Sabado, Oktubre 31, 2009

Ang Tunay na Hukbong Mapagpalaya

ANG TUNAY NA HUKBONG MAPAGPALAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

uring manggagawa, kayo pa ba'y tulog pa?
rebeldeng sundalo sa inyo'y papalit na

sila daw ang bagong hukbong mapagpalaya
payag ba kayo dito, mga manggagawa?

di na ba maaasahan itong obrero
kaya ipapalit ay rebeldeng sundalo

tila nagbago ang landas ng rebolusyon
rebeldeng sundalo'y pangunahin na ngayon

nagbago na ba ang inyong paniniwala
na uring manggagawa ang mapagpalaya?

hindi na ba ninyo pinaninindigan pa
na kayong obrero ang pag-asa ng masa

bakit tayo naghahanap ng ibang pwersa
kung sa manggagawa'y naniniwala ka pa

yayakapin ba nitong rebeldeng sundalo
ang sosyalismong nilalayon ng obrero

payag ba silang ang pag-aaring pribado
ay tanggalin sa kanila sa sosyalismo

natitiyak nyo bang magiging sosyalista
ang rebeldeng sundalo o sila'y pasista?

paano mo matitiyak na di pasismo
ang kanilang paiiralin pag nanalo

baka pag nangyaring sila ang nakapwesto
ay agad durugin ang kilusang obrero

nasaan na ba ang iyong sampalataya
sa rebeldeng sundalo ba o manggagawa?

alam mo bang magkaiba silang dalawa
sa kung paano palalayain ang masa?

mga rebeldeng sundalo'y nasyunalista
uring manggagawa'y internasyunalista

kalaban ng rebeldeng sundalo'y Arroyo
kalaban ng manggagawa'y kapitalismo

mga sundalo'y hanggang elektoralismo
pag napwesto'y baka mauwi sa pasismo

ang uring manggagawa'y hanggang sosyalismo
na kaganapan ng misyon nila sa mundo

iniisip ng rebeldeng sundalo'y bansa
at maglilingkod kahit buhay ay itaya

manggagawa'y walang kinikilalang bansa
pagkat lahat ng bansa'y dapat mapalaya

di misyon ng sundalo itong sosyalismo
pagkat ito'y dakilang misyon ng obrero

hinay-hinay lang, mga kasama't kapatid
baka iwing buhay nati'y agad mapatid

hindi ba't maraming aktibista'y pinaslang
ng mga ala-Palparang sundalong halang

kung di ka sang-ayon sa nangyayaring ito
aba'y organisahin ang kapwa obrero

maaasahan pa ba itong manggagawa
oo, pagkat sila'y hukbong mapagpalaya

gumising na manggagawa sa pagkaidlip
ating itatag ang lipunang nasa isip

huwag ipasa sa iba ang inyong misyon
palayain ang mundo ang sa inyo'y hamon

sintalim ng karit ang talas ng isipan
at sintigas ng maso ang paninindigan

ganyan dapat manggagawa'y mailarawan
pagkat sila ang magbabago ng lipunan

tanging ikaw lamang, o uring manggagawa
sa mundo'y tunay na hukbong mapagpalaya

kaya manggagawa, huwag mag-alinlangan
pagiging mapagpalaya'y pangatawanan

manggagawa sa buong mundo, magkaisa
halina't palitan ang bulok na sistema

walang mawawala kundi ang tanikala
ng pagkaalipin ng uring manggagawa

pasiklabin na ang rebolusyong obrero
at maghanda nang itatag ang sosyalismo


Walang komento: