Huwebes, Disyembre 3, 2009

proletaryo, mala-proletaryo, lumpen-proletaryo

proletaryo, mala-proletaryo, lumpen-proletaryo
ni Gem de Guzman

Sa pagsusuri ng mga uri, may tinatawag na uring manggagawa (proletaryo) at meron ding uring mala-manggagawa (mala-proletaryo) at lumpen-proletaryo. Hindi pare-pareho ang mga ito pero may komon na problema at interes. Pare-pareho silang maralita o kalakhan sa kanila ay maralita liban sa mga manggagawa ng malalaking korporasyon at gubyerno na may malalaking sweldo at di na maituturing na nagdarahop o dumadanas ng karalitaan. Ang mga manggagawa ng Victoria Textile and Garment sa Cainta ay maituturing na maralita, kabilang sila sa uring manggagawa. Ang mga vendors sa na kasapi ng MMVA sa Philcoa ay maituturing na maralita, kabilang sila sa mala-manggagawa. Ang mga nakatira sa tabing creek sa likod ng Philcoa Building ay maituturing na maralita, sila rin mismo ang mga nagtitinda sa Philcoa. Ang mga manggagawang bukid sa kanayunan ay maralita rin, sila ay kabilang sa uring manggagawa. At ang maliliit na magsasaka sa mga probinsya ay mga maralita rin, sila ay matatawag na mala-manggagawa kung di kasya ang ani nila sa kanilang ikabubuhay at kailngang magpaupa ng lakas-paggawa para mabuhay.

Yung mga isnatcher, GRO sa mga bar, pick-up girls ay tinatawag na lumpen-proletariat. Maralita rin sila. Yun ang ikinabubuhay nilang gawain.

Ang proletaryo, mala-proletaryo at lumpen-proletaro ay pawang walang ari-ariang kagamitan sa produksyon.

Meron ding uring magsasaka -- maliit, panggitna (na nahahati pa sa 3 saray) at mayaman. Yung maliit na magsasaka ay maituturing ng mala-proletaryado sa kanayunan dahil may bahagi ng kita niya sa isang taon na galing sa pagbebenta ng lakas-paggawa bukod pa sa inani o tinubo sa tanim sa kanyang lupa. Kabilang sa uring manggagawa (proletaryo) ang mga magbubukid na walang saka at nagpapaupa ng lakas-paggawa para mabuhay. Sila man ay maralita rin.

Ang tinatawag ninyong "maralita" ay misnomer sapagkat ang terminong maralita ay malawak ang sinasaklaw na mga uri o grupo ng tao. Pero sa pagkakagamit ninyo, ang maralita ay tumutukoy lang halos sa grupo ng tao na di-swelduhan (kaya alien sa kanila ang P125 na kahilingan) at nakatira sa di niya lupa, o sa relocation area ng gubyerno. Sa totoong buhay, hindi lang sila ang maralita. Ang terminong maralita ay isang deskripsyon ng kanilang kalagayan sa buhay hindi pangalan ng isang uri o grupo ng tao.

Sa kabilang banda, ang mga manggagawa sa modernong panahon ay ang mga swelduhan--sa industriya, komersyo, agrikultura, gubyerno, serbisyo. atbp. Meron silang employee-employer relationship, pormal man o di-pormal. Yaong mga di kabilang dito ay di manggagawa. Let's call a spade a spade.

Ang pagsusuri sa mga uri ay gabay ng mga rebolusyonaryo sa kanilang pagkilos at pagtatakda ng linya at taktika ng rebolusyon. Sino ba ang kaibigan, kaaway, panadalian, pangmatagalan, maasahang pwersa etc. Hindi iyon ginawa para sa diskusyong akademiko, manapay magsilbi sa praktikal na plano ng rebolusyon.

Mahalaga ang pagsusuri sa mga uri sapagkat ang nagdedetermina o nagtatakda ng consciousness o kamalayan ng isang tao o grupo ng mga tao ay ang kanyang pang-ekonomyang kalagayan. Iba ang kamalayan ng manggagawa sa isang taong tumutubo o kumikita mula sa pawis ng iba. Iba ang kamalayan ng manggagawang sumusweldo kaysa sa masang kumikita pero alang employer o panginoon.

Tungkol naman sa islogang "uring manggagawa, hukbong mapagpalaya". Di talaga naiintindihan pa yan ng malawak na masa. Sinasalamin yan sa halimbawang ipinrisinta ng kasama na ang masang "maralita" ay hinahanap ang mga manggagawa para iligtas sila sa demolisyon. Yan ang pagkakaunawa niya sa islogang nabanggit. Black Rider o Darna ang kanilang inaasam-asam o MANUNUBOS. Ang islogang ito ay pinaikling salita sa (1) namumunong papel ng uring manggagawa sa rebolusyon, bakit uring manggagawa lang ang maasahan, anong katangian meron sila na wala sa ibang uri?, (2) Ano ang gagawin ng talibang partidong proletaryo para magampanan ng uring manggagawa ang istorikal na tungkulin nito para sa sangkatauhan? pagmumulat sa malawak na manggagawa hanggang sa maging class-conscious ang uring manggagawa, pangunguna ng uring manggagawa sa pakikibaka para sa demokrasya bilang preparasyon niya sa kanyang tungkuling kunin ang kapangyarihan at itatag ang gubyerno ng manggagawa at sosyalismo. Pag naririnig ko ang islogang yan, naitatanong ko sa sarili ko---sino ang nakakaintindi dun? ano ang silbi nito kung alang nakakaintinding masa?


Gem

Walang komento: