Martes, Nobyembre 8, 2011

Karahasan sa Kababaihan, Tigilan Na!

KARAHASAN SA KABABAIHAN, TIGILAN NA!
ni Greg Bituin Jr.

Kamakailan ay nabalita sa telebisyon ang pagdukot, panggagahasa't pagpatay sa isang babaeng estudyante ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) noong Setyembre 23. Ang biktima'y nakilalang si Given Grace Cebanico, 19 na taong gulang. Kasunod nito'y nabalita sa pahayagang Remate ang panggagahasa at pagpatay sa isang 9-anyos na batang babaeng natagpuan ang bangkay sa loob ng isang simbahan sa Muntinlupa noong Oktubre 27. Kahindik-hindik at nakagagalit ang mga balitang ito. Wala silang kalaban-laban at kinitlan pa ng buhay. Anong uri ng mga halimaw ang may kagagawan ng mga ito?

Napakarami nang karahasan sa mga kababaihan. Nariyan ang pisikal na karahasan, tulad ng pananakit at pagpatay; sekswal na karahasan, tulad ng panghihipo lalo na pag nalalasing, panggagahasa, pagtrato sa babae bilang sekswal na bagay o sex object, paggamit ng malalaswang salita; sikolohikal na karahasan, tulad ng pangangaliwa at pagmamanman (stalking); at pinansyal na pang-aabuso, tulad ng pagbawi ng sustentong pinansyal.

Dahil sa mga ganitong karahasan sa kababaihan, nagkaroon ng dalawang pandaigdigang araw ng kababaihan ang ginugunita sa buong mundo bilang paggunita at pagpapaalala na ang mga kababaihan ay taong may dangal at hindi dapat dinadahas. Ang una at mas kilala ay ang International Women's Day tuwing Marso 8, at ang ikalawa'y ang International Day for the Elimination of Violence Against Women tuwing Nobyembre 25. Sa dalawang ito'y mas madugo ang kasaysayan ng Nobyembre 25.

Ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan o International Women’s Day tuwing Marso 8 ay unang idineklara sa ikalawang Pandaigdigang Kumperensya ng Manggagawang Kababaihan sa Copenhagen na dinaluhan ng 100 kababaihan mula sa labimpitong bansa. Ipinanukala ito ni Clara Zetkin ng Social Democratic Party sa Alemanya na magkaroon ng ispesyal na araw para idulog ng kababaihan sa buong mundo ang kanilang mga karapatan.

Ang Nobyembre 25 naman ay idineklara ng United Nations (UN) noong 1999 bilang paggunita sa tatlong pinaslang na magkakapatid na babaeng Mirabal. Noong Nobyembre 25, 1960, sa utos ng diktador na si Rafael Trujillo ng Dominican Republic ay pinaslang sina Patria Mercedes Mirabal, María Argentina Minerva Mirabal at Antonia María Teresa Mirabal. Ang magkakapatid na babaeng ito'y nakibaka upang wakasan ang diktadurya ni Trujillo. Mula 1981 ay ginugunita na ng mga aktibista para sa karapatan ng kababaihan ang Nobyembre 25 bilang paggunita sa tatlong babaeng ito. At noong Disyembre 17, 1999, idineklara ng UN General Assembly ang Nobyembre 25 ng bawat taon bilang International Day for the Elimination of Violence Against Women.

Mula rito'y itinatag na rin ng mga kababaihan ang 16 Days of Activism Against Gender Violence mula Nobyembre 25 (International Day for the Elimination of Violence Against Women) hanggang Disyembre 10 (International Human Rights Day) upang simbolikong iugnay ang karahasan sa kababaihan sa karapatang pantao at idiin na ang mga karahasan sa kababaihan ay paglabag sa karapatang pantao. Matatamaan na rin sa 16 na araw na ito ang Nobyembre 29 na kilalang International Women Human Rights Defenders Day, at Disyembre 6 na anibersaryo naman ng Montreal Massacre, kung saan pinaslang noong Disyembre 6, 1989 ang labing-apat na kababaihan sa Engineering Building ng École Polytechnique sa Montreal sa Canada. Ang mga makasaysayang araw na ito ng mga kababaihan ay hindi dapat kababaihan lamang ang gumunita kundi ang mga kalalakihan din. Pagkat meron din silang inang pinagkautangan ng buhay, asawang nagbigay ng kanilang mga anak, mga kapatid na babae, anak na babae, at mga kaibigang babae. Anupa't kalahati ng buong mundo'y pawang kababaihan.

Kaya hindi lamang tuwing Marso 8 dapat maging aktibo sa pakikibaka ang mga kababaihan kundi sa Nobyembre 25 din, at sa 16 na araw mula rito hanggang Disyembre 10, upang igiit, kilalanin at respetuhin ang kanilang mga karapatan. Sana, sa pagsasagawa ng mga aktibidad sa mga araw na ito’y mabawasan na ang mga karahasan sa kababaihan, lalo na sa mga bata. Ang pagsasabatas ng Republic Act No. 9262 (2004) o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act ay isa nang malaking hakbang upang bigyang proteksyon ang mga kababaihan at kanilang mga anak na nakararanas ng pang-aabuso o karahasan.

At higit sa lahat, hindi dapat masayang ang mga araw ng paggunitang ito sa mga kababaihan sa buong mundo at sa pagsasagawa ng mga aktibidad sa mga araw na ito upang kilalanin ang karapatan ng kababaihan sa buhay, dignidad, at pantay na pagtrato. Itigil na ang mga karahasan sa kababaihan!

Hustisya kay Given Grace at sa lahat ng mga babaeng biktima ng karahasan!

Mabuhay ang ating mga ina, asawa, kapatid at anak na babae! Mabuhay ang mga kababaihan!

Walang komento: