DISKRIMINASYON (?) SA UNANG ARAW SA OSPITAL
Abril 3, 2025 ng umaga nang isinugod namin si misis sa ospital. Hindi na niya maigalaw ang kanyang kanang braso, kamay, hita, binti hanggang paa.
Dinala siya sa Emergency Room. Nagkaroon na pala siya ng stroke, ayon sa mga doktor na tumingin sa kanya. Kaya pala, nasa likod ng kanilang jacket ay nakasulat ang Stroke Team.
Nandito rin kami sa ospital na ito ng 49 na araw noong Oktubre hanggang Disyembre 2024 dahil sa nakitang blood clot sa kanyang bituka. Makakalabas lang kami, ayon sa head ng billing section, pag nabayaran na namin ng buo ang hospital bill, at sa professional fees ng mga doktor ay kung papayag sila. Tumagal kami ng ilang araw pa sa ospital dahil upang mapapirmahan sa 14 doktor niya ang promissory note na magbabayad kami ng professional fee sa Enero 15, 2025, na nagawa naman. P2.1M sa hospital bill, at P900,000 sa professional fee ng mga doktor. Na P3M kung susumahin.
Bandang ikalima o ikaanim ng gabi ng Abril 3, dumating ang taga-inhouse billing ng ospital. Naroon si Mr. M. na head ng billing at si Ms. MA na staff doon. Sinabi nilang walang bakanteng kwarto, tulad ng sinabi ng taga-ER. Subalit kasunod noon ay sinabi niyang dahil walang kwarto, maaari kaming umalis at kumuha ng kwarto sa ibang ospital. Lohikal naman ang sinabi niya, kung hindi kami naospital doon noon.
Sa isip ko lang naman, sa isip ko lang: Noon kasing 49 days namin noong 2024, na-redtag na kami ng dalawang beses sa ospital, at nakalabas lang kami thru promissory note noong Disyembre 10, 2024.
Kaya marahil, naiisip ng mga ito, ito na naman ang dalawang ito na walang kadala-dala. Maraming utang at hindi makabayad sa tamang oras.
Marahil iyan ang nasa isip nila kaya nasabi nilang lumipat kami ng ospital dahil walang kwartong available. Hindi ba diskriminasyon iyan, o wasto lang ang sinabi nila upang hindi kami mahirapan sa pagbabayad?
Hindi lang ako ang kausap, bagamat sa akin nakatingin. Naroon din ang ka-officemate ni misis, at si misis mismo habang nakahiga. Pagkaalis ng mga taga-billing, napag-usapan namin ni misis iyon. Tanong niya, lilipat ba tayo? Na di ko agad nasagot.
Kung gagamitin ang emergency na sasakyan ng ospital tungo sa isang ospital, ayon sa taga-ER, P18,000.
Lumabas muna ako at naiwan ang ka-officemate ni misis na si R upang magbantay dahil isa lang ang pwedeng bantay sa ER.
Maya-maya, tinawag ako ni R na may kakausap sa akin. Si Dr. O na dating doktor ni misis, bakit hindi pa raw kami mag-decide na magpa-admit, maghintay lang ng kwarto. Dahil doktor iyon ni misis, sumang-ayon agad ako, at pumirma ng admission.
Maya-maya, dumating na rin ang kuyang panganay ni misis. Bandang ikasampu ng gabi ng Abril 3, nadala na si misis sa NeuroCritical Care Unit ng ospital. Di kami pwedeng magbantay at dadalaw na lang sa visiting hours.
04.28.2025