Martes, Mayo 25, 2010

Pagharap sa Katotohanan - ni Anthony Barnedo

Pagharap sa Katotohanan
ni Anthony Barnedo
May 19, 2010

Ano kaya ang sasalubungin bukas,
Sa guhit ng kasaysayang walang wakas?
Ang damdaming tuluyang ng nagkadungis
Sa hapdi ng paghihirap at hinagpis.

Sa bawat pagpatak ng butil ng pawis
Kaakibat ang piliting makaalpas
Ng Dalitang pagkaapi ang dinanas
Sa tanikalang nag-umigpaw ang dahas.

Sa mugtong mata man palagi ang bakas
Ang tinik sa puso'y di na maaalis
Ang hapdi man ay mapawi't magkalunas
Dilim ay mananatiling nakabigkis.

Hangga't sistema'y sa bayan nakagapos
At ang iilan nga ay nagmamalabis
Demokrasya'y maskara lamang ng Burgis
Ng Kapitalistang tubo lang ang nais.

Paglaya ay lagi na lang kinakapos
Katotohanan ay di ba hinahaplos?
Halina't pagbabago ay gawing lubos
Pakikibaka't maigting na pagkilos.


(Tulang may labing dadalawahing pantig bawat taludtod.)

Miyerkules, Mayo 19, 2010

Aktibista Kami, Hindi Pulubi - ni greg bituin jr.

AKTIBISTA KAMI, HINDI PULUBI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

aktibista kami, hindi pulubi
aktibistang sa bayan nagsisilbi
ngunit bakit kinakawawa kami
turing sa amin ay mistulang api

tinanggap namin ang buhay na kapos
upang ipaglaban ang masa't musmos
dumidiskarte kami ng panustos
ngunit hindi kami namamalimos

sapagkat kami'y mga aktibista
dahil sa prinsipyo'y nagsama-sama
naglilingkod kaming tapat sa masa
sama-sama kaming nakikibaka

aktibista't pulubi'y naghihirap
ngunit magkaiba sila nang ganap
isa'y bagong sistema ang pangarap
habang isa'y pawang limos ang hanap

aktibista kami, hindi pulubi
kahit kung minsan, nanghihingi kami
yaon naman ay hindi pansarili
kundi panggagastos sa mga rali

pagkat ang rali'y mahalagang porma
ng aming pagkilos, pakikibaka
bagong sistema ang inaanyaya
ng mga tulad naming aktibista

aktibistang para sa manggagawa
at hindi pulubing kinakawawa
aktibistang sosyalismo'y adhika
at hindi pulubing prinsipyo'y wala

aktibistang para sa sambayanan
at hindi pulubing niluluraan
aktibistang handa na sa paglaban
at hindi pulubing niyuyurakan

kung nais mong tumulong, tumulong ka
huwag ka nang magdalawang-isip pa
samahan kami sa pakikibaka
hanggang ganap na manalo ang masa

aktibista kami, hindi pulubi
prinsipyo nami'y di ipinagbibili
sa pakikibaka'y nariyan kami
handang ipagtanggol ang masang api

Kaming Aktibista'y Bumubutas ng Lungsod

KAMING AKTIBISTA'Y BUMUBUTAS NG LUNGSOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kaming aktibista'y bumubutas ng lunsod
nang masa'y mapalaya sa pagkahilahod
sa kahirapan at dusang pumipilantod
sa mga obrero't maralita ng lungsod

binubutas din namin ang mga pabrika
upang mailantad ang pagsasamantala
ng mga hayok sa tubong kapitalista
lakas-paggawa'y binalasubas na nila

binubutas namin ang mga komunidad
upang kabulukan ng sistema'y ilantad
pagbabago ng lipunan ang aming hangad
sa dukha'y iangat ang kanilang dignidad

binubutas namin ang mga eskwelahan
nang malantad ang totoo sa kabataan
na edukasyo'y pribilehiyo ng ilan
kaya maraming nagtapos ng walang alam

pati kanayunan ay aming bubutasin
mga magsasaka'y aming oorganisahin
sa lahat at ilantad ang ating layunin:
pribadong pag-aari'y dapat nang tanggalin

halina't butasin na pati Malakanyang
hulihin at ikulong ang pangulong hunghang
na talagang nagpahirap sa mamamayan
tsapa ng pagkukunwari'y dapat alisan

kaming aktibista'y bumubutas ng lungsod
ang pagtatanggol sa masa'y kalugod-lugod
kaming tibak ay prinsipyado't walang pagod
masa'y makaaasa pagkat may gulugod

halina't butasin ang mga lunsod at nayon
diwa ng sosyalismo'y dalhin natin doon
sistema'y baguhin, tayo'y magrebolusyon
at kung kinakailangan, mag-insureksyon!