Huwebes, Setyembre 29, 2022

Kwento - 11,103

11,103
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Buong umaga’y nasa isang pagkilos na kami. Ikalimampung anibersaryo ng batas-militar ang araw na iyon. Karaniwang araw para sa marami, ngunit hindi sa mga nakaranas ng lagim ng batas-militar. Araw iyon ng kilos-protesta, araw ng pagluluksa dahil sa kalupitang dinanas ng kanilang mga mahal sa buhay.

Ang iba’y nawala nang tuluyan at hanggang ngayon ay hindi pa nakikita ng kanilang mahal sa buhay kahit man lang ang bangkay ng desaparesido o yaong sapilitang iwinala. Ang iba’y buhay ngunit naranasan ang bangungot ng marsyalo, natortyur, nakulong, ilang taon sa piitan, hanggang sila’y nakalaya.

Isa ako sa mga lumahok sa kilos-protestang iyon, hindi dahil naranasan ko ang batas militar, kundi bilang pakikiisa sa mga taong nawalan ng mahal sa buhay. Bata pa ako nang mabuhay sa panahon ng marsyalo. Bata pa ako’y tinanggal ng diktador ang kinagigiliwan naming palabas na Voltes V, na sa murang gulang ay hindi ko pa maunawaan bakit iyon tinanggal.

Umaga pa lang ay nagkatipon na ang mga kasama at nagkaroon ng programa sa bakuran ng Commission on Human Rights. Matapos ang programa roon ay sumama ako sa pagtungo nila sa Bantayog ng mga Bayani. Hanggang makita ko roon ang mga dating kakilalang matagal na di nakikita. 

“Kumusta na?” ang tanong nila sa akin.

“Heto, kumikilos pa rin,” ang sagot ko. “Kayo naman, kumusta?”

“May handa ka bang tula?” Sabi ng isa.

“Oo,” sabi ko, kaya sa nakapaikot na mga kananayan doon ay binasa ko ang tatlo kong tula hinggil sa talambuhay ng tatlong martir ng marsyalo. Patulang talambuhay o tulambuhay nina Boyet Mijares, 16, Archimedes Trajano, 21, at Liliosa Hilao, 23. Inihanda ko talaga ang tatlong tula baka bigla akong matawag.

“Nakakaiyak naman ang mga tula mo. Sana mas marami pang makarinig ng ganyan.” Sabi ng isang nanay na naroroon. 

Ang sabi ko na lang, “Nais ko pong iambag ang tula ko sa mga ganitong okasyon.” Nasasaisip ko, bilang aktibista’y patuloy ako sa pagkatha ng mga tula, kwento’t sanaysay para sa karapatang pantao at hustisyang panlipunan, at bigkasin ang aking mga kathang tula sa gayong pagtitipon.

Hanggang sa ako’y tawagin ng ilang mga kasama na galing pa ng Mendiola upang lumahok sa munting lakad mula sa BIR Road papasok ng Bantayog. Sumama akong lumabas sa Bantayog. Nagprograma muna sa kalsada bago kami magmartsa, at sa ikalawang pagkakataon ay binasa ko ang tatlong tula hawak ang megaphone sa mga nagrarali. Kailangan ko kasing itula ang mga iyon upang ipaalala ang karumal-dumal na sinapit ng maraming kabataan sa ilalim ng batas-militar. Tantiya ko’y nasa dalawang kilometro rin ang aming nilakad hanggang makarating ng Bantayog.

At sa harap ng rebulto ni Inang Bayan sa Bantayog ay maraming tao na ang nagkakatipon, at doon ay nagkaroon din ng programa. Mga biktima ng marsyalo ang karamihang nagsalita, na makikita mo sa puti nilang buhok ang katatagan, sa kabila ng karahasang kanilang dinanas,

Kinagabihan ay pinalabas ang dalawang oras na dokumentaryong pinamagatang “11,103”. Ang numerong iyon ang mga naidokumentong pangalan ng mga biktima ng marsyalo, buhay at patay, na naitala ng Human Rights’ Victims Claims Board. Habang nanonood ay tahimik ang mga tao, pawang seryoso sa panonood. Hanggang ipakita ang dokumentasyon ng Palimbang Massacre na kayraming pinaslang na Muslim, at noon lang nagsalita ang mga saksi sa tagal na panahon na iyon ay nangyari (1985). Bukod doon ay marami pang panayam ang ipinalabas, na ang iba ay kakilala ko, tulad nina Dok Au at Fr. Ed.

“Grabe talaga ang nangyari noong marsyalo, dapat talagang ipalabas sa publiko ang 11,103 upang maging aral sa mga susunod na henerasyon. Kaya nga dapat nating labanan ang pilit pinababangong mabantot na panahon ng marsyalo!” Dinig kong sinabi ng isang nanonood din. 

“Kaya dapat labanan natin ang mga historical distortion at fake news!” ang sagot naman ng isa. Umambon sa kalagitnaan ng panonood. Mabuti’t hindi naman lumakas, kundi’y kanya-kanya kaming hanap ng masisilungan dahil walang bubong kundi langit ang aming kinalalagyan. 

Natapos ang palabas. Umuwi akong dala ang pag-asang di na maulit ang marsyalo sa kabila na ang anak ng diktador ang pangulo ngayon.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 16-30, 2022, pahina 18-19.

Miyerkules, Setyembre 28, 2022

Lumbera


LUMBERA
(Abril 11, 1932 - Setyembre 28, 2021)

payak ang puntod ng Pambansang Alagad ng Sining
umalis siyang puso'y nag-aalab ng magiting
sa masang pinaglingkuran niyang buong taimtim
may apat akong aklat niyang sa akin nanggising

sapagkat siya't tunay na makata't makabayan
ang kanyang mga akda nga'y aking pinag-ipunan
ang una kong libro niya'y tungkol sa panulaan
tuwa ko nang siya'y nakadaupang palad minsan

minsan lamang, isang beses, di na iyon naulit
subalit akda niya'y binabasa kong malimit
hinggil sa pelikula, tula, masang nagigipit
ang hustisyang panlipunang di dapat ipagkait

pagpupugay sa maestro, kay Sir Bien Lumbera
simpleng ngiti, mapagkumbaba, lahad ay pag-asa
sa ating panitikan, poetika, politika
payak man ang puntod, sa bansa'y maraming pamana

- gregoriovbituinjr.
09.28.2022

Tulang nilikha sa unang anibersaryo ng kamatayan ni Sir Bien Lumbera
* Ang litrato ng puntod ay mula sa fb page ng Sentro Lumbera
* Ang una kong aklat niya'y ang Tagalog Poetry 1570-1898, ang tatlo pa'y ang Suri: Pag-arok sa Likhang Panitik, ang Poetika/Pulitika: Tinipong mga Tula, at ang Isang Sanaysay Tungkol sa Pelikulang Pilipino.

Martes, Setyembre 27, 2022

Paggawa ng buod ng Orosman at Zafira ni Balagtas

PAGGAWA NG BUOD NG OROSMAN AT ZAFIRA NI BALAGTAS
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. 

Isang dahilan na naman upang magpahaba ng buhay. Isang proyekto na naman na dapat kong pagtuunan ng pansin.

Labis akong natuwa nang makita ko sa Solidaridad Bookshop ang nag-iisang sipi ng aklat na Orosman at Zafira na komedya ni Francisco Balagtas, ang may-akda ng Florante at Laura. Si Virgilio S. Almario ang editor niyon. Hindi ko na pinakawalan ang aklat na iyon at agad kong binili. Nagkataon lang na galing ako sa isang pulong sa isang lider na taga-San Andres sa Maynila, nang maisipan kong dumaan sa Solidaridad Bookshop na isang sakay lamang mula sa kanila, habang malayo naman ang aking inuuwian ng mga panahong iyon, sa aming tanggapan sa Lungsod ng Pasig. 

Nabili ko ang aklat na iyon sa halagang apatnaraang piso noong Hunyo 3, 2021. Isang collector's item sa tulad kong mahilig sa panitikan.

Pambihira ang aklat na iyon, dahil ang karaniwang alam lang natin ay ang Florante at Laura lang ang mahabang tula ni Balagtas na nalathala dahil ang iba'y nangawala na, at marahil ay nadamay sa sunog sa Udyong Bataan noong siya'y nabubuhay pa. Meron pa pala siyang ibang mahabang akda na natagpuan at nailathala sa ating panahon.

Nang mabili ko ang aklat na Orosman ay inisip kong huwag lang itong maging pansarili ko lang, na ilalagay ko lang sa munti kong aklatan, collector's item, babasa-basahin, tapos na. Ang nais ko'y gawan ng buod ang aklat na ito para sa mga susunod na henerasyon.

Nais ko itong simulan, lalo na't mas mahaba ng ilang ulit ang Orosman at Zafira kaysa Florante at Laura. 

Ang Kay Celia ay may 22 saknong o 88 taludtod. Ang Sa Babasa Nito ay may 6 na saknong o 24 taludtod. At ang buong akdang Florante at Laura ay may 399 saknong o 1596 taludtod. Sa kabuuan ay may 1708 taludtod ang Florante at Laura.

Ang Orosman at Zafira naman ay may 9034 taludtod. Bagamat kagaya ng Florante ang estilo ng pagtula sa Orosman, labingdalawang pantig sa bawat taludtod, sa saknong na may tigaapat na taludtod, may ilang saknong na isa lang o dalawa ang taludtod. Dahil ang anyo nito'y tulad ng dula, na hindi kasama sa bilang ng taludtod ang mga pangalan ng nagsasalita, kundi ang mga sinabi nilang patula.

Ang pagbasa at paggawa ng buod ng Orosman at Zafira ang nais kong simulan bilang habambuhay na proyekto, na maaari kong matapos sa loob ng apat o limang taon, dahil sa dami rin ng iba pang ginagawa, na sana'y aking magawa habang kaya pa.

Marahil ay sadyang para sa akin talaga ang sipi ng librong Orosman at Zafira na aking nabili, at ang naibigay nitong pagkakataon na mapasaakin ay hindi dapat masayang. Maraming salamat, Balagtas, sa isa mo pang akda.

Ondoy at Karding

ONDOY AT KARDING

dalawang bagyong nanalasa 
halos magkaparehong petsa
Setyembre dalawampu't lima
at hanggang kinabukasan pa

nang mag-Setyembre Bente-Sais
anim-na-oras lang, kaybilis
ng Ondoy nang ang Metropolis
ay nilubog, baha'y hagibis

Karding din ay napakatulin
typhoon signal four na tinuring
mga ulat ay ating dinggin
sa Quezon namuro si Karding

handa ba tayo sa ganito?
sa tumitinding klima't bagyo?
pag nanalanta na'y paano?
kay Ondoy ba tayo'y natuto?

panawagang Climate Justice Now
ay narinig bang inihiyaw?
ang aral ba nito'y malinaw?
na sa puso't diwa'y lumitaw?

- gregoriovbituinjr.
09.27.2022

Katha

KATHA

wala mang magbasa niring tula
akda ko'y di man gusto ng madla
patuloy pa rin akong kakatha
ng kung anong nasa puso't diwa

paksa ma'y pagdarahop ng madla
bahay man ng dukha'y ginigiba
pakikibaka ng manggagawa
kamaong kuyom ng maralita

maging trapo ma'y binubutata
may sumbat ng budhi sa kuhila
sa rali'y hampas man ng batuta
o sa tokhang man ay nabulagta

nilalamay ang wastong salita
hinahanap anong tamang wika
tumititig sa bawat kataga
kinikinis ang sukat at tugma

maraming paksang walang kawala
kaya kwaderno't pluma ko'y handa
upang kathain ang luha't tuwa
wala mang magbasa niring tula

- gregoriovbituinjr.
09.27.2022

Linggo, Setyembre 25, 2022

Ang tinuran ng guro


ANG TINURAN NG GURO

"The ultimate aim of the art of karate lies not in victory and defeat, but in the perfection of the character of its participants."
~ Master Gichin Funakoshi

sakali mang di mapakali
ay unawain ang sinabi 
ni Guro Gichin Funakoshi
hinggil sa sining ng karate

sadyang ikaw ay magninilay
sa ibinilin niyang gabay
karate'y di nakasalalay
sa pagkatalo o tagumpay

kundi sa pagiging perpekto
ng karakter o pagkatao
ng mga lumalahok dito
tinurang sa diwa tumimo

kung ito'y ating maunawa
kahuluga'y magpakumbaba
karate'y pagiging payapa't
makipagkapwa ang adhika

- gregoriovbituinjr.
09.25.2022

Ang daan patungong Quiapo

ANG DAAN PATUNGONG QUIAPO

matapos ang dalawang dekada'y muling bumili
ng librong Trip to Quiapo na akda ni Ricky Lee
ang naunang libro niya'y nasa hiraman kasi
di na naibalik, gayong kaylaki nitong silbi
buti na lang at may pera nang mapuntang C.C.P.

hayskul pa ako'y nilalakad ko na ang Quiapo
nang magkolehiyo'y sa Quiapo pa rin ang tungo
kaya kabisado ko ang bituka nito't luho
dito nagkaisip, kalokoha'y dito nahango
kayrami ring naging katoto't suki sa Quiapo

mula Sampaloc, ako'y nagtutungong paaralan
sa Intramuros, sa Quiapo lagi dumaraan
at sasakay ng Balic-Balic pauwing tahanan
O, Quiapo, bahagi ka ng aking kabataan
anuman ang Trip to Quiapo'y alam ko ang daan

muling binili ang Trip to Quiapo ni Ricky Lee
upang pagsulat ng katha'y paghusaying maigi
iskrip rayting manwal na sa akin makabubuti
salamat, muling natagpuan ang aklat na ire
at mahal man ang presyo'y tiyak di ka magsisisi

- gregoriovbituinjr.
09.25.2022

* ang aklat na Trip to Quiapo ni Ricky Lee ay nabili ng makata sa halagang P350, nang kanyang dinaluhan ang Philippine PEN Congress 2022 sa CCP nitong 09.20.2022
* taospusong pagpupugay kay Ricky Lee nang siya'y gawaran bilang National Artist ng Pilipinas ngayong 2022

Sabado, Setyembre 24, 2022

Kaymahal

KAYMAHAL

kaymahal ng kuryente,
tubig at pamasahe;
tuwa ng negosyante
na tubo'y balde-balde

masa na'y sinasagpang
ng tuso't mapanlamang;
kayrami na ring utang
ang di pa sinisilang

pahirap ng pahirap
ang buhay ng mahirap;
kailan malalasap
ang ginhawang pangarap

sweldo ng manggagawa
ay talagang kaybaba;
negosyanteng kuhila
sa tubo tiba-tiba

masa’y umaatungal
sa bayaring kaymahal;
magmura’y mauusal
kahit isa kang banal

di sapat ang panggugol
ng masang tumututol;
sistemang di na ukol
ay dapat nang maputol

- gregoriovbituinjr.
09.24.2022

Miyerkules, Setyembre 21, 2022

Sa ikalimampung anibersaryo ng batas militar




Kuha sa Bantayog ng mga Bayani kung saan ipinalabas ang 2-oras na dokumentaryong 11,103 na nagsimula ng 6pm. Bago iyon ay nakiisa tayo sa pagkilos mula umaga bilang paggunita sa ikalimampung anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar. Narito ang nagawa kong tula:

SA IKALIMAMPUNG ANIBERSARYO NG BATAS MILITAR

kaytinding bangungot yaong pinagdaanan
ng labing-isang libo, sandaan at tatlo
di na mabubura sa ating kasaysayan
bilang iyon ng biktima noong marsyalo

batang-bata ako nang marsyalo'y binaba
walang muwang sa nagaganap sa lipunan
iyon pala, mga kabuktuta'y bumaha
kayraming tinortyur, iwinala, pinaslang

anong klase kayang kahayukan sa dugo
ang nasa pangil at puso ng diktadura
ano kayang klaseng kahayukan sa tubo
ang naisip ng diktador at cronies niya

naunawaan ko lang ang mga nangyari
sa mura kong diwa'y pinilit intindihin
nang tinanggal ang Voltes V at Mazinger Z
na noon talaga'y kinagiliwan namin

nang lumaki na'y mas aking naunawaan 
ang nangyayari sa kinagisnang paligid,
sa kalunsuran, kanayunan, daigdigan
upang gutom ng kapwa't dukha'y maitawid

at ngayong ikalimampung anibersaryo
ng batas militar, ang muli naming sigaw
ay "Never Forget, Never Again to martial law!"
sana'y magandang bukas ang ating matanaw

- gregoriovbituinjr.
09.21.2022

Lunes, Setyembre 19, 2022

Kulugo

KULUGO

kung di mo inaalay ang buhay mo sa layuning
makatao, dakila't banal kundi pansarili
ang kapara mo'y kulugong basta lumitaw man din
sa katawan ng iba, dapat sa iyo'y iwaksi

ang buhay na di ginugol sa malaking dahilan
ay kahoy na walang lilim o damong makamandag
nasusulat iyan sa Kartilya ng Katipunan
upang ang bayang ito'y maging malaya't matatag

kaya ayokong maging kulugo sa iwing buhay
na pansariling ginhawa't kaligtasan ang pakay
kaya ako'y aktibistang ang buhay na'y inalay
ng buong-buo para sa bayan hanggang mamatay

kaya huwag mong isiping ako'y magpapayaman
tulad ng kulugong sinagpang ay ibang katawan
upang sarili'y paginhawain, bundat ang tiyan
maghirap man ako'y may adhikang tapat sa bayan

- gregoriovbituinjr.
09.19.2022

P20

P20

bente pesos na roon ang kanin
di bente pesos na kilong bigas
ito na ang kalagayan natin
mahal ang presyo ng bigas at gas

mananatili lang bang pangako
o iyon ay sadyang pambobola
noong halalan, ngayon napako
ang pinangako nila sa masa

umasa kasi sa tusong trapo
gayong di naman nila kauri
kaya laging inuunggoy tayo
ng mga hunyangong walang budhi

ito'y isang mahalagang aral
na kaakibat ng ating dangal

- gregoriovbituinjr.
09.19.2022

Linggo, Setyembre 18, 2022

Tahak, hatak, katha

TAHAK, HATAK, KATHA

aking tinatahak ang landasing
di matingkala kung di batirin
tila gagambang lumalambitin
sa baging ng di mo akalain

tila ba kung anong humahatak
sa haraya't ginapangang lusak
ang mga panggatong na sinibak
ay malapit sa tungko nilagak

habang kinakatha'y mga paksa
ng manggagawa't anak-dalita
ang bagyong di pa rin humuhupa
sa kalunsuran ay nagpabaha

- gregoriovbituinjr.
09.18.2022

Inihaw na tahong

kaysarap ng inihaw na tahong
na inihain sa aming pulong
na mula sa dagat ng linggatong
ng samutsaring paksang umusbong

kung naroong mangga'y manibalang
kung buwan ay maghulog ng sundang
kung lumabas ang kawan ng balang
kung gumagala'y may pusong halang

kaysarap ng inihaw na tahong
habang kayrami ng mga tanong
iba'y pakitang-gilas sa dunong
sa balitaktaka'y di umurong

- gbj/09.18.2022

Alon

pagyapak sa alon
sa akin lumulon
pagyakap ang tugon
sa bawat nilayon

- gbj/09.18.2022

Sabado, Setyembre 17, 2022

Kislap ng diwa

kumikislap ang diwa
nitong abang makata
ideyang di mawala
heto na't ginagawa

sa kislap ng panulat
ang masa'y minumulat
habang sa puso'y bakat
ang nabahaw na sugat

- gbj/09.16.2022

Di pipi

tahimik ako ngunit di pipi
na basta sinasalya sa tabi
may karapatan ding masasabi
na hindi papayag magpaapi

- gbj/09.16.2022

Miyerkules, Setyembre 14, 2022

Kwento: Magrarali ang maralita sa DOLE


MAGRARALI ANG MARALITA SA DOLE
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napagkaisahan ng mga maralitang magsagawa ng pagkilos sa harap ng Kagawaran ng Paggawa. Inanyayahan nila ang iba pang lider-maralita upang pag-usapan ang pagkilos.

Dumating si Aling Ligaya sa pulong. Ang agad niyang tanong: “Bakit sa DOLE? Hindi ba’t isyu ng maralita ay pabahay? Hindi ba’t sa matagal na panahon ay pabahay ang ating panawagan? Kaya bakit sa kagawarang iyan tayo magrarali?”

“Tama ka, Ligaya.” Ang sabad ni Mang Bitoy, “Lumaki na akong nasa barungbarong nakatira, at sumasama sa mga pagkilos na pabahay ang isinisigaw. Bakit ngayon, sa DOLE? Hindi naman tayo manggagawa.

Agad naman siyang sinagot ni Aling Luningning, “Iyan nga ang punto, eh. Alam nyo, Ligaya, Bitoy, ang isyu ng maralita kaya siya tinawag na maralita ay hindi lamang pabahay, kundi ang karalitaan, kahirapan, pagdaralita, karukhaan. Karamihan sa ating mga maralita ay walang trabaho. Kaya heto sina Mang Igme na nagmungkahi ng malaking pagkilos sa DOLE para ipanawagan ang Trabaho Para sa Maralita.”

“Dagdag pa riyan, Ligaya,” si Mang Igme, “sabi ng pamahalaan na kulang daw ang trabaho. Kaya ang nakikita nating solusyon diyan, gawing anim na oras na lang ang otso oras na paggawa upang ang natitirang oras ay ibigay sa maralita. Kung sa loob ng 24 oras sa isang araw ay may tatlong manggagawang tigwawalong oras ang trabaho, na legal ayon sa batas, aba, kung magiging anim na oras ang paggawa sa isang araw, sa loob ng 24 oras, may apat na manggagawa na ang nagtatrabaho. Yung nadagdag sa labor force sa bawat araw ay ang maralitang nabigyan ng trabaho.”

“Oo nga, ano,” pagsang-ayon naman ni Aling Ligaya. “Tama po kayo, mga kasama. Bakit hindi natin kaagad naisip iyan? Ibig lang sabihin, kung hindi kaya ng gobyerno makapagbigay ng solusyon, tayong mga maralita ang magsasabi ng solusyon sa kanila. Kung kulang ang trabaho sa paggawang otso oras kada araw, aba’y gawing anim na oras kada araw ang trabaho upang ibigay ang anim na oras pa para sa maralita. Nauunawaan ko na.”

“Sige, paano ang gagawin natin? Kunin muna ang manila paper at pentel pen para maisulat ang ating plano.” Ani Mang Igme.

Kaya sa isang malapad na tabla ay idinikit nila ang isang manila paper upang pagsulatan ng gagawin nilang plano ng pagkilos.

“Ang pangkalahatang layunin ng ating pagkilos,” isinulat ni Mang Igme sa manila paper, “ay maikampanya natin ang ating mga hinaing na magkaroon ng trabaho ang mga maralita. Ang mga isusulat nating islogan sa mga plakard ay:  Trabaho Para sa Walang Trabahong Maralita! Gawing Anim na Oras ang Otso Oras na Paggawa! Palagay ko ang dalawang islogan na iyan ay sapat na. Mga tigsasampung plakard bawat islogan. Ayos ba, mga kasama? Bago ang pagtatakda ng petsa, ilan sa inyo ang nais lumahok?”

Maraming nagtaasan ng kamay, nasa higit dalawampung katao.

“Ilan pa ang maaari ninyong pasamahin para mas marami tayo? Sa ngayon ay may badyet tayo para sa dalawang dyip.” Si Mang Igme pa rin.

“Hindi ba nakakatakot sumama sa rali?” Ani Inggo, na binatilyong sa murang edad ay nagtratrabaho na bilang magbabasura.

“Aba’y karapatan natin ang ating ipinaglalaban dito, kaya bakit ka matatakot, at kasama mo naman kami.” Agad na sabi ni Aling Tikya na dati ring unyonista sa pabrika nila bago iyon nagsara.

Nagtanong muli si Aling Ligaya, “Pwede ba nating imbitahan ang mga unyong kakilala natin upang samahan tayo sa ating pagkilos?”

“Aba’y maganda ang mungkahi mo, Ligaya. Hayo’t anyayahan natin silang samahan tayo.” Agad na pagsang-ayon ni Mang Kulas na isa ring lider sa kanilang purok. “Dagdag pa riyan ay isama natin sila sa ating mabubuong nego panel upang sakaling maharang tayo sa DOLE ay may kasama tayong mga manggagawa.”

“Ikaw na, Ligaya, ang magsabi sa unyon ng mga manggagawa. Sana’y hindi nila tayo tanggihan sa munti nating kahilingan.” Sabi ni Mang Igme. “Kailan ang mungkahi ninyong araw? Sinong gagawa ng panawagan sa midya? Sinong magsusulat ng ating pahayag? Baka ihanda muna natin ang polyeto na magpapaliwanag sa ating mga kapwa maralita kung bakit sa DOLE tayo magrarali.”

“Sige po, akuin ko na po ang pagsusulat,” Sabi ng dalagang si Juday.

“Aba’y maaasahan talaga ang mga kababaihan pagdating sa pagkilos nating maralita.” Pagmamalaki ni Aling Luningning sa kanyang anak.

Natapos ang pulong na may kislap ng pag-asa sa kanilang mga mata.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 1-15, 2022, pahina 18-19

Martes, Setyembre 6, 2022

Tula sa kapayapaan

Di ako nakadalo sa miting ng PAHRA (Philippine Alliance of Human Rights Advocates) ng 2pm. May kasabay, nakadalo ako sa miting ng grupong PAGGAWA (Pagkakaisa ng Uring Manggagawa) sa Diokno Hall sa CHR (Commission on Human Rights). Trade Union Action Day for Peace ng WFTU (World Federation of Trade Unions). Sa talakayan ay nakagawa ako ng tula, at nang ako'y tinawag ay binigkas ko ang sumusunod na tula:

TULA SA KAPAYAPAAN
Alay sa Trade Union Action Day for Peace

kapayapaan, imperyalistang gera'y itigil
ang buhay ng tao'y di dapat basta kinikitil
digmaan ng mga bansa'y sinong makapipigil
baka nuclear misayl, gamitin ng bansang sutil

kaya nararapat lamang ang ating panawagan
na baguhin ang bulok na sistema ng lipunan
sa pangarap na mundo, hangad ay kapayapaan
may kaginhawahan ang lahat, di lang ang iilan

O, uring manggagawa, dapat tayong magtulungan
tayo'y magkapitbisig, imperyalismo'y labanan
ang mapagsamantalang kapitalismo'y wakasan
ang sosyalismo'y tahakin, baguhin ang lipunan

- gregoriovbituinjr.
09.06.2022