Biyernes, Disyembre 25, 2009

Mga Rosas sa Hardin ni Inang - ni Merck Maguddayao

MGA ROSAS SA HARDIN NI INANG
ni Merck Maguddayao

Nangawala ang mga rosas
Sa hardin ng aking Inang,
Dahil ito'y pinitas
Ng mga kabinataa't kadalagahang
Natangay sa agos ng pagliyag.

Nangawala ang mga kabinataan,
Sa romansang pambata sila'y umalpas.
Maging mga kadalagaha'y di nagpaiwan,
Sila'y tumindig at nangahas,
Natangay sa agos ng pag-aaklas.

Nangawala ang mga nagsipag-aklas -
Silang mga tumungo sa kalsada,
Naging aktibista, organisador o di kaya'y nag-armas,
Hinarap ang kulog ng "truncheon" at ulan ng bala,
At natangay ng agos ng pandarahas.

Nangawala ang mga mararahas
Sa Gobyernong tiwali at puno ng ahas,
Isinuko ang kapangyarihan at armas,
Sa taongbayang sama-samang bumalikwas.
Lumang sistema'y nilamon ng
Pag-agos ng Rebolusyon.

Tumubong muli ang mga rosas
Sa puntod ng aking Inang
At ng libong mapangahas
Na kabinataa't kadalagahan.
Ang tubig ay muling umagos
Sa bukal ng malayang lipunan.

Walang komento: