Biyernes, Oktubre 29, 2021

Sanlakas 28

PAGPUPUGAY SA IKA-28 ANIBERSARYO NG SANLAKAS

aking nakita'y lubusang pagsisilbi sa masa
mapanuri, palaban, talagang nakikibaka
silang Sandigan ng Kalayaan at Demokrasya
ng Sambayanan, saksi ako sa nagawa nila

isinilang sa gitna ng matinding debatehan
tumindig sa tama, iwinasto ang kamalian
wala sa dulo ng baril, di sa digmaang bayan
maitatayo ang mithing makataong lipunan

sinusuring mabuti ang sumusulpot na isyu
binabaka ang mali't kapalpakan ng gobyerno
naghahain pa ng kahilingang pabor sa tao
naghahapag ng solusyong dapat dingging totoo

patuloy sa pag-oorganisa ng aping madla
nakikipagkapitbisig sa uring manggagawa
nakikibakang tunay kasama ng maralita
naglilingkod sa kapwa, nasa puso ang adhika

at sa ikadalawampu't walong anibersaryo
ng Sanlakas, taospusong pagbati't pagsaludo
bahagi na kayo ng paglaki ko't pagtanda ko
kaya narito akong nagpupugay ng totoo

- gregoriovbituinjr.
10.29.2021

Kwento: Kahalagahan ng tubig

KAHALAGAHAN NG TUBIG
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Madalas, nag-iipon kami ng tubig sa malaking dram mula sa tubig-ulan upang may maipambuhos sa inidoro o kaya'y panglinis sa sahig at sasakyang pampasaherong dyip ng tiyo.

Isang araw, biglang nawalan ng tubig sa kahabaan ng kalsadang kinatitirikan ng aming mga bahay, kaya ang mga magkakapitbahay ay nagsipilahan sa pag-igib ng tubig sa isang posong binuksan ng barangay. Poso iyong ginagamit ng mga bumbero para maglagay ng tubig sa kanilang trak. Inaayos daw ang daluyan ng tubig sa kabilang kalsada dahil pulos kalawang ang lumalabas, sabi ng isang kapitbahay. Pag natapos na raw iyon ay saka magkakaroon ng tubig sa gripo.

Kami namang magkakapatid, naiwan naming nakabukas ang gripo kahit hindi tumutulo. Umaasang pag pumatak na ang tubig sa gripo ay may tubig na. Nakipila rin kami, at nagdala ng mga balde upang maigiban ng tubig.

Kinagabihan, nakatulugan na naming magkakapatid na hindi naisasara ang gripo sa lababo at sa banyo.

Nagising kami ng madaling araw na umawas na ang tubig sa dram sa banyo. Tulo naman ng tulo ang tubig sa lababo gayong walang anumang nakasahod na timba o palanggana. Buti na lang at nagising si Itay. Pinatay niya ang mga gripo. Nagising din kami. Nasermunan kami ni Itay. "Kayong mga bata kayo, bakit iniwan ninyong nakabukas ang gripo? Tulo tuloy ng tulo ang tubig at umawas pa sa ating sahig."

"Hala, linisin ninyo iyan," sabi ni Itay. Kaya kinuha naming magkapatid ang map. Ako ang gumamit ng map habang ang kapatid kong mas bata sa akin ang kumuha ng palanggana upang doon pigain ang tubig sa map.

Yaon namang tubig-ulan sa dram ay ginamit din namin upang tuluyang luminis ang sahig, di lang malapit sa banyo kundi sa sala. Kumuha kami ng tubig-ulan, nilagay sa timbang may sabon, at ibinuhos namin sa sala upang walisin at tuluyang linisin ang sahig.

Nakita iyon ni Itay. "Bakit kayo nagbuhos ng ganyan?"

"Tubig-ulan naman po iyan, 'Tay. Libre galing sa langit," ang sabi ko.

"Nangangatwiran ka pa. Porke ba libre ang tubig ay aaksayahin na lang ninyo?" ang sabi ni Itay. "Kung tubig dagat iyan o tubig sa ilog, libre iyan. Subalit pag nasa gripo na, libre pa ba iyan? May bayad na iyan, at dapat lagi tayong may nakahandang pambayad diyan. Baka pag nawalan tayo ng tubig, aba'y malaking perwisyo iyan! Di tayo makakaligo, di makakainom ng tubig, di makakapagsaing. Aba'y pag hindi ginagamit ang gripo, isara ninyo!"

Tinandaan namin ang sinabi ni Itay, dahil tama siya. Kung libre ang tubig ay gamitin namin ng tama. Kung may bayad ang tubig, lalo nang dapat naming gamitin ng tama. Dahil ang mahirap ay kung mawalan kami ng tubig.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-21, 2021, pahina 17.

Huwebes, Oktubre 28, 2021

Samutsaring nilay

SAMUTSARING NILAY

ang alapaap animo'y muling napagmamasdan
subalit nakatitig lamang pala sa kawalan
habang siko'y nasa pasimano ng durungawan
ay kung anu-ano ang sa isip ay nag-indakan

O, daigdig, manggagawa'y dapat magkapitbisig
upang uring mapagsamantala'y mapag-uusig
ang impit at daing ng mga api'y naririnig
hustisyang asam sa puso ng dukha'y nananaig

minsan, una kong tira'y e4, opening Ruy Lopez
paano pag nag-Sicilian ang katunggali sa chess
imbes na nag-e5 ay c5 ang tirang kaybilis
ani Eugene Torre, ang buhay nga'y parang ahedres

O, kalikasan, bakit ka nila pinabayaan?
bakit karagatan mo'y nagmistulang basurahan
bakit ba dapat alagaan ang kapaligiran
wala mang pakialam ang tao sa kapwa't bayan

- gregoriovbituinjr.
10.28.2021

Miyerkules, Oktubre 27, 2021

Engels at Rizal sa London

ENGELS AT RIZAL SA LONDON

may tula si Rio Alma tungkol sa pagkikita
nina Friedrich Engels at Jose Rizal, sa London pa
na pag iyong nabasa'y tila ka mapapanganga
na sa pag-uusap nila'y parang naroroon ka

anong tindi ng dayalogo ng dalawang iyon
kay Rizal, dapat unahin muna ang edukasyon
kay Engels, nirespeto si Rizal sa pasyang iyon
subalit binanggit bakit dapat magrebolusyon

at sa huli, nagkamayan ang dalawang dakila
ngunit nang maghiwalay, may binulong silang sadya
na di na nadinig ng isa't isa ang salita
bagamat batid natin bilang nagbabasang madla

at ngayon, sa webinar ni Dr. Ambeth Ocampo
ay sinabing baka nagkita ang dalawang ito
nagkasabay sa London silang sikat na totoo
kung aaralin natin ang kasaysayan ng mundo

wala pang patunay na nag-usap nga ang dalawa
bagamat magkalapit ang tinutuluyan nila
nasa Primrose Hill si Rizal,  sa inupahan niya
kay Engels ang layo'y sandaan limampung metro pa

kaya iniskrin shot ko ang isang slide ni Ambeth
upang magsaliksik baka may ibang kumalabit
sabihing may katibayang nag-usap silang higit
at nang sa aking balikat, ito'y di ipagkibit

- gregoriovbituinjr.
10.27.2021

* litrato ay screenshot sa nadaluhan kong webinar na isa sa tagapagsalita ay si Dr. Ambeth Ocampo, Session 2 ng Ilustrado Historiography ng Philippine International Quincentennial Conference, October 26, 2021
* datos mula sa isang aklat ng tula ni Rio Alma (na di ko na matandaan ang pamagat)
* https://www.pna.gov.ph/articles/1072710

Pambansang utang






PAMBANSANG UTANG

utang ng utang, nakikinabang ba'y buong bansa
o ito'y para sa pag-unlad ng tuso't kuhila
at tubò ng korporasyon nilang dinadakila
ngunit bakit naghihirap pa rin ang laksang dukha?

pambansang utang, inutang nila mula pa noon
may utang ka, ako, ang isisilang pa lang ngayon
sa piso, umabot nang higit labing-isang trilyon
sa dolyares ay dalawang daan, tatlumpung bilyon

kanino ba tayo umutang ng ganyang salapi
upang magkautang din ang sunod na salinlahi
utang ng gobyerno, apektado ang buong lipi
gobyernong papalit-palit, bakit ganyan ang gawi

pambansang utang ay para ba sa pag-unlad nino?
bakit naghihirap pa rin ang karaniwang tao?
bakit una'y pag-unlad ng tulay, at di ng tao?
obrerong gumawa ng tulay, dukha pa rin, oo

sa webinar na dinaluhan ko'y may panawagan:
kanselahin o ibasura ang di mabayarang
utang, kanselahin pati ilehitimong utang
higit dito'y dapat tigil na ang pangungutang

sa United Nations ay itayo sa loob nito
ang isang mekanismong dapat na komprehensibo
hinggil sa isyu ng utang, i-awdit ding totoo
ang nagpautang at ang nangungutang na gobyerno

pagbubuo at paglalatag ng pandaigdigan
at pambansang balangkas, pati mga patakaran
ukol sa pangungutang at pagbabayad ng utang
na demokratiko't sa batayang makatarungan

sanggol ka pa'y kaylaki na ng utang ng ina mo
sino bang magbabayad ng inutang ng gobyerno
o ang inutangan yaong may utang na totoo
ah, ganitong sistema'y dapat tuluyang mabago

- gregoriovbituinjr.
10.27.2021

mga litrato mula sa PowerPoint ng dinaluhang webinar

Martes, Oktubre 26, 2021

Pagkatha

PAGKATHA

totoo nga bang sa maraming taludtod at saknong
ako'y pawang paglalarawan ng kutya't linggatong
tulad ng sinulat ni Balagtas sa obra noon
na kayraming inililibing ng walang kabaong

datapwat di totoo ang kanilang haka't bintang
madalas ilarawan ko'y bagay na karaniwan
pati mga nangyayari sa klima't kalikasan
di pulos damdamin, emosyon, dusa't kalungkutan

kayraming paksa sa paligid, ilibot ang mata
natumbang puno ng saging, ipil, kalumpit, mangga
bulalo, adobo, manggagawa, pabrika, silya
mga konsepto tulad ng panlipunang hustisya

anong mga balita't nagaganap sa paligid
karapatang pantao, tokhang, sa dilim binulid
isda sa laot, kalabaw, ibon sa himpapawid
tabak, rebolber, Supremo, sugod, mga kapatid

makinig sa radyo, masdan mo ang kapaligiran
kahit sa paghimbing, paksa'y napapanaginipan
babangon bigla, magsusulat, madaling araw man
habang sariwa pa ang nagsasayaw sa isipan

- gregoriovbituinjr.
10.26.2021

Lunes, Oktubre 25, 2021

Pagkakaisa

PAGKAKAISA

may agad akong nagunita nang mabasa iyon
kasabihang sa buhay ay may prinsipyadong layon
mula sa Etiyopya, animo'y tula at bugtong
ang: "When "When spider webs unite, they can tie up a lion."

na maikukumpara sa nabasa ko ring taos
ito'y: "Workers of the world, unite! You have nothing to lose
but your chain," kung manggagawa nga'y magkaisang lubos
puputlin nila ang kadena ng pagkabusabos

kung magkapitbisig tulad ng sapot ng gagamba
magagapos nila ang leyong mapagsamantala
at sa pang-aapi sa masa'y di na makadamba
tulad ng pagtapos sa paghahari ng burgesya

dahil Tao'y tao, ating kapwa, may karapatan
tulad ng mga manggagawang aliping sahuran
kung walang manggagawa, wala tayong kaunlaran
kanilang mga kamay ang nagbuo ng lipunan

sapot ng gagamba'y ihanda nating buong giting
upang igapos ang leyong dahilan ng ligalig
manggagawa, magkaisa, mensahe'y iparating
upang bulok na sistema'y palitan na't malupig

- gregoriovbituinjr.
10.25.2021
#LaborPowersa2022
#ManggagawaNamansa2022

ang litrato ay screenshot mula sa yutyub

Sabado, Oktubre 23, 2021

Ayoko

AYOKO

ayokong magtila nalaglag na mumo sa pinggan
na imbes kainin mo'y pakain na lang sa langgam
o patuka sa manok, o ng mga sisiw pa lang
ayokong maging mumo, tiyan ay di nakinabang

ayoko sa isang buhay na walang katuturan
na hanap sa akin ay manahimik sa tahanan
na dinistrungka na ang iwi kong puso't isipan
na pulos kain, tulog, ligo, nasa palikuran

ayoko sa paraisong pawang kapayapaan
di pa ako patay upang pumayapang tuluyan
buti pa sa putikan at impyernong kalunsuran
dahil may katuturan ka sa ipinaglalaban

ayokong mapag-iwanan lamang ng kasaysayan
na buhay ka nga sapagkat humihinga ka lamang
buti pa ang tae ng kalabaw na nadaanan
na magagamit mo pang pataba sa kabukiran

ayokong ako'y di ako, nasa ibang katawan
tunay na ako'y wala, nasa ibang katauhan
ang hanap nila sa akin ay ibang tao naman
nais ko ang tunay na ako, na dapat balikan

- gregoriovbituinjr.
10.23.2021

Biyernes, Oktubre 22, 2021

Buryong

BURYONG

dinaluhan ko'y webinar hinggil sa kalusugan
sa panahon ng pandemya sa loob ng kulungan
isang webinar na dapat kong magtala't daluhan
bilang sekretaryo heneral ng aming samahan

nagtanong din ako: paano ang social distancing
nang di magka-covid sa piitang siksikan man din
di lang sa jail personnel kundi sa mga preso rin
tugon ay may mekanismong ginawa na't gagawin

ang mental illness daw ay kondisyon o kalagayan
na huwag daw agad ituturing na kabaliwan
kundi distress o pagkabalisa, o kalooban
nila'y ligalig, apektado'y ugali't isipan

dahil nasa piitan, nadarama'y pagkaburyong
"makakalaya pa ba ako?" sa isip ay tanong
"masamang balita sa pamilya" ang sumalubong
"walang dalaw o kontak sa labas," di makasulong

laging naghihintay, ngunit naghihintay sa wala
hangad ay paglaya, ngunit kailan ba lalaya
laging tulala, hanggang kailan matutulala
ah, di na maibabalik ang panahong nawala

ano pang layunin o dahilan upang mabuhay?
kung nabubuhay ka namang para ka nang namatay?
isaisip na may pag-asa pa! maging matibay!
mahalaga'y may makausap at nakakadamay

sa nakapiit, tangi kong mapapayo'y magbasa
ng mabubuting aklat na nagbibigay pag-asa
isulat mo ang nasa isip, oo, magsulat ka!
ilahad mo sa papel ang anumang nadarama!

- gregoriovbituinjr.
10.22.2021

mga litrato ay screenshot ng makata sa webinar

Huwebes, Oktubre 21, 2021

Paraiso

PARAISO

natanaw mo bang parang paraiso ang paligid,
kabukiran, kagubatan, ang ganda nga'y di lingid
kabundukan, sariwang hangin ang sa iyo'y hatid
ulap na humahalik sa langit ay di mapatid

kung may sakit ka't nagpapagaling, maganda rito
di habang kayraming dapat tugunang mga isyu
mas maganda pa ring kapiling ang uring obrero
nakikibaka't buhay ay handang isakripisyo

ah, mas nais ko pa rin ang putikan sa lansangan
di man paraiso, impyerno man ang kalunsuran
upang magsilbi sa uring manggagawa't sa bayan
kaysa tahimik na buhay at walang katuturan

mas mabuti pang nakakuyom at taas-kamao
kaysa kamaong di maigalaw sa paraiso
may buhay ka nga, may hininga, katawan at ulo
humihinga ka lang ngunit walang buhay sa mundo

- gregoriovbituinjr.
10.21.2021

Miyerkules, Oktubre 20, 2021

Mensahe sa messenger

MENSAHE SA MESSENGER

ngayong araw ay magandang mensahe ang bumungad
hiling sa aking bumalik na't aming ilulunsad
ang sa maralita'y isang malaking aktibidad
bilang sekretaryo heneral, iyon din ang hangad

tatlong araw na aktibidad ang aming gagawin
nais nila'y face-to-face, pwede naman mag-zoom meeting
trentang katao'y target, dapat may social distancing
saan magkakasya ang tatlumpu'y pag-isipan din

di agad magawa, at baka raw magkahawaan
ako pang nagka-covid ang dapat gumawa niyan
nang kami'y magpulong, bakit di ko sinabi iyan
gayong alam ng kapulong ang aking kalagayan

di ako humihingi ng eksempsyon sa gawain
dapat pag-isipan, iba na ang panahon natin
iba't ibang variant pa ng COVID ang dumarating
baka COVID ba'y di nila paniwalaan man din 

sabi ko na lang, sige, akong magmo-mobilisa
ako'ng sekretaryo heneral, kaya sagot ko na
ibigay lang ang detalye nang makapag-umpisa
nang tatlong araw na aktibidad ay matuloy na

gayunman, dapat maging praktikal, imbes pagkain
at pamasahe ng dadalo, pondoha'y zoom meeting
baka mas matipid ang zoom kaysa face-to-face meeting
at di pa magkakahawaan sa ating gawain

- gregoriovbituinjr.
10.20.2021

Martes, Oktubre 19, 2021

Manggagawa, Pangulo ng bansa

MANGGAGAWA, PANGULO NG BANSA

isang bus driver si Pangulong Nicolas Maduro
ng bansang Venezuela, tunay na lider-obrero
guro sa primarya ang sa Peru'y kumandidato
at nanalo, siya si Pangulong Pedro Castillo

obrero sa pabrikang metal, lider-unyonista
yaong pangulo ng Brazil na si Lula da Silva
manggagawa rin ang naging Pangulo ng Bolivia
na si Evo Morales, nakatatlong termino na

ipinanalo ng kanilang mamamayang dukha
at ng kapwa nila mahihirap na manggagawa
di trapo, di elitista ang namuno sa bansa
di mayayamang bobotante ang turing sa madla

totoong lider ang nais ng mga mamamayan
na talagang maglilingkod sa madla't buong bayan
sa atin, manggagawa'y tumakbo sa panguluhan
sa katauhan naman ni Ka Leody de Guzman

bayan ay sawa na sa dinastiya't mga trapo
na nanggaling sa iisang pamilya't apelyido
huwag na sa trapong yaong dukha'y laging dehado 
manggagawa naman ang iboto nating pangulo

- gregoriovbituinjr.
10.19.2021

Mga pinaghalawan:
https://www.nbcnews.com/storyline/venezuela-crisis/nicolas-maduro-path-bus-driver-venezuelan-president-n788121
https://www.bbc.com/news/world-latin-america-57941309
https://en.wikipedia.org/wiki/Evo_Morales
https://edition.cnn.com/2016/03/17/world/lula-da-silva-profile/index.html
https://www.youtube.com/watch?v=QSehQ5sbxBs

Salin ng tula kay Che


SALIN NG TULA KAY CHE

Salin ng isang tula mula sa fb page ng End the Blockade of Cuba:
"Alam na alam kong babalik ka
Na uuwi ka mula sa kung saan
Dahil hindi napapatay ng kirot ang mga pangarap
Dahil walang hanggan ang pagmamahal at
Ang mga nagmamahal sa iyo'y di ka nalilimutan" (malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr., 10.19.2021)

Noong Oktubre 17, 1997. Ang mortal na labi ni Che Guevara at ng kanyang mga kasama ay inilibing sa Santa Clara. Matapos ang huling pagpupugay parangal, na pinangunahan ng kanyang pangalawa sa Pagsalakay, na si Ramiro Valdés Menéndez, ang Kumander ng Rebolusyon, na pinagkatiwalaan ng misyon na hanapin ang labi ng mga napaslang na gerilya at ibalik sila sa kanilang bayan, kung saan iniwan ni Che patungo sa Plaza de la Revolución na nagdadala ng kanyang pangalan.

Doon, hinihintay siya ni Punong Kumandante Fidel Castro, na tiyak na itatalaga ni Che ang huling pagninilay sa kanya, tulad ng ipinangako niya sa kanyang sulat ng pamamaalam.

Lunes, Oktubre 18, 2021

Langgam

LANGGAM

nabidyuhan kong isang butil ng kanin ang pasan
ng mga langgam habang sila'y nasalubong naman
ng iba pang langgam na wari'y nagkukumustahan
tila rin nagtanungan, ang butil ba'y galing saan?

mga langgam ay nawala na sa aking paningin
pagkat nagsisuot na sila roon sa ilalim
upang imbakin ang butil sa kanilang kamalig
ito ang sa araw at gabi'y kanilang gawain

ang ibang langgam, butil ay nais ring makakuha
upang sa tag-ulan ay may makakain din sila
kayraming laglag na mumo sa sahig at sa mesa
tulong-tulong at bayanihang papasanin nila

sa kanila ikinukumpara ang manggagawa
kaysisipag, nililikha'y ekonomya ng bansa
kayod-kalabaw na araw-araw gawa ng gawa
pag-unlad ay likha ng kamay nilang mapagpala

- gregoriovbituinjr.
10.18.2021

* ang bidyo ay nasa kawing o link sa FB page na https://www.facebook.com/740781273289142/posts/809324259768176/

Linggo, Oktubre 17, 2021

Sa araw upang mapawi ang kahirapan

SA ARAW UPANG MAPAWI ANG KAHIRAPAN
(Oktubre 17 - International Day for the Eradication of Poverty)

ngayon ang araw upang wakasan ang kahirapan
dineklara ng UN, araw na pandaigdigan
deklarasyon itong di natin dapat kaligtaan
dahil ito ang adhika ng dukhang mamamayan

sino nga bang aayaw sa ganitong deklarasyon
baka ang mga mapagsamantala pa sa ngayon
upang tumubo ng tumubo, masa'y binabaon
sa hirap, ani Balagtas nga'y sa kutya't linggatong
"Wakasan ang kahirapan!" yaong sigaw ng dukha
"Lipunan ay pag-aralan!" anang lider-dalita
ito rin ang panawagan ng uring manggagawa
at misyon din ng United Nations sa mga bansa

kaya ngayong araw na ito'y ating sariwain
ang panawagang ito ng maraming ninuno natin
mga lider-maralitang talagang adhikain:
wakasan ang kahirapan at sistema'y baguhin

- gregoriovbituinjr.
10.17.2021

litrato mula sa Uring Manggagawa FB page noong Oktubre 16, 2016
ikalawang litrato mula sa google

Huwebes, Oktubre 14, 2021

Inemuri


INEMURI

sa atin, pag nahuling natutulog sa trabaho
baka di lang sitahin, sibakin pa ang obrero
kaya ka raw nasa trabaho'y upang magtrabaho
dahil sayang lang daw ang sa iyo'y pinapasweldo

sa Japan, ang matulog sa trabaho'y karaniwan
tinuturing na tanda ng sipag at kapaguran
bilang manggagawa, ang ganito'y patunay lamang
na sila'y tao rin, di makina sa pagawaan

ang tawag dito ng mga Hapon ay "inemuri"
na kung ating pakikinggan ay tunog "In Memory"
dahil ba sa pagtulog, may nagunitang sakbibi
ng lumbay, maganda'y kung napanaginip ang kasi

diwa ng inemuri'y di ubra sa ating bayan
sa loob ng walong oras kang nasa pagawaan
ang turing sa nagtatrabaho'y aliping sahuran
kung nais mong matulog, umuwi ka ng tahanan

subalit inemuri'y kailangan din sa atin
lalo't sitwasyon ng babaeng manggagawa natin
mula sa pabrika, sa bahay pa'y may trabaho rin
siyang tunay, silang nagtitiis sa double burden

ang diwa ng inumeri ay pagpapakatao
kailangan ng malalimang pang-unawa rito
lalo't kalagayan ng kanilang mga obrero
na talagang napapagod din sa pagtatrabaho

unawain at gamitin ang diwang inemuri
sakaling napaidlip ang manggagawa't nahuli
huwag sibakin agad ang pagod na trabahante
gisingin at pagsabihan ang obrerong nasabi

- gregoriovbituinjr.
10.14.2021

ang dalawang litrato ay screenshot mula sa youtube

Miyerkules, Oktubre 13, 2021

Kinagigiliwang awit

KINAGIGILIWANG AWIT

bumabalik ako sa kinagigiliwang awit
pag nakikita ko ang nangyayari sa paligid
pag nakakaramdam ng di inaasahang sakit
pag tila may mga luhang sa mata'y nangingilid

kinagigiliwang awit nga'y binabalikan ko
lalo na't buong lungsod ay lumubog sa delubyo
lalo na't lumutang sa basura ang bayang ito
lumubog ang mga bahay, ang nasalanta'y libo

tinuring na pambansang awit sa kapaligiran
inawit ng bandang ASIN para sa kalikasan
makabagbag-damdamin para sa kinabukasan
paalala sa ating paligid ay alagaan

saksi ako sa Ondoy nang ito nga'y nanalasa
sumama sa Tacloban nang Yolanda'y nanalanta
at sa Climate Walk tungong Tacloban galing Luneta
awit ng ASIN nga'y inspirasyon at paalala 

kaya ngayong nananalasa ang bagyong si Maring
muli nating alalahanin ang awit ng ASIN
"Masdan mo ang kapaligiran," anong dapat gawin
ang mga tao sa Providence sana'y ligtas na rin

- gregoriovbituinjr.
10.11.2021

litrato mula sa google

Labor Power sa 2022

LABOR POWER SA 2022

kung sawang-sawa ka na sa political dynasties
na laging naluluklok habang masa'y nagtitiis
sa hirap at pagsasamantala ng mga burgis
may pag-asa pa, sa MANGGAGAWA tayo'y magbigkis

kung sawang-sawa ka nang mamayagpag muli'y trapo
naluluklok ay pamilyang iisang apelyido
anong napala sa tradisyunal na pulitiko?
nganga ang bayan, nais ba nating laging ganito?

laging elitista't mayayaman ang naluluklok
pati artistang sumayaw lang, nalagay sa tuktok
tingin nila sa masa'y tagaboto't tagaluklok
dapat nang mapatid ang ganitong sistemang bulok

panahon nang ikampanya natin ang manggagawa
at iluklok natin ang kandidato ng paggawa
silang dahilan upang umunlad ang mga bansa
walang pag-unlad sa buong mundo kung sila'y wala

kung walang manggagawa, walang tulay at lansangan
sa Makati ay walang gusaling nagtataasan 
walang gusali ang Kongreso, Senado, Simbahan
walang nakatayong White House, Kremlin o Malakanyang

nilikha ng manggagawa ang mga ekonomya
umikot ang dolyar, ang piso, ang maraming kwarta
sila ang gumagawa kaya bansa'y kumikita
manggagawa ang nagpapaikot ng mundo, di ba?

kaya panahon namang manggagawa ang iluklok
at ang mga political dynasties ay ilugmok
lider-manggagawa ang ating ilagay sa tuktok
upang tuluyang mapalitan ang sistemang bulok

isang sistemang nagdulot ng pagsasamantala
ng tao sa tao kaya maraming aping masa
panahong nang ilugmok ang elitista't burgesya
na nagpanatili lang ng dusa't hirap sa masa

si Ka Leody de Guzman ang ating kandidato
sa susunod na halalan, tumatakbong pangulo
batikang labor leader, mapangahas, matalino
kasangga ng manggagawa't ng karaniwang tao

si AttyLuke Espiritu sa senado naman
na maraming unyon ang pinanalo't tinulungan
silang dalawa ang kandidatong maaasahan
sigaw ng manggagawa'y dinggin: MANGGAGAWA NAMAN!

- gregoriovbituinjr.
10.11.2021

Lunes, Oktubre 11, 2021

Ayon kay Pythagoras

AYON KAY PYTHAGORAS

isang paham sa kasaysayan ang sadyang lumabas
na sa karunungang pinakita'y talagang pantas
matematisyan o sipnayanon si Pythagoras
na kung suriin ang kanyang aral ay mawawatas

naging sikat dahil sa Pythagorean theorem
sa tatsulok, tatlong gilid ay sukating taimtim;
marami rin siyang winikang kung ating maatim
ay magsisilbing gabay kahit na ito'y malalim

si Pythagoras ay Griyegong nagmula sa Samos
na nagpayo sa ating huwag magpadalos-dalos;
kung galit ka'y huwag basta magsalita't kumilos
kung wala sa wastong isip ay manakit ngang lubos

pag batas daw ay kailangan na ng mamamayan
ay saklaw na nito't di na akma sa kalayaan;
sa anupamang bagay, sarili'y dapat igalang
walang malaya na sarili'y di kayang rendahan

may dyometriya sa pagtipa ng lira't gitara
at sa agwat ng mga espero ay may musika;
mabuting tahimik kaysa salitang walang kwenta
na sa kapwa'y magdulot lang ng ligalig o dusa

mas pinag-iisipan natin anong ipapakli
sa salitang pinakaluma't pinakamaiksi
na madalas itugon sa tanong: Oo o Hindi
pinag-iisipan nang di tayo nagmamadali

mga kaibigan ay kasama sa paglalakbay
na makatutulong sa atin sa ligaya't lumbay;
kahinahunan ay batay sa isipang matibay
upang diyalektiko tayong magsuri't magnilay

ilan lamang iyan sa mga aral na binigkas
ng sikat na sipnayanon, ngalan ay Pythagoras
ating pag-aralan ang mga sinabi ng pantas
baka magamit natin tungo sa magandang bukas

- gregoriovbituinjr.
10.11.2021

litrato mula sa google

Linggo, Oktubre 10, 2021

Kwento sa taksi

KWENTO SA TAKSI

kwento ng kapwa manggagawa sa puso ko'y tagos
tanong sa taxi driver, sinong ibobotong lubos
sagot sa kanya, sa lesser evil, baka walang loss
kaysa di kilala, sa hirap di tayo matubos

ilang eleksyon nang pinili mo ay lesser evil?
may napala ba ang bayan sa mga lesser evil?
wala, di ba? bakit iboboto'y demonyo't sutil
huwag bumoto sa mga demonyo't baka taksil

may tumatakbong manggagawa sa pagka-pangulo
si Ka Leody de Guzman, isang lider-obrero
sagot niya, di naman kilala ang tumatakbo
maging praktikal tayo, hindi siya mananalo

ilang beses ka nang naging praktikal sa halalan
kahit alam mong demonyo'y pagkakatiwalaan
sa pagka-pwesto ba nila'y may napala ang bayan?
sagot niya, wala kasing ibang maaasahan

ngayong halalan, may nagbukas na bagong pag-asa
ang katulad mong manggagawa ay tumatakbo na
kung mga manggagawang tulad mo'y magkakaisa
lider-obrero ang pangulo sa bagong umaga

- gregoriovbituinjr.
10.10.2021

maraming salamat kay kasamang Larry sa kwentong ito
maraming maraming salamat din po sa litrato mula sa pesbuk

Sabado, Oktubre 9, 2021

Pamumuno

PAMUMUNO

pag binigyan ka ng pambihirang pagkakataon
ng kasaysayan upang mamuno, kunin mo yaon
huwag mong tanggihan pagkat para sa iyo iyon
kusa mong tanggapin ang sa kakayahan mo'y hamon

sayang ang mga pagkakataong pinalalampas
di naman mula kay Eba ang bigay na mansanas
o kaya'y ang binantayan ni Juan na bayabas
huwag kang mahiya, kaya mong mamuno ng patas

iyan ang tangan kong prinsipyo't ipinapayo ko
pambihirang pagkakataon ba'y tatanggihan mo?
huwag mong hayaang liparin lang ng hangin ito
tanggapin ang pagkakataong dumapo sa iyo

lalo't mamumuno't magsisilbing tapat sa bayan
di tumulad sa ibang nagpapalaki ng tiyan
kain, tulog, at pulos bisyo lamang sa katawan
pamumuno naman ay iyo ring matututunan

mag-aral ka, at ilibot sa paligid ang mata
lipuna'y suriin, makisalamuha sa masa
kung may pagkakataong mamuno, tanggapin mo na
tanging payo'y maging patas at makatarungan ka

- gregoriovbituinjr.
10.09.2021

Ang layon

ANG LAYON

sabi ng kasama, bumalik na akong Maynila
dahil maraming tungkulin kaming dapat magawa
akong sekretaryo heneral nga'y dapat bumaba
upang mga samahan ay atupagin kong sadya

tiyaking gumagana ang bawat organisasyon
tiyaking tinutuloy ang mga programa't bisyon
walang problemang balikatin kong muli ang layon
ngunit pakasuriin muna ang aking sitwasyon

ang una, di ganoon kadali ang kahilingan
di naman ako nagbakasyon lang sa lalawigan
na-covid na, namatay pa ang hipag at biyenan
tapos si misis ay basta ko na lang ba iiwan?

sa ilang samahan ako'y sekretaryo heneral
sa grupong dalita't dating bilanggong pulitikal
kalihim ng Kamalaysayan, grupong historikal
mga tungkulin kong niyakap kapantay ng dangal

di pa maayos ang lahat, ngunit gagampan pa rin
pagkat ako'y dedikado sa yakap na mithiin
di ako sumusuko sa pagtupad sa tungkulin
subalit kalagayan ko sana'y pakasuriin

sa Kartilya ng Katipunan ay nakasaad nga
anya, "Sa taong may hiya, salita'y panunumpa,"
kaya dapat kong gampanan ang aking sinalita
kung ayaw kong lumabas na taong kahiya-hiya

hintay lang, mga kas, at maaayos din ang lahat
nanghihina pa ang leyon, na layon ay matapat
ayokong bumabang kalusugan ko'y di pa sapat
ngunit nasaan man ako, sa layon ay tutupad

- gregoriovbituinjr.
10.09.2021

Chair Chito Gascon, CHR

CHAIR CHITO GASCON, CHR

taaskamaong pagpupugay at pasasalamat, 
Chair Chito Gascon, pagkat tunay kang tagapagmulat
ng karapatang pantaong pinaglaban ng tapat
upang panlipunang hustisya'y kamtin ngang marapat

ah, isa ka nang moog sa karapatang pantao
na kinamuhian man ng pangulong butangero
ay di natinag bagkus ay matatag hanggang dulo
dignidad ng kapwa'y ipinagtanggol mong totoo

nakasama ka namin sa samutsaring labanan
lalo't due process of law ay lantarang di ginalang
lalo sa tokhang na dinulot ay laksang patayan
lalo't kayraming pamilyang sigaw ay katarungan

salamat sa buhay mong sa bayan mo na inalay
katawan ma'y nawala, hanggang huli'y nakabantay
upang karapatang pantao'y di yurakang tunay!
muli, Chair Chito Gascon, taasnoong pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
10.09.2021

Biyernes, Oktubre 8, 2021

Pula

PULA

biglang nauso sa pesbuk ang pink o kalimbahin
kaya di na masasabing dilawan ang imahen
ng balo ng lider na anong galing at butihin
na tumatakbo upang mamuno sa bayan natin

habang nais kong pintahan ng pula ang paligid
bilang kaisa ng manggagawa nating kapatid
dahil kapwa nila manggagawa'y nais mapatid
ang sistemang bulok ng mga dinastiya't ganid

ang sigaw ng mga obrero: "Manggagawa Naman!"
tumatakbong pangulo si Ka Leody de Guzman
at Atty. Luke Espiritu, senador ng bayan
oo, Manggagawa Naman sa ating kasaysayan

lider ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino
o BMP ang dalawang magigiting na ito
na ipinaglaban ang mga isyu ng obrero
akong naging istap ng BMP'y saksing totoo

kaya ako'y naritong kaisa sa minimithi
ka-kapitbisig ng manggagawa bilang kauri
upang sistema ng mga trapo'y di manatili
dati rin akong manggagawa, talagang kalipi

manggagawa ang dahilan ng mga kaunlaran
umukit ng mundo't ekonomya ng bayan-bayan
kung wala sila'y walang tulay, daan, paaralan,
walang gusaling matayog, Simbahan, Malakanyang

kaya aking ipipinta ang matingkad na pula
kaysa malabnaw na kulay,  kalimbahin ng iba
ang nais ko'y lipunang walang pagsasamantala
ng tao sa tao dulot ng bulok na sistema

pula sa ating bandila'y tanda ng kagitingan
at di pagsirit ng dugo, digmaan, kamatayan
pulang tanda ng pag-ayaw sa mga kaapihan
tulad ng ginawa ng mga bayani ng bayan

- gregoriovbituinjr.
10.08.2021

Talinghaga

TALINGHAGA

malasa pa ba sa dila ang mga talinghaga
habang naririto't nagpapagaling sa hilaga
habang sa hangin ay lutang ang amoy ng nilaga
habang tinitiyak na naiinitan ang baga

anuman ang lasa ng talinghagang nalilirip
ito ma'y asukal sa tamis o apdo sa pait
dapat kahit maysakit ay wasto ang naiisip
at di napupunit tulad ng damit na gulanit

ako'y langay-langayan sa Pulo ng Makahiya
pinamumunuan ang kawan ng laksang kawawa
na nais maghimagsik laban sa trapong kuhila
pagkat nagdala ng salot na dapat lang mapuksa

bakit agila ang sa mga isda'y mamumuno
tanong ng pipit at mayang tila magkalaguyo
bakit trapong nahalal ay balimbing at hunyango
may kapayapaan ba kung pag-ibig ay maglaho

ano ang talinghaga sa kwento ng maglalatik
kung may makatang lagi nang nakaapak sa putik
maiging nasusulat, talinghaga'y natititik
upang sa bungad pa lang ng akda'y nakasasabik

- gregoriovbituinjr.
10.08.2021

Huwebes, Oktubre 7, 2021

Dalumat

DALUMAT

patuloy pa ring bumabangon sa pusod ng sindak
dahil sa salot na laksang buhay na ang hinamak
tila ba ang kasalukuyan ay puno ng lubak
na hinaharap ay di batid saan masasadlak

magagawa lang ba natin, tayo'y magkapitbisig?
sama-samang kumilos upang salot ay malupig?
ngunit paano? subalit dapat tayong mang-usig
may dapat bang managot? anong dapat nating tindig?

may takot na sa virus sa bawat nitong kalabit
dinggin mo sa pagamutan ang laksa-laksang impit
ang bawat daing nila sa dibdib mo'y gumuguhit
ito bang sangkatauhan ay patungo sa bingit

at kapag nagising pa sa umaga'y pasalamat
patuloy lang sa ginagawa habang nakadilat
pagtulog sa gabi'y walang alalahaning sukat
pagkat tanggap na ng loob ang dating di dalumat

- gregoriovbituinjr.
10.07.2021

Sa laot

SA LAOT

nilulumot ang mga anino sa guniguni
habang nakamasid ang mga sirena sa tabi
palubog na ang araw at malapit nang gumabi
at dumaan ang siyokoy na tila nagmumuni

nais kong sisirin ang kailaliman ng dagat
upang galugarin ang lugar na di ko masukat
ay, naglutangan ang mga plastik, kayraming kalat
ang pagdumi ng laot ay kanino isusumbat

kayganda ng dagat kung pagmamasdan sa malayo
ngunit lapitan mo, tiyak puso mo'y magdurugo
tangrib at bahura'y bakit nasira't nangatuyo
dahil din ba sa climate change, pag-iinit ng mundo

nakita ko ang isang siyokoy na lumuluha
habang tinatanggal ang plastik sa bibig ng isda
na sa araw-araw, madalas niyang ginagawa
kapwa nilalang sa laot ay sasagiping sadya

ano pa bang kaya nating magawa, kaibigan
upang matulungan ding luminis ang karagatan
habang sa guniguni ko'y may matinding labanan
sigaw ng siyokoy, "Dagat ay hindi basurahan!"

- gregoriovbituinjr.
10.07.2021

litrato mula sa google

Tikas

TIKAS

tikas ko'y nawala bilang aktibistang Spartan
nang ma-covid, katawang bakal pala'y tinatablan
mukhang di na nagamit ang bawat kong natutunan
bilang mabisang tibak sa anumang sagupaan

nawala sa oryentasyon nang sakit na'y dumapo
saan ako nagkamali't sinapit ko'y siphayo
dati'y nang-iinis lang ng mga trapong hunyango
habang sa kapwa maralita'y doon nakahalo

tila lumambot na ang kamaong may katigasan
nawala na ang tikas, animo'y di na Spartan
dama'y di na kawal ng mapagpalayang kilusan
pakiramdam na'y basahan sa isang basurahan

pasensya na po, ganito ang epekto ng covid
pag-ingatan n'yo rin ang katawan, mga kapatid
at huwag hayaang ang kalusugan ay mabulid
sa salot na covid na laksang buhay na'y pinatid

habang nagpapagaling, patuloy na nagrerebyu
kung makabalik kaya'y tanggapin pa ang tulad ko
habang inuunawa yaong samutsaring isyu
di lang itutula, kundi kikilos na totoo

- gregoriovbituinjr.
10.07.2021

Miyerkules, Oktubre 6, 2021

Pagmumuni

PAGMUMUNI

magbasa-basa pa rin at patuloy na magrebyu
ng paborito mong paksa't sumusulpot na isyu
ano nang nangyayari sa klima, barangay, tribu

ayos lang isipin ang nadamang sakit at lumbay
ngunit huwag kalimutang may talino kang taglay
na habang nagpapahinga'y patuloy kang magnilay

huwag hayaang dahil sa sakit, laging tulala
parati pa ring magsuri, isulong ang adhika
ibahagi ang anumang naiisip sa madla

anong balita ang laganap ngayon sa daigdig?
covid nga ba'y nakakonsentra lang sa malalamig?
paanong sa kapayapaan, bansa'y makakabig?

bakit buga ng plantang coal ay nakasusulasok?
sa darating na halalan ay sinong iluluklok?
paano nga ba papalitan ang sistemang bulok?

nais kong manatiling nagsusulat, kumakatha
ilibot ang tingin sa paligid, kayraming paksa
salamat po sa nagbabasa ng katha kong tula

- gregoriovbituinjr.
10.06.2021

Sapantaha

SAPANTAHA

bakit ba lumaganap ang salot na di mapuknat
dahil ba bilyon-bilyon ang populasyon ng lahat
na hatian sa yaman ng lipunan na'y kaybigat
kaya naimbento ang covid, di ko madalumat

tulad ng dyenosidyo ng mga binhi, nauso
ang seedless, upang yaong mga binhi'y bibilhin mo
binhing may intellectual property rights ng negosyo
bibilhin mo sa korporasyong nagpatente nito

kaya magsasaka'y kawawa, binhi na'y bibilhin
sa nais kumontrol ng pinagmulan ng pagkain;
gayundin naman ang covid, tao'y nais patayin
dahil na rin sa hatian sa yaman at pagkain

marami mang nagpo-protesta sa G.M.O.ng salot
kung makapangyarihan ang negosyong nasasangkot
may magagawa ba tayo kung boses nati'y bansot
lalo't covid sa ating mundo'y kaytinding dinulot

- gregoriovbituinjr.
10.06.2021

Martes, Oktubre 5, 2021

Maligayang Araw ng mga Guro

MALIGAYANG ARAW NG MGA GURO

sa lahat po ng guro, taasnoong pagpupugay
sa paglaki namin, guro'y sandigan at patnubay
bukod sa aming magulang ay guro ang nagpanday
ng isip at asal ng estudyante, naging gabay

ang mahal kong ina ang talagang una kong guro
ang aking ama naman ay kayrami ring tinuro
upang kaming mga anak ay sadyang mapanuto
silang nagturo't gumabay ng may buong pagsuyo

salamat sa guro ng kinder at elementarya
tunay kayong sa aming puso't diwa'y mahalaga
di lang itinuro'y wika, agham, matematika
kundi good manners and right conduct, wastong disiplina

sa mga guro ko ng hayskul, nagpupugay ako
di rin malimot ang mga guro sa kolehiyo
sa lahat ng aming naging guro, mabuhay kayo!
sa lahat ng guro, kami'y taasnoong saludo!

- gregoriovbituinjr.
10.05.2021

litratong kuha ng makata noong 2016

Pagtula para sa kalikasan

PAGTULA PARA SA KALIKASAN

patuloy akong tutula para sa kalikasan
dahil ito'y niyakap kong prinsipyo't tinanganan
ibabahagi sa kapwa anumang natutunan
upang kalikasan ay kanila ring alagaan

halimbawa ng mga tinula'y natipong plastik
bakit at paano ba ginagawa ang ekobrik
sa walang lamang bote'y matiyagang nagsisiksik
aba'y isama pa natin ang proyektong yosibrik

magtanim ng gulay sa paso kung nasa lungsod ka
nang balang araw, may mapitas pag ito'y namunga
magtanim ng puno pag ikaw ay nasa probinsya
tulad ng niyog, kalumpit, lipote, saging, mangga

sa kalikasan pa lang, samu't sari na ang isyu
may batas tulad ng Clean Air Act, Clean Water Act tayo
Solid Waste Management Act na dapat sundin ng tao
may Green Climate Fund pa, paano ba nagamit ito?

sumama rin noon sa Lakad Laban sa Laiban Dam
at kaisa sa kampanya laban sa Kaliwa Dam
at naglakad din mula Luneta hanggang Tacloban
sa malamig na Pransya'y sumama rin sa lakaran

at itinula ang mga karanasan at isyu
inilathala't ipinabatid sa kapwa tao
climate justice, climate emergency, ano ba ito
at bakit nag-uusap sa COP ang mga gobyerno

bagamat di lamang sa pisikal kundi sa diwa
ang paraan kong makiisa sa lahat ng madla
upang masagip ang mundong tahanan nating pawa
para sa kalikasan ay patuloy na tutula

- gregoriovbituinjr.
10.05.2021

ang litrato ay kopya ng dalawang pampletong inilathala ng makata

Lumalalang klima


LUMALALANG KLIMA

ang editoryal ng dyaryong Inquirer, Oktubre Tres,
sa puso't isipan ko nga animo'y tumitiris
"The future is frightening," pamagat nga'y anong bangis
basahin mong buo, ikaw kaya'y makatitiis

sa mga katotohanang inilahad, inulat
hinggil sa klimang pabago-bago, anong marapat
nakakatakot daw ang kinabukasang kaharap
ng mundo, at mga bansa'y dapat pa ring mag-usap

lulubog ang Manila Bay, ang marami pang isla
siyam na taon na lang, anang mga siyentista
magbawas na ng emisyon o lalong lumala pa
ang lagay ng daigdig, ang pabagu-bagong klima

itigil ang plantang coal, mag-renewable energy
nananawagan din sila ng climate emergency
sana, mga gobyerno'y di bulag, pipi, o bingi
sa nagaganap at ulat ng U.N.F.C.C.C.

dapat magkaisa, halina't manawagan tayo
mag-usap at kumilos ang iba't ibang gobyerno
magbawas ng emisyon, magsikilos din ang tao
baka masagip pa ang nag-iisa nating mundo

- gregoriovbituinjr.
10.05.2021

litrato at datos mula sa kawing na https://www.google.com/amp/s/opinion.inquirer.net/144844/the-future-is-frightening/amp
* U.N.F.C.C.C. - United Nations Framework Convention on Climate Change

Lunes, Oktubre 4, 2021

Kung bobo...'to

KUNG BOBO...'TO

may mga mahilig gumamit ng pwersa
pagkat tingin, makapangyarihan sila
na ang katwiran ay katwiran ng pera
tauhan ay susubuan lang ng kwarta
ganyan katindi ang kanilang sistema

tulad din ng trapo kapag may halalan
tumakbo dahil mayroong kayamanan
masang gutom ay kanilang babayaran
iboto lang sila sa kapangyarihan
pobre'y papayag na lang sa limangdaan

bobo ba kung tinanggap nila ang pera
at inihalal ang nagbigay ng kwarta
ah, basta may bigas para sa pamilya!
kung boboto, ihalal ma'y walang pera
subalit iyon ang nais ng konsensya!

ano ba ang limang daang pisong iyon
kung sa isang araw, sila'y nakaahon
kaysa nga naman sa utang ay mabaon
muli mang makawawa ng tatlong taon
pinagpalit ma'y kinabukasan doon

maging matalino sana sa pagboto
subalit anong klase ang iboboto?
katanungang dapat saguting totoo
bansa ba'y patakbuhing parang negosyo?
o pagsisilbihang totoo ang tao?

subukang iboto yaong maglulupa
kauri ng magsasaka't manggagawa
di basta sikat na artista't kuhila
kundi prinsipyo'y panig sa kapwa't dukha
sadyang tunay na magsisilbi sa madla

- gregoriovbituinjr.
10.04.2021

litrato mula sa google

Linggo, Oktubre 3, 2021

Ka Bien

KA BIEN

minsan ko lang nakaharap si Ka Bien Lumbera
doon sa Diliman, matapos ang isang programa
na pinakilala sa akin ni Ka Apo Chua
buti si Apo'y may kamera't kami'y nagpakuha

subalit wala akong kopya ng litratong iyon
na patunay sana ng pagdalo kong iyon doon
na nakadaupang palad ko si Ka Bien noon
na respetadong National Artist ng ating nasyon

tanging nabiling aklat niya ang mayroon ako
aklat na kayamanan na ng makatang tulad ko
pamagat ay SURI pagkat pagsusuring totoo
hinggil sa panitikan, inakda niya't kinwento

may sinulat sa sariling wika, at may sa Ingles
malalasahan mo kung akda niya'y anong tamis
o mapait pa sa apdo ang indayog at bigkis
iyong mauunawaan, malalim man ang bihis

salamat, Ka Bien, sa ambag mo sa panitikan
ang makadaupang palad ka'y isang karangalan
taaskamaong pagpupugay yaring panambitan
sa Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan

- gregoriovbituinjr.
10.03.2021

* nabili ko ang aklat na Suri: Pag-arok sa Likhang Panitik, ni Bienvenido Lumbera (Abril 11, 1932 - Setyembre 28, 2021), na may 286 pahina, may sukat na 5" X 8", sa halagang P650, noong Hunyo 3, 2021, sa Solidaridad Bookshop sa Ermita, Maynila