Biyernes, Agosto 30, 2024

Buhay-kalye

BUHAY-KALYE

kaytindi ng kahirapan sa buhay-kalye
na upang makakain ay pulos diskarte
nang sa pangangalakal sila'y maitaboy
aba'y lalo silang nagmistulang palaboy

dati'y nakakakain pa sila ng pagpag
ngunit ngayon, gutom sila buong magdamag
dukhang walang lamon, sikmura'y kumakalam
habang ang mayamang aso'y busog sa ulam

dapat pagbutihin ang pagkakawanggawa
mulatin at organisahin silang dukha
ipakitang sila'y may magagawa pa rin
kung kikilos sila'y may ginhawang kakamtin

bahaghari'y lilitaw matapos ang unos
di lahat ng panaho'y panahong hikahos
may araw ding sisilay matapos ang bagyo
mabubusog din sa kangkong na inadobo

- gregoriovbituinjr.
08.30.2024

* larawan mula sa magasing Liwayway, Agosto 2024, pahina 29, kung saan nakasulat sa malalaking letra: "Naisip ni Biboy, sana ay hindi na niya kailangang umasa sa mga itinapong pagkain ng iba. Iyong sana ay masaya ring kasama ang kaniyang ama't ina. At sana ay hindi na niya kinakailangang umasa sa sariling diskarte para malamnan ang sikmura."

Miyerkules, Agosto 28, 2024

Pulang tshirt

PULANG TSHIRT

mare-redtag ba ako kung suot ko'y pula?
o dahil simbolo ng pag-ibig ang pula?
di ba't watawat ng Katipunan ay pula?
di ba't sa bandila ng Pinas ay may pula?

tatak ng tshirt ni misis ay Baguio City
na noong naroon kami'y aming nabili
tatak naman ng tshirt ko ay Ka Leody
suot ko nang tumakbo siyang presidente

bughaw ang kulay ng langit at karagatan
luntian ang bundok, parang, at kabukiran
puti'y kapayapaan, itim ay karimlan
pula ang dugo ng sinumang mamamayan

sa kulay ng dugo makikitang malusog
kulay din ng galit at digmaang sumabog
kulay ng tapang upang bansa'y di madurog
salamat sa kulay pulang sa atin handog

- gregoriovbituinjr.
08.28.2024

Biyernes, Agosto 23, 2024

Si Muning

SI MUNING

may Muning pala silang alaga
makulit at di nakakatuwa
sa lamesa'y sadyang nakaabang
pag nalingat, ulam na'y nadukwang

subalit mabuti nang may pusa
pagkat paligid ay maahas nga
dahil masukal ang kagubatan
pusa'y depensa mo sa tahanan

ahas ay lalabanan n'yang tiyak
upang pamilya'y di mapahamak
binidyo ko siyang kumakain
at siya'y sarap na sarap man din

hayaan lang siya sa paglamon
at siya'y pinanood lang doon
sa kawalan ay muling nagmuni
kaylakas din ng ulan kagabi

- gregoriovbituinjr.
08.23.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/ud0kBtC2pJ/ 

Miyerkules, Agosto 21, 2024

Mga bigating pugante'y di pa mahuli

MGA BIGATING PUGANTE'Y DI PA MAHULI

nagigisa ang PNP at DILG
sapagkat ang dalawang bigating pugante
hanggang ngayon ay di pa nila nahuhuli
anong nangyari? bakit di pa masakote?

para bang awtoridad pa ang kinakapos
subalit ayon kina Marbil at Abalos
lahat ng makakaya'y ginagawang lubos
nang gawain ng mga suspek na'y matapos

sina Guo at Quiboloy ang tinutukoy
na dapat nilang masakote sa kumunoy
ang isa'y Mayora, isa'y Pastor, kaluoy!
baka nakaalis na ng bansa, aba, hoy!

hoy, gising! ang sinisigaw ng mamamayan
ipakita nilang sila'y may kakayahan
dakpin na agad ang mga suspek na iyan
at maikulong sa kanilang kasalanan

- gregoriovbituinjr.
08.21.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, Agosto 16, 2024, p. 1 at 2

Lunes, Agosto 19, 2024

Arestado?

ARESTADO?

kung si Pastor Quiboloy, alam ni Duterte
kung saan nagtatago, ano ang mensahe?
di mahuli-huli ng pulis, D.I.L.G.
at siya pa'y aarestuhin ng I.C.C.

ayon kay J. Antonio Carpio, retired Justice
may ilalabas umanong warrant of arrest
kay Duterte, na nag-atas sa mga pulis
na ang mga suspek sa drug war ay matugis

ang mga salitang extra-judicial killing
na pumalit sa 'salvage', maging ang tokhang din
ay naging palasak na salita sa atin
batid ng bayan kung sinong dapat usigin

mga samahan sa karapatang pantao
ay tiyak inabangan ang balitang ito
dahil mga pagpaslang ng walang proseso
ay kawalang hustisya't isang pag-abuso

kayraming ina pa ring ngayo'y lumuluha
dahil mahal nila sa buhay ay nawala
ang E.J.K. at tokhang nga'y kasumpa-sumpa
hiling nilang hustisya'y makamtan nang sadya

- gregoriovbituinjr.
08.19.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Agosto 16, 2024, p. 1 at 2

Linggo, Agosto 18, 2024

Mag-inang natutulog sa bangketa

MAG-INANG NATUTULOG SA BANGKETA

natutulog sa bangketa silang mag-ina
na habang lulan ng dyip ay aking nakita
kalsada na ba ang tahanan ng pamilya
dahil ba sa hirap ay doon na tumira?

pasimple ko silang kinunan ng litrato
sa kanila'y walang magawa ang gobyerno?
kundi bigyan ng limos o ayuda ito?
imbes na paalwanin ang buhay ng tao?

bakit walang magawa ang pamahalaan?
sa mga naghihirap nating mamamayan?
silang mga matakaw sa kapangyarihan
na nais lang gawin yata'y katiwalian!

dahil utak negosyante ang namumuno
na nais lang mangyari'y paano tumubo
serbisyo'y ninegosyo ng trapong hunyango
gayong "pinuno" silang di dapat maupo

pag daw maraming pulubi sa isang bansa
ang gobyerno raw nila'y walang ginagawa
gobyernong walang paki sa buhay ng dukha
ay dapat sama-samang ibagsak ng madla

- gregoriovbituinjr.
08.18.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa Roces Avenue sa Lungsod Quezon, Agosto 16, 2024

Sabado, Agosto 17, 2024

Mag-isang nagdiriwang

MAG-ISANG NAGDIRIWANG

kalmado lang akong umiinom
ng Red Horse dito sa munting silid
pangatlong dekada'y nilalagom
katapatan ko'y di nalilingid

tatlong dekada na sa lansangan
tatlumpung taon na ng pag-iral
na yaring puso't diwa'y nahinang
sa pagbaka kahit napapagal

ah, sino kayang mag-aakala
sa dami ng dinaanang sigwa
sa rali'y ilang beses nadapa
narito pa ring lapat sa lupa

patalim man, balaraw o baril
sa pagbaka'y walang makapigil
hangga't prinsipyo'y nakaukilkil
tibak na makata'y walang tigil

- gregoriovbituinjr.
08.17.2024

Tokasi

TOKASI

muli, TOKASI - may TOyong KAmatis at SIbuyas
ang aking agahan upang katawan ay lumakas
habang pinanonood ko ang Alas Pilipinas
sina Jia, Sisi, Fifi, kung pumalo'y matikas

madaling araw natulog, at tirik na ang araw
nang magising, habang dinig ang mga pambubulyaw
ng kapitbahay, ang isa'y may asong binubugaw
habang may isa namang sa malayo nakatanaw

pagkakain ay baka pumunta munang palengke
o magtanggal muna ng mga agiw sa kisame
o labhan muna ang naipong labadang kaydami
habang mainit pa ang araw, ito ang diskarte

TOKASI ang agahan dahil iyan ang nariyan
pampakinis ng kutis, pampalakas ng katawan
paghahanda sa maraming trabaho sa tahanan
lalo na't Sabado, walang pasok sa pagawaan

parang "Ito kasi" tila paninisi sa akin
habang nilagang luya o salabat ang inumin
buting may laman ang tiyan sa dami ng gawain
pagkalaba saka na mag-isip ng uulamin

- gregoriovbituinjr.
08.17.2024

Agosto 17, 1994

AGOSTO 17, 1994

iyan ang petsa noong ako'y tanggapin nang ganap
at sumumpang sa masa't uri'y maglingkod ng tapat
ilang taon na akong tibak bago pa matanggap
petsang iyan ang birthday ko sa prinsipyong akibat

ngayong araw ay ikatlong dekada nang Spartan
pagbati sa sarili'y "Maligayang Kaarawan!"
patuloy lang sa tungkuling niyakap kong lubusan
tangan ang prinsipyo maging kapalit ay buhay man

patuloy sa pakikibaka, tuloy ang pagkatha
bilang Spartan, bilang atleta, bilang makata
bawat tula'y tulay ko sa paglilingkod sa dukha,
babae, vendor, bata, magsasaka, manggagawa

ah, tatlong dekada na nga ako sa araw na 'to
madalas, ipinagdiriwang ko ito ng solo
ngayon, isang tagay para sa iyo, katoto ko
sa samboteng serbesa'y magtig-isang baso tayo

- gregoriovbituinjr.
08.17.2024

Biyernes, Agosto 16, 2024

Dalawang nawawalang tibak

DALAWANG NAWAWALANG TIBAK

dalawa na namang / aktibista yaong / umano'y dinukot
ng mga tauhan / ng isang ahensyang / baka nga kasangkot
ang ganitong gawang / kriminal ay sadyang / nakakahilakbot
dalawang tibak na'y / desaparesido... / ah, nakatatakot!

sina Gene de Jesus / at Dexter Capuyan / ang dalawang tibak
nagpasaklolo na / sa Korte Suprema / ang mga kaanak
hiling ng pamilya / ay maligtas sila't / di na mapahamak
ang writ of amparo / at habeas data'y / hiling na tiniyak

ang writ of amparo / ay isang remedyo / para sa nalabag
nilang karapatan, / buhay, kalayaan, / maging seguridad
ng sinumang tao, / taga-gobyero man, / simpleng indibidwal

konstitusyonal na / karapatan naman / ang habeas data
upang magkaroon / ng akses sa impo / hinggil sa kanila
kung nasaan sila? / saan ikinulong? / mailabas sila

kinaroroonang / selda, tagong silid / ay di dapat malingid
sa pamilya nilang / ang hirap ng loob / ay di napapatid
tinortyur ba sila? / patay na ba sila? / ay dapat mabatid
palayain sila! / ito ang magandang / mensaheng ihatid

- gregoriovbituinjr.
08.16.2024

* ulat mula sa pahayagang Remate, Agosto 15, 2024, p.8

Nakasusugat din ang salita

NAKASUSUGAT DIN ANG SALITA

higit pa sa bala o punyal ang salita
sapagkat kayang sumugat ng puso't diwa
nakahihiwa ang masakit na kataga
kaya pag-ingatan ang lalabas sa dila

subukan mong magtungayaw sa isang tao
nang walang dahilan, ikaw ay siraulo
subalit ngumiti ka't sila'y purihin mo
ng taos, at sila'y matutuwa sa iyo

"ang salita'y panunumpa" anang Kartilya
ng Katipunan kaya huwag bara-bara
pag namutawi sa labi mo'y magaganda
sinumang makarinig ay tiyak sasaya

kung pagdurugo ng sugat ay di maampat
sa kalaunan ay balantukan ang pilat
masakit pa rin kahit naghilom ang balat
kaya bawat bitaw ng salita'y mag-ingat

- gregoriovbituinjr.
08.16.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa Daang Onyx sa San Andres Bukid, Maynila, Agosto 16, 2024

Huwebes, Agosto 15, 2024

Pahinga muna sa Fiesta Carnival

PAHINGA MUNA SA FIESTA CARNIVAL

matapos magbenta ng Taliba ng Maralita
sa mga erya't organisasyon ng mga dukha
bumiyahe pauwing Cubao ang abang makata
sa Fiesta Carnival nagpahingang nanlalata

noong kabataan ko'y hilig kong tumambay doon
ngunit nawala iyon higit dalawampung taon
naiba na, naging pamilihan, Shopwise paglaon
nagbalik ang Fiesta Carnival, iba na ngayon

uminom muna ako ng kinse pesos na palamig
umupo sa bangko, malakas ang erkon, malamig
ngunit katamtaman lang, di naman ako nanginig
pahinga, nagnilay, habang sa musika'y nakinig

pinanood ang mga bata't inang nakasakay
sa barkong naglalayag habang ako'y nagninilay
may kalahating oras din ako roon tumambay
magsasaing pa, at ako'y umuwi na ng bahay

- gregoriovbituinjr.
08.15.2024

* mapapanood ang 15 segundong bidyo sa kawing na: https://fb.watch/tZFb3sCKn6/ 

Sigaw ng Taumbayan: Sweldo ng Mambabatas, Bawasan!

SIGAW NG TAUMBAYAN: 
SWELDO NG MAMBABATAS, BAWASAN!

sa isang artikulong showbiz sa Bulgar na pahayagan
ay nakapukaw agad ng pansin ang pamagat pa lamang:
"Sigaw ng Madlang Pipol: Sweldo ng Mambabatas, Bawasan!"
showbiz ngunit pulitikal ang laman, aba'y kainaman

artista kasi ang asawa ng pinuno ng Senado
kaya nga pinupusuan na rin ng showbiz si Heart mismo
local holidays ay nais bawasan ni Chiz Escudero
kayrami raw holidays sa bansa, dapat bawasan ito

sagot ng madla: Ang bawasan n'yo'y sweldo ng mambabatas!
ang mababawas ay ilagay sa bawat kilo ng bigas
baka mapababa rin ang presyong pataas ng pataas
bumaba ang presyo ng kamatis, galunggong at sardinas 

iparehas ang sweldo ng mambabatas sa manggagawa
minimum wage plus seven hundred fifty pesos, ipasa nga!
mambabatas sana'y pakinggan ang panawagan ng madla
at ipakita nilang sila'y tunay na kumakalinga

- gregoriovbituinjr.
08.15.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Agosto 14, 2024, p.7

Huwag mong basahin ang aking tula, kung...

HUWAG MONG BASAHIN ANG AKING TULA, KUNG...

huwag mong basahin ang aking tula
kung ikaw ay palamara't kuhila
kung pulitikong walang ginagawa
kundi magnakaw sa kaban ng bansa

ang aking tula'y huwag mong basahin
kung ikaw ay kapitalistang sakim
kung may krimen kang karima-rimarim
kung trapo kang may budhing anong itim

huwag mong babasahin ang tula ko
kung nagsasamantala sa obrero
kung mahihirap ay inaapi mo
kung serbisyo'y iyong ninenegosyo

dahil tiyak na uupakan kita
sa aking tula't baka masaktan ka
pag-uusig ko'y baka di mo kaya
at baka ako'y gagantihan mo na

ngunit ang tulad kong mananaludtod
sa kagaya mo'y di maninikluhod
hustisya'y lagi kong tinataguyod
kahit galamay mo pa'y magsisugod

- gregoriovbituinjr.
08.15.2024

Miyerkules, Agosto 14, 2024

Yes sa wage increase!

YES SA WAGE INCREASE!

sa tanong nilang "Pabor ka ba sa wage increase?"
OO ang sagot ng obrerong mapagtiis
HINDI sa kapitalistang mapagmalabis
at HINDI rin sa negosyanteng mapantikis

anong klaseng tanong iyan? nakamumuhi!
pinakita lang nilang wala silang budhi
sa kayod-kalabaw na manggagawa kundi
ang mga tusong negosyante'y ipagwagi

kung obrero ka't nag-HINDI, aba'y gago ka!
tataasan ka na ng sahod, ayaw mo pa?!
kung kapitalista kang nag-OO, santo ka
lalamunin ka ng ibang kapitalista

tanga lang ang aayaw sa umentong iyon
kung obrero kang sa hirap at utang baon
kaya bakit Wage Board iyan ay itinanong
sila nga ba'y makakapitalista't buhong?

kapitalista'y palamunin ng obrero
kaya may tubo dahil sa nagtatrabaho
tengga ang pabrika kung wala ang obrero
panahon nang taasan ang kanilang sweldo

- gregoriovbituinjr.
08.14.2024

Kwento - Istorya nina Ondoy at Carina

ISTORYA NINA ONDOY AT CARINA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Magkaklase noong hayskul pa lang sina Carina at Redondo, o Ondoy sa kanyang mga kaibigan. Kapwa matalinong estudyante ang dalawa. Nang magkolehiyo na ay magkaiba sila ng kinuhang kurso. Si Carina ay kumuha ng Development Work sa UP, habang si Ondoy naman ay nakatapos ng BS Mathematics sa FEATI University. Magkalapit lang ang kanilang tahanan. Nasa kabilang kalye lang ang kina Carina.

Minsan, nang magkaroon ng malaking pagbaha sa kanilang lugar, nag-organisa si Carina ng donation drive para sa mga nasalanta sa lugar nila at karatig barangay. Bilang development worker ay mahusay na nagampanan ni Carina ang liderato nito upang makapagbigay ng ayuda sa mga nasalanta, lalo na sa mga iskwater sa kanilang lugar. Pati na mga batang anak ng mga maralita ay nabigyan ng gamot, gamit, damit, at pagkain. Kabilang si Ondoy sa mga nag-boluntaryo sa grupong Bulig-Pilipinas. Noon pa’y may lihim na pagtingin na ang binata sa dalaga.

Napanood niya kung paano magtalakay hinggil sa climate change si Carina, na boluntaryo sa grupong Philippine Movement for Climate Justtice o PMCJ. Ani Carina sa mga taong nakikinig, "Nagbabago na ang ating klima, nananalasa na ang climate change. Dapat hindi na umabot sa 1.5 degrees ang pag-iinit ng mundo. Ang nais natin ay climate justice! Dapat singilin natin ang mga Annex 1 countries, o yaong mayayamang bansa, na sa kasaysayan ay matitindi ang inambag na emisyon o pagsusunog ng mga fossil fuel kaya nag-iinit ang mundo. May sinasabing tayo'y may common and differentiated responsibilities, o bawat bansa'y may inambag subalit magkakaibang ambag at pananagutan, tulad ng ating bansang may maliit na kontribusyon sa pag-iinit ng daigdig, kung ikukumpara sa mga industriyalisadong bansa, tulad ng US at China."

Napaisip ang binata sa malalim na kahulugan kung bakit kailangan ng climate justice o hustisya sa klima. At napagtanto niyang pag lumala ang pag-iinit ng mundo ay baka lumubog lalo sa baha ang mabababang lunsod tulad ng Malabon at Navotas.

Ilang buwan matapos iyon ay napapadalas naman ang punta ng binata sa bahay ng dalaga. Palibhasa’y kababata, kilala na si Ondoy ng mga magulang ni Carina. Hanggang magpasya na si Ondoy na totohanin na ang paniligaw kay Carina dahil nasa edad na sila. Kung kailan pa naman umakyat ng ligaw si Ondoy kay Carina ay saka naman umulan. Mahina noong una, hanggang umulan ng pagkalakas-lakas. Dahil baha na sa kanilang lugar, doon na pinatulog ng dalaga sa kanilang bahay ang binata. Nabatid ito ng tatay ni Carina. At tulad ng inaasahan sa mga matatanda, nais ng ama ng dalaga na pakasalan ng binata ang kanyang anak. Tumutol naman ang dalaga dahil wala naman daw nangyari sa kanila. Subalit makulit ang matanda.

Kaya nag-usap sina Ondoy at Carina ng masinsinan. “Mahal kita, Carina,” ani Ondoy. “Subalit hindi pa ako handa,” ani Carina, “bagamat may pagtingin din ako sa iyo.” “Kung gayon pala, sagutin mo na ako, upang di na rin magalit ang iyong mga magulang.” “Oo, mahal din kita.”

“Mamamanhikan na kami. Isasama ko na sina Inay at Itay. Sa araw ng Linggo na.” “Sige, bahala ka, nandito lang naman kami.”

Sumapit ang takdang araw ay dumating na nga kina Carina sina Ondoy, ilan niyang kapatid, at mga magulang. Napag-usapan ang kasal.

Araw ng kasal sa isang simbahan. Naroroon na sila, pati mga abay, best man, flower girl, ninong, ninang, pari, atbp. Umulan sa labas, walang tigil. Lumakas ng lumakas. Subalit di nito napigilan ang kasal. Bumaha. Pumasok sa loob ng simbahan ang tubig, hanggang tuhod, subalit wala na silang nagawa, kaya kahit baha, ay itinuloy ang kasal.

Natapos ang kasal. Putik. Basang-basa ang kanilang sapatos, paa, at mga damit. Sa resepsyon ay nagsalita sa mikropono si Carina. “Isa itong memorable event sa aming mag-asawa. Na isa sa commitment namin, bukod sa pag-ibig sa isa’t isa, ay ang pagtugon sa krisis sa klima.”

Si Ondoy naman ang nagsalita, “isa itong eye-opener sa marami sa atin upang ipaglaban ang climate justice. At bagamat bagong kasal kami, patuloy kaming mananawagan ng climate emergency sa pamahalaan.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 1-15, 2024, pahina 18-19.

Martes, Agosto 13, 2024

Sira na ang selpon ko

SIRA NA ANG SELPON KO

kung bakit bigla-biglang bumagsak
sa sahig ng banyo itong selpon
tila ba ako'y naging bulagsak
na kung saan lang iyon pinatong

ngayon, wala na akong magamit
sa text, zoom, pesbuk at maglitrato
akong parati nang nagigipit
ay naging pabaya sa gamit ko

tila nagsusungit na ang screen
LCD na nito ang problema
talagang ito'y dagok sa akin
selpon kong halos tatlong taon na

binidyo ko ang selpon kong sira
na gamit yaong selpon ni misis
kung titingnan ko'y kaawa-awa
ganyang sira pa ba'y matitistis

bibili na lang ako ng bago
baka mas mahal pag pinaayos
ngunit dapat mag-ipon ng todo
upang sa bago'y may igagastos

- gregoriovbituinjr.
08.12.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/tWZdtFR_0x/ 

Lunes, Agosto 12, 2024

Edukadong nagnanakaw sa bayan?

EDUKADONG NAGNANAKAW SA BAYAN?

tanong: "Kung edukasyon ang sagot sa kahirapan
ay bakit edukado ang nagnanakaw sa bayan?"
sa isang pader ay malaking sulat ng sinuman
tanong iyong marahil ay di na palaisipan

dahil talamak ang katiwalian sa gobyerno
kung saan naroon ang mga lider-edukado
nasa poder ng kapangyarihan ang mga tuso
na pag-aaring pribado sa kanila'y sagrado

ah, naging edukado ba sila upang salapi
sa kabang bayan ay kanilang maging pag-aari?
bakit ba pawang edukado ang mga tiwali?
na sa pwesto'y nagkamal ng pribadong pag-aari

bakit ba edukado ang nagnanakaw sa bayan?
silang mga dahilan ng sukdulang karukhaan!
paumanhin po kung aming pinaniniwalaan:
pribadong pag-aari ang ugat ng kahirapan!

kung mga ito'y tatanggalin sa kanilang kamay
tulad ng lupang dapat ay pakinabangang tunay
tiyak mawawala ang ganid sa kanilang hanay
at may bagong umagang sa daigdig ay sisilay

- gregoriovbituinjr.
08.12.2024

* litrato mula sa google

Makiisa sa Laban ng Tsuper ng UP Community

MAKIISA SA LABAN NG TSUPER NG UP COMMUNITY

upang magpagawa ng dyaryong Taliba'y nagtungong UP
mula Cubao-Philcoa, sumakay ng dyip biyaheng UP
may paskil sa tatangnan ng dyip na ito ang sinasabi:
"Makiisa sa Laban ng Tsuper ng UP Community"

kaya ang panawagang iyon ay agad kong binidyuhan
upang maibahagi ko sa kapwa natin mamamayan
tagos sa aking puso't diwa ang kanilang panawagan
na dapat tayong lumahok upang ipagwagi ang laban

bagamat wala mang paliwanag sa kanilang polyeto
panawagan iyon sa tulad nating karaniwang tao
lalo't mga tsuper ay kauri, manggagawa, obrero
kausapin lang sila upang mabatid natin ang isyu

di dapat mawalan ng trabaho o ng pinapasada
ang mga tsuper dahil modernisasyon ang polisiya
halina't kampihan ang pinagsasamantalahang masa
kaya ating dinggin ang daing at pinaglalaban nila

- gregoriovbituinjr.
08.12.2024

* binidyo ng makatang gala noong Sabado, Agosto 10, 2024, habang nakasakay ng dyip biyaheng UP Philcoa
* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://fb.watch/tVdIKRY2lk/ 

Sa mga nagla-like sa post ko

SA MGA NAGLA-LIKE SA POST KO

nagsisilbi kayong ningas
upang ako'y magpatuloy
sa pagkatha ng parehas
at di ako tinataboy

asam na lipunang patas
ay nag-aalab na apoy
ang makata'y parang limbas
at di mistulang kaluoy

sa mga nag-like sa tula
batid n'yo kung sino kayo
kayong kapatid-sa-diwa
ako'y saludong totoo

tula ang obra kong likha
alay sa bayan at mundo
katha lang ako ng katha
hinggil sa maraming isyu

kaya ako'y natutuwa
pag may nagla-like sa post ko
dama ng puso ko't diwa
na kayrami kong katoto

- gregoriovbituinjr.
08.12.2024

Pinagmulan ng kurso

PINAGMULAN NG KURSO

marahil ay sa interes ko sa numero
kaya matematika'y pangatlo kong kurso
una'y aeronautical engineering ako
nag-business management na kurso ng tatay ko

subalit ako'y umalis sa pamantasan
nang magpultaym bilang aktibistang Spartan
di raw sa apat na sulok ng paaralan
lamang mapagsisilbihan ang sambayanan

lumipas halos tatlong dekadang kaytagal
nais ko pa ring magtapos ng pag-aaral
bagamat ang aktibismo'y gawaing banal
hangad ko pa ring tapusin ang pag-aaral

marahil aaralin ko'y tungkol sa wika
o sa panitikan pagkat nagmamakata
diploma sa kolehiyo'y inaadhika
nang masabing nagtapos ang tulad kong dukha

- gregoriovbituinjr.
08.12.2024

* larawan mula sa app game na Word Connect

Linggo, Agosto 11, 2024

Kalma lang

KALMA LANG

"Kalmado" ang tatak ng nabili kong sando
na isinuot ko ngayong araw ng Linggo
wala lang, nagustuhan lang isuot ito
lalo't pakiramdam ko ngayon ay "Kalmado"

tara, katoto ko, tayo muna'y magkape
saglit akong samahan habang nagmumuni
at iniisip ang mga wastong diskarte
kung paanong sa masa'y magsilbing mabuti

kumbaga sa chess player, dapat ay kalma lang
kongkretong magsuri sa bawat kalagayan
"every move maybe your last" ay dapat malaman
"blunders may kill" ayon sa isang kasabihan

kaya kalma ka lang sakaling nagagalit
huwag magpadalus-dalos kung nagigipit
gagawin mo'y pakaisiping ilang ulit
lalo't buhay o liyag ang maging kapalit

- gregoriovbituinjr.
08.11.2024

Isyung Pre-SONA at Post-SONA ng Taliba ng Maralita

ISYUNG PRE-SONA AT POST-SONA NG TALIBA NG MARALITA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bihirang gawin ng patnugutan na magkaroon ng dalawang isyu ng Taliba ng Maralita sa loob lang ng dalawang linggo nitong iskedyul, na nagawa lang sa isyung Hulyo 16-31, 2024. Dahil sa dami ng mga balita't pahayag ay napagpasyahan ng patnugutan na dalawang isyu ang ilabas para sa isyung Hulyo 16-31, 2024. Ang una'y Pre-SONA isyu at ang ikalawa'y Post-SONA isyu. Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Hindi naman maaaring ilagay sa isyung Hulyo 1-15, 2024 ang nasa Pre-SONA isyu, dahil naganap ang mga aktibidad sa Pre-SONA isyu ay hindi sakop ng petsang Hulyo 1-15, 2024. Ang Pre-SONA ay mula Hulyo 16 hanggang Hulyo 21, bisperas ng SONA ni BBM. Hindi rin dapat ilagay sa isyung Agosto 1-15, 2024 ang post-SONA dahil tiyak na may ibang naganap sa Agosto 1-15, lalo na matapos ang bagyong Carina. Ang Post-SONA isyu ay mula Hulyo 22 (aktwal na araw ng SONA) hanggang Hulyo 31.

Sa isang buwan ay dapat may malathalang dalawang isyu ng Taliba, o dalawang beses kada buwan. Isa sa unang dalawang linggo at isa pa sa huling dalawang linggo. Kaya nga ang petsa ng isyu ay tulad ng Pebrero 16-28, 2024, Hulyo 1-15, 2024, Hulyo 16-31, 2024, o Agosto 1-15, 2024.

Ang nilalaman ng Pre-SONA isyu ay Press Conference ng mga maralita noong Hulyo 17 bago mag-SONA, na siya ring headline; ang State of Human Rights Adress (SOHRA) na pinangunahan ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) noong Hulyo 16, na dinaluhan ng iba't ibang human rights organizations, kung saan isa sa tagapagsalita ay ang sekretaryo heneral ng KPML; at ang State of the People's Address (SOPA) na pinangunahan ng Freedom from Debt Coalition (FDC) na dinaluhan naman ng dalawang kinatawan ng KPML noong Hulyo 19.

Ang Post-SONA isyu naman ay naglalaman ng naganap sa SONA kung saan nagrali muna sa tapat ng tanggapan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang mga maralita sa pangunguna ng KPML, Samahan ng Mamamayan-Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO), at Partido Lakas ng Masa (PLM). Nilalaman din nito ang pahayag ng KPML sa SONA, pahayag ng PLM matapos ang SONA, pahayag ni Ka Leody, at ang pahayag ng PAHRA.

Sadya ring pinag-isipan ang pagsulat ng Editoryal kada isyu dahil dito makikita ang paninindigan ng patnugutan sa iba't ibang isyung tumatama sa maralita.

Patuloy din ang paglalathala ng kolum ni Ka Kokoy Gan na siyang kasalukuyang pangulo ng KPML.

Nag-aambag din ang Taliba ng Maralita sa panitikang Pilipino, o sa sinasabi nating panitikang maralita, panitikang dukha, o panitikang proletaryo. Pagkat di pa rin nawawala ang maikling kwento sa pahina 18-19 at tula sa pahina 20 sa kada labas ng Taliba. Sa Pre-SONA isyu, ang pamagat ng kwento ay "Budul-Budol sa Maralita" na batay sa inilabas na pahayag ng maralita sa kanilang presscon, habang sa Post-SONA isyu ay "Bigong-Bigo ang Masa". Dalawang kwentong ang pamagat ay mula sa daglat na BBM.

Isa sa mga pinagkukunutan ko talaga ng noo ang pagsusulat ng maikling kwento, pagkatha ng mga tula, at komiks na Mara at Lita, na balang araw ay maaaring isalibro. Ang mga maikling kwento ay maaaring malathala sa mga librong aralin sa elementarya at sekundarya. Ang tugma at sukat sa pagtula ay talaga kong pinaghuhusayan upang kung nais ng ibang taong ito'y ilathala ay malaya nilang mailalathala, basta huwag lang baguhin kahit isang letra at ilagay ang pangalan ko bilang may-akda ng tula.

Sa tulad kong manunulat, mahalaga pa rin ang paglalathala ng 20-pahinang Taliba ng Maralita. Bagamat uso na ngayon ang social media o socmed tulad ng facebook, wordpress, instagram, at iba pa, mahalaga pa ring malathala sa papel ang munting pahayagang ito. Ayaw pa rin nating maganap ang nangyari sa pahayagang Baguio Midland Courier na matapos ang mahigit pitumpung taon ay namaalam na nitong Hunyo, kung saan inilathala nila ang kanilang huling isyu. Katulad ng mga kakilala kong may napaglalathalang pahayagan, pag ako'y tinanong kung saan ba ako nagsusulat, may masasabi akong pahayagang pinagsusulatan. Agad na maipagmamalaki kong sasabihing sa Taliba ng Maralita.

Isa pa, kaya dapat patuloy ang paglalathala ng Taliba ng Maralita ay dahil karamihan pa rin naman ng maralita ay walang akses sa internet, at magandang binababaan talaga. Mabigyan sila, kung di man mabentahan, ng Taliba ng Maralita. Isa rin itong paraan ng mga organisador upang makausap at makatalakayan ang mga maralita sa iba't ibang komunidad.

Kaya patuloy lang tayo sa paghahandog sa mga kauri nating maralita ng mga napapanahong isyu ng dukha, pahayag, balita, at panitikan sa Taliba ng Maralita. Patuloy natin itong ilalathala para sa mga dukha hanggang marating ng maralita ang pangarap nitong lipunang makatao, lipunang pantay, at lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Mabuhay ang mga maralita!

ISYUNG PRE-SONA AT POST-SONA NG TALIBA NG MARALITA

dahil sa maraming naganap sa dalawang linggo
ay napagpasyahang maglabas ng dalawang isyu
pambihirang desisyon para sa ating diyaryo
dahil nilalaman ay di sapat sa isang isyu

bihira ang gayong pagpapasya ng patnugutan
na dahil sa dami ng isyu'y ginawan ng paraan
may Pre-SONA na, may Post-SONA pa sa pahayagan
bilang ambag din ng maralita sa kasaysayan

nalathala rin dito'y maikling kwento at tula
na pinagsikapan ng manunulat at makata
ang komiks na Mara at Lita na pangmaralita
editoryal na may malalim na kuro ng dukha

kasaysayan ng laban ng dukha'y ilathala rin
nang mahanguan ng aral ng susunod sa atin
halina't basahin ang munting pahayagan natin
ang pinagsikapang ito'y pag-isipan at damhin

08.11.2024

Sabado, Agosto 10, 2024

Panonood ng Asedillo sa MET

PANONOOD NG ASEDILLO SA MET
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Muli kong pinanood ang pelikulang Asedillo ni FPJ nang ito'y ipalabas ng libre sa Metropolitan Theater (MET) nitong Biyernes, Agosto 9, 2024, mula 1pm-4pm. Alas-dose pa lang ay nasa MET na ako, at 12:30 pm ay nagpapasok na sila. Marami na ring tao.

Sa youtube kasi ay bitin at may pinutol na eksena. Iyon ay napanood ko na rin sa wakas. Iyon ang pagbaril kay Asedillo at sa kanyang mga kasama sa kubong kampo nila sa bundok. Bagamat noong bata pa'y pinalabas din iyon sa telebisyon, subalit hindi ko yata napansin kundi ang dulong bahaging nakabayubay na si Asedillo sa isang punongkahoy.

May anak siyang si Rosa, na sa pelikula bago siya mamatay ay kapapanganak pa lang. Si Aling Rosa, na nasa higit 70 taong gulang na, ay nakaharap na namin ilang taon na ang nakararaan, nang kami'y magtungo sa lugar nina Asedillo sa Laguna, kasama ang mga kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Southern Tagalog (BMP-ST). isa na lamang iyong alaala.

May programa muna bago magsimula ang pelikula sa MET. Ganap na 1:15 ng hapon ay inawit na ang Pambansang Awit ng Pilipinas. Sunod ay pinakilala at nagsalita si Ginoong Marasigan, na siyang direktor ng MET. At binanggit niya ang ginawang pagretoke sa pelikula upang maging bago, na ginawa ng mga artist ng FPJ Production. Naglitratuhan. 

Nabanggit din ni Ginoog Marasigan ang mga balita noon na ayaw ng mga manonood na makitang namatay si FPJ sa pelikula. Kaya marahil tinanggal sa youtube ang tagpo nang paslangin sa FPJ. 

Subalit sa pelikula, hindi pinakitang napaslang si Asedillo kundi ang pagkahawak niya ng mahigpit sa punyal habang nirarapido ng putok ang kanilang kampo, at ang pagkahulog ng punyal sa lupa nang nakatusok patayo.

Isang beses ko lang napanood sa pelikula niya na napatay si FPJ - sa pelikulang Ang Probinsiyano, kung saan napatay si Ador ngunit naitago agad ng kanyang hepe ang bangkay. Tinawagan ng hepe ang kakambal ni Ador na si Cardo mula sa probinsya upang siyang palabasing si Ador.

Magandang naipalabas muli ang pelikulang Asedillo kahit isang araw lang sa MET. Kaya pinaglaanan ko talaga iyon ng panahon at salapi kahit libre. Agad akong nagparehistro isang linggo bago ang palabas. Ginawan ko ng munting tula ang karanasang ito.

SI DODO ASEDILLO

Dodo ang palayaw ni Asedillo sa pelikula
Dodo ang tawag ng ikalawang asawang si Julia
si Pedring ang anak sa una, si Rosa sa pangalwa
dati pala siyang guro noon sa elementarya

sa awiting My Philippines, mga bata'y nangatuto
ipinakita niyang siya'y makamasang maestro
tinanggal sa pagtuturo't di maka-Amerikano
hanggang kuning hepe ng pulis ng isang pulitiko

dahil sa pulitika, siya'y ginawan ng masama
presidente ng bayan pinagbintangan siyang lubha
binugbog ng kapulisan, may kumita't natutuwa
na sa bandang huli'y pinaghigantihan niyang sadya

hanggang siya'y mapasapi sa Kilusang Anakpawis
katiwalian sa kanyang bayan ay di na matiis
naging rebelde hanggang konstabularyo na'y nanugis
ang KARAPATAN NG DUKHA'y bukambibig niyang labis

nabatid ng kalaban ang kanyang kinaroroonan
dahil isang tinanggap na kasama'y naghudas naman
hanggang sapitin ni Asediilo yaong kamatayan
siya'y bandido subalit bayani sa sambayanan

08.10.2024

Pangiliti

PANGILITI

sa pahayagang Taliba ng Maralita
may komik istrip na sadyang nakatutuwa
isyung pulitikal sa dukha tumatama
pinag-iisipang sadya bago makatha

kailangan talagang maging mapagmasid
amuyin at lasahan ang nasa paligid
mag-ingat lamang baka ugat mo'y mapatid
sa katatawa sa dyok na kanilang hatid

ang karakter dito'y sina Mara at Lita
na akala mo'y kambal pag iyong nakita
subalit sila'y magkaklase sa eskwela
nang grumadweyt ay nagkasama sa pabrika

biktima ng salot na kontraktwalisasyon
kaya nawalan sila ng trabaho roon
naging maralitang iskwater sila ngayon
lider-maralita na sa organisasyon

kaytitindi ng kanilang mga usapan
sa pahayagang Taliba matutunghayan
pilantik ng panitik, may diwang tahasan
tuwing labas ng Taliba'y inyong abangan

- gregoriovbituinjr.
08.10.2024

* ang pahayagang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)

Huwebes, Agosto 8, 2024

3,000 ektarya ng WPS, naangkin na ng China

3,000 EKTARYA NG WPS, NAANGKIN NA NG CHINA

isa iyong matinding balitang ating nakalap
tatlong libong ektarya natin ay naangking ganap
ng China, anong salitang iyong maaapuhap
pag ganyang balita'y nabasa mo, iyo bang tanggap?

ganyan daw kalaki ang inaangking teritoryo
ng China sa West Philippine Sea, gera na ba ito?
subalit ano nang gagawin ng ating gobyerno?
magpapadala ba roon ng pulis at sundalo?

Panganiban Reef, Mabini Reef, Subi Reef, sakop na
at pinagtayuan ng base militar ng Tsina
tatlo lang iyan, siyam ang EDCA ng Amerika
Pinas ay pinag-aagawan ng Oso't Agila

may kasaysayan ang Vietnam na dapat aralin
nang Pransya at Amerika ay kanilang talunin
mamamayan nila ang may misyon at adhikain
nang walang tulong ng dayuhan, na dayo'y gapiin

ganyan sana, sama-sama ang mamamayan, madla
na talunin ang U.S. at Tsina sa ating bansa
talunin din ang kababayang burgesya't kuhila
at itayo ang lipunan ng uring manggagawa

- gregoriovbituinjr.
08.08.2024

* ulat mula sa headline at pahina 2 ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, Miyerkules, Agosto 7, 2024

Miyerkules, Agosto 7, 2024

300 nagpakalbo, ihaharang ang buhok sa oil spill

300 NAGPAKALBO, IHAHARANG ANG BUHOK SA OIL SPILL

nais kong makiisa sa tatlong daang Spartan
o higit tatlong daang residente ng Bataan
na nagpakalbo upang buhok nila'y ipangharang
sa oil spill, langis na tumapon sa karagatan

sa labingsiyam na barangay kapitan po ninyo
at nagpakalbong taga-Bataan, saludo ako
nais kong tumulong at nais ko ring magpakalbo
ngunit paano madadala riyan ang buhok ko

kung may ganyang aktibidad din dito sa Maynila
agad akong pupunta't magboboluntaryo na nga
ibibigay ang buhok upang iharang na lubha
sa oil spill na sa laot ay nanalasang sadya

sa naunang nagpakalbo, sa inyo'y nagpupugay
sana sa misyon ninyo, ako'y makasamang tunay
higit pa sa ginawa ni Yulo ang inyong pakay
di man gintong medalya, gintong puso'y inyong taglay

- gregoriovbituinjr.
08.07.2024

* ulat mula sa headline at pahina 2 ng pahayagang Pang-Masa, Agosto 7, 2024

Dalandan

DALANDAN

kalahating kilong dalandan ang binili
ko kanina nang mapadaan sa palengke
sisenta pesos, limang laman, isa'y dose
aking panghimagas dahil bawal ang karne

nakaraan ay paboritong abukado
sinturis naman ngayon ang pinapapak ko
upang sa pagkain ako'y maging ganado
at lunas na rin sa damang sipon at ubo

nang makita kanina'y di na nakatiis
di nag-atubili't binili kong mabilis
itong dalanghita, dalandan o sinturis
na sabi ng iba'y pampakinis ng kutis

ganyan ang ginagawa ko, imbes tabletas
aba'y ang kakainin ko'y maraming prutas
pagkat kailangan ko'y natural na lunas
upang karamdaman ay di na mababakas

sa ganitong prutas ay tiyak na lulusog
baka naman katawang payat ko'y bumilog
tila sa kalusugan ko'y kaygandang handog
upang mamayang gabi'y sumarap ang tulog

- gregoriovbituinjr.
08.07.2024

Martes, Agosto 6, 2024

Palaisipan

PALAISIPAN

pinakapahinga ko / iyang palaisipan
sa aking bisyong ito / sana ako'y pagbigyan
patawarin sakaling / ito na'y kasalanan
datapwat mahalaga'y / di tayo nang-iiwan

pinakapahinga ko / sa dami ng trabaho
aking pagsagot nito'y / kapara ng Sudoku
o Word Connect sa selpon, / libangan kong totoo
upang makapagnilay / at di naman manlumo

buti't palaisipan / ang bisyo ko, di yosi
o araw-gabing toma / kasama nina pare
sa krosword nga'y di galit / maging iyong kumare
ika niya, krosword nga'y / may magandang mensahe

mabuting ehersisyo't / nahahasa ang utak
malalamang salita'y / luma, bago't palasak
at tatalino ka pa, / di gagapang sa lusak
magsagot ka lang nito, / pamilya'y magagalak

- gregoriovbituinjr.
08.06.2024

Lunes, Agosto 5, 2024

Ang pinaghirapang ginto ni Yulo

ANG PINAGHIRAPANG GINTO NI YULO

dalawang Olympic Gold ang maiuuwi
ni gymnast Carlos Yulo na dangal ng lahi
anang ulat, Caloy, ikaw ay binabati
ng pangulo, pagkat nakamit mo ang mithi 

sadyang pinaghirapan mo ang Olympic gold
di lang isa, kundi dalawa ang iyong gold
habang pangulo'y mayroon daw Tallano gold
di pa makita ng bayan ang nasabing gold

dahil sa sipag, talino't loob mong buo
nakamit mo ay dalawang medalyang ginto
pangulo naman noon pa'y pulos pangako
bente pesos na kilong bigas nga'y napako

naukit na, Carlos Yulo, ang pangalan mo
sa kasaysayan ng isport ng bansang ito
di tubog sa ginto, tiyak tunay ang gold mo
tanging masasabi'y pagpupugay sa iyo

- gregoriovbituinjr.
08.05.2024

Sabado, Agosto 3, 2024

Turmeric juice

TURMERIC JUICE

nabili ko'y ilang piraso
ng luyang dilaw o turmeric
isang piraso'y ginayat ko
nilaga kong may pagkasabik

sa katawan ay pampalakas
panlaban daw sa diabetes
masustansya raw itong wagas
umano'y di magka-heart disease

pinakuluang luyang dilaw
sa umaga ko iinumin
dapwa't di naman araw-araw
kundi salitan lalagukin

tinatawag na turmeric juice
na iinumin pagkabangon
kayrami pang dapat matapos
kalusugan ko'y aking misyon

dapat mabuhay pang matagal
tungong edad pitumpu't pito
sa nobela pa'y nagpapagal
pag natapos ko'y ililibro

- gregoriovbituinjr.
08.03.2024

* ilang sanggunian:

Biyernes, Agosto 2, 2024

Pananghalian

PANANGHALIAN

sardinas na'y muli kong ginisa
at agad inihain sa mesa
pagkat gutom na itong nadama
di sapat ang kain sa umaga

sa gutom ay di na nakatiis
ang tiyan ko't katawang kaynipis
buti't may nabili na si misis
na delatang sa gutom papalis

kanina'y nakapagsaing na rin
kaya ulam lang ang lulutuin
matapos ang mahabang sulatin
ang gutom na'y dumalaw sa akin

kain agad nang ito'y maluto
puso ko'y sumigla sa pagsuyo
at mata ko'y di na lumalabo
gutom na'y unti-unting naglaho

- gregoriovbituinjr.
08.02.2024

Ginisang sardinas

GINISANG SARDINAS

niluto kong muli ay ginisang sardinas
na sahog ay kamatis, bawang at sibuyas
umano'y pagkain ng mga nasalanta
bagamat nabili sa tindahan kanina
sardinas ay pagkain daw ng mahihirap
pantawid gutom bagamat di raw masarap
isipin mo na lang daw na malasa ito
na nakabubusog din kahit papaano
O, sardinas, sa lata'y piniit kang sadya
upang dukha'y may makain at guminhawa
may pagkain din ang nasalanta ng unos
upang bituka'y di parang nanggigipuspos
salamat, sardinas, ikaw ay naririyan
na aming kasangga, saanman, kailanman

- gregoriovbituinjr.
08.02.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/tI7vXy-LeF/ 

Wikang Filipino: Wikang Mapagpalaya

WIKANG FILIPINO: WIKANG MAPAGPALAYA

kayganda ng tema ngayong Buwan ng Wika
Wikang Filipino: Wikang Mapagpalaya
wikang gamit ng maralita't manggagawa
nagkakaunawaan sa wika ng madla

wikang bakya, ayon sa mga Inglesero
masakit pa, wika ng alipin daw ito
wika ng mababang uri't minamaltrato
wika raw ng walang pinag-aralan ito

huwag nating hayaang ganito ang turing
ng mga Ingleserong animo'y balimbing
wikang Filipino'y wika ng magagaling
huwag payagang ito'y aapi-apihin

wikang Filipino'y gamit sa panitikan
gamit sa kapwa't pakikipagtalastasan
wika ng mga bayani sa kasaysayan
wikang mapagpalaya ang wika ng bayan

sa lahat ng manunulat, mananalaysay
sa lahat ng kwentista, mabuhay! MABUHAY!
sa lahat ng mga makata, pagpupugay
sa lahat ng manggagawa't dukha, MABUHAY!

- gregoriovbituinjr.
08.02.2024

Huwebes, Agosto 1, 2024

Sandaang piso lahat

SANDAANG PISO LAHAT

kanina'y nagtungo akong palengke
pawang gulay ang aking pinamili
isang tali ng talbos ng kamote
sibuyas, kamatis at okra pati

kahit alam kong presyo'y nagmahalan
aba'y nakabibigla pa rin naman
presyo ng mga iyon ay sandaan
ngunit iyon na'y aking hinayaan

kamatis nga'y nagmahal na talaga
mantakin mo, isa'y sampu piso na
sampung pirasong okra, dos ang isa
sampu ang santali, laman ay lima

apat na sibuyas ay bente pesos
kapresyo rin ng santali ng talbos
kumpara sa karne, mura nang lubos
sapat lang para sa tulad kong kapos

- gregoriovbituinjr.
08.01.2024

Ang mahabang paglalakad

ANG MAHABANG PAGLALAKAD

ang mahabang paglalakad / ay sadyang nakakapagod
ngunit kung sa bawat hakbang / ay may itinataguyod
na isyu ng dukha, masa, / klima, ako'y nalulugod
tulad na lang ng Climate Walk, / ah, di ako mapapagod

sasamahan ko rin pati / nagmamartsang magsasaka
maging mga katutubong / hustisya ang ninanasa
na ang lupaing ninunong / ipinaglalaban nila
ay maipagtagumpay na't / karapata'y makilala

patuloy ako sa lakad / at tatahakin ang landas
daan mang masalimuot, / bawat gubat ma'y may ahas
tag-init man o tag-ulan / o sa panahong taglagas
pangarap ay aabutin, / may bungang sana'y mapitas

parang si Samwel Bilibit / na sa lakad ay patuloy
lakad lang ako nang lakad / nang walang paligoy-ligoy
at magtatanim ng binhi / sa lupa, di sa kumunoy
upang lumago't mamunga, / mukha man akong palaboy

kahit nakakapagod man / ang paglalakad na ito
ay magpapatuloy pa rin / tungo sa pupuntahan ko
ang pagkabigo't pagsuko'y / wala sa bokabularyo
tanging kamatayan lamang / ang pipigil sa tulad ko

- gregoriovbituinjr.
08.01.2024

Upang magwakas ang kahirapan

UPANG MAGWAKAS ANG KAHIRAPAN

"But kings and mightiest potentates must die,
for that's the end of human misery."
~ from Henry VI, by William Shakespeare

sinulat na noon ni Shakespeare ang katotohanan
dapat elistista't burgesya'y mawalang tuluyan
nang magwakas ang pagsasamantala't kaapihan
na dinaranas ng sinuman at ng aping bayan

aniya, patayin ang mga trapo, hari't pari
silang nagpapasasa sa pribadong pag-aari
silang dahilan ng hirap ng inaaping uri
silang mapagsamantala'y sadyang kamuhi-muhi

ngunit may batas silang mga mapagsamantala
korte, senado, kongreso, pulis, ay kontrol nila
pati iyang simbahan, paaralan, at masmidya
upang mamamayang inaapi ay di mag-alsa

kaya dapat tayong kumilos tungong rebolusyon
upang mapagsamantalang uri'y mawala ngayon
kung nais nating mawala ang kahirapang iyon
dapat tigpasin ang ulo ng naghaharing leyon

baligtarin ang tatsulok, kalusin silang todo
salamat, William Shakespeare, at nauunawaan mo
gamit ang panitikan, sinulat mo ang totoo
kaya tulad kong makata sa iyo ay saludo

- gregoriovbituinjr.
08.01.2024