Linggo, Hunyo 13, 2010

Napatula ako...dahil sa inyo.

Napatula ako...dahil sa inyo
kathanimona

Hanapin mo ako doon sa piket line..kasama ng mga manggagawang binaboy ang kaluluwa ng lupit ng kapitalista.. naroon ang aking muka may tutok ng baril ng asong kumakahol ng gobyernong pasista..

Hanapin mo ako doon sa Mendiola, kasama ng masang minaso ng higanteng imperyalista... Sumisigaw..kasama ang luha at kuyom na palad habang kumukulo ang gutom na sikmura......

Hanapin mo ako.. naroon ako sa korte suprema nakahundasay sa kalsada..dilat ang mga mata, walang kain..walang tulog kasama nilang nahahagilap ng hustisya... 13 araw wala ng pulso..uudin man ang katawan ngunit hindi ang prinsipyo..

Narito ako... patuloy parin tumatakbo ang dugo sa ugat na lahing kayumanggi ... sa bansa ng imperyalistang yumurak sa dangal ng mga ninuno..tuloy parin ang laban dugo man sa ugat ay pumatak... sa pintasaw ng kalaban... hindi susuko ang magiting na madirigma ng MASA!

Tinalupang Ganda - kathanimona

"Tinalupang Ganda"

Hindi ako pangit..hindi maganda
Sa salamin aking nakikita ..
Dayuhang mukha ng imperyalista
Pangong ilong ..Singkit na mata,
Hindi morena.. balat na minana
Sa hayok sa laman na taga Espanya
Mata ni Limahong mula sa Tsina
Hawig sa mayuming si Maria Clara
Alahoy bakit kaya ganoon
Hinubaran na ng kultura
Tinalupan ng orihinal na ganda
Ang lahing kayumanggi
Anyo at kisig ay nag iba

Anang estranghero ikaw ba ay Koreana
Minsan kung ako daw ay Tsina
Haponesa naman kala ng iba..
Ano bang ikakatuwa
Na magmukang dayuhan
Ala ala ito ng pananakop
At paghindot sa inang bayan
Lupang mayaman
Pinamunuan ng mga Diyos diyosan
Pinaslang at ginahasa
Inagawan ng kabukiran
Apat na daang taon ng paghihirap
Ginawang dayukdok
Ang aking bayan
Ng gahamang Espanya at Hapon
Ngayon naman ay Amerika
Parang nguso ng aso
Doon tayo hila hila

Sa kumbento
Nagtago ang buwitre
Na sumasalakay sa hating gabi
Kunwa'y nagliligtas
Sa kaluluwang ligaw
Ngunit ang totoo
Sa kapangyarihan ay uhaw
Matatangos na ilong
Mapuputing balat
Patandaan na nalahian
Ng dugo ni Goliath
Gaya ni Padre Damaso
Ang paring damuho
Namudmod ng semilya
Sa halip na bibliya
Kayat huwag magtaka
Ibat iba ang itsura
Ng mga Pilipina
Na hinubaran ng laya
At angking ganda

***kathanimona"

Martes, Mayo 25, 2010

Pagharap sa Katotohanan - ni Anthony Barnedo

Pagharap sa Katotohanan
ni Anthony Barnedo
May 19, 2010

Ano kaya ang sasalubungin bukas,
Sa guhit ng kasaysayang walang wakas?
Ang damdaming tuluyang ng nagkadungis
Sa hapdi ng paghihirap at hinagpis.

Sa bawat pagpatak ng butil ng pawis
Kaakibat ang piliting makaalpas
Ng Dalitang pagkaapi ang dinanas
Sa tanikalang nag-umigpaw ang dahas.

Sa mugtong mata man palagi ang bakas
Ang tinik sa puso'y di na maaalis
Ang hapdi man ay mapawi't magkalunas
Dilim ay mananatiling nakabigkis.

Hangga't sistema'y sa bayan nakagapos
At ang iilan nga ay nagmamalabis
Demokrasya'y maskara lamang ng Burgis
Ng Kapitalistang tubo lang ang nais.

Paglaya ay lagi na lang kinakapos
Katotohanan ay di ba hinahaplos?
Halina't pagbabago ay gawing lubos
Pakikibaka't maigting na pagkilos.


(Tulang may labing dadalawahing pantig bawat taludtod.)

Miyerkules, Mayo 19, 2010

Aktibista Kami, Hindi Pulubi - ni greg bituin jr.

AKTIBISTA KAMI, HINDI PULUBI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

aktibista kami, hindi pulubi
aktibistang sa bayan nagsisilbi
ngunit bakit kinakawawa kami
turing sa amin ay mistulang api

tinanggap namin ang buhay na kapos
upang ipaglaban ang masa't musmos
dumidiskarte kami ng panustos
ngunit hindi kami namamalimos

sapagkat kami'y mga aktibista
dahil sa prinsipyo'y nagsama-sama
naglilingkod kaming tapat sa masa
sama-sama kaming nakikibaka

aktibista't pulubi'y naghihirap
ngunit magkaiba sila nang ganap
isa'y bagong sistema ang pangarap
habang isa'y pawang limos ang hanap

aktibista kami, hindi pulubi
kahit kung minsan, nanghihingi kami
yaon naman ay hindi pansarili
kundi panggagastos sa mga rali

pagkat ang rali'y mahalagang porma
ng aming pagkilos, pakikibaka
bagong sistema ang inaanyaya
ng mga tulad naming aktibista

aktibistang para sa manggagawa
at hindi pulubing kinakawawa
aktibistang sosyalismo'y adhika
at hindi pulubing prinsipyo'y wala

aktibistang para sa sambayanan
at hindi pulubing niluluraan
aktibistang handa na sa paglaban
at hindi pulubing niyuyurakan

kung nais mong tumulong, tumulong ka
huwag ka nang magdalawang-isip pa
samahan kami sa pakikibaka
hanggang ganap na manalo ang masa

aktibista kami, hindi pulubi
prinsipyo nami'y di ipinagbibili
sa pakikibaka'y nariyan kami
handang ipagtanggol ang masang api

Kaming Aktibista'y Bumubutas ng Lungsod

KAMING AKTIBISTA'Y BUMUBUTAS NG LUNGSOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kaming aktibista'y bumubutas ng lunsod
nang masa'y mapalaya sa pagkahilahod
sa kahirapan at dusang pumipilantod
sa mga obrero't maralita ng lungsod

binubutas din namin ang mga pabrika
upang mailantad ang pagsasamantala
ng mga hayok sa tubong kapitalista
lakas-paggawa'y binalasubas na nila

binubutas namin ang mga komunidad
upang kabulukan ng sistema'y ilantad
pagbabago ng lipunan ang aming hangad
sa dukha'y iangat ang kanilang dignidad

binubutas namin ang mga eskwelahan
nang malantad ang totoo sa kabataan
na edukasyo'y pribilehiyo ng ilan
kaya maraming nagtapos ng walang alam

pati kanayunan ay aming bubutasin
mga magsasaka'y aming oorganisahin
sa lahat at ilantad ang ating layunin:
pribadong pag-aari'y dapat nang tanggalin

halina't butasin na pati Malakanyang
hulihin at ikulong ang pangulong hunghang
na talagang nagpahirap sa mamamayan
tsapa ng pagkukunwari'y dapat alisan

kaming aktibista'y bumubutas ng lungsod
ang pagtatanggol sa masa'y kalugod-lugod
kaming tibak ay prinsipyado't walang pagod
masa'y makaaasa pagkat may gulugod

halina't butasin ang mga lunsod at nayon
diwa ng sosyalismo'y dalhin natin doon
sistema'y baguhin, tayo'y magrebolusyon
at kung kinakailangan, mag-insureksyon!

Biyernes, Marso 5, 2010

Ang aming Panata! - ni Polly Castillo-Hernandez

Ang aming Panata!
ni Polly Castillo-Hernandez

Taon taon tuwing Marso 8 ay ipinagdiriwang natin ang pandaigdigang araw ng kababaihan. Sa loob ng 365 days ay isang araw lamang binibigyan ng pagkilala at pagpapahalaga tayong mga kababaihan. Samantalang kung ating e –evaluate ang ating performance sa loob ng ating mga tahanan ay umaatikabong 99.9% ang ating makukuhang grado. Maging sa pabrika ay excellent ang ating pagtatrabaho. Ang Tanong? Bakit walang pagkilalang iginagawad sa atin?

Mula sa ating mga sariling tahanan, sa pabrika, komunidad lalo na sa lipunang ito ay hindi pinararangalan ang ating pagiging “Tanging ina, asawa, kapatid at anak."

"What is the Essence of being a woman?" Madalas na tanong sa mga beauty contest, ang sagot ay ang pagsisilang ng sanggol, tayo ang lumilikha ng mga bagong henerasyon. Mga kabataang pag-asa ng bayan.

Kung ganoon, dapat ang gantimpala ng mga kababaihan sa ganitong kahalagang papel na kanyang nagampanan at patuloy na ginagampanan ay isang malaya, masagana, panatag at ang ating pinakamimithing pagkakapantay-pantay. Ang ganitong pangarap at ating mithiin ay ipinakikipaglaban kung kayat dapat mula ngayon at sa mga susunod pang mga araw, ang ating panata ay KUMILOS, MANINDIGAN para sa pagbabago ng ating kalagayan.

Tayo ng magkapit-bisig at ituloy ang Laban! Babae, pag-asa ng Bayan!

Salamat po!

Miyerkules, Pebrero 24, 2010

Eleksyon o Rebolusyon - ni Aries Aves

ELEKSYON O REBOLUSYON
ni Aries Aves

panahon na naman ng eleksyon
ang daming mga paksyon
iba't ibang partido
samut saing politko

kanya-kanyang propaganda
upang silay makilala
ang ginagastang pera
galing daw sa bulsa nila

hindi nyo ba nakikita
gutom na ang masa
ang dami dami mo ng pera
bakit tumatakbo ka pa?

eleksyon o rebolusyon?
ito na ba ang tamang panahon?

sino ang pipiliin mo
lahat sila pare-pareho
walang ibang gusto
kundi makaupo sa pwesto

mayron dyan nag-aasta
sila daw ay anti-gloria
nang mabigyan sila ng pera
sila ay pro-gloria na

akala mo kung sino
sa loob ng kampus
na lilider-lideran
kurap din naman.

walang pinag-iba
kasama pala sila
kunwariy mga aktibista
mukhang pera pala

saan pupulutin
ang masang binitin
sa mga pangako
inilista sa tubig.