Pagharap sa Katotohanan
ni Anthony Barnedo
May 19, 2010
Ano  kaya ang sasalubungin bukas,
Sa guhit ng kasaysayang walang wakas?
Ang  damdaming tuluyang ng nagkadungis
Sa hapdi ng paghihirap at  hinagpis.
Sa bawat pagpatak ng butil ng pawis
Kaakibat ang  piliting makaalpas
Ng Dalitang pagkaapi ang dinanas
Sa tanikalang  nag-umigpaw ang dahas.
Sa mugtong mata man palagi ang bakas
Ang  tinik sa puso'y di na maaalis
Ang hapdi man ay mapawi't magkalunas
Dilim  ay mananatiling nakabigkis.
Hangga't sistema'y sa bayan  nakagapos
At ang iilan nga ay nagmamalabis
Demokrasya'y maskara  lamang ng Burgis
Ng Kapitalistang tubo lang ang nais.
Paglaya  ay lagi na lang kinakapos
Katotohanan ay di ba hinahaplos?
Halina't  pagbabago ay gawing lubos
Pakikibaka't maigting na pagkilos.
(Tulang  may labing dadalawahing pantig bawat taludtod.) 
 
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento