Linggo, Marso 25, 2012

Ang Dalaga sa Bilibid Viejo - ni G. Bituin Jr.

Ang Dalaga sa Bilibid Viejo
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Halos mabasag ang panga ni Brando, ang siga sa lugar na iyon sa Quiapo, nang masuntok ng isang magandang babaeng hinoldap niya. Sa kapapanood niya ng pelikula nina Jet Lee, tila maalam sa kung fu ang babae. Umaringking siya sa sakit, ngunit di nagpahalata. Tumalikod siya’t mabilis na tumalilis upang di mamukhaan ng babae.

Siya, si Brando, ang siga sa lugar na iyon sa Quiapo, sa lugar na pinangalanang Bilibid Viejo St. Ayon sa kasaysayan, sa kinatatayuan ng lugar nila mismo binitay ng mga Amerikano ang rebolusyonaryong bayaning si Macario Sakay, pati na ang kanyang kasamang si Lucio De Vega.

Malapit lang ang Bilibid Viejo sa iba’t ibang unibersidad na sakop ng University Belt area. Dito nakatira at laging nakatambay si Brando. Patulong-tulong siya sa kanyang ina sa maliit nitong karinderya. Ngunit nababagot siya sa gawaing iyon, kaya naghahanap siya ng ibang mapapagkakitaan. At dahil wala namang natapos at pulos pakikipagbarkada lang ang alam, pinasok niya pati pagdudroga at panghoholdap. At iyon nga, nakatapat niya ang matapang na babaeng nanapak sa kanya.

Dalawang araw ang nagdaan, napansin ni Brando na parang ang babaeng hinoldap niya ay naroon sa Bilibid Viejo at isa sa bagong border ng kanilang kapitbahay. Kanina lang ay bumili ito sa kanyang inang maysakit na nagtitinda-tinda ng kung anu-ano sa may kanto. Nais niyang makilala ang babae, ang magandang babaeng kayganda ng mga ngiti, ang babaeng di niya naisahan at unang nakaalpas sa kanya, ang tanging babaeng nakagulpi sa kanya.

Kinaumagahan, papungas-pungas pa siyang ginising ng kanyang ina. “Hoy, Brando, gumising ka nga diyan at pagbilhan mo muna yung babae at masakit ang balakang ko.” Laking gulat niya nang makitang ang babaeng nanapak sa kanya ang bumibili. Nagulat din ang babae nang makita siya. “Ikaw ang nangholdap sa akin nung isang araw, ah! Buti na lang nakawala ako sa iyong hayup ka!” Ito ang pabulyaw na sabi ng babae, sa harap pa naman ng maraming kumakain doon.

“Brando! Nakilala ka ng biktima mo, ah!” sabi ni Berto, isang barangay tanod.

Nagpanting sa galit si Aling Ema, ang nanay ni Brando. Nasapok niya si Brando sa harap ng marami. Nanliit sa hiya ni Brando. Di niya maitanggi ang kanyang ginawa, at bigla niyang nahawakan ang panga niyang inabutan ng sapak ng babae.

Kinahapunan, umalis siya ng kanilang bahay. Di na siya nakapagpaalam sa kanyang ina, nais niyang mabura sa isipan ang kahihiyang sinapit. Gusto niyang maglayas. Ngunit laking gulat niya ng makita niya muli ang babae. Tila, inaabangan siya. Si Ara. May kasama ito. “Brando, maari ba kitang makausap?” ani Ara. “Magmeryenda muna tayo.”

Nahalina si Brando sa magandang ngiti ng babae at magiliw na pakikitungo nito sa kanya na parang di niya ito hinoldap nung isang araw. Kaya sumama siyang kumain ng hamburger sa kanto ng Bilibid Viejo at Matapang St. “Nakausap namin ang nanay mo. Nagtataka raw siya kung bakit mo ginawa iyon, gayong kahit maysakit siya'y nakakaraos naman daw kayo. At naabutan ka naman daw niya ng kahit kaunting barya. Alam mo, sayang ka, guwapo ka pa naman! Kung ginagamit mo sa kabutihan ang tapang mo, mapapakinabangan ka pa ng bayan. Ilang beses mo na bang ginagawa iyon?” Tanong ni Ara.

“Pangatlo ko lang iyon, Bos. Nagbabaka-sakali lang, para pandagdag sa pambili ng gamot ni ermat. Lagi kasing inuubo, eh. Sa hirap kasi ng buhay, di ako makadiskarte ng matino, Bos."

“Ara na lang itawag mo sa akin. Sabi ng nanay mo, pinapag-aral ka raw, ayaw mo namang mag-aral.”

“Paano pa ako mag-aaral, mga kaklase ko, mga bata. Grade 5 nga lang naabot ko.”

“Wala ka bang pangarap? Ano plano mo sa buhay? Halimbawang trenta anyos ka na, o kaya singkwenta anyos ka na, anong gusto mong maging?” Tanong muli ni Ara.

Napatungo na lang si Brando. “Di ko alam kung paano na mangarap. Mahirap naman kung pangarapin kong maging presidente ng Pilipinas, o kaya piloto ng eroplano, di nga ako nakapag-aral. Tiyak, labas ko nito, tagawalis ng kalsada.”

“Pwede ka pang mangarap, Brando,” sabi ni Ara. “Tulad namin, kailangan mong pag-aralan ang lipunang ito. Alam mo ba kung bakit may dukha, kung bakit laksa-laksa ang naghihirap at may iilang yumayaman, kung bakit naghihirap ang mga masisipag na manggagawa, habang lumulobo sa yaman ang iilang may-ari ng kumpanya? Bakit pag nang-umit ng isang plastik na tinapay ang maralitang nagugutom, kulong agad, pero ang malakihang pagnanakaw ng mga pulitiko sa pondo ng bayan, hanggang sa ospital lang, tulad ni Gloria.”

“Di ko alam iyan, at wala akong panahon diyan. Ang kailangan ko’y pera para mabili ko dapat bilhin,” tumayo na siya’t akmang aalis.

“Hintay muna, Brando. Eto nga pala ang sandaang piso, makakatulong ito sa iyo kahit konti. Nag-ambagan kami ng kaibigan ko para ibigay iyan sa iyo. Huwag ka sana muling manghoholdap, baka makulong ka na sa susunod. At saka bago ka umalis, samahan mo muna kami. Diyan lang sa Mendiola, mga dalawang oras lang, tapos pamimiryendahin ka muli namin.” Sabi naman ng kasama ni Ara, si Mina.

Naisip ni Brando na umalis na dahil nahihiya siyang makaharap ang dalawang ito. Hinoldap na nga niya si Ara, pero nakawala ito nang masapak siya nito. Tapos sasama pa siya sa mga ito. Ngunit di siya nakawala sa dalawa. Para itong mga amasona na inakbayan siya. Buti na lang magaganda ang dalawang ito at kaysarap amuyin ng kanilang pabango. Naglakad sila hanggang Mendiola. Marami nang tao doon. Ibinigay ni Mina kay Brando ang isang plakard. “Nababasa mo ba ito?”

“Marunong naman akong magbasa, Grade 5 nga inabot ko, eh.” Binasa niya ang nakasulat: “Presyo ng Langis at LPG, Ibaba! - Sanlakas - BMP - KPML - PLM”.

Sa isip ni Brando, alam na nina Ara at Mina kung saan siya pupuntahan. Makakapangholdap pa ba siya? Pero naisip niya, buti na lang di siya ipinapulis ng mga ito’t baka ngayon, nasa bilibid na siya. Hawak ang plakard ay nakinig na lang siya sa mga nagsasalita sa trak. Maya-maya, tinawag si Ara para magsalita.

Hawak ni Ara ang megaphone at sinabi nito: “Naririto tayo ngayon upang ipaglaban ang ating mga karapatan! Tinanggalan ng bahay ang ating mga kasamang maralita sa Mariana, Tatalon, at R10. Biktima ng kontraktwalisasyon ang marami nating manggagawa. At ngayon, patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis at LPG! Apektado ang iba pang bilihin! Walang magawa ang gubyerno kundi sundin ang atas ng mga kauri nilang kapitalista! Walang mapala ang mamamayan sa kanila, kundi pawang kahirapan! Nasaan na tayo, kabataan? Kailangan ba nating mangholdap na lang para maibsan ang ating kahirapan, para may pandagdag gastos para makabili ng gamot ng ating ina, gayong pinahihirapan natin ang ating kapwa? O ang tama ay makibaka tayo para baguhin ang ating kalagayan sa ilalim ng kapitalistang sistemang ito na yumurak sa dangal ng ating pagkatao at dahilan ng pagkawasak ng buhay ng marami? Halina, mga kapwa ko kabataan! Pag-aralan natin ang lipunan at makibaka tayo para sa isang makatarungang lipunan para sa lahat. Rebolusyon! Halina’t ipaglaban natin ang sosyalismo hanggang sa tagumpay!”

Nakatitig si Brando kay Ara. Ang ganda-ganda ni Ara. At pagkaganda-ganda ng kanyang sinabi, nanunuot sa kaibuturan ng kanyang diwa. Tama si Ara, sa isip-isip niya. Bakit nga ba siya manghoholdap kung kapwa niya mahihirap ang binibiktima niya? Mayaman na lang kaya ang kanyang biktimahin? O ang mas mabuti, makiisa siya kina Ara para ipaglaban ang isang magandang bukas?

Natapos nang magsalita ni Ara, at iniabot na sa iba ang megaphone. Ngunit si Brando, nakatulala kay Ara. Parang umaalingawngaw pa rin sa kanyang pandinig ang mga salitang pinagdiinan ni Ara kanina sa megaphone: Rebolusyon. Sosyalismo. Ano ang mga ito? “Maraming salamat, Ara. Nabuksan ang isip ko ng sinabi mo. Ayaw ko nang mangholdap, pero di ko alam ang gagawin ko.”

"Totoo ba iyan, wala nang holdap-holdap, ha? Pangako?"

"Pangako," nagugulumihanang sagot ni Brando.

“Mabuti pa, sumama ka na lang sa sunod na rali namin. Pero bago iyon, may pag-aaral mamaya sa tinutuluyan ko. Ang paksa “Aralin sa Kahirapan”, dalo ka doon, ha? At saka usap pa tayo. Marami pa tayong pag-uusapan. Papunta na nga pala kami roon.” Tumango siya. Mula Mendiola, sabay silang bumalik ng Bilibid Viejo.

Bagong buhay, bagong pangarap, bagong pag-asa. Ito ang naramdaman ni Brando sa mga bago niyang kaibigan. Ang nais niyang takasang Bilibid Viejo noon ay binago ng dalagang nakilala niya't nanirahan na sa kanilang lugar sa Bilibid Viejo.

Walang komento: