Isang Gabi sa Bisperas ng Kwadrisentenaryo
ni Diego Vargas
Marahan at panaka-naka’y biglaan,
Tuloy-tuloy lang ngunit minsan ay di-banaag, di-alintana ninuman:
Ginagahasa ang kabundukan, pinagsasamantalahan.
Ang mga dambuhalang puno na bantay sa kanyang mapagkupkop na kalooban
Ay isang iglap pinagpuputol at binuwal.
Sapagkat yari na ang mga magagarang hotel na masarap tulugan at tuluyan,
Kalsadang patungo doon ay kagyat nang dapat luwangan
anumang sagabal ay puksain, ibuwal at sementuhan.
Sa gabing mainit na sumasalubong sa pagdating ng isang napakainit na tag-araw
ay huwag nang mag-isip ng kung anu-ano kaibigan
Maglakad-lakad at magmuni-muni na lang kaya ikaw muna sa madilim na kakahuyan
at baka doo’y muling palarin,
ang kuwago ay muling matyempuhan
at sa gabi ay makahuntahan.
Mga tao’y baka maalimpungatan, mabalisa o magulantang
Sila’y nahihimbing at nanaginip ng isang masayang pagsapit
Ng ika-apat na daan taong kaarawan
Ng kanilang luntiang bayan.
Los Baños
Linggo, Marso 30, 2014
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento