Miyerkules, Marso 27, 2024

Maralita, hinarangan ng pulis sa rali

MARALITA, HINARANGAN NG PULIS SA RALI

nais lamang naming magpahayag
subalit pulis na'y nagsiharang
ang maralita't di nagpatinag
sa harap ng mga nakaabang

imbes makarating sa Mendiola
iparinig ang daing ng madla
ay hanggang doon lang sa Morayta
nagprograma't nakapagsalita

inihatid na lang sa FEU
marahil sa estudyante't guro
ang marami naming dalang isyu
parang bigas, pangakong pinako

tarangkahan ng pamahalaan
dapat ang mga isyu'y dulugan
gobyerno ba'y kinatatakutan
ang sarili niyang mamamayan?

- gregoriovbituinjr.
03.27.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos na "Kalbaryo ng Maralita",  umaga ng Marso 26, 2024

Martes, Marso 26, 2024

Kalbaryo ng Maralita

KALBARYO NG MARALITA

kanina, aming isinagawa
itong Kalbaryo ng Maralita
sa Mendiola kami patutungo
sa Morayta hinarangang buo

ng mga pulis ang maralita
sa Morayta na lang nagsalita
mga maralita'y di nasindak
kahit sangkaterba pa ang parak

isyu sana'y nais iparinig
sa Malakanyang at mga kabig
imbes Malakanyang, sa FEU
hinaing ay pinarinig dito

trabaho't pabahay, hindi ChaCha
ang 4PH ay hindi pangmasa
ang manpower agencies na linta
ay marapat nang buwaging sadya

tuloy ang pagtaas ng bilihin
at di mabayaran ang bayarin
sa lowcost housing at relokasyon
may banta pa rin ng demolisyon

dito'y aming mga panawagan
ChaCha ay ilantad at tutulan
ang krisis sa kabuhayan, klima
at karapatan ay wakasan na

4PH ay di pangmaralita
kaya isinusumpa ng dukha
4PH ay pangkapitalista
kaya dapat itong ibasura

di payag na sandaang porsyento
lupain ay ariin ng dayo
ang iskwater sa sariling bayan
ay di na dapat pang madagdagan

patuloy na nadaramang sadya
itong Kalbaryo ng Maralita
kailan ba giginhawa sila?
pag sistemang bulok, nabago na?

- gregoriovbituinjr.
03.26.2024

* ang litrato'y kuha ng makatang gala sa Kalbaryo ng Maralita, sa tapat ng UST bago magmartsa patungong Mendiola, Marso 26, 2024

Lunes, Marso 25, 2024

Pabasa 2024

PABASA 2024
para sa Kalbaryo ng Maralita

4PH pala'y negosyo
para sa ating gobyerno
kung di matatag ang sweldo
ay di ka puwede rito
4PH nila'y negosyo

para sa iskwater iyon
iniba ang depinisyon
para sa ISF ngayon
kung walang pambayad doon
ay di ka puwede roon

manggagawa'y nagtitiis
maging kontraktwal ng labis
habang manpower agencies
na linta sa manggagawa
ay laging nakabungisngis

presyo ng mga bilihin
pataas ng pataas din
aba'y dapat repasuhin
nitong Kongreso't Senado
ang wage fixing mechanism

iyang RA 9507
kondonasyon, restructuring
pahirap sa lowcost housing
pag di bayad ang bayarin
agad kang palalayasin

ang ChaCha ay panlilinlang
na naman sa mamamayan
ibebenta sa dayuhan
itong ating kalupaan
negosyo'y lalong yayaman

sandaang porsyentong lupa
aariin ng dayuhan
iyan ang nais ng ChaCha
iskwater sa ating bayan
lalong walang matitirhan

ang RA 9507
at 4PH, IBASURA
ibasura rin ang ChaCha
nais naming maralita
ay makataong sistema

- gregoriovbituinjr.
03.25.2024

* inihanda upang gamitin sa aktibidad na "Kalbaryo ng Maralita" mula UST España tungong Mendiola, Maynila, umaga ng Marso 26, 2024

Linggo, Marso 24, 2024

Itutulog ko na lang muna

ITUTULOG KO NA LANG MUNA

itutulog ko na lang ba itong hinaing?
bakasakaling mawala kapag nagising?
malulutas ba ito habang nahihimbing?

tandang dapat nang matulog ang paghihikab
at nais ko nang matulog katabi si Lab
nais magsulat ngunit antok na'y nanunggab

itutulog ko muna ang maraming paksa
itutulog ko muna ang aking pagluha
itutuloy na lang bukas ang ginagawa

diwata'y nais kong makasama sa ulap
habang nagpapalitan ng mga hinagap,
ng mga taludtod, talulot, pangungusap

ay, di muna tutula, ako'y tutulog na
pagkat paglalakbay ko'y mahaba-haba pa
at bukas na lamang muli tayong magkita

- gregoriovbituinjr.
03.24.2024

* dibuho mula sa google

Pangarap

PANGARAP 

pangarap ko'y lipunang makatao
ay maitayo ng uring obrero
walang pagsasamantala ng tao
sa tao, habang tangan ang prinsipyo

pangarap ko'y lipunang manggagawa
kung saan walang naapi't kawawa
lakas-paggawa'y binayarang tama
at di kontraktwal ang nasa paggawa

pangarap ko'y lipunang walang hari
walang tuso, kapitalista't pari
pangarap makapagtanim ng binhi
na ibubunga'y pantay, walang uri

pangarap ko'y makataong lipunan
na kung kikilos ay baka makamtan

- gregoriovbituinjr.
03.24.2024    

Sabado, Marso 23, 2024

Diskarte

DISKARTE

akala'y lagi akong wala sa sarili
na kung ano-ano na lang ang sinasabi
laging abala, nagmamadali sa gabi
nang naisip na talinghaga'y maitabi

lalo na't kayrami ng isyu't pangyayari
na ang dama ng loob ay di mapakali
tutunganga sa kawalan at atubili
di maialay ang tula sa binibini

tanong nila, tula mo ba'y saan binase
sagot ko, sa danas ng dusa, luga't peste
nilay sa paglakad nang walang pamasahe
lalo't madalas pang makaapak ng tae

may naging katoto nga akong anluwage
sa kalaunan ay aking naging kumpare
mabait sa una, ngunit naging salbahe
nang ako'y gustuhin ng crush niyang babae

sa baba, mga isyu'y inalam kong pirmi
na layon ay makapag-organisa kami 
tulungan ang masang sa isyu'y napipipi
at katukin ang gobyernong di naman bingi

- gregoriovbituinjr.
03.23.2024

Biyernes, Marso 22, 2024

Kalbaryo ng Maralita sa Mayaman St.

KALBARYO NG MARALITA SA MAYAMAN ST.

dumaan sa Daang Mayaman
ang Kalbaryo ng Maralita
kung saan aking dinaluhan
upang makiisa ngang sadya

mula Housing ay nag-Philcoa
sa Daang Masaya lumiko
at sa Mayaman nangalsada
at sa DHSUD kami patungo

nilantad ang sistemang bulok
ng kagawaran sa pabahay
umano'y negosyo ang tutok
kaya dukha'y di mapalagay

nawa ay kanilang makamit
ang karapatang ginigiit

- gregoriovbituinjr.
03.22.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa kanto ng Mayaman St. at Kalayaan Avenue sa Lungsod Quezon, Marso 22, 2024

Hustisya para kay Killua!

HUSTISYA PARA KAY KILLUA!

pinaslang ang asong si Killua
naluha ang ilan sa artista
extremely heartbreaking, ani Sarah
kaysakit nito, ani Janella

anang ulat, nang aso'y pinaslang
ay sa sako natagpuan na lang
sino kaya ang may kagagawan?
tila may galit sa asong iyan!

kung pinatay siya't isinako
di siya pulutan ng lasenggo
at di kinatay o inadobo
ngunit bakit kinitil ang aso?

dahil ba ngalang Killua'y may Kill?
kaya buhay ng aso'y kinitil?
katukayo niya'y isang hunter
sa palabas na Hunter x Hunter

aso man, hayop ay may buhay din
kapara ng taong may damdamin
kaya ako'y nananawagan din
ng katarungan na sana'y kamtin

- gregoriovbituinjr.
03.22.2024

* litrato ni Sarah Geronimo mula sa pahayagang Bandera, ni Janella Salvador sa Abante, at aklat na Animal Scene, Volume 23, na nabili ng makatang gala

Nais kong magbigay-tinig

NAIS KONG MAGBIGAY-TINIG

bilang tibak, nais kong bigyang tinig
ang maralitang animo'y nabikig
ang mga api't winalan ng tinig
ang pinagsamantalaha't ligalig

nilalayon ko bilang maglulupa
ang sila'y aking makasalamuha
at sa isyu sila'y mapagsalita
nang karapata'y ipaglabang sadya

bilang makata, aking inaalay
ang aking mga tula't pagsasanay
upang tinig ng dukha'y bigyang buhay
pagkat bawat tula'y kanilang tulay

tungo sa isang bayang makatao
sa lipunang ang palakad ay wasto
sa bansang di sila inaabuso
sa sistemang patas at di magulo

sa ganyan, buhay ko'y nakalaan na
ang bigyang tinig ang kawawa't masa
hustisya'y kamtin at pakinggan sila
ang baguhin ang bulok na sistema

- gregoriovbituinjr.
03.22.2024

* litrato ay notbuk ng makatang gala

Huwebes, Marso 21, 2024

Tingnan ang dinaraanan

TINGNAN ANG DINARAANAN

tingnan ang dinaraanan
sa gubat ng kalunsuran
o lungsod sa kagubatan
baka may ahas na riyan

pag nakaapak ng tae
tiyak babaho na rine
ibig sabihin, salbahe
kang may kaibang mensahe

ingat, baka ka madulas
sa iyong paglabas-labas
saan mang gubat, may ahas
saan mang lungsod, may hudas

may kasabihan nga noon
dapat marunong lumingon
sa pinanggalingang iyon
may utang kang buhay doon

isang kasabihan pa rin
na dapat nating namnamin:
ang lumakad ng matulin
kung matinik ay malalim

- gregoriovbituinjr.
03.21.2024 world poetry day