BUDUL-BUDOL SA MARALITA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
Sa papel na binasa sa press conference ng mga maralita ay ilang ulit na binanggit ang Budul-Budol sa Maralita, na animo’y BBM kung iisipin. Budul-Budol sa Maralita ang administrasyon ni BBM. Pinakinggan naming mabuti ang pahayag na binasa ni Ka Orly, pangulo ng Samahan ng Mamamayan - Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO).
Nang tinanong naman ng nag-iisang taga-midya na dumalo si Ka Kokoy, pambansang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung ano ang iskor na ibibigay ng maralita sa administrasyong BBM sa paparating na SONA, walang kagatol-gatol na sinabi ni Ka Kokoy ay “Zero!” Ibig sabihin, walang napala ang maralita.
Kaya nang papalabas na ang mga maralita sa presscon, nakinig ako sa usapan nina Mang Igme, Igor, Aling Isay, Lola Inez, at Inggo, hinggil sa naganap na presscon. Tila isa iyong pagtatasa ng naganap na presscon.
Nagsalita si Mang Igme, lider ng isang samahan, “Mahusay na nasabi ng ating mga tagapagsalita ang ating paninindigan. Para sana sa malawak na masmidya iyan upang pakinggan naman nila ang maralita, subalit iisang midya nga lang ang dumating. Aba’y etsapuwera pa rin ang maralita kahit na nagpa-presscon tayo.”
Sumagot naman si Aling Isay, “Ano na naman bang aasahan natin sa lipunang ito, kung laging tingin sa maralita ay ayuda lang. Tingin ng mga pulitiko, pag nabigyan na tayo ng ayuda, tapos na ang problema natin, may boboto na sa kanila. Ang pakinabang lang naman ng mga pulitiko sa atin ay ang ating bilang, kaya sila nalalagay sa pwesto.”
Sumabad si Igor, “Iyan nga po ang isang problema nating mga maralita. Imbes na kauri natin ang dapat iboto, tulad ni Ka Leody de Guzman na tumakbo noong nakaraang halalan, at Luke Espiritu na lider-manggagawa para sa pagkasenador, ang ibinoto natin ay pulitikong di naman natin kauri, pulitikong mayayaman at bahagi ng political dynasty. Matagal nang napakababa ng tingin ng mga trapo sa ating maralita. Tagatanggap lang tayo ng ayuda. Dapat matigil na ang ganito at ipakita natin ang ating nagkakaisang pwersa upang labanan ang ganitong klase ng sistema at ipakitang tayo’y may dignidad din kahit na tayo’y dukha.”
“Para ka nang lider kung magsalita, Igor, ah!” sabi ni Lola Inez, “Kung sabagay, tama ka, mababa ang tingin sa atin ng lipunang ito. Tama rin si Igme. Di lang tayo salimpusa kundi etsapuwera talaga.”
"Ang tanong ay paano?" Ang sabi ni Aling Isay. "Pag nabigyan na ng ayuda ng kung sinong diyaskeng pulitiko ang mga iyan ay para bagang malaking utang na loob na nila upang iboto ang mga trapong iyan. Kapalit ng limang daang piso at boto ay tatlong taon namang pahirap, dahil sa kampanyahan lang naman tayo kilala ng mga iyan. Pagkatapos nilang manalo, hindi na tayo kilala. Mamatahin pa tayo. Haynaku."
Sumabad si Aling Inez, "Sa tanong mong paano ay napapaisip tuloy ako. Paano nga ba tayong magkakaisang maralita kung tayo mismo ay nagkakanya-kanya?"
Nagsalita uli si Igor, "Bakit ba walang nangyayari sa buhay natin gayong ilang beses na nating paulit-ulit ibinoboto ang mga iisang apelyido, iyang mga dinastiya, na hindi naman natin kauri. Tapos pag nanalo muli ang dinastiya na di natin kauri, saka natin sasabihin na nabudol na naman ang mga maralita.”
“Anong gusto mong mangyari, Igor?” Tanong ni Mang Igme.
“Simple lang naman, Ka Igme. Hindi sapat ang pagkilos natin dito sa ating komunidad. Patuloy pa rin tayong mag-organisa sa labas ng ating komunidad at ipaunawa sa kapwa natin maralita na dapat tayong magkakauri ang magdamayan at huwag ipaubaya sa mga pulitiko ang ating kinabukasan. Akala ng mga trapong iyan, hanggang ayuda lang tayo, na mabigyan lang tayo ng ayuda, iboboto na natin sila. Hindi na tayo pabubudol sa mga mapagsamantala. Dapat tayong kumilos at mamulat. Sabi nga sa kanta, 'Habang may tatsulok at sila ang nasa tuktok, di matatapos itong gulo.’ At ang bilin sa atin, 'Totoy, kumilos ka, baliktarin ang tatsulok. Tulad ng dukha ang ilagay mo sa tuktok.”
Sa gayon natapos ang kanilang pag-uusap. At nag-uwian na sila.
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Pre-SONA isyu, Hulyo 16-31, 2024, pahina 18-19.