ng mga tao at binigyan sila ng mga kasiya-siyang ilusyon (ang relihiyon) na nagbigay sa kanila ng lakas na magpatuloy. Nakita rin ni Marx na mapanganib ang relihiyon, dahil pinipigilan nito ang mga tao na makita ang pagkakaiba sa uri, at pang-aapi sa kanilang paligid. Kaya pinipigilan ng relihiyon ang kinakailangang rebolusyon.

Dugtong pa ni Marx, "The abolition of religion as the illusory happiness of the people is the  demand  for their real happiness. To call on them to give up their illusions about their condition is to call on them to give up a condition that requires illusions. The criticism of religion is, therefore, in embryo, the criticism of that vale of tears of which religion is the halo." Isinalin ko na "Ang pagpawi ng relihiyon bilang ilusyon ng kasiyahan ng tao ang hinihingi upang matamo nila ang tunay na kasiyahan. Ang panawagan sa kanilang tigilan na ang ilusyon tungkol sa kanilang kalagayan ay panawagan sa kanilang mapigil na ang kalagayang nangangailangan ng ilusyon. Kaya, ang kritisismo sa relihiyon, sa buod, ay kritisismo sa mga bula ng luha kung saan ang relihiyon ang sinag sa ulo."

Ang relihiyon ay nagsisilbing opyo upang matiis ng tao ang kanilang abang kalagayan, at umasa na lang sa diyos upang lumaya sa kahirapan. Mapalad nga raw ang mahihirap, ayon sa Sermon at the Mount. 

Kaya sa awiting Imagine nga ni John Lennon ay may linyang  "Imagine there's no heaven, its easy if you try" at "Nothing to kill or die for, And no religion, too. Imagine all the people livin' life in peace." Nakita na rin ni John Lennon na pag nawala ang organisadong relihiyon ay maniniwala ang tao sa sama-sama nilang lakas upang baguhin ang bulok na sistema. Iyon din ang kailangan natin ngayon, dahil ayon nga sa awiting Internasyunal, "Wala tayong maaasahang Bathala o Manunubos, pagkat ang ating kaligtasan ay nasa ating pagkilos."

* Unang nalathala sa kalahating pahina ng pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 1-15, 2020, pahina 18.

Taumbayan ang mapagpalaya - Che Guevara


TAUMBAYAN ANG MAPAGPALAYA

“I am not a liberator. Liberators do not exist. The people liberate themselves.” ~ Che Guevara

wala raw liberador o taong nagpapalaya
ng pinagsamantalahang alipin, uri't bansa
kundi nagpalaya sa kanila'y sila ring madla
sabi iyan ni Che, rebolusyonaryong dakila

walang isang superman o isang tagapagligtas
oo, walang isang magaling na tagapagligtas
kundi tao'y nagkapitbisig, tinahak ang landas
ng paglaya tungo sa asam na lipunang patas

totoo, di si Bonifacio kundi Katipunan
at di rin si Aguinaldo kundi ang sambayanan
di si Jose Rizal na binaril sa Bagumbayan
kundi ang mamamayan ang nagpalaya ng bayan

pinag-alab lang ng Katipunan ang mitsa't puso
nang bayan ay lumahok sa pagbabagong madugo
ang pagpaslang kay Rizal ay nagpaalab ding buo
sa madlang ang pang-aalipinin ay nais maglaho

di si Enrile't Ramos ang nagpatalsik kay Marcos
kundi mamamayang ayaw na sa pambubusabos
di si Gloria ang nagpatalsik kay Erap na Big Boss
produkto lamang siya ng pag-aalsang Edsa Dos

kaya tama si Che, mamamayan ang nagpalaya
sa kanilang sarili, pagkat nakibakang sadya
mabuhay ka, Che, walang isang tagapagpalaya
walang isang taong tagapagligtas kundi madla

- gregbituinjr.
04.12.2020 (Easter Sunday)

Huwebes, Abril 2, 2020

Nahan ang bilyong barang ginto para sa pagkain?


Nahan ang bilyong barang ginto para sa pagkain?

matapos maaprubahan ang bilyong barang ginto
na laang suporta laban sa pesteng nanggugupo
sa mamamayang nagugutom, subalit nakupo!
hari'y nagwala pa't nagugutom ang sinusugpo

imbes na sakit ang sugpuin, ano't mga dukha
na nagprotesta lang dahil makakain pa'y wala
"patayin ang mga iyan," ang hari'y nagngangawa
tila di bagay maging hari pagkat isip-bata

paano didisiplinahin ang kalam ng tiyan
pati bulate'y nag-aalburuto na rin naman
kawawa ang mga dukhang sikmura'y kumakalam
nais pang patayin nitong haring kasuklam-suklam

maaari bang isipin ng dukhang sila'y busog
gayong ramdam ang gutom, utak pa ng hari'y sabog
akala ang buhay ng tao'y parang sa bubuyog
na madaling paslangin at sa putik pa'y ilubog

di ba't karapatan ng nagugutom ang umangal
lalo't nakapiit sa bahay, walang pang-almusal
galit sa nagugutom ang bundat na haring hangal
na kampante lang nakaupo sa kanyang pedestal

dukhang gutom, binantaang pag umangal, paslangin
bakit napaupo sa trono iyang haring praning
nahan ang bilyong barang ginto para sa pagkain
ibigay sa mamamayan, huwag silang gutumin

- gregbituinjr.