O, Inang Kalikasan (Hagupit ni Ondoy)
ni Anthony Barnedo
Dumating na ang panahon at ang ngitngit ay sumabog
Isang matalim na paghamon buong mundo'y kinabog
Daang buhay ang nagbuwis mula sa bagyong nahubog
Hagupit ni Inang Kalikasan sa pagkakabugbog.
Naggagandahang tahanan, nasa paanan ng bundok
At bahay sa tabi ng ilog na tila marurupok
Sa ragasa nitong mababangis na bahang naghahamok
O, si Inang Kalikasan ay sadyang naghihimutok.
Kinalbong kagubatan basta iniwan pagkaraan
Dinungisang karagatan walang paking pinagmasdan
Umiyak ang langit nakiramay sa karahasan
Pagkayurak sa kapurihan ni Inang Kalikasan.
Marami ang nagdadalamhati sa sakunang naganap
Kapitalista'y nagkaisa biyaya'y lumaganap
E, sila ang pasimuno kaya delubyo'y nalasap
kay Inang kalikasan troso't usok ang nagpahirap.
Kahabaghabag nga itong larawang pinagmamasdan
Hanapin ang may kasalanan, sukdulang parusahan
Pag-uusig ay dumating, sinong biktima sa atin?
Sisihin si Inang Kalikasan, s'yang kanlungan natin.
Tulang may labing anim na pantig bawat taludtod.
Ang tulang ito ay nabuo noong Sept. 28, 2009 habang ang lahat ay nakatutuk sa bawat detalye ng balita sa sinalanta ng bagyong Ondoy.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento